Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 8: Ang Tipang Abraham


“Kabanata 8: Ang Tipang Abraham,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Russell M. Nelson (2023)

“Kabanata 8,” Mga Turo: Russell M. Nelson

si Abraham ay nananalangin

Kabanata 8

Ang Tipang Abraham

Si Jesucristo—si Jehova ng Lumang Tipan—ay gumawa ng mga kagila-gilalas na pangako kay Abraham. … Ang mga banal na pangakong ito ay maaari ninyong matamo!

Mula sa Buhay ni Russell M. Nelson

Lahat ng walo sa mga lolo’t lola sa tuhod ni Pangulong Russell M. Nelson ay matatapat na disipulo ni Jesucristo na nagsakripisyo nang malaki para matanggap ang mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Gayunman, ang ilan sa kanilang mga inapo ay hindi tinularan ang kanilang mga halimbawa. “Dahil dito,” sabi ni Pangulong Nelson, “hindi ako lumaki sa tahanang nakasentro sa ebanghelyo.

“Mahal ko ang aking mga magulang. Napakahalaga nila sa akin at itinuro nila sa akin ang mga aral na kailangang-kailangan ko. Lubos ko silang pinasasalamatan sa masayang tahanang ibinigay nila sa akin at sa aking mga kapatid. Subalit kahit bata pa lang ako noon, alam ko nang may kulang sa buhay ko.”

Hindi ito alam noon ng batang si Russell, pero inaasam niya ang mga pagpapala ng tipang Abraham. Nang hanapin niya ang kulang sa kanya, nagustuhan niyang pag-aralan ang tungkol sa ebanghelyo.

Noong siya ay 16 na taong gulang, “nagsimulang tumugon ang puso niya sa mga katotohanan ng ebanghelyo at nabinyagan siyang kasabay ng kanyang mga kapatid.” Sa kanyang binyag, pumasok siya sa kalauna’y inilarawan niya bilang “pasukan na humahantong sa pagiging kasamang tagapagmana ng lahat ng pangakong ibinigay ng Panginoon kina Abraham, Isaac, Jacob, at sa kanilang mga inapo noong sinaunang panahon.” Gayunman, inasam pa rin niya ang mas malalaking pagpapala.

2:3

“Nang magkaisip ako at nagsimula nang maunawaan ang kadakilaan ng plano ng Ama sa Langit,” paggunita niya, “madalas kong sinasabi sa sarili ko, ‘Ayoko na ng kahit anong regalo sa Pasko! Ang gusto ko lang ay maibuklod sa mga magulang ko.’ Ang pinakahihintay ko na pangyayaring iyon ay naganap lamang noong lampas na sa 80 anyos ang mga magulang ko, gayunpaman, nangyari ito. Hindi ko maipaliwanag ang kasiyahan na naramdaman ko sa araw na iyon, at araw-araw ay nararamdaman ko ang kaligayahan ko sa pagbubuklod sa kanila at pagkakabuklod ko sa kanila.”

Sa mga oras na iyon, naunawaan na niya kung ano ang kulang sa buhay ng kanyang mga magulang. Tuwang-tuwa siya nang makita sila at ang kanyang mga kapatid sa templo, kung saan “ipinabatid sa kanila ang lahat ng pagpapalang nakalaan para sa matatapat na inapo nina Abraham, Isaac, at Jacob.” Kalaunan ay sinabi niya tungkol sa kanyang mga magulang, “Sa lahat ng magagandang bagay na ginawa nila para sa aming lahat sa paglipas ng mga taon, ito ang pinakamaganda, sapagkat ito ang naging daan para magpatuloy at magkasama ang aming pamilya hanggang sa kawalang-hanggan sa hinaharap.”

Mga Turo ni Russell M. Nelson

Ano ang tipang Abraham? At ano ang kinalaman nito sa bawat isa sa atin?

Ano ang tipang Abraham? At ano ang kinalaman nito sa … bawat isa sa atin?

Mga 4,000 taon na ang nakararaan, si Jesucristo—si Jehova ng Lumang Tipan—ay gumawa ng mga kagila-gilalas na pangako kay Abraham.

