“Paghahayag para sa Ating Buhay,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Russell M. Nelson (2023)
Kabanata 14
Paghahayag para sa Ating Buhay
Nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong kasalukuyang espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag.
Mula sa Buhay ni Russell M. Nelson
Ikinuwento ni Pangulong Russell M. Nelson ang isang paghahayag na natanggap niya bilang sagot sa mga panalangin ng isang tapat na kaibigan:
“Naranasan na ng marami ang magiliw na kapangyarihan ng panalangin. Ang sa aki’y naranasan ko kasama ang isang stake patriarch na mula sa katimugang Utah. Una ko siyang nakilala sa aking klinika mahigit 40 taon na ang nakararaan, noong bago pa lamang ginagawa ang pag-oopera sa puso. Malaki na ang paghihirap ng mabait na taong ito dahil sa sakit sa puso.
“Humingi siya ng tulong, sa pag-aakalang ang sakit niya’y sanhi ng sirang balbula sa kanyang puso na maaari pang ayusin.
“Natuklasan sa masusing pagsusuri na dalawang balbula ang may diperensya sa kanya. Bagama’t maaayos ang isa, ang ikalawa ay hindi na. Dahil dito, hindi na ipinayo ang operasyon. Labis siyang nalungkot nang malaman ito.
“Gayon din ang naging payo sa sumunod na mga pagbisita niya. Sa kawalan ng pag-asa, kinausap niya ako: ‘Dr. Nelson, nagdasal ako para humingi ng tulong at sa inyo ako itinuro. Hindi ipaaalam sa akin ng Panginoon kung paano aayusin ang pangalawang balbula, pero maipaaalam Niya ito sa iyo. Handang-handa na ang iyong isipan. Kung ooperahan mo ako, ipaaalam sa iyo ng Panginoon ang dapat mong gawin. Sige na, operahan mo na ako, at hingin mo sa panalangin ang tulong na kailangan mo.’
“Matindi ang epekto sa akin ng kanyang malaking pananampalataya. Paano ko pa siya matatanggihan? Matapos kaming taimtim na nanalangin, pumayag akong subukan ito. Sa paghahanda sa araw na iyon, paulit-ulit akong nagdasal, pero di ko pa rin alam ang gagawin sa balbulang may diperensya. Kahit na nang magsimula ang operasyon, nagtanong ang assistant ko, ‘Ano ang gagawin mo riyan?’
“Sabi ko, ‘Ewan ko.’
“Sinimulan namin ang operasyon. Matapos bawasan ang bara ng unang balbula, tiningnan namin ang pangalawang balbula. Nakita naming buo naman ito, pero masyadong maluwang kaya hindi na ito maaaring [gumana nang maayos]. Habang sinusuri ang balbulang ito, may malinaw na mensaheng pumasok sa isipan ko: Bawasan mo ang luwang. Sinabi ko ito sa aking assistant. ‘Maaayos natin ang balbula kung mababawasan natin ang luwang nito at maibabalik ito sa normal na sukat.’
“Ngunit paano? Di kami makagagamit ng sinturon, gaya ng ginagamit sa pantalon para mapahigpit. Hindi kami makagagamit ng tali, para mahigpitan ito gaya ng ginagawa sa pagpapahigpit ng siya [saddle] sa kabayo. Pagkatapos ay malinaw na nailarawan sa aking isipan ang paraan para magawa ito, ipinakikita kung paano ito tatahiin—itutupi rito at isusuksok doon—para maisagawa ang nais mangyari. Naaalala ko pa ang paglalarawang iyon sa aking isipan—kasama ang mga putul-putol na linya kung saan dapat tahiin. Natapos ang pagtatahi ayon sa nakalarawan sa aking isipan. Sinubukan namin ang balbula at malaki ang nabawas sa dugong tumatagas dito. Sabi ng assistant ko, ‘Himala ito.’
“Ang sabi ko, ‘Sagot ito sa panalangin.’
“Mabilis na gumaling ang pasyente at bumuti ang kanyang lagay. Hindi lang siya natulungan sa kamangha-manghang paraan, kundi posible na ring operahan ang ibang taong gayundin ang kalagayan. Hindi ko inaangkin ang papuri. Iyon ay sa matapat na patriarch na ito at sa Diyos, na sumagot sa aming mga dalangin.”
