“Kabanata 20: Ang Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ni Jesucristo,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Russell M. Nelson (2023)
“Kabanata 20,” Mga Turo: Russell M. Nelson
Kabanata 20
Ang Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ni Jesucristo
Tuwing babanggitin ko ang Panunumbalik napupuspos ako ng galak. Ang tunay na pangyayaring ito ay talaga namang kagila-gilalas! Kamangha-mangha! Makapigil-hininga!
Mula sa Buhay ni Russell M. Nelson
Wala pang isang taon matapos maorden si Pangulong Russell M. Nelson bilang Pangulo ng Simbahan, nagsalita siya sa isang sacrament meeting sa North Salt Lake, Utah, USA. Sabi niya, “Pinatototohanan ko na ang Diyos ay buhay, si Jesus ang Cristo, [at] ito ang Kanyang Simbahan na ipinanumbalik sa mga huling araw na ito upang tipunin ang Israel at ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.”
Sa isang maikling mensahe, partikular na nakatuon si Pangulong Nelson sa mga pagpapalang matatanggap natin dahil sa panunumbalik ng priesthood, na tinawag niya na “isa sa mga katangian” ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Itinuro niya:
“[Noong] Mayo 15, 1829, dumating si Juan Bautista. At sana alam ninyo ang salaysay nito sa Biblia para malaman ninyo ang nangyari kay Juan Bautista. Bilang nabuhay na mag-uling nilalang, dumating siya at ipinanumbalik ang Aaronic Priesthood. …
“Hindi nagtagal pagkatapos niyon, sina Pedro, Santiago, at Juan—mga Apostol sa kalagitnaan ng panahon ng Panginoong Jesucristo—ay dumating at ipinanumbalik ang Melchizedek Priesthood.
“At noong Abril 3, 1836, dumating si Moises upang ipagkaloob ang mga susi ng pagtitipon ng Israel. At pagkatapos ay dumating si Elias na may dalang ebanghelyo ni Abraham upang ipanumbalik ang tipang Abraham na ipinangako ng Diyos kay Abraham, na inulit kay Isaac, [at] muling pinagtibay kay Jacob, o Israel. At pagkatapos ay dumating si Elijah na propeta upang ipanumbalik ang awtoridad ng pagbubuklod, kung saan maaari tayong mabuklod sa templo at mabuklod sa atin ang ating mga anak sa panahong ito at sa buong kawalang-hanggan.
“May nagagawa bang kaibhan iyan sa pamumuhay ninyo? Bilang ama, inihimlay ko ang isa sa aking mga anak na babae sa libingan nitong nakaraang linggo lamang. Ngunit alam [ko] na buhay pa rin ang kanyang espiritu at balang-araw tulad ng katiyakan ko na nakatayo ako rito kasama ninyo ngayon, magkakasama kami magpakailanman sa kaganapan ng kagalakan sa piling ng Diyos at ni Jesucristo at ng iba pang mga miyembro ng aming pamilya, nang walang katapusan—lahat ng ito ay dahil sa pagpapanumbalik ng awtoridad ng priesthood.”
Mga Turo ni Russell M. Nelson
Ang Pagpapanumbalik ay nagbibigay ng kaalaman at mahahalagang ordenansa para sa kadakilaan
Kasunod ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas at ng pagkamatay ng Kanyang mga Apostol, dumanas ng daan-daang taon ng kadiliman ang daigdig. Pagkatapos noong 1820, nagpakita ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo kay Propetang Joseph Smith para pasimulan ang Pagpapanumbalik ng Simbahan ng Panginoon.
Ang kasiglahang ito sa kabutihan at katotohanan ay kamangha-mangha! Hindi ito gawa ng tao! Nagmumula ito sa Panginoon, na nagsabing, “Aking mamadaliin ang aking gawain sa panahon nito” [Doktrina at mga Tipan 88:73]. Ang kasiglahang ito ay pinatindi pa ng sagradong pahayag [na] binubuo lang ng walong salita: “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” [Joseph Smith—Kasaysayan 1:17]. Sinambit ng Pinakamakapangyarihang Diyos, ang pahayag na iyan ay nagpakilala sa batang si Joseph Smith sa Panginoong Jesucristo. Ang walong salitang iyon ang nagpasimula sa Panunumbalik ng Kanyang ebanghelyo. Bakit? Dahil ang ating buhay na Diyos ay isang mapagmahal na Diyos! Nais Niyang makilala ng Kanyang mga anak kung sino Siya at si Jesucristo, na Kanyang sinugo! At gusto Niyang magtamo ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ang Kanyang mga anak! [tingnan sa Moises 1:39].
