2013
Ang Pagsunod ay Nagdudulot ng mga Pagpapala
Mayo 2013


Ang Pagsunod ay Nagdudulot ng mga Pagpapala

Ang kaalaman sa katotohanan at ang mga sagot sa ating malalaking katanungan ay dumarating sa atin kapag sinusunod natin ang mga kautusan ng Diyos.

Pangulong Thomas S. Monson

Mahal kong mga kapatid, nagpapasalamat ako na nakasama ko kayo sa umagang ito. Hiling ko ang inyong pananampalataya at mga panalangin sa pagtugon ko sa pribilehiyong magsalita sa inyo.

Sa lahat ng panahon, ang mga kalalakihan at kababaihan ay naghahanap ng kaalaman at pagkaunawa tungkol sa mortalidad na ito at sa kanilang katayuan at layunin dito, gayon din kung paano magkaroon ng kapayapaan at kaligayahan. Bawat isa sa atin ay bahagi ng paghahanap na iyan.

Ang kaalaman at pagkaunawang ito ay maaaring makamtan ng lahat ng tao. Ang mga ito ay nakapaloob sa mga katotohanan na walang hanggan. Sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 1, talata 39, mababasa natin, “Sapagkat masdan, at narito, ang Panginoon ay Diyos, at ang Espiritu ang nagpapatotoo, at ang patotoo ay tunay, at ang katotohanan ay mananatili nang magpakailanman at walang katapusan.”

Isinulat ng isang makata:

Langit ma’y pumanaw, at mundo’y magiba,

Ang katotohana’y, hindi masisira,

Buhay nati’y ito ang layon.1

May magtatanong, “Saan matatagpuan ang katotohanan, at paano namin makikilala ito?” Sa paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, noong Mayo ng 1833, ipinahayag ng Panginoon:

“At ang katotohanan ay kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa. …

“Ang Espiritu ng katotohanan ay sa Diyos. …

“At walang taong tatanggap ng kabuuan maliban kung siya ay sumusunod sa kanyang mga kautusan.

“Siya na sumusunod sa mga kautusan [ng Diyos] ay tumatanggap ng katotohanan at liwanag, hanggang sa siya ay maluwalhati sa katotohanan at malaman ang lahat ng bagay.”2

Napakagandang pangako nito! “Siya na sumusunod sa mga kautusan [ng Diyos] ay tumatanggap ng katotohanan at liwanag, hanggang sa siya ay maluwalhati sa katotohanan at malaman ang lahat ng bagay.”

Hindi na natin kailangan, sa panahong ito na puno ng kaalaman dahil naipanumbalik na ang kabuuan ng ebanghelyo, na maglayag sa mga karagatan o maglakbay sa mga daan na hindi pa napupuntahan para hanapin ang katotohanan. Isang mapagmahal na Ama sa Langit ang nagplano sa landas na ating tatahakin at nagbigay ng gabay—ang pagsunod. Ang kaalaman sa katotohanan at ang mga sagot sa ating malalaking katanungan ay dumarating sa atin kapag sinusunod natin ang mga kautusan ng Diyos.

Natututuhan nating sumunod sa buong buhay natin. Simula sa ating pagkabata, yaong may responsibilidad na alagaan tayo ay nagtakda ng mga tuntunin at patakaran para tiyakin ang ating kaligtasan. Mas magiging madali ang buhay sa ating lahat kung lubos nating susundin ang mga tuntunin. Gayunpaman, marami sa atin ang natututuhan sa pamamagitan ng karanasan ang karunungang dulot ng pagsunod.

Noong lumalaki na ako, tuwing summer mula Hulyo hanggang sa mga unang araw ng Setyembre, ang pamilya ko ay namamalagi sa aming maliit na bahay sa Vivian Park sa Provo Canyon sa Utah.

Isa sa matatalik kong kaibigan sa masasayang panahong iyon ay si Danny Larsen, na ang pamilya ay nagmamay-ari rin ng isang maliit na bahay sa Vivian Park. Bawat araw naglilibot kami sa lugar na ito, nangingisda sa batis at ilog, nangunguha ng mga bato at iba pang magagandang bagay, nagha-hiking, umaakyat, at nagsasaya sa bawat minuto ng bawat araw.