Sa pagtukoy sa karanasang ito, sinabi ni Pangulong Nelson, “Sa pamamagitan ng mga paghahayag ng Espiritu Santo, tutulungan tayo ng Panginoon sa lahat ng ating mga matwid na hangarin.”
Mga Turo ni Russell M. Nelson
Talaga bang nais ng Diyos na mangusap sa inyo? Oo!
Isa sa mga bagay na paulit-ulit na ikinikintal ng Espiritu sa aking isipan ay kung gaano kahanda ang Panginoon na ihayag ang Kanyang kagustuhan at kalooban. Ang kagila-gilalas na pribilehiyo na makatanggap ng paghahayag ay isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos sa Kanyang mga anak—na maaaring matanggap ng bawat isa sa atin.
Kahit sino ka man, maaari kang magdasal sa iyong Ama sa Langit para humingi ng patnubay at direksyon sa iyong buhay. Kung matututuhan mong pakinggan ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga pahiwatig, ikaw ay maaaring makatanggap ng banal na patnubay sa malalaki at maliliit na bagay.
Talaga bang nais ng Diyos na mangusap sa inyo? Oo! “Gayon din maaaring iunat ng tao ang kanyang maliit na bisig upang pigilin ang ilog ng Missouri sa kanyang nakatalagang daan … upang hadlangan ang Pinakamakapangyarihan sa pagbubuhos ng kaalaman mula sa langit sa mga ulo ng mga Banal sa mga Huling Araw” [Doktrina at mga Tipan 121:33].
Maaari kayong makatanggap ng personal na paghahayag tungkol sa inyong mga kalagayan
Pinamamahalaan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng mga taong sinusuportahan ninyo bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Ito ay isang napakasagradong proseso. Napakasagrado nito kaya hindi natin ito gaanong pinag-uusapan. Ngunit hindi ito para lang sa atin. Maaari kayong makakuha ng personal na paghahayag para sa inyong mga pagsisikap sa buhay tulad ko para sa aking mga responsibilidad sa buhay.
Pinatototohanan ko sa inyo na ang paghahayag ay totoo at hindi ito naiiba para sa akin at para sa inyo. Makatatanggap kayo ng personal na paghahayag para sa inyong sariling kalagayan tulad ng magagawa ko para sa aking kalagayan.
Isipin ang himala nito! … Maaari tayong manalangin sa ating Ama sa Langit at tumanggap ng patnubay at direksyon, mabalaan sa panganib at ligalig, at mabigyan ng kakayahan na gumawa ng mga bagay na hindi natin kakayanin nang mag-isa. Kung talagang tatanggapin natin ang Espiritu Santo at matututuhang makilala at maunawaan ang Kanyang mga pahiwatig, magagabayan tayo sa malalaki at maliliit na bagay.
Ang Diyos ay mangungusap sa inyo sa Kanyang sariling paraan at sa Kanyang sariling panahon
Bawat isa sa atin ay may karapatang makatanggap ng personal na paghahayag para sa ating sariling gawain—mga ina, ama, anak sa kanilang tahanan. Ngayon, natatanggap ko na ang paghahayag na iyon para sa buong Simbahan. … Ito ay laging nasa takdang oras ng Panginoon, hindi kailanman sa akin.
Ang paghahayag ay hindi kailangang dumating nang sabay-sabay. Maaaring paunti-unti ito. “Ganito ang wika ng Panginoong Diyos: Magbibigay ako sa mga anak ng tao nang taludtod sa taludtod, nang tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon; at pinagpala ang mga yaong nakikinig sa aking mga tuntunin, at dinidinig ang aking mga payo, sapagkat matututo sila ng karunungan; sapagkat siya na tumatanggap ay bibigyan ko pa ng karagdagan” [2 Nephi 28:30]. Ang pagtitiis at pagtitiyaga ay bahagi ng ating walang-hanggang pag-unlad.
Ang paghahayag mula sa Diyos ay laging nakaayon sa Kanyang walang-hanggang batas. Hindi ito kailanman sumasalungat sa Kanyang doktrina. Ito ay pinadali ng tamang pagpipitagan sa Diyos.