Dahil sa maluwalhating layuning ito, itinuturo ng ating mga missionary ang Panunumbalik. Alam nila na mga 2,000 taon na ang nakalipas, itinatag ng Panginoon ang Kanyang Simbahan. Matapos ang Kanyang Pagkapako sa krus at ang kamatayan ng Kanyang mga Apostol, binago ng mga tao ang Simbahan at ang doktrina nito. At, sa paglipas ng maraming henerasyon ng espirituwal na kadiliman, tulad ng ipinropesiya ng mga naunang propeta, ipinanumbalik ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang Simbahan, ang doktrina nito, at ang awtoridad ng priesthood. Dahil sa Panunumbalik na iyan, ang kaalaman at mahahalagang ordenansa para sa kaligtasan at kadakilaan ay muling matatanggap ng lahat ng tao. Sa huli, ang kadakilaang iyan ay magtutulot sa atin na manahan kasama ang ating pamilya sa kinaroroonan ng Diyos at ni Jesucristo magpakailanman!
Tuwing babanggitin ko ang Panunumbalik napupuspos ako ng galak. Ang tunay na pangyayaring ito ay talaga namang kagila-gilalas! Kamangha-mangha! Makapigil-hininga! Gaano kagila-gilalas ito na pati ang mga sugo ng langit ay dumating upang bigyan ng awtoridad at kapangyarihan ang gawaing ito?
Ang ating Amang Walang Hanggan at si Jesucristo ay maraming beses na nagpakita kay Propetang Joseph Smith. Sa tagubilin Nila, dumating ang iba pang mga sugo ng langit, na bawat isa ay may partikular na layunin. Halimbawa:
-
Inihayag ng anghel na si Moroni ang Aklat ni Mormon.
-
Ipinanumbalik ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood.
-
Ipinanumbalik nina Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek Priesthood.
-
Ipinagkaloob ni Moises ang mga susi para sa pagtitipon ng Israel.
-
Ipinagkaloob ni Elias ang mga susi ng kaalaman tungkol kay Abraham.
-
Ipinanumbalik ni Elijah ang mga susi ng awtoridad para sa pagbubuklod.
Bukod pa riyan, ang Panunumbalik ay nagdagdag sa kaalaman ng mga sinaunang Banal. Nagbigay ang Panginoon ng bagong aklat ng mga banal na kasulatan. Sa Banal na Biblia, idinagdag Niya ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo. Ito ay talaan ng mga propesiya at ng ministeryo ng nabuhay na mag-uli na Panginoon sa mga tao ng sinaunang Amerika. Ipinaliliwanag nito ang dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos—ang plano ng kaligtasan [tingnan sa Alma 12:28–30]. Ang Aklat ni Mormon ay ganap na sumasang-ayon sa Biblia. Parehong pinatutunayan ng mga sagradong talang ito ang katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang kahalagahan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Ang Panunumbalik ang nagsasakatuparan ng maraming propesiya sa Biblia. Halimbawa, ipinropesiya ni Isaias na ang bahay ng Panginoon ay matatatag sa mga taluktok ng bundok [tingnan sa Isaias 2:2]. Ang pag-alis ng mga pioneer na [Banal sa mga Huling Araw] sa kabundukan ng kanlurang Amerika ay isang katuparan ng sakripisyo at pananampalataya. Ipinropesiya rin ni Isaias na ang Diyos ay gagawa ng “isang kagilagilalas na gawa at kamanghamangha” [Isaias 29:14]. Naisasakatuparan na iyan ngayon sa pamamagitan ng sagradong gawain ng ating lumalaking bilang ng mga missionary.