Isang umaga nagpasiya kami ni Danny na gumawa ng campfire sa gabi kasama ang lahat ng kaibigan namin doon. Kailangan lang naming hawanin ang isang lugar malapit sa isang bukid na pagtitipunan naming lahat. Ang mga damo sa buwan ng Hunyo na nasa kaparangan ay tuyo na at nakakasugat, kaya hindi ito akma sa balak namin. Sinimulan naming bunutin ang matataas na damo, pinlanong mahawan ang malaking bahagi nito. Buong lakas naming binunot ang mga damo, pero ang nabunot lang namin ay kakaunti sa matitibay na damong iyon. Alam namin na aabutin kami nang buong maghapon sa paggawa nito, at napapagod na kami at nawawalan na ng gana.

At pagkatapos ay dumating sa walong-taong-gulang kong isipan ang inakala kong magandang solusyon. Sinabi ko kay Danny, “Kailangan lang nating sunugin ang mga damong ito. Sunugin lang natin ang gitna ng damuhan!” Agad siyang sumang-ayon, at tumakbo ako sa bahay namin para kumuha ng posporo.

Baka isipin ninyo na pinapayagan na kami sa edad na walo na gumamit ng posporo, gusto kong linawin sa inyo na kami ni Danny ay pinagbawalan na gamitin ito nang walang nakabantay na matanda. Pareho kaming paulit-ulit na binalaan sa panganib na dulot ng apoy. Gayunpaman, alam ko kung saan itinatago ng pamilya ko ang mga posporo, at kailangan naming mahawan ang lugar na iyon. Hindi na nagdalawang-isip pa, tumakbo ako sa bahay namin at kumuha ng ilang posporo, tiniyak na walang nakakakita sa akin. Mabilis ko itong itinago sa aking bulsa.

Patakbo akong bumalik kay Danny, tuwang-tuwa na nasa bulsa ko na ang solusyon sa aming problema. Naalala ko na naisip ko noon na susunugin lang ng apoy ang gusto naming sunugin at pagkatapos ay basta na lamang mamamatay ang apoy.

Ikiniskis ko ang posporo sa bato at sinunog ang damo. Naglagablab ito na para bang nabuhusan ng gasolina. Sa una tuwang-tuwa kami ni Danny habang minamasdan na natutupok ang mga damo, ngunit kaagad naming natanto na hindi basta kusang mamamatay ang apoy. Natakot kami nang matanto namin na wala kaming magagawa para pigilan ito. Sinimulang tupukin ng mapanirang apoy ang mga ligaw na damo na umabot hanggang sa gilid ng bundok, nanganganib ang mga pine tree at lahat ng madaraanan nito.

Sa huli wala kaming opsiyon kundi ang tumakbo at humingi ng tulong. Di-nagtagal lahat ng naroong kalalakihan at kababaihan sa Vivian Park ay nagtakbuhan paroo’t parito dala-dala ang mga basang telang sako, at inihahampas sa apoy para maapula ito. Makalipas ang ilang oras ang huling natitirang baga ay tuluyan nang napatay. Ang matandang mga pine tree ay nakaligtas, gayon din ang mga bahay na muntik nang maabot ng apoy.

Natutuhan namin ni Danny ang ilang matitindi pero mahahalagang aral nang araw na iyon—ang malaking bahagi nito ay ang kahalagahan ng pagsunod.

May mga tuntunin at batas na tumutulong para matiyak ang ating pisikal na kaligtasan. Gayundin, ang Panginoon ay nagtatag ng mga tuntunin at kautusan para matiyak ang ating espirituwal na kaligtasan upang matagumpay tayong makapaglakbay sa mortal na buhay na ito na kadalasang puno ng panganib at sa huli ay makabalik sa ating Ama sa Langit.

Ilang siglo na ang nakararaan, tahasang sinabi ni Samuel sa henerasyon na sumusunod sa pagsasakripisyo ng mga hayop, “Ang pagsunod ay maigi kay sa hain, at ang pagdinig kay sa taba ng mga tupang lalake.”3

Sa dispensasyong ito, ipinahayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na hinihingi Niya “ang puso at may pagkukusang isipan; at ang may pagkukusa at ang masunurin ay kakainin ang taba ng lupain ng Sion sa mga huling araw na ito.”4

Alam ng lahat ng propeta, noon at ngayon, na mahalaga ang pagsunod para sa ating kaligtasan. Ipinahayag ni Nephi, “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon.”5 Bagama’t ang iba ay nanghina sa kanilang pananampalataya at pagsunod, hindi sumuway kahit minsan si Nephi sa iniutos sa kanya ng Panginoon. Maraming henerasyon ang pinagpala bunga nito.

