2013
Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Mayo 2013


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Dalangin ko na pagpalain at palakasin kayo ng Panginoon, mga kapatid. Nawa ang Kanyang ipinangakong kapayapaan ay mapasainyo ngayon at sa tuwina.

Pangulong Thomas S. Monson

Mga kapatid, napakaganda ng ating kumperensya. Alam ko na sasang-ayon kayo sa akin na ang mga mensahe ay nagbigay-inspirasyon sa atin. Ang ating mga puso ay naantig, at ang ating mga patotoo tungkol sa banal na gawaing ito ay napalakas nang madama natin ang Espiritu ng Panginoon. Sana ay maalala natin ang mga narinig natin nitong nakaraang dalawang araw. Hinihikayat ko kayo na pag-aralan pa ang mga mensahe kapag nailathala na ang mga ito sa parating na isyu ng mga magasing Ensign at Liahona.

Nagpapasalamat kami sa bawat isa na nagsalita sa atin, gayon din sa mga nag-alay ng panalangin. Dagdag pa rito, nakasisiya at nakasisigla ang musika. Mahal natin ang ating napakahusay na Tabernacle Choir at pinasasalamatan ang lahat ng iba pang naglaan ng musika.

Magkakasama nating pinasasalamatan ang mga nasa presidency at general board ng Young Women, na ini-release kahapon. Kahanga-hanga ang kanilang paglilingkod at lubos ang kanilang katapatan.

Sinang-ayunan natin, sa pamamagitan ng pagtataas ng kamay, ang kalalakihan at kababaihan na tinawag sa mga bagong katungkulan sa kumperensyang ito. Gusto naming malaman nilang lahat na umaasa kami na makapaglilingkod kaming kasama nila sa layunin ng Panginoon.

Tayo ay pandaigdigang Simbahan, mga kapatid. Ang mga miyembro natin ay nasa iba’t ibang dako ng mundo. Hinihikayat ko kayo na maging mabubuting mamamayan ng bansa kung saan kayo nakatira at mabubuting kapitbahay sa inyong komunidad, tumutulong sa mga taong iba ang relihiyon gayundin sa mga miyembro natin. Nawa ay maging mapagparaya tayo, mabait at mapagmahal sa mga taong iba ang mga paniniwala at pamantayan sa atin. Dinala ng Tagapagligtas sa mundong ito ang mensahe ng pagmamahal at kabutihan sa lahat ng kalalakihan at kababaihan. Nawa’y palagi nating sundan ang Kanyang halimbawa.

Dalangin ko na mahiwatigan natin ang mga pangangailangan ng mga nasa paligid natin. May ilan, lalo na sa mga kabataan, na nakakalungkot na lulong sa droga, imoralidad, pornograpiya, at iba pa. Nariyan ang mga nalulumbay, kabilang na ang mga biyuda at biyudo, na hangad ang pakikipagkaibigan at pagmamalasakit ng iba. Nawa ay palagi tayong maging handa sa pagtulong at pagmamalasakit sa kanila.

Nabubuhay tayo sa panahon sa kasaysayan ng mundo na puno ng mahihirap na hamon ngunit puno rin ng magagandang pagkakataon at dahilan para magalak. Siyempre, may mga pagkakataon na dumaranas tayo ng pagkabigo, kalungkutan, at maging ng mga trahedya sa ating buhay. Gayunman, kung magtitiwala tayo sa Panginoon, tutulungan Niya tayo sa ating mga problema, anuman ang mga ito. Tiniyak ito ng Mang-aawit: “Pagiyak ay magtatagal ng magdamag, nguni’t kagalakan ay dumarating sa kinaumagahan.”1

Mga kapatid, gusto kong malaman ninyo na labis akong nagpapasalamat sa ebanghelyo ni Jesucristo, na ipinanumbalik sa mga huling araw na ito sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ito ang susi sa ating kaligayahan. Nawa’y maging mapagpakumbaba at madasalin tayo, nananampalataya na papatnubayan at pagpapalain ng ating Ama sa Langit ang ating buhay.

Sinasaksihan at pinapatunayan ko sa inyo na buhay ang Diyos, at naririnig Niya ang mga panalangin ng mga pusong mapagpakumbaba. Ang Kanyang Anak, ang ating Tagapagligtas at Manunubos, ay nangungusap sa bawat isa sa atin: “Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya.”2 Nawa’y manalig tayo sa mga salitang ito at samantalahin ang pangakong ito.

Sa pagtatapos ng kumperensyang ito, hinihiling ko na pagpalain ng langit ang bawat isa sa inyo. Nawa’y mapuno ng kapayapaan, pagkakasundo, paggalang at pagmamahalan ang inyong mga tahanan. Nawa’y mapuspos ang mga ito ng Espiritu ng Panginoon. Nawa’y palakasin at pangalagaan ninyo ang inyong mga patotoo sa ebanghelyo, nang sa gayon ay maging pananggalang ninyo ang mga ito sa pag-atake ni Satanas.

Hanggang sa muli nating pagkikita sa susunod na anim na buwan, dalangin ko na pagpalain at palakasin kayo ng Panginoon, mga kapatid. Nawa ang Kanyang ipinangakong kapayapaan ay mapasainyo ngayon at sa tuwina. Salamat sa inyong mga panalangin para sa akin at sa lahat ng mga General Authority. Lubos kaming nagpapasalamat sa inyo. Sa pangalan ng ating Tagapagligtas at Manunubos, na ating pinaglilingkuran, maging si Jesucristo, ang Panginoon, amen.