Ang turo ng Lumang Tipan tungkol sa ikapu ay naipanumbalik. Bunga nito, napagpapala ang mas marami pang nagbabayad ng ikapu dahil sa kanilang pagsunod. Ang mga tala tungkol kay Melquisedec ay ipinaliwanag ng mga banal na kasulatan ng Panunumbalik. Ang mga propesiya na ang tungkod ng Jose (Ang Aklat ni Mormon) at ang tungkod ng Juda (ang Biblia) ay magiging isa sa mga kamay ng Diyos ay natupad na [tingnan sa Ezekiel 37:16, 19; Doktrina at mga Tipan 27:5].
Ang Panunumbalik ay nagpapaliwanag din ng mga tala sa Bagong Tipan. Ang paliwanag nito tungkol sa binyag para sa mga patay ay mas nauunawaan na ngayon [tingnan sa 1 Corinto 15:29; Doktrina at mga Tipan 128]. Ang mga ordenansa para sa ating mga yumaong ninuno ay isinasagawa na ngayon sa … mga templo sa iba’t ibang panig ng mundo! Wala nang ibang paraan para maibigay ang kaligtasan sa ating mga yumaong ninuno na hindi nakaalam ng ebanghelyo! Ang pangitain ni Juan Bautista tungkol sa “ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa,” ay nagsabi ng magiging misyon ng anghel na si Moroni at ng Aklat ni Momon [Apocalipsis 14:6].
Ang Aklat ni Mormon ay mahalagang bahagi ng Panunumbalik. Ito ay isinulat, iningatan, at ipinasa sa ilalim ng patnubay ng Panginoon. Ito ay isinalin “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos” [Doktrina at mga Tipan 135:3]. Ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng karagdagang mga paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith. Sa pamamagitan niya, nakatanggap tayo ng mas maraming pahina ng mga banal na kasulatan kaysa sa natanggap natin sa iba pang mga propeta. Sa malamang na isang malungkot na sandali, sinabi niya sa mga Banal sa Nauvoo, Illinois, “Kahit kailan hindi ko sinabi sa inyong perpekto ako; ngunit walang mali sa paghahayag na itinuturo ko” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 609–10].
Pinasasalamatan ko ang Diyos at Kanyang Anak, si Jesucristo, para sa Panunumbalik at ang kapangyarihan nito na lumikha ng kamangha-manghang paglaganap ng katotohanan at kabutihan sa buong mundo.
Hindi pa tapos ang Panunumbalik
Hindi pa tapos ang Panunumbalik. Marami pang kailangang gawin. Ang ebanghelyo ay ipangangaral sa bawat lahi, bansa, wika, at tao. Hindi magiging interesado ang karamihan sa mga tao, ngunit malalaman ng mga tumatanggap nito na totoo ito at matutuwa silang sumunod sa Panginoon.
Kaya patuloy na manampalataya sa Diyos, at magkaroon ng kaalaman na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas, [na] ang Kanyang Simbahan ay ipinanumbalik sa mga huling araw na ito, [at] na maraming dakila at kahanga-hangang bagay ang darating … sa lahat ng bansa sa mundo.
Saksi tayo sa proseso ng pagpapanumbalik. … Kung inaakala ninyo na lubos nang naipanumbalik ang Simbahan, simula pa lang ang nakikita ninyo. Napakarami pang mangyayari. … Maghintay kayo hanggang sa isang taon. At pagkatapos ay sa susunod na taon. Uminom kayo ng mga bitamina. Matulog kayo nang sapat. Magiging kapana-panabik ang hinaharap ng Simbahan.
Ang Panunumbalik ay kasalukuyang nagaganap at nagpapatuloy. Dahil tayong lahat ay magkakasama sa layuning iyan, ang ating pinagsamang tungkulin ay tumulong na tipunin ang Israel at ihanda ang mga tao sa mundong ito para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Ito ang pinakamahalagang gawain sa mundo.