Una, ang Tagapagligtas ng sanlibutan ay magmumula sa angkan ni Abraham. Ito ay isang pambihirang pangako dahil, sa panahong iyon, sina Abraham at Sara ay walang mga inapo at napakatanda na upang magkaroon ng mga anak. Ngunit ang Diyos ay Diyos ng mga himala. Ang pagsilang ng kanilang anak na si Isaac ay isang himala. …

Pangalawa, pinangakuan si Abraham ng walang-hanggang pag-unlad! [tingnan sa Genesis 15:5] …

Ang ikatlong pangako ng Panginoon ay na ang binhi ni Abraham ay magtataglay ng priesthood ng Diyos at isasagawa ang mga nagpapadakilang ordenansa nito. Magagamit ng binhi ni Abraham ang kapangyarihan ng Diyos, ang mismong kapangyarihan kung saan nalikha ang daigdig na ito at ang iba pang mga daigdig. Ito ang kapangyarihang gagamitin ng Panginoon sa pagpapagaling at pagpapasigla sa mga nagdurusa. …

Ang ikaapat na pangako kay Abraham ay pagpapalain ang lahat ng bansa sa mundo sa pamamagitan ng kanyang angkan. …

Mahal kong mga kapatid, ang mga pangakong ito—na unang ibinigay kay Abraham at kalaunan ay muling pinagtibay sa kanyang anak na si Isaac at sa kanyang apo na si Jacob (na naging “Israel”)—ay kilala bilang tipang Abraham at maaangkin ng lahat ng mga anak ng Diyos. Oo, ang mga banal na pangakong ito ay maaangkin ninyo!

Sinasabi sa atin ng kasaysayan na sa kabila ng mga pangakong ito, marami sa sambahayan ni Israel noong panahon ng Biblia ang tumanggi sa mga turo ng Panginoon at inusig ang mga propeta. Nagalit ang Panginoon at itinugon sa mga mapanghimagsik na iyon ang isang sumpa, na nagsasabing, “Kayo’y aking ikakalat sa mga bansa” [Levitico 26:33].

Ikinalat nga ng Diyos ang Israel sa iba’t ibang dako! Pero ginawa Niya ito na may pangako na balang-araw ang nakalat na Israel ay muling titipunin sa kawan ng Panginoon. At ang ipinangakong araw na iyan ay ngayon!

2:3

Natanggap natin, tulad nila noong unang panahon, ang banal na priesthood at ang walang hanggang ebanghelyo. Sina Abraham, Isaac, at Jacob ay ating mga ninuno. Tayo ay bahagi ng sambahayan ni Israel. May karapatan tayong tanggapin ang ebanghelyo, ang mga pagpapala ng priesthood, at ang buhay na walang hanggan. Ang mga bansa sa mundo ay pagpapalain sa pamamagitan ng ating mga pagsisikap at ng mga gawain ng ating mga inapo. Ang literal na binhi ni Abraham at ang mga taong natipon sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagkupkop ay tatanggap ng mga ipinangakong pagpapalang ito—na nakabatay sa pagtanggap sa Panginoon at pagsunod sa Kanyang mga kautusan.

Mga Tanong sa Pag-aaral

Paano ninyo ipapaliwanag ang mga pangako ng tipang Abraham sa isang bata? Tulad ng tanong ni Pangulong Nelson, ano ang kinalaman ng tipang Abraham sa bawat isa sa atin?

Pumapasok tayo sa landas ng tipan sa binyag at nang mas lubusan pa sa loob ng templo

Kabilang sa planong inilatag sa Malaking Kapulungan sa Langit ang malungkot na pagkatanto na lahat tayo ay mahihiwalay mula sa kinaroroonan ng Diyos. Gayunpaman, nangako ang Diyos na maglalaan Siya ng isang Tagapagligtas na dadaig sa mga bunga ng Pagkahulog. Sinabi ng Diyos kay Adan pagkatapos ng binyag nito:

“Ikaw ay alinsunod sa orden niya na walang simula ng mga araw o wakas ng mga taon, mula sa lahat ng kawalang-hanggan hanggang sa lahat ng kawalang-hanggan.

“Masdan, ikaw ay kaisa ko, isang anak ng Diyos; at sa gayon maaaring ang lahat ay maging aking mga anak” (Moises 6:67–68).

Tinanggap nina Eva at Adan ang ordenansa ng binyag at sinimulan nila ang proseso ng pagiging kaisa ng Diyos. Pumasok sila sa landas ng tipan.