Maaaring kailangan nating magtiis, ngunit mangungusap ang Diyos sa atin sa Kanyang sariling paraan at panahon.
Dapat tayong matutong tumanggap ng paghahayag upang espirituwal na makaligtas
Nabubuhay tayo sa mundong puno ng kaguluhan at tumitinding salungatan. Ang social media at ang 24 na oras na pagbabalita ay inaatake tayo ng walang humpay na mga mensahe. Kung gusto nating magkaroon ng pagkakataong masuri ang iba’t ibang opinyon at mga pilosopiya ng tao na sumisira ng katotohanan, kailangan tayong matutong tumanggap ng paghahayag.
Ang ating Tagapagligtas at Manunubos, na si Jesucristo, ay gagawa ng ilan sa kanyang mga pinakadakilang gawain ngayon at hanggang sa Kanyang muling pagparito. Makakakita tayo ng mahihimalang mga palatandaan na ang Diyos Ama at Kanyang Pinakamamahal na Anak ay mamumuno sa daigdig na ito sa karingalan at kaluwalhatian. Ngunit sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.
Higit na mahalaga ngayon na malaman ninyo kung paano nangungusap sa inyo ang Espiritu. Sa Panguluhang Diyos, ang Espiritu Santo ang sugo. Ipaparating Niya sa inyong isipan ang nais ng Ama at ng Anak na matanggap ninyo. Siya ang Mang-aaliw. Magdadala [S]iya ng kapayapaan sa inyong puso. Nagpapatotoo Siya sa katotohanan at pagtitibayin kung ano ang totoo kapag pinakinggan at binasa ninyo ang salita ng Panginoon.
Malalaman ninyo mismo kung paano makatanggap ng personal na paghahayag
Lahat tayo ay may mga tanong. Ang paghahangad na malaman, maunawaan, at makilala ang katotohanan ay mahalagang bahagi ng ating karanasan sa buhay. Halos buong buhay ko ay nagugol sa pagsasaliksik. Higit din kayong makakaalam sa pagtatanong ng mga inspiradong bagay.
Sa sandaling ito mismo ang ilan sa inyo ay nahihirapang malaman kung ano ang dapat ninyong gawin sa inyong buhay. Maaaring iniisip ng iba sa inyo kung napatawad na ba kayo sa inyong mga kasalanan. …
Maaaring nagtatanong ang ilan kung bakit ginagawa ng Simbahan ang ilan sa mga bagay na ginagawa nito. Marahil marami sa inyo ang hindi nakatitiyak kung paano masasagot ang inyong mga dalangin.
Handa ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na sagutin ang inyong mga tanong sa pamamagitan ng paglilingkod ng Espiritu Santo. Ngunit responsibilidad ninyong alamin kung paano maging karapat-dapat para doon at paano matatanggap ang mga sagot na iyon.
Saan kayo makapagsisimula? Magsimula sa paggugol ng mas maraming oras sa mga banal na lugar. Ang templo ay isang banal na lugar. Gayundin ang chapel, kung saan kayo gumagawa ng mga bagong tipan sa sakramento tuwing Linggo. Inaanyayahan ko kayong gawing banal na lugar ang inyong apartment, dorm, tahanan, o silid kung saan kayo ligtas na makalalayo sa masasamang kaguluhan ng mundo.
Mahalaga ang panalangin. Manalangin upang malaman kung ano ang ititigil at ano ang sisimulang gawin. Manalangin upang malaman kung ano ang idaragdag sa inyong kapaligiran at ano ang aalisin upang mapasainyo nang sagana ang Espiritu.
Magsumamo sa Panginoon na bigyan kayo ng kaloob na makahiwatig. Pagkatapos ay mamuhay at magsikap na maging karapat-dapat na matanggap ang kaloob na iyon upang kapag nagkaroon ng mga nakalilitong pangyayari sa mundo, malalaman ninyo kung ano ang totoo at kung ano ang hindi [tingnan sa 2 Nephi 31:13].
Maglingkod nang may pagmamahal. Ang mapagmahal na paglilingkod sa mga naligaw ng landas o sugatan ang espiritu ay inihahanda kayong tumanggap ng personal na paghahayag.