Ang isang nakaaantig na salaysay ng pagsunod ay ang tungkol kina Abraham at Isaac. Napakahirap at napakasakit marahil kay Abraham, sa pagsunod sa utos ng Diyos, na dalhin ang kanyang pinakamamahal na si Isaac sa lupain ng Moria upang ito ay isakripisyo. Mailalarawan kaya natin ang kalungkutan ni Abraham habang papunta siya sa itinalagang lugar? Tiyak na ang paghihirap niya ay kapwa sa katawan at isipan nang igapos niya si Isaac, ihiga sa dambana, at kunin ang kutsilyo upang patayin ito. Nang may di-natitinag na pananampalataya at lubos na tiwala sa Panginoon, sumunod siya sa utos ng Panginoon. Napakamaluwalhati ng winika, at nagdulot ito ng labis na kagalakan: “Huwag mong buhatin ang iyong kamay sa bata, o gawan man siya ng anoman: sapagka’t talastas ko ngayon, na ikaw ay natatakot sa Dios, sa paraang hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak.”6

Si Abraham ay sinubukan, at dahil sa kanyang katapatan at pagsunod ibinigay sa kanya ng Panginoon ang maluwalhating pangakong ito: “At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagka’t sinunod mo ang aking tinig.”7

Bagama’t hindi tayo inuutusang patunayan ang pagsunod natin sa ganoong katindi at masakit na paraan, ang pagsunod ay hinihingi sa ating lahat.

Sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith noong Oktubre 1873, “Ang pagsunod ang unang batas ng langit.”8

Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Ang kaligayahan ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang kapayapaan ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang pagsulong ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang pag-unlad ng mga Banal sa mga Huling Araw, at ang walang hanggang kaligtasan at kadakilaan ng mga taong ito ay nakabatay sa pagsunod sa mga payo ng … Diyos.”9

Ang pagsunod ay katangian ng mga propeta; ito ay nagbibigay ng lakas at kaalaman sa kanila sa lahat ng panahon. Mahalaga sa atin na maunawaan na matatamo rin natin ang lakas at kaalamang ito. Ito ay madaling makamtam ng bawat isa sa atin kapag sinusunod natin ang mga utos ng Diyos.

Sa mga nagdaang taon, marami akong nakilalang tao na matapat at masunurin. Ako ay pinagpala at nainspirasyunan nila. Ikukuwento ko sa inyo ang tungkol sa dalawa sa mga taong ito.

Si Walter Krause ay isang matatag na miyembro ng Simbahan na, kasama ang kanyang pamilya, ay nakatira sa kilala ngayon bilang East Germany pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa kabila ng hirap na dinanas niya dahil sa kawalan ng kalayaan sa lugar na iyon nang panahong iyon, minahal at pinaglingkuran ni Brother Krause ang Panginoon. Matapat at masigasig niyang ginampanan ang bawat tungkulin na ibinigay sa kanya.

Ang isa pa ay si Johann Denndorfer, tubong-Hungary, na naging miyembro ng Simbahan sa Germany at nabinyagan doon noong 1911 sa edad na 17. Hindi nagtagal nagbalik siya sa Hungary. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, siya ay naging bilanggo sa sarili niyang bayan, sa lungsod ng Debrecen. Inalisan din ng kalayaan ang mga mamamayan ng Hungary.

Si Brother Walter Krause, na hindi kilala si Brother Denndorfer, ay inatasang maging home teacher nito at bisitahin ito nang regular. Tinawagan ni Brother Krause ang kanyang kompanyon sa home teaching at sinabi dito, “Ang assignment natin ay bisitahin si Brother Johann Denndorfer. Makakasama ka ba sa akin sa linggong ito para madalaw siya at mabigyan ng mensahe ng ebanghelyo?” At sinabi pa niya, “Nakatira si Brother Denndorfer sa Hungary.”

Ang nabiglang kompanyon ay nagtanong, “Kailan tayo aalis?”

“Bukas,” ang sagot ni Brother Krause.

“Kailan tayo uuwi?” tanong ng kompanyon.

Sumagot si Brother Krause, “Mga isang linggo—kung makakabalik pa tayo.”