Kapag kayo at ako ay pumasok din sa landas na iyon, tayo ay may bagong paraan ng pamumuhay. Sa gayon ay lumilikha tayo ng ugnayan sa Diyos na nagtutulot sa Kanya na pagpalain at baguhin tayo. Ang landas ng tipan ay umaakay sa atin pabalik sa Kanya. Kung hahayaan nating manaig ang Diyos sa ating buhay, aakayin tayo ng tipang iyon palapit sa Kanya. Ang lahat ng tipan ay nilayong magbigkis. Lumilikha ang mga ito ng ugnayan na may walang hanggang pagkakabigkis.

2:3

Sina Eva at Adan, Noe at ang kanyang asawa, Abraham at Sara, Lehi at Saria, at ang lahat ng iba pang matatapat na disipulo ni Jesucristo—mula pa nang nilikha ang mundo—ay gumawa ng katulad na mga tipan sa Diyos. Tumanggap sila ng katulad na mga ordenansa na tinatanggap nating mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon ngayon: ang mga tipan na natanggap natin sa binyag at sa templo.

Inaanyayahan ng Tagapagligtas ang lahat na sundan Siya sa mga tubig ng binyag at, kalaunan, ay makipagtipan pa sa Diyos sa templo at tanggapin at maging matapat sa mga karagdagang kinakailangang ordenansang iyon. Ang lahat ng ito ay kailangan kung gusto nating madakilang kasama ng ating pamilya at ng Diyos magpakailanman.

Ang tipan sa kasal na ginawa sa templo ay tuwirang nakabigkis sa tipang Abraham. Sa templo, ipinababatid sa mag-asawa ang lahat ng mga pagpapalang nakalaan para sa matatapat na inapo nina Abraham, Isaac, at Jacob.

Tulad ng ginawa ni Adan, kayo at ako ay personal na pumasok sa landas ng tipan sa binyag. Pagkatapos ay pumapasok tayo rito nang mas lubusan sa templo. Ang mga pagpapala ng tipang Abraham ay iginagawad sa mga banal na templo.

2:3

Sa binyag nakikipagtipan tayo na maglilingkod sa Panginoon at susundin ang Kanyang mga kautusan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:37]. Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinapanibago natin ang tipan at ipinahahayag ang kahandaan nating taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo. Dahil dito tayo ay inampon bilang Kanyang mga anak at kilala bilang magkakapatid. Siya ang ama ng ating bagong buhay. Sa huli, sa banal na templo, maaari tayong maging kapwa mga tagapagmana sa mga pagpapala ng walang hanggang pamilya, gaya ng minsang ipinangako kina Abraham, Isaac, Jacob, at sa kanilang mga inapo [tingnan sa Mga Taga Galacia 3:29; Doktrina at mga Tipan 86:8–11]. Dahil dito, ang selestiyal na kasal ay ang tipan ng kadakilaan.

Tanong sa Pag-aaral

Anong mga pangako ang ginawa ninyo sa Diyos nang matanggap ninyo ang mga ordenansa ng priesthood?

Si Jesucristo ang sentro ng tipang Abraham

Ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ang nagtulot sa Ama na tuparin ang Kanyang mga pangako sa Kanyang mga anak. Si Jesucristo “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay,” kung kaya’t “sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan [Niya]” (Juan 14:6). Ang katuparan ng tipang Abraham ay nagiging posible dahil sa Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo. Si Jesucristo ang sentro ng tipang Abraham. …

Ang mga gumagawa ng mga sagradong tipan at tumutupad sa mga ito ay pinangakuan ng buhay na walang hanggan at kadakilaan, ang “pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 14:7). Si Jesucristo ang tagagarantiya ng mga tipang iyon (tingnan sa Mga Hebreo 7:22; 8:6). Ang mga tumutupad sa tipan na nagmamahal sa Diyos at nagtutulot sa Kanya na manaig sa lahat ng iba pang bagay sa kanilang buhay ay ginagawa Siyang pinakamalakas na impluwensya sa kanilang buhay.

Mga Tanong sa Pag-aaral

Paano naging sentro ng tipang Abraham si Jesucristo? Ano ang magagawa ninyo para isentro ang inyong buhay sa Kanya?