Gumugol ng mas maraming oras—mas marami pang oras—sa mga lugar kung saan naroon ang Espiritu. Ibig sabihin ay mas maraming oras sa mga kaibigan na naghahangad na mapasakanila ang Espiritu. Gumugol ng mas maraming oras sa pagdarasal nang nakaluhod, mas maraming oras sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, mas maraming oras sa pagsasaliksik sa family history, mas maraming oras sa templo. Nangangako ako sa inyo na kapag patuloy kayong nagbibigay ng mas maraming oras sa Panginoon, tutulutan Niya kayong magsakatuparan ng iba pa sa natitira ninyong oras.
Malalaman ninyo mismo … kung paano makatatanggap ng personal na paghahayag. At wala nang gagawa ng mas malaking epekto sa buhay ninyo kaysa rito!
Ipinapangako ko sa inyo—hindi sa taong katabi ninyo, kundi sa inyo—na, nasaan man kayo sa mundo, nasaan man kayo sa landas ng tipan—kahit na, sa sandaling ito, hindi kayo nakasentro sa landas—ipinapangako ko sa inyo na kung taos-puso at matiyaga ninyong gagawin ang espirituwal na gawaing kailangan upang malinang ang mahalaga at espirituwal na abilidad ng pakikinig sa mga bulong ng Espiritu, mapapasainyo ang lahat ng gabay na kailangan ninyo sa buhay. Ibibigay ng Panginoon ang mga sagot sa inyong mga tanong sa Kanyang sariling paraan at panahon. …
Kapag alam ninyo na ginagabayan ng Diyos ang buhay ninyo, makadarama kayo ng kaligayahan at kapayapaan anuman ang dumating na mga hamon at kabiguan.
Magpakumbaba sa harapan ng Diyos. Ibuhos ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit. Humiling sa Kanya ng kasagutan at kapanatagan.
Ipanalangin sa pangalan ni Jesucristo ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga takot, mga kahinaan—oo, ang pinakainaasam ng inyong puso. At makinig! Isulat ang mga naiisip ninyo. Itala ang inyong nadarama at isagawa ang mga bagay na ipinahihiwatig sa inyong gawin. Habang inuulit ninyo ang prosesong ito araw-araw, buwan-buwan, taun-taon, kayo ay “uunlad sa alituntunin ng paghahayag” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 153].
Dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag
Hinihimok ko kayong dagdagan pa ang inyong kasalukuyang espirituwal na kakayahan na makatanggap ng personal na paghahayag, sapagkat ipinangako ng Panginoon na “Kung kayo ay [hihingi], kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman, upang inyong malaman ang mga hiwaga at mapayapang bagay—yaon na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang-hanggan” [Doktrina at mga Tipan 42:61]. …
Walang makapagbubukas ng kalangitan nang higit sa magagawa ng pinagsama-samang kadalisayan, lubos na pagsunod, masigasig na paghahanap, araw-araw na pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo sa Aklat ni Mormon [tingnan sa 2 Nephi 32:3], at pag-uukol palagi ng oras para sa templo at gawain sa family history.
Tiyak na may mga pagkakataon na sa pakiramdam ninyo ay tila sarado na ang kalangitan. Ngunit ipinapangako ko na kung patuloy kayong magiging masunurin, nagpasasalamat sa lahat ng pagpapalang ibinibigay ng Panginoon sa inyo, at kung matiyaga kayong maghihintay sa takdang panahon ng Panginoon, ibibigay sa inyo ang kaalaman at pang-unawang hangad ninyo. Bawat pagpapalang inilaan ng Panginoon para sa inyo—pati na mga himala—ay susunod na darating. Iyan ang gagawin sa inyo ng personal na paghahayag. …
Mahal kong mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag. … Magpasiyang gawin ang espirituwal na bagay na kailangan upang matamasa ang kaloob na Espiritu Santo at marinig ang tinig ng Espiritu nang mas madalas at mas malinaw.
Para makakuha ng impormasyon mula sa langit, dapat munang magkaroon ng matibay na pananampalataya at matinding hangarin ang isang tao. Dapat siyang “[magtanong] nang may matapat na puso [at] may tunay na layunin, na may pananampalataya kay [Jesu]cristo” [Moroni 10:4]. Ang ibig sabihin ng “tunay na layunin” ay talagang layon ng isang tao na sundin ang ipagbibilin ng langit.
