2013
Elder Arnulfo Valenzuela
Mayo 2013


Elder Arnulfo Valenzuela

Ng Pitumpu

Elder Arnulfo Valenzuela

Si Elder Arnulfo Valenzuela ay lumaki sa mga lugar na sakop ng Mormon sa Chihuahua, Mexico, at nagtapos sa Academia Juárez na pag-aari ng Simbahan. Ang kanyang kabataan ay puno ng mahahalagang pagkakataon na maturuan ng matatapat na kalalakihan at kababaihan na tapat sa ebanghelyo at sa paglilingkod sa Panginoon.

Ang mga aral na natutuhan sa kilalang lokasyon na iyon ng Simbahan sa Latin America ay tutulong sa kanya sa panunungkulan niya bilang miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu.

“Napakapalad ko sa tungkuling ito na maglingkod sa Panginoon nang full-time,” sabi niya.

Isinilang noong Mayo 1959 sa mga magulang na sina Gilberto at Rosa Valenzuela, ang batang si Arnulfo ay nahikayat maglingkod sa Simbahan sa murang edad. Sa edad na 19 tinanggap niya ang tawag na magmisyon sa Mexico Veracruz Mission. Sa magandang rehiyon ng Mexico natanto niya ang kasiyahan na dulot ng araw-araw na pagbabahagi ng ebanghelyo at ang kagalakan sa pag-anyaya sa iba na lumapit kay Cristo. 

Di-nagtagal matapos ang kanyang misyon, binisita niya ang isang pamilya na nabinyagan niya na lumipat sa Mexico City. Ang kapitbahay ng pamilya, si Pilar Porras, ay matapat na miyembro ng Simbahan. Sina Arnulfo at Pilar ay naging magkaibigan at kalaunan ay naging magkasintahan. Sila ay ikinasal sa Mesa Arizona Temple noong Abril 6, 1982, nang panahong iyon ay wala pang templo sa kanilang sariling bayan.

Pinalaki nila ang kanilang tatlong anak, patuloy na naglingkod sa Simbahan habang nakikita nila ang Mexico na nagiging isang bansa na may maraming templo. “Hindi namin akalain na magkakaroon ng 12 templo sa Mexico, at may isa pa na kasalukuyang itinatayo,” sabi niya.

Noong nanunungkulan siya bilang bishop, counselor kapwa sa stake at mission presidency, at Area Seventy, nasaksihan ni Elder Valenzuela ang kahanga-hangang katapatan ng napakaraming miyembro sa Mexico na handang ibigay ang lahat ng mayroon sila sa layunin ng Panginoon.

Nagtapos sa University of Accounting and Administration Studies sa Mexico City, si Elder Valenzuela ay nagtrabaho sa iba’t ibang posisyon sa pamamahala para sa mga international corporation.