Tumayo nang Hindi Natitinag sa mga Banal na Lugar
Sa pagsunod at pagiging matatag sa doktrina ng ating Diyos, tayo ay nakatayo sa mga banal na lugar, sapagka’t ang Kanyang doktrina ay sagrado at hindi magbabago.
Mga kapatid, karangalan ko na makasama ang mga mayhawak ng makaharing priesthood ng Diyos. Nabubuhay tayo sa mga huling araw, sa “mga panahong mapanganib.”1 Bilang mga mayhawak ng priesthood, responsibilidad nating tumayo nang hindi natitinag na may kalasag ng pananampalataya laban sa nag-aapoy na sibat ng kaaway. Tayo ay mga halimbawang tinitingnan ng mundo, tagapagtanggol ng karapatan at kalayaang bigay ng Diyos na hindi maaaring agawin. Tayo ang pumoprotekta sa ating mga tahanan at pamilya.
Noong ako ay nasa ninth grade, umuwi ako galing sa unang laro ng varsity baseball team namin sa labas ng bayan. Nahiwatigan ng tatay ko na sa matagal na biyahe ko sa bus pauwi nakarinig at nakakita ako ng mga pananalita at asal na hindi ayon sa mga pamantayan ng ebanghelyo. Dahil siya ay propesyonal na pintor, umupo siya at iginuhit niya ako ng larawan ng isang kabalyero—isang mandirigma na kayang magtanggol ng mga kastilyo at kaharian.
Habang gumuguhit siya at nagbabasa mula sa mga banal na kasulatan, natutuhan ko kung paano maging matapat na priesthood leader—na pinuprotekahan at ipinaglalaban ang kaharian ng Diyos. Ang mga salita ni Apostol Pablo ang aking gabay:
“Dahil dito magsikuha kayo ng buong kagayakan [baluti] ng Dios, upang kayo’y mangakatagal sa araw na masama, at kung magawa ang lahat, ay magsitibay.
“Magsitibay nga kayo, na ang inyong mga baywang ay may bigkis na katotohanan, na may sakbat na baluti ng katuwiran,
“At ang inyong mga paa ay may panyapak na paghahanda ng evangelio ng kapayapaan;
“Bukod dito ay taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na siyang ipapatay ninyo sa lahat ng nangagniningas na suligi ng masama.
“At magsikuha rin naman kayo ng turbante ng kaligtasan, at ng tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Dios.”2
Mga kapatid, kung tayo ay matapat sa priesthood, ibibigay sa atin ang baluting ito bilang kaloob ng Diyos. Kailangan natin ang baluting ito!
Mga kabataang lalaki, hindi kailanman naranasan ng inyong mga ama at lolo na maharap sa mga tuksong karaniwang kinakaharap ninyo. Nabubuhay kayo sa mga huling araw. Kung nais ng mga tatay ninyo na matukso noon, kailangan pa niyang lumabas at hanapin iyon. Hindi na ngayon! Ang tukso na ngayon ang naghahanap sa inyo! Tandaan ninyo iyan! Gusto ni Satanas na maangkin kayo, at “nag-aabang ang kasalanan sa pintuan.”3 Paano ninyo malalabanan ang kanyang agresibong taktika? Isuot ang buong baluti ng Diyos.