Ang pagpapahusay ng ating kakayahan na makilala ang mga bulong ng Espiritu Santo at ang pagpapaibayo ng ating kakayahang tumanggap ng paghahayag ay nangangailangan ng pagiging karapat-dapat natin. Hindi kinakailangan na maging perpekto sa pagiging karapat-dapat, ngunit kinakailangan dito ang pagsisikap na lalo pang maging dalisay.
Inaasahan ng Panginoon ang araw-araw na pagsisikap, araw-araw na pagpapakabuti, at araw-araw na pagsisisi natin. Ang pagiging karapat-dapat ay nagdudulot ng kadalisayan, at ang kadalisayan ay nagpapamarapat sa atin para sa Espiritu Santo. Kapag pinili natin “ang Banal na Espiritu bilang [ating] patnubay” (Doktrina at mga Tipan 45:57), nagiging karapat-dapat tayo na tumanggap ng personal na paghahayag.
Kung may bagay na nakakapigil sa atin sa pagbubukas ng pintuan para matanggap ang patnubay mula sa langit, maaaring kinakailangan nating magsisi. Ang pagsisisi ay nagtutulot sa atin na mabuksan ang pintuan para marinig natin ang tinig ng Panginoon nang mas madalas at mas malinaw.
Labanan ang panunukso ng mundo sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon para sa Panginoon sa inyong araw-araw na buhay
Ang mga impluwensiya ng mundo ay kahika-hikayat at napakarami. Ngunit napakaraming impluwensiya ang mapanlinlang, mapanukso, at makapaglalayo sa atin sa landas ng tipan. Upang maiwasan ang tiyak na pagdurusang kahahantungan nito, sumasamo ako sa inyo ngayon na labanan ang panunukso ng mundo sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon para sa Panginoon sa inyong buhay—sa bawat araw.
Kung ang karamihan sa impormasyong nakukuha ninyo ay mula sa social media o sa iba pang media, ang inyong kakayahang marinig ang mga bulong ng Espiritu ay mababawasan. Kung hindi rin ninyo hinahangad ang patnubay ng Panginoon sa pamamagitan ng araw-araw na panalangin at pag-aaral ng ebanghelyo, pinahihina ninyo ang inyong sarili laban sa mga pilosopiya na maaaring kaganyak-ganyak ngunit hindi totoo. Kahit ang pinakamatatapat na Banal ay maaaring malihis dahil sa walang humpay na panunukso ng mundo.
Mga kapatid, sumasamo ako sa inyo na maglaan ng panahon para sa Panginoon! Patibayin at gawing hindi matitinag sa pagdaan ng mga panahon ang inyong pundasyon sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na magpapahintulot na tuwina ninyong makasama ang Espiritu Santo
Ang Ama sa Langit ay napakabukas-palad. Nais Niyang tulungan kayo sa lahat—sa inyong mga pamilya, tungkulin, trabaho, pagdadalamhati, at alalahanin [tingnan sa Alma 34:18–27]. Kaya humingi, at pagkatapos ay mamuhay nang karapat-dapat upang makatanggap ng paghahayag.
Kilala kayo ng Panginoon at mahal Niya kayo. Siya ang inyong Tagapagligtas at Manunubos. Pinamumunuan at pinapatnubayan Niya ang Kanyang Simbahan. Aakayin at gagabayan Niya kayo sa inyong personal na buhay kung kayo ay maglalaan ng panahon para sa Kanya sa inyong buhay—sa bawat araw.
Mga Paanyaya at mga Pangako
Umunlad sa alituntunin ng paghahayag
Magpakumbaba sa harapan ng Diyos. Ibuhos ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit. Humiling sa Kanya ng kasagutan at kapanatagan.
Ipanalangin sa pangalan ni Jesucristo ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga takot, mga kahinaan—oo, ang pinakainaasam ng inyong puso. At makinig! Isulat ang mga naiisip ninyo. Itala ang inyong nadarama at isagawa ang mga bagay na ipinahihiwatig sa inyong gawin. Habang inuulit ninyo ang prosesong ito araw-araw, buwan-buwan, taun-taon, kayo ay “uunlad sa alituntunin ng paghahayag” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 153].”
