Kailangan ng Simbahan ang Maturidad at Kasanayan ng mga Senior Couple
Kasabay ng pagdami ng bilang ng mga batang missionary dahil sa pagbaba ng edad na maaari nang magmisyon, kailangang-kailangan din ang mga senior couple sa mga mission sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa pagkalikha kamakailan ng 58 bagong mission, marami pang senior couple ang kakailanganin para makapaglaan ng kasanayan sa pamumuno at iba pang tulong na napakahalaga sa isang matagumpay na misyon.
Noong kumperensya ng Abril 2013, nagsalita si Pangulong Thomas S. Monson tungkol sa mabilis na pagdami ng bilang ng mga missionary at ipinahayag ang kanyang pagmamahal sa mga yaong handang maglingkod sa Panginoon sa misyon (tingnan sa mga pahina 4, 66). Hinikayat ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol lalo na ang mga senior couple na maglingkod. “Mga senior couple, planuhin ang araw na maaari na kayong magmisyon. Pasasalamatan namin nang lubos ang inyong paglilingkod,” sabi niya (tingnan sa pahina 45).
Sa pagbubukas ng pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2012, sinabi ni Pangulong Monson: “Patuloy pa rin tayong nangangailangan ng marami pang senior couple. Kung ipinahihintulot ng inyong kalagayan, kapag maaari na kayong magretiro, at kung ipinahihintulot ng inyong kalusugan, hinihikayat ko [kayo na] ihanda ang inyong sarili na maglingkod sa full-time na misyon. Ang mag-asawa ay kapwa magkakaroon ng malaking kaligayahan habang magkasama nilang pinaglilingkuran ang mga anak ng ating Ama” (“Pagbati sa Kumperensya,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 5).
Sa loob ng maraming taon, hinihikayat ng mga lider ng Simbahan ang mga senior couple na maglingkod. Sinabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mga mission sa iba’t ibang lugar ay nangangailangan ng mas marami pang mga senior couple. Dahil sa kanilang maturidad at kasanayan, sila ay ilan sa pinakamahuhusay nating missionary. Ang kanilang espesyal na mga kasanayan … ay nagbibigay-kakayahan sa kanila na sanayin ang mga lokal na lider nang mas epektibo, mapalakas at mapaaktibong muli ang mga miyembro, at madala ang mga di-miyembro kay Cristo” (“Missionary Couples—Trading Something Good for Something Better,” Ensign, Hunyo 1988, 9, 11).
Ang mga marapat na mag-asawa na nais maglingkod bilang mga missionary ay hinihikayat na ipaalam sa kanilang bishop o branch president ang kanilang hangaring maglingkod. Ang haba ng paglilingkod ay tumatagal ng 6 na buwan o higit pa pero hindi lumalampas ng 23 buwan.
Ang may mga tanong tungkol sa senior mission ay maaaring tumawag sa 1-800-453-3860, ext. 2-6741 (o 1-801-240-6741), o mag-email sa SeniorMissionaryServices@ldschurch.org para masagot ang mga tanong.