Ang Pag-asang Dulot ng Liwanag ng Diyos
Habang hinahangad nating dagdagan ang ating pag-ibig sa Diyos at sinisikap na mahalin ang ating kapwa, ang liwanag ng ebanghelyo ay papalibot sa atin at pasisiglahin tayo.
Daan Tungo sa Kaliwanagan
Mahalaga sa akin ang isang painting na nasa aking opisina na pinamagatang Entrance to Enlightenment. Likha ito ng isang kaibigan ko, ang Danish artist na si Johan Benthin, na siyang unang stake president sa Copenhagen, Denmark.
Makikita sa painting ang madilim na silid na nakabukas ang pinto na pinagmumulan ng maningning na liwanag. Napansin ko na ang liwanag na nagmumula sa pinto ay hindi tumatanglaw sa buong silid—tanging sa paligid lamang ng pinto.
Para sa akin, ang kadiliman at liwanag na nasa painting na ito ay katulad ng buhay. Bahagi ng ating katayuan bilang mga mortal na nilalang na madama kung minsan na para tayong napalilibutan ng kadiliman. Marahil nawalan tayo ng mahal sa buhay; maaaring naligaw ng landas ang isang anak; maaaring nakakabagabag ang naging pagsusuri sa atin ng doktor; maaaring may problema tayo sa trabaho at nabibigatan sa mga pag-aalinlangan at pangamba; o maaaring dama nating nag-iisa tayo at hindi minamahal.
Ngunit kahit maaaring dama nating naguguluhan tayo sa kasalukuyan nating kalagayan, nangangako ang Diyos na may pag-asa sa Kanyang liwanag—nangangako Siyang tatanglawan ang ating daraanan at ituturo sa atin ang landas palabas sa kadiliman.
Isang Silid na Puno ng Kadiliman
Gusto kong ikuwento sa inyo ang tungkol sa isang babae na lumaki sa isang silid na puno ng kadiliman—tatawagin ko siyang Jane.
Mula pa noong si Jane ay tatlong taong gulang, paulit-ulit siyang sinaktan, nilait, at inabuso. Siya ay pinagbantaan at inalipusta. Gumigising siya bawat umaga na hindi alam kung mabubuhay pa siya kinabukasan. Ang mga taong dapat sanang magprotekta sa kanya ang nananakit sa kanya o nagtutulot na magpatuloy ang pang-aabuso.
Para maprotektahan ang kanyang sarili, natuto si Jane na maging manhid. Wala na siyang pag-asang masagip pa, kaya’t pinatigas na lamang niya ang kanyang puso sa malagim na sinapit niya. Walang liwanag sa kanyang daigdig, kaya’t tinanggap na lamang niya ang kadilimang iyon. Dahil sa pagkamanhid na bunga ng walang tigil na pagmamalupit sa kanya, tinanggap niya ang katotohanan na anumang oras ay maaari siyang mamatay.
At sa edad na 18, natuklasan ni Jane Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang galak at pag-asa ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay tumimo sa kanyang puso, at tinanggap niya ang paanyaya na magpabinyag. Sa kauna-unahang pagkakataon, naliwanagan ang kanyang buhay, at nakita niya ang magandang landas na tatahakin. Iniwan niya ang kadiliman ng kanyang mundo at nagpasiyang mag-aral sa paaralang malayo sa nang-abuso sa kanya. Sa wakas dama niyang nakalaya siya sa madilim at masamang kapaligiran—malayang tamasahin ang matamis na kapayapaan at mahimalang pagpapagaling ng Tagapagligtas.
Gayunman, makalipas ang ilang taon, nang mamatay ang nang-abuso sa kanya, muling binagabag si Jane ng malalagim na pangyayari noong kanyang kabataan. Ang matinding kalungkutan at galit ay nagbantang sumira sa napakagandang liwanag na natagpuan niya sa ebanghelyo. Natanto niya na kung ang kadilimang iyon lamang ang iisipin niya, ang taong sumira sa kanya ang magtatagumpay.