Umalis ang magkompanyon na home teacher upang dalawin si Brother Denndorfer, sumakay ng tren at bus mula sa hilagang-silangang bahagi ng Germany patungo sa Debrecen, Hungary—isang mahabang paglalakbay. Si Brother Denndorfer ay walang mga home teacher mula pa noong bago ang digmaan. Ngayon, nang makita niya ang mga lingkod na ito ng Panginoon, siya ay napuspos ng pasasalamat sa kanilang pagdating. Sa una tumanggi siyang makipagkamay sa kanila. Sa halip, siya ay pumasok sa kanyang silid at kinuha sa maliit na aparador ang isang kahon na naglalaman ng kanyang ikapu na naipon niya sa nakalipas na mga taon. Ibinigay niya ang tithing sa kanyang mga home teacher at sinabi, “Sa wakas nagawa ko na ang obligasyon ko na magbigay ng ikapu sa Panginoon. Ngayon ay marapat na akong makipagkamay sa mga lingkod ng Panginoon!” Kalaunan sinabi sa akin ni Brother Krause na hindi niya mailarawan ang nadarama niya kapag naiisip niya na ang miyembrong ito, na walang anumang kontak sa Simbahan nang maraming taon, ay masunurin at patuloy pa ring inaalis sa kakaunti niyang sweldo ang 10 porsiyento para sa kanyang ikapu. Inipon niya ito nang hindi nalalaman kung kailan o kung magkakaroon pa siya ng pagkakataon na maibayad ito.

Si Brother Walter Krause ay pumanaw siyam na taon na ang nakararaan sa edad na 94. Siya ay naglingkod nang tapat at nang may pagsunod sa buong buhay niya at nagbigay-inspirasyon sa akin at sa lahat ng nakakakilala sa kanya. Kapag inatasang gampanan ang mga tungkulin, siya ay hindi kailanman nag-alinlangan, hindi nagreklamo, at hindi nagdahilan.

Mga kapatid, ang pinakamalaking pagsubok sa buhay na ito ay pagsunod. “Susubukin natin sila,” wika ng Panginoon, “upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.”10

Sinabi ng Tagapagligtas, “Sapagkat lahat ng magkakaroon ng pagpapala sa aking mga kamay ay susunod sa batas na itinakda para sa pagpapalang yaon, at ang mga batayan nito, gaya ng pinasimulan bago pa ang pagkakatatag ng daigdig.”11

Wala nang mas dakila pang pagsunod kaysa yaong ipinakita ng ating Tagapagligtas. Sinabi ni Pablo tungkol sa Kanya:

“Bagama’t siya’y Anak, gayon ma’y natuto ng pagtalima sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis;

“At nang siya’y mapaging sakdal, ay siya ang gumawa ng walang hanggang kaligtasan ng lahat na mga nagsisitalima sa kaniya.”12

Ang Tagapagligtas ay nagpakita ng dalisay na pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng sakdal na pamumuhay, ng pagsasakatuparan ng Kanyang sagradong misyon. Hindi Siya kailanman nagmataas. Hindi Siya kailanman naging palalo. Nanatili Siyang matapat. Siya ay laging mapagpakumbaba. Siya ay laging tapat. Siya ay masunurin sa tuwina.

Bagama’t dinala Siya ng Espiritu sa ilang para tuksuhin ng manlilinlang, maging ng diyablo, bagama’t mahina ang Kanyang katawan dahil sa 40 araw at 40 gabing pag-aayuno at Siya ay nagugutom, gayon pa man nang tuksuhin si Jesus ng diyablo ng maganda at nakakaengganyong alok, ipinakita Niya sa atin ang halimbawa ng pagsunod sa pagtangging lumihis sa alam Niyang tama.13

Nang maharap sa matinding paghihirap sa Getsemani, kung saan dumanas Siya ng matinding sakit kung kaya’t “ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa,”14 Ipinakita Niya ang pagiging masunuring Anak sa pagsasabing, “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.”15

Katulad ng tagubilin ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol noon, Kanya rin tayong tinatagubilinan, “Sumunod ka sa akin.”16 Handa ba tayong sumunod?

Ang kaalamang hinahanap natin, ang sagot na hinahangad natin, at ang lakas na ninanais natin ngayon para maharap ang mga hamon ng magulo at pabagu-bagong mundong ito ay maaaring mapasaatin kapag handa tayong sundin ang mga utos ng Panginoon. Babanggitin kong muli ang mga salita ng Panginoon: “Siya na sumusunod sa mga kautusan [ng Diyos] ay tumatanggap ng katotohanan at liwanag, hanggang sa siya ay maluwalhati sa katotohanan at malaman ang lahat ng bagay.”17

Mapagkumbaba kong idinadalangin na nawa ay pagpalain tayo nang sagana na ipinangako sa mga masunurin. Sa pangalan ni Jesucristo, na ating Panginoon at Tagapagligtas, amen.