Hayaan ninyong turuan ko kayo mula sa isa pang karanasan ko sa buhay:
Noong Enero ng taong 1982, nagsalita ako sa debosyonal ng BYU campus sa Provo, Utah. Ipinaisip ko sa mga estudyante na kunwari ang Simbahan ay nasa kabilang panig ng podium, banda rito, at ang mundo ay nasa kabilang panig na isa o dalawang piye lang ang layo. Ipinapakita nito ang “napakaliit na agwat sa pagitan ng mga pamantayan ng mundo at ng mga pamantayan ng Simbahan” noong nasa kolehiyo pa ako. Pagkatapos, nang nagsalita ako sa harap ng mga estudyante 30 taon kalaunan, itinaas ko ang aking mga kamay sa parehong paraan at ipinaliwanag, “Napakalayo na ng mga pamantayan ng mundo; [lumayo na ito; hindi na ito makita;] umalis na ito, palabas sa [gusaling ito at lumaganap na sa iba’t ibang panig ng mundo]. … Ang dapat nating tandaan pati na ng ating mga anak at apo ay hindi magbabago ang Simbahan, [nandito pa rin ito; subalit] ang mundo ay patuloy na kikilos—palayo sa mga pamantayan ng Simbahan. … Kung gayon, magsipag-ingat na mabuti. Kung ibabase ninyo ang inyong mga ikinikilos at ang mga pamantayan ng Simbahan sa pinatutunguhan ng mundo, matutuklasan ninyo na wala kayo sa dapat ninyong kalagyan.”4
Noong 1982 hindi ko pa naisip kung gaano kalayo at kabilis nalayo ang mundo mula sa Diyos; sa aspeto ng doktrina, alituntunin, at mga kautusan. Gayunman ang mga pamantayan ni Cristo at ng Kanyang Simbahan ay hindi natitinag. Tulad ng sabi Niya, “Ang katotohanan ay mananatili nang magpakailanman at walang katapusan.”5 Kapag nauunawaan at tinatanggap natin ito, handa tayong harapin ang pang-uudyok ng lipunan, pangungutya, at ang diskriminasyon na magmumula sa mundo at sa ilang nagsasabing sila ay mga kaibigan natin.
Karamihan sa atin ay may kakilala na magsasabing, “Kung gusto mo akong maging kaibigan, dapat tanggapin mo ang mga pinahahalagahan ko.” Hindi hihilingin ng isang tunay na kaibigan na mamili tayo sa ebanghelyo o pakikipagkaibigan niya. Tulad nga ng sabi ni Pablo, “Lumayo ka rin naman sa mga ito.”6 Ang tunay na kaibigan ay hinihikayat tayo na manatili sa makipot at makitid na landas.
Ang pananatili sa landas ng ebanghelyo na kinapapalooban ng mga tipan, kautusan, at mga ordenansa ay nangangalaga at naghahanda sa atin upang magawa ang gawain ng Diyos sa mundong ito. Kapag sinusunod natin ang Word of Wisdom, nakakaiwas tayo sa pagkalulong sa alak, droga, at sigarilyo. Kapag nagbabayad tayo ng ikapu, nagbabasa ng mga banal na kasulatan, nabinyagan at nakumpirma, namumuhay sa paraan na makakasama natin sa tuwina ang Espiritu Santo, nakikibahagi nang karapat-dapat sa sakramento, sumusunod sa batas ng kalinisang-puri, naghahanda sa pagtanggap ng Melchizedek Priesthood, at gumagawa ng mga sagradong tipan sa templo, tayo ay nakahandang maglingkod.
Sa templo inihahanda at nangangako tayong ipamuhay ang batas ng paglalaan. Ginagawa ng mararapat na kabataang lalaki ang batas na ito kapag hinahangad nilang magmisyon—ibinibigay ang ikapu ng mga unang taon ng kanilang buhay sa paglilingkod sa Panginoon. Mas nahihikayat sila ng sakripisyong iyan na magpatuloy at kamtin ang pinakamataas na tipan sa buhay—para sa karamihan, ito ay ang mabuklod sa templo at magsimulang bumuo ng pamilyang pangwalang-hanggan.
Sa pagpapatuloy sa makipot at makitid na landas, nagdaragdag tayo ng espirituwal na lakas—lakas sa paggamit ng ating kalayaang kumilos para sa ating sarili. Para sa mga kabataang lalaki at babae, natutulungan ang pag-unlad na ito habang natututuhan ninyo ang doktrina at ibinabahagi ang inyong patotoo gamit ang bagong online curriculum na Come, Follow Me.