Ang pangunahing layunin ng ipinanumbalik na Simbahan ay tulungan tayong sundin si Jesucristo at maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan
Mahal kong mga kapatid, marami tayong narinig ngayon tungkol sa Pagpapanumbalik ng Simbahan—ang mismong Simbahan na itinatag ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo noong Kanyang ministeryo sa lupa. Ang Pagpapanumbalik na iyan ay nagsimula [noong 1820] nang ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, ay nagpakita sa batang Joseph Smith.
Sampung taon makalipas ang pambihirang pangitaing ito, si Propetang Joseph Smith at limang iba pa ay tinawag na itatag ang ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon.
Mula sa maliit na grupong iyon na nagtipon noong Abril 6, 1830, nagkaroon ng isang pandaigdigang organisasyon ng mahigit 16 na milyong miyembro. Ang kabutihang nagagawa ng Simbahang ito sa buong mundo upang ibsan ang pagdurusa ng tao at bigyang-sigla ang sangkatauhan ay batid ng marami. Ngunit ang pangunahing layunin nito ay tulungan ang kalalakihan, kababaihan, at mga pamilya na sundin ang Panginoong Jesucristo, sundin ang Kanyang mga kautusan, at maging marapat sa pinakadakila sa lahat ng mga pagpapala—ang buhay na walang-hanggan kasama ng Diyos at ng mga mahal nila sa buhay [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 14:7].
Habang ipinagdiriwang natin ang pangyayari na nagsimula noong 1820, mahalagang alalahanin na bagama’t iginagalang natin si Joseph Smith bilang propeta ng Diyos, hindi ito simbahan ni Joseph Smith, ni hindi ito simbahan ni Mormon. Ito ay Simbahan ni Jesucristo. Siya mismo ang nagsabi kung ano ang itatawag sa Kanyang Simbahan: “Sapagkat sa ganito tatawagin ang aking simbahan sa mga huling araw, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” [Doktrina at mga Tipan 115:4].
Ano ang ibig sabihin para sa inyo na naipanumbalik na sa mundo ang ebanghelyo ni Jesucristo?
Ang ibig sabihin nito ay mabubuklod na kayo at ang inyong pamilya magpakailanman! Ang ibig sabihin nito na dahil nabinyagan kayo ng isang taong may awtoridad mula kay Jesucristo at nakumpirmang miyembro ng Kanyang Simbahan, makakasama ninyong palagi ang Espiritu Santo. Kayo ay Kanyang gagabayan at pangangalagaan. Ang ibig sabihin nito ay hindi kayo iiwang mag-isa o nang walang kakayahang makatanggap ng kapangyarihan ng Diyos para matulungan kayo. Ang ibig sabihin nito ay mapagpapala kayo ng kapangyarihan ng priesthood kapag tumatanggap kayo ng mga kinakailangang ordenansa at gumagawa ng mga tipan sa Diyos at tinutupad ang mga iyon. Isang angkla sa ating mga kaluluwa ang mga katotohanang ito, lalo na sa mga panahong ito na nagngangalit ang bagyo.
Isang proklamasyon: “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo”
Habang sabik naming inaabangan ang pagsapit ng ika-200 taong anibersaryo ng Unang Pangitain, pinag-isipang mabuti ng Unang Panguluhan at Kapulungan ng Labindalawang Apostol kung ano ang magagawa namin upang angkop na gunitain ang natatanging pangyayaring ito.
Ang banal na pagpapakitang ito ang nagpasimula ng Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon.
Pinag-isipan namin kung dapat bang magtayo ng isang monumento. Ngunit habang pinag-iisipan namin ang natatanging epekto ng makasaysayang Unang Pangitain sa ibang bansa, nagkaroon kami ng inspirasyon na lumikha ng isang monumento na hindi gawa sa bato kundi sa mga salita—mga taimtim at sagradong salita ng proklamasyon—isinulat, hindi upang iukit sa mga “tipak ng bato” kundi mga salitang maaaring iukit sa “bawat himaymay” ng ating mga puso [2 Corinto 3:3].
Mula nang itatag ang Simbahan, limang proklamasyon pa lamang ang nagawa, na ang pinakahuli ay “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na ipinabatid ni Pangulong Gordon B. Hinckley noong 1995.