Ang bawat tao na lubos na tumatanggap ng ebanghelyo ay nagiging isa sa pinagtipanang mga anak ng Diyos

18:51

Ang lambat ng ebanghelyo sa pagtipon ng nakalat na Israel ay napakalaki. May puwang para sa bawat taong lubusang yayakap sa ebanghelyo ni Jesucristo. Bawat nagbalik-loob ay nagiging anak ng tipan ng Diyos, isinilang man sila sa tipan o naging miyembro kalaunan. Bawat isa ay nagiging lubos na tagapagmana ng lahat ng ipinangako ng Diyos sa matatapat na anak ni Israel!

Bawat isa sa atin ay may banal na potensiyal dahil bawat isa ay anak ng Diyos. Lahat ay pantay-pantay sa Kanyang paningin. Malawak ang implikasyon ng katotohanang ito. Mga kapatid, sana’y makinig kayong mabuti sa sasabihin ko. Pantay-pantay ang pagmamahal ng Diyos sa lahat ng lahi. Malinaw ang Kanyang doktrina ukol sa bagay na ito. Inaanyayahan Niya ang lahat na lumapit sa Kanya, “maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae” [2 Nephi 26:33].

Tinitiyak ko sa inyo na ang katayuan sa harap ng Diyos ay hindi batay sa kulay ng inyong balat. Ang pagsang-ayon o hindi pagsang-ayon ng Diyos ay batay sa inyong katapatan sa Kanya at sa Kanyang mga utos at hindi sa kulay ng inyong balat.

Tayo ay kalalakihan at kababaihan ng Diyos dahil nakipagtipan tayo sa Kanya. Tayo ay mga inapo ni Abraham. Tayo ay mga anak ng tipan—ang tipang Abraham. Ang mga hindi direktang nagmula kay Abraham na tumatanggap ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsisisi at binyag ay nagiging binhi ni Abraham sa pamamagitan ng pag-ampon [tingnan sa Mga Taga Galacia 3:26–29; Abraham 2:10]. Samakatwid lahat ng mga pangako kay Abraham ay kanila rin! Sila rin, ay nagiging mga piniling anak ng Panginoon. Sa madaling salita, lahat ng handang makipagtipan sa Diyos at tinutupad ito ay Kanyang mga pinagtipanang tao.

Tanong sa Pag-aaral

Sa anong mga paraan maaaring maimpluwensyahan ng tipang Abraham ang pakikitungo ninyo sa iba?

Bilang mga anak ng tipan, alam natin kung sino tayo at ano ang inaasahan ng Diyos sa atin

2:3

Ang ilan sa atin ay literal na binhi ni Abraham; ang iba ay natipon sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng pag-ampon. Ang Panginoon ay walang itinatangi. Sama-sama nating natatanggap ang mga ipinangakong pagpapalang ito—kung hahanapin natin ang Panginoon at susundin ang Kanyang mga kautusan. Ngunit kung hindi, mawawala sa atin ang mga pagpapala ng tipan. Para matulungan tayo, inilalaan ng Kanyang Simbahan ang mga patriarchal blessing upang bigyan ang bawat tatanggap ng pananaw ukol sa kanyang hinaharap, gayundin ng kaugnayan sa nakaraan, maging ang pahayag tungkol sa lipi pabalik kina Abraham, Isaac, at Jacob. …

2:3

Kapag natatanto natin na tayo ay mga anak ng tipan, nalalaman natin kung sino tayo at ano ang inaasahan ng Diyos sa atin. Ang Kanyang batas ay nasusulat sa ating mga puso. Siya ang ating Diyos at tayo ang Kanyang mga tao. Ang matatapat na anak ng tipan ay nananatiling matatag, maging sa gitna ng kagipitan. Kapag ang doktrina ay nakatanim na mabuti sa ating mga puso, maging ang tibo ng kamatayan ay madaling tiisin at ang ating espiritu ay lalong tumitibay.

