Bonnie L. Oscarson
Young Women General President
Habang naglilingkod bilang matron ng Stockholm Sweden Temple mula 2009 hanggang 2012, nakita ni Bonnie Lee Green Oscarson ang sakripisyo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula Sweden, Norway, at Latvia upang makasamba sa bahay ng Panginoon.
Gayunpaman, hindi niya naisip noon na ang mga aral na natutuhan niya mula sa “mapagkumbaba, at lubos na tapat” na mga miyembrong ito ay tutulong sa kanya bilang Young Women general president ng Simbahan.
“Yamang maraming kabataang babae ngayon ang pinipiling magmisyon at dumalo sa templo sa murang edad, umaasa ako na ang karanasan ko sa pagtatrabaho sa templo ay tutulong sa akin na maunawaan kung paano sila tutulungang maghanda,” sabi niya.
Si Bonnie Lee Green ay isinilang noong Oktubre 1950 sa Salt Lake City sa mga magulang na sina Theo James at Jean S. Green. Nang magpasya ang kanyang mga magulang na maranasan ng kanilang mga anak ang Simbahan sa labas ng Utah, ang siyam-na-taong-gulang na si Bonnie at kanyang pamilya ay lumipat sa Oklahoma, USA. Ang pamilya ay nanatili rin sa Colorado at Tennessee bago lumipat sa Missouri, kung saan nakilala ni Bonnie si Paul Kent Oscarson sa Far West, Missouri, ang lugar na pagtatayuan ng templo—isang mahalagang lugar dahil pareho silang may mga ninuno na nakatira sa Far West area.
Matapos mag-aral sa Brigham Young University, ang magkasintahan ay ikinasal noong Disyembre 19, 1969, sa Salt Lake Temple; nagkaroon sila ng pitong anak.
Si Sister Oscarson ay 25 taong gulang lamang nang ang kanyang asawa—na naglingkod nang full-time sa Swedish Mission mula 1965 hanggang 1968—ay tinawag na mangulo sa Sweden Göteborg Mission.
Nang ang mga Oscarson ay bumalik sa Estados Unidos, tumira sila sa Missouri, New Jersey, Massachusetts, at Texas, kung saan nagtrabaho si Brother Oscarson bilang department store regional vice president. Tulad ng kanyang mga magulang, nasisiyahan si Sister Oscarson na manirahan sa mga lugar na kakaunti ang mga miyembro ng Simbahan.
Si Sister Oscarson ay naglingkod nang tatlong beses bilang Young Women president, bilang early-morning seminary teacher sa loob ng siyam na taon, at Gospel Doctrine teacher.