2013
Ang Tahanan: Ang Paaralan ng Buhay
Mayo 2013


Ang Tahanan: Ang Paaralan ng Buhay

Ang mga aral ay natututuhan sa tahanan—ang lugar na maaaring maging langit dito sa lupa.

Elder Enrique R. Falabella

May mga magulang na ikinakatwiran na kaya sila nakagagawa ng mga pagkakamali sa tahanan, ay dahil walang paaralan na nagtuturo kung paano maging mabuting magulang.

Ang totoo, may ganoong paaralan at baka nga pinakamahusay pa sa lahat ng paaralan. Ang tawag sa paaralang ito ay tahanan.

Noong iniisip ko ang mga nakaraang pangyayari sa buhay ko, naalala ko ang mga espesyal na sandaling naranasan naming mag-asawa. Habang ikinukuwento ko sa inyo ang mga alaalang ito, maaaring maalala rin ninyo ang inyong naging karanasan—malungkot man ito o masaya, natututo tayo mula rito.

1. Ang Templo ang Lugar

Pagkauwi ko mula sa misyon, nakilala ko ang isang magandang dalaga na may maitim na buhok na hanggang baywang ang haba. Maganda’t malaki ang kulay brown niyang mga mata at nakakahawa ang kanyang mga ngiti. Nabighani niya ako sa unang pagkakita ko pa lang sa kanya.

Mithiin ng aking asawa na makasal sa templo, bagama’t noon, kailangang maglakbay nang mahigit 4,000 milya (6,400 km) para makarating sa pinakamalapit na templo.

Masayang-malungkot ang kasal namin sa huwes, dahil ikinasal kami na may expiration date. Sinambit ng opisyal ang mga salitang “Inihahayag ko na kayo ay mag-asawa na,” ngunit kaagad sinundan ng, “hanggang paghiwalayin kayo ng kamatayan.”

Kaya pinagsikapan naming mag-ipon ng pambili ng tiket kahit papunta lang sa Mesa Arizona Temple.

Sa templo, habang nakaluhod kami sa altar, isang lingkod na may awtoridad ang nagpahayag ng mga salitang inaasam ko, na nagsasabing kami ay mag-asawa na para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

Isang kaibigan ang nagsama sa amin sa Sunday School. Habang nasa pulong tumayo siya at ipinakilala kami sa klase. Nang matapos na ang klase, nilapitan ako ng isang brother at kinamayan ako, sabay-abot sa akin ng 20-dollar bill. Maya-maya pa, isa pang brother ang lumapit sa akin, at laking gulat ko dahil inabutan din niya ako ng pera. Mabilis kong hinanap ang asawa ko na nasa katapat na silid, at sinabi, “Blanquy, kamayan mo silang lahat!”

Di-nagtagal nakaipon kami ng sapat na pera para makabalik sa Guatemala.

“Sa selestiyal na kaluwalhatian ay may tatlong kalangitan o antas;

“At upang matamo ang pinakamataas, ang isang tao ay kailangang pumasok sa orden na ito ng pagkasaserdote.”1

2. Sa Pagtatalo, Dalawang Tao ang Kailangan

Noon pa man ay isa na ito sa mga sawikain ng aking asawa, “Sa pagtatalo, dalawang tao ang kailangan, at hindi ako makakabilang diyan kahit kailan.”

Malinaw na inilarawan ng Panginoon ang mga katangiang dapat gumabay sa pakikipag-ugnayan natin sa iba. Ang mga ito ay paghihikayat, mahabang pagtitiis, kahinahunan, kaamuan, at hindi pakunwaring pag-ibig.”2

Ang pisikal na pang-aabuso sa pamilya ay hindi na gaanong nangyayari sa ilang lipunan, at ikinatutuwa natin iyan. Gayunpaman, hindi pa lubusang naaalis ang pananakit sa damdamin. Ang pinsalang dulot ng ganitong pananakit ay nananatili sa ating isipan, sumusugat sa ating pagkatao, nagtatanim ng galit sa ating puso, nagpapababa ng kumpiyansa sa ating sarili, at nagpapadama sa atin ng labis na takot.

Ang pakikibahagi sa seremonya ng kasal na pang-selestiyal ay hindi sapat. Dapat ding ipamuhay natin ang buhay na pang-selestiyal.

3. Ang Batang Umaawit ay Masayang Bata

Ito ang isa pang sawikain na madalas banggitin ng aking asawa.

Naunawaan ng Tagapagligtas ang kahalagahan ng sagradong musika. Matapos Niyang ipagdiwang ang Paskua kasama ang Kanyang mga disipulo, sinabi sa banal na kasulatan, “At pagkaawit nila ng isang imno, ay nagsiparoon sila sa bundok ng mga Olivo.”3

At nang mangusap Siya sa pamamagitan ni Propetang Joseph, sinabi Niya, “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagagalak sa awitin ng puso; oo, ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa akin, at ito ay tutugunan ng pagpapala sa kanilang mga ulo.”4

Nakaaantig na marinig ang isang musmos na tinuruan ng kanyang mga magulang na awitin ang “Ako ay Anak ng Diyos.”5

4. Kailangan Ko ang Yakap Mo

Ang mga salitang “Mahal kita,” “Maraming salamat,” at “Patawarin mo ako” ay parang gamot sa damdamin. Pinapasaya nito ang nalulungkot. Pinapanatag nito ang nababalisa, at ipinadarama nito ang pagmamahal ng ating puso. Tulad ng mga halaman na nalalanta kapag hindi nadidiligan, ang ating pagmamahal ay kumukupas at namamatay kapag hindi isinasatinig at ipinapakita.