Dagdagan pa ang inyong kasalukuyang espirituwal na kakayahan na makatanggap ng personal na paghahayag
Hinihimok ko kayong dagdagan pa ang inyong kasalukuyang espirituwal na kakayahan na makatanggap ng personal na paghahayag, sapagkat ipinangako ng Panginoon na “kung kayo ay [hihingi], kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman, upang inyong malaman ang mga hiwaga at mapayapang bagay—yaon na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang-hanggan” [Doktrina at mga Tipan 42:61]. …
Walang makapagbubukas ng kalangitan nang higit sa magagawa ng pinagsama-samang kadalisayan, lubos na pagsunod, masigasig na paghahanap, araw-araw na pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo sa Aklat ni Mormon [tingnan sa 2 Nephi 32:3], at pag-uukol palagi ng oras para sa templo at gawain sa family history.
Tiyak na may mga pagkakataon na sa pakiramdam ninyo ay tila sarado na ang kalangitan. Ngunit ipinapangako ko na kung patuloy kayong magiging masunurin, nagpasasalamat sa lahat ng pagpapalang ibinibigay ng Panginoon sa inyo, at kung matiyaga kayong maghihintay sa takdang panahon ng Panginoon, ibibigay sa inyo ang kaalaman at pang-unawang hangad ninyo. Bawat pagpapalang inilaan ng Panginoon para sa inyo—pati na mga himala—ay susunod na darating. Iyan ang gagawin sa inyo ng personal na paghahayag. …
Mahal kong mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag. … Magpasiyang gawin ang espirituwal na bagay na kailangan upang matamasa ang kaloob na Espiritu Santo at marinig ang tinig ng Espiritu nang mas madalas at mas malinaw.
Maglaan ng Oras para sa Panginoon
Ang mga impluwensiya ng mundo ay kahika-hikayat at napakarami. Ngunit napakaraming impluwensiya ang mapanlinlang, mapanukso, at makapaglalayo sa atin sa landas ng tipan. Upang maiwasan ang tiyak na pagdurusang kahahantungan nito, sumasamo ako sa inyo ngayon na labanan ang panunukso ng mundo sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon para sa Panginoon sa inyong buhay—sa bawat araw.
Kung ang karamihan sa impormasyong nakukuha ninyo ay mula sa social media o sa iba pang media, ang inyong kakayahang marinig ang mga bulong ng Espiritu ay mababawasan. Kung hindi rin ninyo hinahangad ang patnubay ng Panginoon sa pamamagitan ng araw-araw na panalangin at pag-aaral ng ebanghelyo, pinahihina ninyo ang inyong sarili laban sa mga pilosopiya na maaaring kaganyak-ganyak ngunit hindi totoo. Kahit ang pinakamatatapat na Banal ay maaaring malihis dahil sa walang humpay na panunukso ng mundo.
Mga kapatid, sumasamo ako sa inyo na maglaan ng panahon para sa Panginoon! Patibayin at gawing hindi matitinag sa pagdaan ng mga panahon ang inyong pundasyon sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na magpapahintulot na tuwina ninyong makasama ang Espiritu Santo.
Kung gagawin ninyo ang espirituwal na gawain, mapapasainyo ang lahat ng gabay na kailangan ninyo sa buhay
Malalaman ninyo mismo … kung paano makatatanggap ng personal na paghahayag. At wala nang gagawa ng mas malaking epekto sa buhay ninyo kaysa rito!
Ipinapangako ko sa inyo—hindi sa taong katabi ninyo, kundi sa inyo—na, nasaan man kayo sa mundo, nasaan man kayo sa landas ng tipan—kahit na, sa sandaling ito, hindi kayo nakasentro sa landas—ipinapangako ko sa inyo na kung taos-puso at matiyaga ninyong gagawin ang espirituwal na gawaing kailangan upang malinang ang mahalaga at espirituwal na abilidad ng pakikinig sa mga bulong ng Espiritu, mapapasainyo ang lahat ng gabay na kailangan ninyo sa buhay. Ibibigay ng Panginoon ang mga sagot sa inyong mga tanong sa Kanyang sariling paraan at panahon. …
Kapag alam ninyo na ginagabayan ng Diyos ang buhay ninyo, makadarama kayo ng kaligayahan at kapayapaan anuman ang dumating na mga hamon at kabiguan.