Dagdag pa riyan, gamitin ninyo ang kalayaan sa pagpili para mapaunlad ninyo mismo ang inyong sarili. Sa pagtuklas ninyo ng inyong mga kaloob at talento, tandaan na may mga magulang at guro na tutulong sa inyo, ngunit hayaan ninyong gabayan kayo ng Espiritu. Pumili at kumilos para sa inyong sarili. Kusang hikayatin ang sarili. Magplano sa buhay, mag-aral o matuto ng mga kasanayan para makapagtrabaho. Alamin pa ang inyong mga interes at kung saan kayo mahusay. Magtrabaho at huwag umasa sa iba. Magtakda ng mga mithiin, itama ang mga pagkakamali, magdagdag ng karanasan, at tapusin ang nasimulan.
Sa pagpapatuloy, tiyaking nakikibahagi kayo sa mga aktibidad sa pamilya, korum, klase at pinagsamang aktibidad sa Mutual. Sama-sama kayong magsaya. Sa pamamagitan ng mga karanasang ito matututuhan ninyong igalang at pahalagahan ang mga espirituwal na kaloob ng bawat isa, at ang mga katangiang pangwalang-hanggan ng mga anak na lalaki at babae ng Diyos na tumutugma sa isa’t isa.
Higit sa lahat, manampalataya sa Tagapagligtas! Huwag matakot! Kapag masigasig nating ipinamumuhay ang ebanghelyo, nagiging malakas tayo sa Panginoon. Sa Kanyang lakas, matatanggihan natin ang anti-Cristo na nagsasabing, “Magsikain, magsiinom, at magsipagsaya,” sapagkat ang Diyos ay “bibigyan ng katwiran ang paggawa [ninyo] ng kaunting kasalanan; … walang masama rito; … , sapagkat bukas tayo ay mamamatay”7 Sa lakas ng Panginoon hindi tayo mapapaniwala ng anumang pilosopiya o doktrina na nagtatatwa sa Tagapagligtas at sumasalungat sa dakila at walang hanggang plano ng kaligayahan para sa lahat ng anak ng Diyos.
Wala tayong karapatang ikompromiso ang mga kundisyon ng walang hanggang planong iyan. Gunitain ninyo si Nehemias, na inatasang magtayo ng kuta para protektahan ang Jerusalem. May ilang gusto siyang pababain at ilagay sa alanganin ang kanyang posisyon, ngunit tumutol si Nehemias. Hinayaan lamang niya sila; at kanyang ipinaliwanag, “Ako’y gumagawa ng dakilang gawain, na anopa’t hindi ako makababa: bakit ititigil ang gawain … ?”8
Kung minsan nagiging tampulan tayo ng pangungutya at pagtuligsa na tinatanggap na lang natin dahil gusto nating ipamuhay ang mga pamantayan ng Diyos at isagawa ang Kanyang gawain. Pinatototohanan ko na hindi tayo dapat matakot kung nakasalig tayo sa Kanyang doktrina. Maaaring hindi tayo maunawaan, o kaya’y pulaan, at pagbintangan, ngunit hindi tayo nag-iisa kailanman. Ang ating Tagapagligtas ay “hinamak at itinakuwil ng mga tao.”9 Sagradong pribilehiyo natin ang makasama Siya!