Maaari ninyong matamo ang lahat ng pagpapala ng tipang Abraham, na nakatakdang matupad sa mga huling araw na ito. Ang mga pagpapala at responsibilidad na dating ipinagkaloob sa ibang mga bansa (tingnan sa Mga Taga Galacia 3:7–9, 14, 27, 29) ay ibinigay na ngayon sa atin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:12). Inihahayag ng mga patriarchal blessing ang pagkakaugnay natin sa mga dakilang patriyarkang sina Abraham, Isaac, at Jacob. Tayo ang binhi ni Abraham na sa pamamagitan niya ay pagpapalain ang lahat ng bansa sa mundo. Ang identidad na iyan ay karapat-dapat sa ating mahalagang prayoridad, na nagdudulot naman sa atin ng mga pagpapala ng langit.

Mga Tanong sa Pag-aaral

Paano nakatulong sa inyo ang patriarchal blessing ninyo na maunawaan kung sino kayo at ano ang inaasahan ng Diyos sa inyo?

Pinanibago ng Panginoon ang tipang Abraham, at nakikibahagi tayo rito!

Ang walang hanggang tipang ito ay ipinanumbalik bilang bahagi ng dakilang Panunumbalik ng ebanghelyo sa kabuuan nito. Isipin ninyo iyon! …

Sa pangwakas na teksto ng Lumang Tipan, mababasa natin ang pangako ni Malakias na “ibabaling [ni Elijah] ang puso ng mga magulang sa kanilang mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang” (Malakias 4:6). Sa sinaunang Israel, ang gayong pagbanggit sa mga ama ay kinabibilangan ng mga amang sina Abraham, Isaac, at Jacob. Nalilinaw ang pangakong ito kapag binasa natin ang ibang bersyon ng talatang ito na binanggit ni Moroni kay Propetang Joseph Smith: “Kanyang [Elijah] itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay babaling sa kanilang mga ama” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:39). Tiyak na kabilang sa mga amang iyon sina Abraham, Isaac, at Jacob. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:9–10.) …

Dahil naipanumbalik na ang Melchizedek Priesthood, ang kababaihan at kalalakihan na tumutupad ng tipan ay maaaring mapagkalooban ng “lahat ng pagpapalang espirituwal” ng ebanghelyo (Doktrina at mga Tipan 107:18; idinagdag ang diin).

Isang linggo matapos ang paglalaan ng Kirtland Temple noong 1836, sa ilalim ng patnubay ng Panginoon, nagpakita si Elijah. Ang kanyang layunin? “Upang ibaling … ang mga anak sa kanilang mga ama” (Doktrina at mga Tipan 110:15). Nagpakita rin si Elias. Ang kanyang layunin? Upang ipagkatiwala kina Joseph Smith at Oliver Cowdery “ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham, sinasabi na sa pamamagitan namin at ng aming binhi lahat ng susunod na salinlahi sa amin ay pagpapalain” (Doktrina at mga Tipan 110:12). Sa gayon, iginawad ng Guro kina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang awtoridad ng priesthood at ang karapatang ipagkaloob ang mga natatanging pagpapala ng tipang Abraham sa iba.

Hayaan ninyong anyayahan ko kayong tingnan ang 1 Nephi kabanata 15, na patungkol lahat sa pagtitipon ng Israel. Gusto kong basahin ninyo ang buong kabanata kapag may oras kayo, ngunit pipiliin ko lamang ang talata 18:

“Anupa’t ang ating ama [si Lehi] ay hindi lamang tumutukoy sa ating mga binhi, kundi gayon din sa buong sambahayan ni Israel, tumutukoy sa mga tipang matutupad sa mga huling araw; kung aling tipan ay ginawa ng Panginoon sa ating amang si Abraham, sinasabing: Sa iyong mga binhi pagpapalain ang lahat ng lahi sa mundo.”

Salungguhitan ito, isaulo ito, unawain ito, kasama ang petsa ng paghahayag na ito. Ano ang petsa? 592–600 BC! Kaya, dapat ninyong maunawaan na 600 taon bago isinilang si Jesus sa Betlehem—600 taon bago isinilang ang Tagapagligtas—alam ng mga propeta na ang tipang ito ay matutupad sa mga huling araw.

Ngayon ay narito na tayo [sa araw na ito]. Ang lahat ng mga propeta na sumulat tungkol dito ay ipinropesiya ang araw na ito. Kayo at ako ay nakikibahagi rito! Hindi tayo mga manonood tulad ng iba. Kailangang makibahagi tayo. Napakasaya nito kaya halos hindi na ako makapaghintay pa!