Ngayon habang pinagninilayan namin ang mahalagang panahong ito sa kasaysayan ng mundo at ang utos ng Panginoon na tipunin ang nakakalat na Israel bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, kami ng Unang Panguluhan at Kapulungan ng Labindalawang Apostol, ay nagpapahayag ng sumusunod na proklamasyon. Ang pamagat nito ay “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo.” Ang Unang Panguluhan at Kapulungan ng Labindalawang Apostol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang may akda nito. Ang petsa nito ay Abril 2020. Para paghandaan ang araw na ito, inirekord ko ang proklamasyong ito sa Sagradong Kakahuyan, kung saan unang nakita ni Joseph Smith ang Ama at ang Anak.
“Taimtim naming ipinapahayag na minamahal ng Diyos ang Kanyang mga anak sa bawat bansa sa mundo. Ipinagkaloob sa atin ng Ama sa Langit ang banal na pagsilang, ang walang katumbas na buhay, at ang walang-katapusang sakripisyo ng pagbabayad-sala ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, na si Jesucristo. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Ama, nabuhay muli si Jesus at nakamit ang tagumpay laban sa kamatayan. Siya ang ating Tagapagligtas, ang ating Halimbawa, at ang ating Manunubos.
“Dalawang daang taon na ang nakalipas, isang magandang umaga ng tagsibol noong 1820, ang batang si Joseph Smith, na naghahangad na malaman kung anong simbahan ang dapat niyang sapian, ay nagtungo sa kakahuyan na malapit sa kanyang tahanan sa may hilagang bahagi ng New York, USA upang manalangin. May mga tanong siya tungkol sa kaligtasan ng kanyang kaluluwa at naniwala na gagabayan siya ng Diyos.
“Mapagpakumbaba naming ipinapahayag na bilang kasagutan sa kanyang dalangin, nagpakita ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak, na si Jesucristo kay Joseph at pinasimulan ang ‘pagpapanumbalik ng lahat ng bagay’ (Mga Gawa 3:21) tulad ng ibinadya sa Biblia. Sa pangitaing ito, nalaman niya na kasunod ng pagkamatay ng mga orihinal na Apostol, ang Simbahan ni Cristo na nakatala sa Bagong Tipan ay nawala sa lupa. Magiging kasangkapan si Joseph sa pagbabalik nito.
“Ipinapahayag namin na sa ilalim ng direksyon ng Ama at ng Anak, dumating ang mga sugo mula sa langit upang turuan si Joseph at muling itatag ang Simbahan ni Jesucristo. Ipinanumbalik ni Juan Bautista, na nabuhay na mag-uli, ang awtoridad na magbinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ipinanumbalik ng tatlo sa orihinal na labindalawang Apostol—sila Pedro, Santiago, at Juan—ang pagka-apostol at mga susi ng awtoridad ng priesthood. Dumating din ang iba pa, kabilang si Elijah, na nagpanumbalik ng awtoridad na magbuklod ng mga pamilya magpakailanman sa isang walang hanggang ugnayan na napagtagumpayan ang kamatayan.
“Nagpapatotoo rin kami na binigyan si Joseph Smith ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos na magsalin ng isang sinaunang talaan: ang Aklat ni Mormon—Isa Pang Tipan ni Jesucristo. Kabilang sa mga nasusulat sa mga sagradong pahina nito ang tala tungkol sa personal na ministeryo ni Jesucristo sa mga tao sa kanlurang bahagi ng mundo pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Itinuturo nito ang layunin ng buhay at ipinaliliwanag ang doktrina ni Cristo, na siyang sentro ng layuning iyon. Bilang katuwang na banal na kasulatan ng Biblia, nagpapatotoo ang Aklat ni Mormon na ang lahat ng tao ay anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit, na Siya ay may banal na plano para sa ating buhay, at ang Kanyang Anak, na si Jesucristo, ay nagsasalita sa atin ngayon katulad noong sinaunang panahon.