Humingi siya ng payo at tulong medikal at natanto niya na para sa kanya, ang pinakamainam na landas sa paggaling ay ang unawain at tanggapin na umiiral ang kadiliman—ngunit di kailangang doon ituon ang pansin. Dahil, gaya ng alam na niya ngayon, umiiral din ang liwanag—at iyon ang pinili niyang pagtuunan ng pansin.
Dahil sa dinanas na dusa at hirap, si Jane ay madali sanang naging mapaghiganti, puno ng galit, o malupit. Ngunit hindi siya naging gayon. Napaglabanan niya ang tukso na ikalat ang lagim, na pinipigilan ang sarili sa pagwawala dahil sa matinding galit, sakit, o kawalan ng tiwala sa iba. Sa halip, nagtuon siya sa pag-asa na sa tulong ng Diyos siya ay mapapagaling. Pinili niyang maging liwanag at ilaan ang buhay niya sa pagtulong sa iba. Natulungan siya ng desisyong ito na kalimutan na lang ang nakaraan at humakbang tungo sa maluwalhati at maliwanag na kinabukasan.
Siya’y naging guro, at ngayon, makalipas ang ilang dekada, ang pagmamahal niya ay nakaimpluwensya sa buhay ng daan-daang bata, tinutulungan silang malaman na mahalaga sila. Siya’y walang sawang naging tagapagtanggol ng mahihina, ng mga nabiktima ng pang-aabuso o karahasan, at mga nasisiraan ng loob. Siya ay tumutulong, nagbibigay-lakas, at pinasisigla ang lahat ng nakapaligid sa kanya.
Natutuhan ni Jane na dumarating ang paggaling kapag lumayo tayo sa kadiliman at lumakad tungo sa pag-asa ng mas maningning na liwanag. Nang ipamuhay niya ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa hindi lamang niya binago ang sarili niyang buhay kundi pinagpala rin ang buhay ng marami magpakailanman.
Ang Liwanag ay Kumukunyapit sa Liwanag
Maaaring nadarama ng ilan sa inyo na unti-unti kayong naaapektuhan ng kadiliman. Maaaring kayo ay nag-aalala, nangangamba, o nagdududa. Sa inyo at sa ating lahat, uulitin ko ang napakaganda at tiyak na katotohanan: Ang liwanag ng Diyos ay tunay. Ito ay maaaring mapasalahat! Ito ang nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay.1 May kapangyarihan itong pawiin ang kirot ng pinakamalalim na sugat. Mapagagaling nito ang kalungkutan at karamdaman ng ating kaluluwa. Sa sandali ng kawalan ng pag-asa, makapagbibigay ito sa atin ng liwanag ng pag-asa. Makapagbibigay ito ng liwanag maging sa pinakamatinding kalungkutan. Matatanglawan nito ang landas sa ating harapan at aakayin tayo sa pinakamadilim na gabi tungo sa pangako ng bagong bukang-liwayway.
Ito ang “Espiritu ni Jesucristo,” na nagbibigay ng “liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig.”2
Gayunman, ang espirituwal na liwanag ay bihirang dumating sa mga taong nakaupo lamang sa kadiliman at naghihintay ng pipindot sa switch. Kailangan nating kumilos nang may pananampalataya upang makilala ang Liwanag ni Cristo. Ang espirituwal na liwanag ay hindi nakikita ng mga matang makasalanan. Itinuro mismo ni Jesucristo, “Ako ang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman, at ang kadiliman ay hindi ito nauunawaan.”3 Sapagkat “ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka’t ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.”4
Kaya’t paano natin hahanapin at makikilala ang pag-asang dulot ng liwanag ng Diyos?
Una, magsimula kung saan kayo naroon ngayon.
Hindi ba’t napakagandang malaman na di tayo kailangang maging perpekto para maranasan ang mga pagpapala at kaloob ng ating Ama sa Langit? Hindi natin kailangang hintayin na maging perpekto tayo para matanggap ang mga pagpapala ng Diyos. Sa katunayan, sinisimulan tayong pagpalain ng Diyos kapag sinimulan nating hanapin ang liwanag.