Kakatwa, na ang pagtayo nang hindi natitinag kung minsan ay pag-iwas at pagtakas pa nga sa mundo. Ipinahayag ng Tagapagligtas, “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas.”10 Si Jose ng Egipto ay tumakbo palayo sa panunukso ng asawa ni Potiphar,11 at nilisan ni Lehi ang Jerusalem at dinala ang kanyang pamilya sa ilang.12
Makatitiyak kayo na lahat ng mga propeta noon ay hindi natinag sa kanilang panahon:
Ginawa ni Nephi ang kakaibang gawain ng Panginoon sa kabila ng mga pananakit ni Satanas at ng mga pag-uusig nina Laman at Lemuel, na kanyang mga kapatid.13
Pinatotohanan ni Abinadi si Cristo sa kabila ng pagdududa at panlalait ng iba, at tiyak na kamatayan.14
Ipinagtanggol ng 2,000 kabataang mandirigma ang kanilang mga pamilya laban sa mga nasusuklam sa mga pinahahalagahan ng ebanghelyo.15
Itinaas ni Moroni ang bandila ng kalayaan upang ipagtanggol ang mga pamilya ng kanyang mga tao at ang kalayaan sa relihiyon.16
Tumayo at hindi natinag si Samuel sa ibabaw ng pader at ipinropesiya ang pagparito ni Cristo, habang siya ay binabato at pinapana.17
Ipinanumbalik ni Propetang Joseph Smith ang ebanghelyo ng Tagapagligtas at tinatakan ang kanyang patotoo ng kanyang dugo.18
At ang mga Mormon pioneer ay hindi natinag sa harap ng matinding pag-uusig at paghihirap, at sumunod sa utos ng propeta na maglakbay at manirahan sa Kanluran.
Hindi natinag ang dakilang mga tagapaglingkod at mga Banal ng Diyos na ito dahil kasama nila ang Tagapagligtas. Isipin kung paano nanatiling hindi natitinag ang Tagapagligtas:
Noong bata pa siya, matapat na ginawa ni Jesus ang gawain ng Kanyang Ama, itinuturo ang ebanghelyo sa matatalinong tao sa templo.19 Sa Kanyang buong ministeryo, isinagawa Niya ang gawain ng priesthood—tinuturuan, ginagamot, pinaglilingkuran, at binabasbasan at tinutulungan ang iba. Kapag nararapat, matapang Niyang sinansala ang kasamaan, pati na ang pagtaboy sa mga lumapastangan sa templo.20 At nanindigan Siya tuwina sa katotohanan—sa salita man o sa hindi pag-imik nang may dignidad. Nang Siya ay akusahan ng mga pangulong saserdote sa harap ni Caifas, matalino at matapang na tumangging tumugon si Jesus laban sa kasinungalingan at nanatiling walang imik.21
Sa Halamanan ng Getsemani, hindi iniwasan ng Tagapagligtas ang mapait na saro ng Pagbabayad-sala.22 At sa krus nagdusa Siyang muli upang magawa ang kalooban ng Kanyang Ama, hanggang sa wakas ay nasabi na Niyang, “Naganap na.”23 Siya ay nagtiis hanggang sa wakas. Bilang tugon sa ganap na pagsunod ng Tagapagligtas sa pananatiling hindi natitinag, ipinahayag ng Ama sa Langit, “Masdan, ang Minamahal kong Anak, na siya kong labis na kinalulugdan, sa kanya ay niluwalhati ko ang aking pangalan.”24
Mga minamahal kong kapatid sa priesthood bata man o matanda, ating luwalhatiin ang pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng pananatiling hindi natitinag kasama ang ating Tagapagligtas, si Jesucristo. Ibinabahagi ko ang aking natatanging patotoo na Siya ay buhay at tayo ay “tinatawag sa banal na tungkulin”25 upang makibahagi sa Kanyang gawain. “Dahil dito, tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag.”26 Sa pagsunod at pagiging matatag sa doktrina ng ating Diyos, tayo ay nakatayo sa mga banal na lugar, sapagka’t ang Kanyang doktrina ay sagrado at hindi magbabago sa kabila ng pabagu-bagong paniniwala ngayon sa lipunan at pulitika. Inihahayag ko, tulad ni Apostol Pablo, “Magsipag-ingat kayo, mangagpakatibay kayo sa pananampalataya, kayo’y mangapakalalake, [at] kayo’y mangagpakalakas.”27 Ito ang taimtim kong dalangin para sa inyo sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.