2013
Elder Adrián Ochoa
Mayo 2013


Elder Adrián Ochoa

Ng Pitumpu

Elder Adrián Ochoa

Habang naglilingkod bilang Area Seventy sa Mexico, ginugol ni Elder Adrián Ochoa ang ilang araw sa lungsod ng Chihuahua sa pakikipagpulong sa stake president at iba pa, pagkatapos ay sumakay ng eroplano pauwi. Ngunit nang nakaupo na siya sa eroplano, nakatanggap siya ng malakas na espirituwal na pahiwatig na hindi pa tapos ang kanyang gawain sa Chihuahua.

Ang flight crew ay naghahanda na sa paglipad ng eroplano. “Pero,” sabi ni Elder Ochoa, “alam ko na kailangan kong bumaba sa eroplanong iyon.” Kaya’t bumaba siya. Magkakasunod na interbyu na nagbunga ng mahalagang impormasyon ang lumutas sa isang mahirap na isyu at nagtulot sa espirituwal na pag-unlad ng isang pamilya.

Ngunit hindi pa tapos ang gawain ni Elder Ochoa sa Chihuahua. Inakay rin siya ng Espiritu sa simpleng tahanan ng isang pinsan na maraming taon na niyang hindi nakikita. Natagpuan niya ang kanyang pinsan—na hindi na aktibo sa Simbahan—at ang kanyang pamilya na naghihikahos. “Alam ko na ang Simbahan at si Cristo ang solusyon sa kanilang problema. Pinakiusapan ko ang aking pinsan na bumalik sa simbahan,” sabi niya.

Bumalik sa pagiging aktibo ang kanyang pinsan, at naibalik ang magandang samahan ng pamilya. Nasagip ng Panginoon ang ilang buhay sa Chihuahua dahil sa isang taong nakinig sa mga pahiwatig ng Espiritu.

Lahat ng tao ay makatatanggap ng gayong mga pahiwatig na nagpapabago ng buhay, patotoo ni Elder Ochoa, na nanungkulan sa iba’t ibang tungkulin sa Simbahan habang nagtatrabaho sa advertising field. Siya ang nangulo sa Honduras San Pedro Sula Mission mula 2004 hanggang 2007 at, mula 2009 hanggang matawag siya sa Pangalawang Korum ng Pitumpu, naglingkod bilang pangalawang tagapayo sa Young Men general presidency.

Isinilang noong Marso 1954 sa San Francisco, California, USA, sa mga magulang na sina Eduardo at Consuelo Ochoa, lumaki siya kapwa sa California at Mexico. Noong kabataan niya, siya ay tinawag na maglingkod sa isang espesyal na public affairs mission sa Mexico. Siya at ang kanyang asawang si Nancy Villareal ay ibinuklod sa Mexico City Temple. Mayroon silang limang anak.