Nagpapabago ng Puso ang Family History
Maraming family history center sa hinaharap ay magiging sa tahanan na, ang ibinadya ni Elder Bradley D. Foster ng Pitumpu sa isang mensahe na ibinigay noong Marso 23 kaugnay ng RootsTech 2013 Family History and Technology Conference sa Salt Lake City, Utah, USA.
Sinabi ni Elder Foster, Assistant Executive Director ng Family History Departments, na kalaunan ay magkakaroon ng siyam na bilyong tao sa mundo at na ang Panginoon ay naghanda ng teknolohiya na “sama-samang magpapabigkis at magkokonekta sa lahat ng pamilyang iyon.”
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng paggawa ng family history, pag-alam sa mga kuwento ng ating mga ninuno—hindi lamang basta genealogy, na naghahanap ng mga pangalan at petsa. Ang puntod saanmang sementeryo sa mundo ay naglalaman ng pangalan, petsa ng kapanganakan, gatlang, at pagkatapos ay petsa ng kamatayan, sabi niya. “Ang maliit na gatlang na iyon sa pagitan ng petsa ng kapanganakan at kamatayan ay tila maliit at hindi mahalaga, ngunit ang buong kasaysayan natin ay narito,” ang sabi niya. “Kaya nga bagama’t madalas tayong magtuon sa pagtuklas sa mga petsang iyon, ang pagmamahal natin sa ating mga ninuno—ang pagbaling ng ating mga puso sa ating mga ama—ay nagmumula sa pagtuklas sa gatlang na iyon.”
Pinagkakaisa tayo ng Family history kapag nagbabahagi tayo ng mga kuwento at nagtutulungan, paliwanag niya. “Samakatwid, nababago ng genealogy ang ating mga tsart; nababago ng family history ang ating mga puso.”