“Ipinapahayag namin na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na itinatag noong ika-6 ng Abril 1830, ang ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo na nakatala sa Bagong Tipan. Nakasalig ang Simbahang ito sa sakdal na buhay ng pangunahing batong-panulok nito, na si Jesucristo, at sa Kanyang walang katapusang Pagbabayad-sala at literal na Pagkabuhay na Mag-uli. Muling tumawag si Jesucristo ng mga Apostol at pinagkalooban sila ng awtoridad ng priesthood. Inaanyayahan Niya tayong lahat na lumapit sa Kanya at sa Kanyang Simbahan, upang tumanggap ng Espiritu Santo, ng mga ordenansa ng kaligtasan, at magkamit ng walang maliw na kagalakan.
“May dalawang daang taon na ngayon ang nakalipas mula nitong Pagpapanumbalik na pinasimulan ng Diyos Ama at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, na si Jesucristo. Milyun-milyong tao na sa mundo ang tumanggap sa mga iprinopesiyang pangyayaring ito.
“Malugod naming ipinapahayag na ang ipinangakong Pagpapanumbalik ay sumusulong sa pamamagitan ng patuloy na paghahayag. Kailanman ay hindi na magiging katulad nang dati ang mundo, habang ang Diyos ay patuloy na ‘ti[ti]punin ang lahat ng mga bagay kay Cristo’ (Efeso 1:10).
“Lakip ang lubos na paggalang at pasasalamat, kami bilang Kanyang mga Apostol ay nag-aanyaya sa lahat na malaman—tulad ng pagkakaalam namin—na bukas ang kalangitan. Ipinapahayag namin na ipinababatid ng Diyos ang Kanyang kalooban sa Kanyang mga minamahal na anak. Nagpapatotoo kami na yaong mga mapanalanging pag-aaralan ang mensahe ng Pagpapanumbalik at kikilos nang may pananampalataya ay pagpapalaing magkamit ng kanilang sariling patotoo sa kabanalan nito at sa layunin nitong ihanda ang mundo para sa ipinangakong Ikalawang Pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas, na si Jesucristo.”
Minamahal kong mga kapatid, ito ang ating ika-200 taong anibersaryo ng proklamasyon sa mundo tungkol Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. … Pag-aralan ninyo ito nang mag-isa at nang kasama ang inyong pamilya at mga kaibigan. Pagnilayan ang mga katotohanang lakip nito at ang kahalagahan ng mga ito sa inyong buhay kung inyong pakikinggan ang mga ito, at susundin ang mga kautusan at tipan na kalakip nito.
Nabubuhay tayo sa kakaiba at kapana-panabik na panahong ito kung saan patuloy ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Hinihikayat ko ang bawat isa sa inyo na mag-aral, magmuni-muni, at magturo mula sa ika-200 taong proklamasyon ng Pagpapanumbalik, na ipinabatid sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2020. … May kapangyarihan sa mga pagpapahayag nito. Ipinapahayag nito ang mga katotohanan tungkol sa Panguluhang Diyos, Pagbabayad-sala ni Jesucristo, Unang Pangitain, organisasyon ng Simbahan ng Panginoon, pagpapanumbalik ng awtoridad ng priesthood, paglabas ng Aklat ni Mormon, at mga makabagong propeta.
Mga Paanyaya at mga Pangako
Magkaroon ng kaalaman tungkol sa Pagpapanumbalik
Patuloy na manampalataya sa Diyos, at magkaroon ng kaalaman na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas, [na] ang Kanyang Simbahan ay ipinanumbalik sa mga huling araw na ito, [at] na maraming dakila at kahanga-hangang bagay ang darating … sa lahat ng bansa sa mundo.
Pag-aralan, pagnilayan, at magturo mula sa proklamasyon ng ika-200 taon ng Pagpapanumbalik
Hinihikayat ko ang bawat isa sa inyo na mag-aral, magmuni-muni, at magturo mula sa ika-200 taong proklamasyon ng Pagpapanumbalik, na ipinabatid sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2020. … May kapangyarihan sa mga pagpapahayag nito. Ipinapahayag nito ang mga katotohanan tungkol sa Panguluhang Diyos, Pagbabayad-sala ni Jesucristo, Unang Pangitain, organisasyon ng Simbahan ng Panginoon, pagpapanumbalik ng awtoridad ng priesthood, paglabas ng Aklat ni Mormon, at mga makabagong propeta.