Ang perpektong lugar para magsimula ay sa mismong kinatatayuan ninyo ngayon. Hindi mahalaga kung sa tingin ninyo ay di kayo karapat-dapat o masyado na kayong nahuhuli kumpara sa iba. Sa sandaling simulan ninyong hanapin ang inyong Ama sa Langit, sa sandaling iyon, ang pag-asa ng Kanyang liwanag ay sisimulang gisingin, pasiglahin, at gawing maringal ang inyong kaluluwa.5 Maaaring hindi kaagad maglaho ang kadiliman, ngunit gaya ng bukang-liwayway na kasunod ng magdamag, tiyak na darating ang liwanag.
Pangalawa, ibaling ang inyong puso sa Panginoon.
Ibuhos ang inyong damdamin sa panalangin at ipaliwanag sa inyong Ama sa Langit ang inyong nadarama. Aminin ang inyong mga pagkukulang. Ibuhos ang nilalaman ng inyong puso at magpasalamat. Ipaalam sa Kanya ang pagsubok na inyong nararanasan. Sumamo sa Kanya sa pangalan ni Cristo at humingi ng lakas at tulong. Hilingin na mabuksan ang inyong mga tainga, upang marinig ninyo ang Kanyang tinig. Hilingin na mabuksan ang inyong mga mata, upang makita ninyo ang Kanyang liwanag.
Pangatlo, lumakad sa liwanag.
Alam ng inyong Ama sa Langit na magkakamali kayo. Alam Niyang madadapa kayo—siguro nang maraming beses. Ikinalulungkot Niya ito, ngunit mahal Niya kayo. Ayaw Niyang mawalan kayo ng pag-asa. Sa katunayan, nais Niyang bumangon kayo at maging taong dapat ninyong kahinatnan.
Para magawa ito, isinugo Niya ang Kanyang Anak sa mundong ito upang tanglawan ang daan at ipakita sa atin kung paano lalampasan ang mga batong katitisuran na inilagay sa ating daanan. Ibinigay Niya sa atin ang ebanghelyo, na nagtuturo sa landas ng disipulo. Itinuturo nito sa atin ang mga bagay na dapat nating malaman, gawin, at marating upang lumakad sa Kanyang liwanag, na sinusundan ang mga hakbang ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang ating Tagapagligtas.
Dadaigin ng Liwanag ang Kadiliman
Oo, makagagawa tayo ng mga pagkakamali.
Oo, madadapa tayo.
Ngunit habang hinahangad nating dagdagan ang ating pagmamahal sa Diyos at sinisikap na mahalin ang ating kapwa, ang liwanag ng ebanghelyo ay papalibot sa atin at pasisiglahin tayo. Tiyak na maglalaho ang kadiliman, dahil hindi ito makaiiral sa presensya ng liwanag. Habang lumalapit tayo sa Diyos, lalapit Siya sa atin.6 At araw-araw, lalago ang pag-asa ng liwanag ng Diyos sa ating kalooban, “lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw.”7
Sa lahat ng nakadarama na lumalakad sila sa kadiliman, inaanyayahan ko kayong umasa sa tiyak na pangakong ito na binigkas ng Tagapagligtas ng sangkatauhan: “Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.”8
Isang Liwanag sa Africa
Ilang taon na ang nakalilipas, kami ng asawa kong si Harriet, ay nagkaroon ng hindi malilimutang karanasan kung saan nakita namin ang katuparan ng pangakong ito. Nasa West Africa kami noon, isang magandang panig ng mundo kung saan lumalago ang Simbahan at kahanga-hanga ang mga Banal sa mga Huling Araw. Gayunman, marami ring pagsubok sa West Africa. Ang ikinalungkot ko sa lahat ay ang kahirapan na nakita ko roon. Sa mga lungsod, marami ang walang trabaho, at kadalasan ay hirap ang mga pamilya na tustusan ang kanilang pangangailangan sa araw-araw at nag-aalala sa kanilang kaligtasan. Lungkot na lungkot ako na malaman na marami sa ating minamahal na mga miyembro ng Simbahan ang namumuhay sa gayong kahirapan. Ngunit nalaman ko rin na nagtutulungan ang mabubuting miyembrong ito para mapagaan ang mabibigat na pasanin ng isa’t isa.
