2013
Pumanaw na si Elder Eldred G. Smith, ang Patriarch ng Simbahan, sa Edad na 106
Mayo 2013


Pumanaw na si Elder Eldred G. Smith sa Edad na 106

Si Elder Eldred G. Smith, na naglingkod bilang Patriarch sa Simbahan mula 1947 hanggang 1979, ay pumanaw na noong Abril 4, 2013, sa kanyang tahanan. Siya ay 106 na taong gulang.

Pinaniniwalaang siya ang pinakamatandang lalaki sa Utah, si Elder Smith ay nabuhay nang mas matagal kaysa sa sinumang dating General Authority.

Dinalaw ni Pangulong Thomas S. Monson si Elder Smith sa kaarawan nito noong Enero 9, 2013. “Si Eldred Smith ay mabuti kong kaibigan,” sabi ni Pangulong Monson. “Maraming milya ang nilakbay namin nang magkasama. Mahal ko at iginagalang ang taong ito.”

Si Eldred G. Smith ay tinawag bilang Patriarch sa Simbahan noong Abril 10, 1947, ng noo’y Pangulo ng Simbahan na si George Albert Smith at siya ang huling taong humawak ng tungkuling iyon. Siya ay binigyan ng emeritus status noong 1979. Ang katungkulan ay nagsimula noong 1833 sa pagtawag kay Joseph Smith Sr., ama ni Propetang Joseph Smith. Si Elder Smith ay apo-sa-talampakan ni Hyrum na kapatid ng Propeta.

Sa kanyang panunungkulan bilang Patriarch ng Simbahan, naglakbay si Elder Smith sa maraming lugar sa mundo at nagbigay ng maraming patriarchal blessing sa mga lugar na walang patriarch. Noong 1966 nagbiyahe siya kasama ang noon ay si Elder Monson patungo sa Australia at Samoa para magbigay ng mga patriarchal blessing sa mga miyembro doon. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na isang nangungulong patriarch ang bumisita sa Samoa. Ngayon halos lahat ng stake ay may patriarch na naninirahan sa lugar na sakop ng stake.

Sina Pangulong Monson at Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ay kapwa nagsalita sa libing ni Elder Smith. Binasa ni Pangulong Monson ang isang liham ng pakikiramay sa pamilya mula sa Unang Panguluhan, at idinagdag pa, “Pansamantala ay nawalan ako ng mabuting kaibigan.”

Si Elder Ballard, na apo-sa-talampakan din ni Hyrum Smith, ay nangusap tungkol sa mga nagawa ni Elder Smith sa pagpapanatili ng kasaysayan ng kanilang pamilya. “Iginagalang namin siya bilang Patriarch ng Simbahan at patriarch ng aming mga kaanak,” sabi niya. Sinabi pa niya na alam niya na para kay Elder Smith ang pinakamalaki niyang tagumpay ay ang kanyang pamilya.

Pinakasalan ni Eldred Smith si Jeanne Audrey Ness noong 1932; sila ay may limang anak. Noong mamatay si Jeanne noong 1977, pinakasalan niya si Hortense Child; na noon ay naglilingkod bilang tagapayo sa Young Women general presidency. Siya ay namatay noong Mayo 2012.

Naiwan ni Elder Smith ang dalawang anak na lalaki at dalawang anak na babae (isang anak na babae ang pumanaw na), 22 apo (dalawang iba pa ang pumanaw), 63 apo-sa-tuhod, at 22 apo-sa-talampakan.

Si Gerry Avant ang nag-ambag sa artikulong ito.

Pangulong Thomas S. Monson, kanan, na nakikipag-usap kay Elder Eldred G. Smith, na naglingkod bilang Patriarch sa Simbahan mula 1947 hanggang 1979, sa kanyang ika-106 na kaarawan, Enero 9, 2013. Pumanaw si Elder Smith noong Abril 4 sa kanyang tahanan.

Larawang kuha ni Gerry Avant, Mga Balita sa Simbahan