Naaalala ko pa noong araw na nagpapadala tayo ng mga liham ng pag-ibig sa pamamagitan ng koreo o nag-iipon ng baryang pantawag sa telepono o nagdodrowing at nagsusulat ng mga tula ng pag-ibig sa ordinaryong papel.

Ngayon sa museum na lang yata nakikita ang mga ito!

Dahil sa makabagong teknolohiya marami tayong nagagawang kamangha-mangha. Napakadali nang magpadala ng mensahe ng pagmamahal at pasasalamat sa pamamagitan ng pagtext! Laging ginagawa iyan ng kabataan. Iniisip ko kung gagawin pa rin ba natin ito at ang ibang nakasisiyang ginagawa natin kung may pamilya na tayo. Isa sa mga pinakabagong mensaheng natanggap ko sa aking asawa ay ganito ang sinasabi: “Yakap na parang langit, halik na sing-init ng araw, at gabing may liwanag ng buwan. Isang masayang araw, mahal kita.”

Para akong nasa langit kapag nakakatanggap ako ng ganitong mensahe.

Ang ating Ama sa Langit ay perpektong halimbawa ng isang nagpapahayag ng pagmamahal. Nang ipakilala Niya ang Kanyang Anak, ginamit Niya ang mga salitang “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.”6

5. Mahal ko ang Aklat ni Mormon at ang Aking Tagapagligtas na si Jesucristo

Naaantig ako nang lubos kapag nakikita kong binabasa ng aking asawa ang Aklat ni Mormon araw-araw. Kapag ginagawa niya ito, nadarama ko ang kanyang patotoo kahit tinitingnan ko lang ang tuwa sa kanyang mukha sa tuwing mababasa niya ang mga talatang nagpapatotoo sa misyon ng Tagapagligtas.

Puno ng karunungan ang mga salita ng ating Tagapagligtas: “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin.”7

Bunga nito, sinabi ko sa apo kong si Raquel, na bago pa lang natututong magbasa, “Ano kaya kung simulan mo nang basahin ang Aklat ni Mormon?”

Ang sagot niya “Pero, Lolo, mahirap po ‘yun. Ang kapal po n’yon.”

Pagkatapos ay pinabasa ko siya ng isang pahina. Kumuha ako ng stopwatch at inorasan siya. Sabi ko, “Tatlong minuto mo lang binasa, at ang Aklat ni Mormon sa wikang Espanyol ay may 642 pahina, kaya kailangan mo lang ng 1,926 na minuto.”

Lalo yata siyang natakot dito, kaya hinati-hati ko ang numerong iyon sa tig-60 minuto at sinabi sa kanya na kailangan lang niya ng halos 32 oras para basahin ito—wala pang isa’t kalahating araw!

Pagkatapos sabi niya sa akin, “Ang dali lang po n’yan, Lolo.”

Sa huli, mas marami pa rito ang ginugol na oras ni Raquel, ng kapatid niyang si Esteban, at iba pa naming mga apo dahil ito ang aklat na kailangang basahin nang may panalangin at pagninilay.

Sa paglipas ng panahon, habang natututuhan nating malugod sa mga banal na kasulatan, ibubulalas din natin tulad ng Mang-aawit: “Pagkatamis ng iyong mga salita sa aking lasa! O, matamis kay sa pulot sa aking bibig!”8

6. Hindi Sapat na Alam Lang Natin ang mga Banal na Kasulatan; Dapat Nating Ipamuhay ang mga Ito

Naaalala ko noong pag-uwi ko mula sa misyon, at masigasig nang nasaliksik ang mga banal na kasulatan, inakala ko na alam ko na itong lahat. Magkasintahan pa lang kami ay magkasama na naming pinag-aaralan ni Blanquy ang mga banal na kasulatan. Ginamit ko ang mga naisulat ko at ang mga reperensyang naitala ko para maibahagi sa kanya ang kaalaman ko sa ebanghelyo. Noong ikasal na kami may napagtanto ako dahil sa natutuhan kong malaking aral mula sa kanya: Maaaring sinikap ko na ituro sa kanya ang ebanghelyo, ngunit itinuro niya sa akin kung paano ipamuhay ito.

Nang tapusin ng Tagapagligtas ang Sermon sa Bundok, ibinigay Niya ang matalinong payong ito: “Kaya’t ang bawat dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato.”9

Ang mga nagsisipamuhay ng mga alituntunin na pang-selestiyal na nasa mga banal na kasulatan ay nagbibigay ng kapanatagan sa mga nagdurusa. Nagdudulot sila ng galak sa mga nalulungkot, gabay sa mga naliligaw, kapayapaan sa mga nababalisa, at tiyak na patnubay sa mga naghahanap ng katotohanan.

Bilang buod:

  1. Ang templo ang lugar.

  2. Sa pagtatalo, dalawang tao ang kailangan, at hindi ako makakabilang diyan kahit kailan.

  3. Ang batang umaawit ay masayang bata.

  4. Kailangan ko ang yakap mo.

  5. Mahal ko ang Aklat ni Mormon at ang Aking Tagapagligtas na si Jesucristo.

  6. Hindi sapat na alam lang natin ang mga banal na kasulatan;dapat nating ipamuhay ang mga ito.

Ang mga bagay na ito at ang iba pang mga aral ay natututuhan sa tahanan—ang lugar na maaaring maging langit dito sa lupa.10 Pinatototohanan ko na ang ebanghelyo ni Jesucristo at ang plano ng ating Ama sa Langit ay tunay na gumagabay sa buhay na ito at nangangako ng buhay na walang hanggan, sa pangalan ni Jesucristo, amen.