Tanong sa Pag-aaral

Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo dahil sa pagpapanibago ng tipang Abraham? Paano kayo makatutulong sa pagtupad ng tipang iyan?

Mga Paanyaya at mga Pangako

Ang mga banal na pangakong ito ay maaari ninyong matamo!

Mahal kong mga kapatid, ang mga pangakong ito—na unang ibinigay kay Abraham at kalaunan ay muling pinagtibay sa kanyang anak na si Isaac at sa kanyang apo na si Jacob (na naging “Israel”)—ay kilala bilang tipang Abraham at maaangkin ng lahat ng mga anak ng Diyos. Oo, ang mga banal na pangakong ito ay maaangkin ninyo!

Tanggapin at maging tapat sa mahahalagang ordenansa at tipan

2:3

Sina Eva at Adan, Noe at ang kanyang asawa, Abraham at Sara, Lehi at Saria, at ang lahat ng iba pang matatapat na disipulo ni Jesucristo—mula pa nang nilikha ang mundo—ay gumawa ng katulad na mga tipan sa Diyos. Tumanggap sila ng katulad na mga ordenansa na tinatanggap nating mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon ngayon: ang mga tipan na natatanggap natin sa binyag at sa loob ng templo.

Inaanyayahan ng Tagapagligtas ang lahat na sundan Siya sa mga tubig ng binyag at, kalaunan, ay makipagtipan pa sa Diyos sa templo at tanggapin at maging matapat sa mga karagdagang kinakailangang ordenansang iyon. Ang lahat ng ito ay kailangan kung gusto nating madakilang kasama ng ating pamilya at ng Diyos magpakailanman.

Ang tipan sa kasal na ginawa sa templo ay tuwirang nakabigkis sa tipang Abraham. Sa templo, ipinababatid sa mag-asawa ang lahat ng pagpapalang nakalaan para sa matatapat na inapo nina Abraham, Isaac, at Jacob.

Tulad ng ginawa ni Adan, kayo at ako ay personal na pumasok sa landas ng tipan sa binyag. Pagkatapos ay pumapasok tayo rito nang mas lubusan sa templo.

2:3

Sa binyag nakikipagtipan tayo na maglilingkod sa Panginoon at susundin ang Kanyang mga kautusan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:37]. Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinapanibago natin ang tipan at ipinahahayag ang kahandaan nating taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo. Dahil dito tayo ay inampon bilang Kanyang mga anak at kilala bilang magkakapatid. Siya ang ama ng ating bagong buhay. Sa huli, sa banal na templo, maaari tayong maging kapwa mga tagapagmana sa mga pagpapala ng walang-hanggang pamilya, gaya ng minsang ipinangako kina Abraham, Isaac, Jacob, at sa kanilang mga inapo [tingnan sa Mga Taga Galacia 3:29; Doktrina at mga Tipan 86:8–11]. Dahil dito, ang selestiyal na kasal ay ang tipan ng kadakilaan.

Maaari ninyong matamo ang lahat ng pagpapala ng tipang Abraham

Maaari ninyong matamo ang lahat ng pagpapala ng tipang Abraham, na nakatakdang matupad sa mga huling araw na ito. Ang mga pagpapala at responsibilidad na dating ipinagkaloob sa ibang mga bansa (tingnan sa Mga Taga Galacia 3:7–9, 14, 27, 29) ay ibinigay na ngayon sa atin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:12). Inihahayag ng mga patriarchal blessing ang pagkakaugnay natin sa mga dakilang patriyarkang sina Abraham, Isaac, at Jacob. Tayo ang binhi ni Abraham na sa pamamagitan niya ay pagpapalain ang lahat ng bansa sa mundo. Ang identidad na iyan ay karapat-dapat sa ating mahalagang prayoridad, na nagdudulot naman sa atin ng mga pagpapala ng langit.

Mga Video

We Are the Covenant People of the Lord

2:3

Mga Kaugnay na Mensahe

Ang Walang Hanggang Tipan” (Liahona, Oktubre 2022; teksto ng mensaheng ibinigay ni Pangulong Nelson noong Marso 2022)

Mga Tipan” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2011)

2:3

Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2006)

2:3

Children of the Covenant” (pangkalahatang kumperensya ng Abril 1995)

2:3

Thanks for the Covenant” (Brigham Young University devotional, Nobyembre 22, 1988)