Nakarating kami sa isa sa ating mga meetinghouse malapit sa isang malaking lungsod. Ngunit sa halip na makakita ng mga taong nabibigatan at lugmok sa kadiliman, ang nakita namin ay masasayang tao na nagniningning sa liwanag! Ang kaligayahang nadama nila sa ebanghelyo ay nadama namin at nagbigay-sigla sa amin. Ang pagmamahal na ipinakita nila sa amin ay nakaaantig. Ang kanilang mga ngiti ay tunay at nakakahawa.
Naaalala kong naisip ko sa sandaling iyon kung mayroon pang mga tao sa balat ng mundo na mas maligaya kaysa sa kanila. Kahit na napalilibutan ng kahirapan at mga pagsubok ang mga mahal na Banal na ito, puno sila ng liwanag!
Nagsimula ang pulong, at nag-umpisa akong magsalita. Ngunit di nagtagal namatay ang ilaw sa gusali, at naging napakadilim.
Sumandali akong nahirapang makita ang sinuman sa kongregasyon, ngunit nakita at nadama ko ang maliwanag at magagandang ngiti ng ating mga miyembro. Ah, ang sarap makasama ng kahanga-hangang mga taong ito!
Madilim pa rin sa chapel, kaya naupo ako sa tabi ng aking asawa at hinintay na magkaroon ulit ng ilaw. Habang naghihintay kami, may kagila-gilalas na nangyari.
Sinimulang kantahin ng ilang tinig ang isa sa mga himno ng Panunumbalik. At sumabay sa pagkanta ang iba. At nadagdagan pa. Hanggang sa isang napakagandang koro ng mga tinig ang pumuno sa chapel.
Hindi kailangan ng mga miyembrong ito ng Simbahan ng mga himnaryo; alam nila ang titik ng bawat himnong kinanta nila. At sunud-sunod ang inawit nila nang buong lakas at sigla na umantig sa aking kaluluwa.
Sa wakas, sumindi na ulit ang mga ilaw at napuno ng liwanag ang silid. Nagtinginan kami ni Harriet, at basa sa luha ang aming mga pisngi.
Sa gitna ng matinding kadiliman, pinuno ng mga kalugud-lugod at kahanga-hangang mga Banal na ito ng liwanag ang gusali ng Simbahan at ang aming kaluluwa.
Napakaganda at nakaaantig ang karanasan naming iyon—karanasan na di namin malilimutan ni Harriet.
Lumapit sa Liwanag
Oo, may mga panahong tila naiimpluwensyahan, o nababalot pa nga ng kadiliman ang ating buhay. Kung minsan ang kadilimang nakapaligid sa atin ay tila mapagmalupit, nakapanghihina ng loob, at nakakatakot.
Nagdadalamhati ang puso ko sa maraming pagdurusang dinaranas ng ilan sa inyo, sa mapait na kalungkutan at pangamba na nakapapagal sa inyo.
Gayunpaman, nagpapatotoo ako na ang ating buhay na pag-asa ay na kay Cristo Jesus! Siya ang tunay, dalisay, at makapangyarihang daan tungo sa banal na kaliwanagan.
Nagpapatotoo ako na kay Cristo, ang kadiliman ay hindi magtatagumpay. Ang kadiliman ay hindi mananaig laban sa liwanag ni Cristo.
Nagpapatotoo ako na hindi makakayanan ng kadiliman ang liwanag ng Anak ng Diyos na buhay!
Inaanyayahan ko ang bawat isa sa inyo na tanggapin Siya sa inyong puso. Hanapin Siya sa pamamagitan ng pag-aaral at panalangin. Magpunta sa Kanyang Simbahan, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Alamin ang tungkol sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo, maging aktibo, tulungan ang isa’t isa, at buong galak na paglingkuran ang ating Diyos.
Mga kapatid, maging sa napakadilim na gabi, aakayin kayo ng Tagapagligtas ng daigdig sa unti-unti, maganda, at maliwanag na bukang-liwayway na tiyak na sisikat sa inyong kalooban.
Habang naglalakad kayo tungo sa pag-asa ng liwanag ng Diyos, matutuklasan ninyo ang habag, pagmamahal, at kabutihan ng mapagmahal na Ama sa Langit, “[at] sa kaniya’y walang anomang kadiliman.”9 Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.