2013
Neill F. Marriott
Mayo 2013


Neill F. Marriott

Pangalawang Tagapayo sa Young Women General Presidency

Neill F. Marriott

Bago pa man siya sumapi sa Simbahan, natutuhan na ni Neill Foote Marriott noong bata siya na may Diyos at mahal siya ng Diyos.

“Sinunod ng aking ama ang huwaran ng Ama sa Langit,” sabi ng bagong pangalawang tagapayo sa Young Women general presidency. “Ang kanyang pagmamahal at pagtanggap sa iba ay walang hanggan. Dahil sa pagmamahal at tiwala ko sa aking ama madali na lang magtiwala at mahalin ang Ama sa Langit.”

Isinilang sa mga magulang na sina George at Antonia Foote noong Oktubre 1947 sa Alexandria, Louisiana, USA, siya lamang ang nag-iisang kapatid na babae ng anim na nakababatang kapatid na lalaki. Pagkaraang makapagtapos sa Southern Methodist University sa Dallas, Texas, na may degree sa English literature at secondary education, lumipat siya sa Cambridge, Massachusetts, kung saan siya nagtrabaho bilang secretary sa Harvard University. Doon niya nakilala si David Cannon Marriott, na nagsabi sa kanya, “May mga kaibigan ako na gusto kong makilala mo.” Di-nagtagal isinama niya ang mga missionary upang turuan siya at ang kanyang mga kasamahan sa bahay.

Habang nakikinig siya sa mga missionary, sinabi niya, “ang mga lesson ay nagpuno sa mga bagay na hindi ko nauunawaan sa ebanghelyo.” Matapos ang kanyang binyag noong Mayo 1970, nanatili silang magkaibigan ni David; makalipas ang isang taon naging magkasintahan sila at ikinasal noong Hunyo 1971 sa Salt Lake Temple.

Sa pakikipagtulungan sa kanyang asawa, namalagi sa bahay si Sister Marriott kasama ang kanilang 11 anak habang si David ay nagnenegosyo. Sila ay nakapaglingkod sa maraming katungkulan sa Simbahan. Naglingkod siya kasama ng kanyang asawa nang mangulo ito sa São Paulo Interlagos Mission mula 2002 hanggang 2005, at naglingkod bilang ordinance worker sa Salt Lake Temple, stake at ward Relief Society president, at ward Young Women president, Gospel Doctrine teacher, at food storage specialist.

Sa kanyang bagong tungkulin, umaasa si Sister Marriott na maibahagi niya ang patotoo na natanggap niya noong siya ay dalagita pa. Gusto niyang malaman ng mga kabataang babae na “lubos at maluwalhati ang pagmamahal sa kanila ng kanilang Ama sa Langit.”