Kabanata 3
Paghalili sa Panguluhan
Pambungad
Ang Paghalili sa Panguluhan ng Simbahan ay itinatag ng Panginoon. Ang Simbahan ay hindi kailanman nawalan ng inspiradong pamumuno, at walang dahilan para sa mga haka-haka o pagtatalo tungkol sa kung sino ang susunod na Pangulo ng Simbahan. Ipinaliwanag ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973): “Alam ng [Panginoon] kung sino ang nais niyang mamuno sa simbahang ito, at siya ay hindi magkakamali. Ang Panginoon ay hindi gumagawa ng mga bagay nang walang plano. Hindi Siya kailanman gumawa ng anumang bagay nang hindi pinag-iisipan” (sa Conference Report, Okt. 1970, 153; o Improvement Era, Dis. 1970, 127). Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) na “alam ng Diyos ang lahat ng bagay, ang wakas mula sa simula, at walang sinuman ang bigla na lang naging Pangulo ng Simbahan ni Jesucristo, o nanatili doon dahil sa nagkataon lamang, o pumanaw dahil nagkataon lamang” (“Jesus Christ—Gifts and Expectations,” New Era, Mayo 1975, 16–17).
Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith (1805–44), nagpahayag ang Diyos na Kanyang “ibibigay sa matapat taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin” (D at T 98:12; tingnan din sa D at T 42:61; 128:21). Ang paraang ito na unti-unting paglalahad ng doktrina at mga tuntunin ay nakikita sa inspiradong pagbuo ng mga alituntunin para sa paghalili sa Panguluhan ng Simbahan.
Sa pag-aaral mo ng kabanatang ito, isiping mabuti kung paano naiiba ang paraan ng pagtawag ng isang bagong Pangulo ng Simbahan sa paraan ng pulitika sa pagpili ng mga opisyal ng pamahalaan. Kapag naunawaan mo kung paano pinipili ng Panginoon ang isang bagong Pangulo ng Simbahan, madaragdagan ang iyong pagtitiwala at kumpiyansa sa kasalukuyang Pangulo ng Simbahan.
Komentaryo
3.1
Ang Assistant President ng Simbahan
“Noong ika-5 ng Disyembre 1834 inordenan ni Propetang Joseph Smith si Oliver Cowdery bilang Assistant President ng Simbahan [tingnan sa History of the Church, 2:176]. Kasama siya ng Propeta noong ipanumbalik ang Aaronic at Melchizedek Priesthood. Nang maorganisa ang Simbahan ni Jesucristo noong 1830, si Oliver ay tinawag bilang ‘pangalawang elder’ na sumunod kay Joseph sa awtoridad [tingnan sa D at T 20:2–3]. Sa gayon, tuwing ipinanunumbalik ang awtoridad o mga susi ng priesthood, si Oliver ay kasama ni Propetang Joseph. ‘Kinakailangan alinsunod sa banal na batas ng mga saksi na may kasama si Joseph Smith na may hawak ng mga susing iyon’ [Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie (1954), 1: 211]. Hindi lamang naroon si Oliver Cowdery para tulungan si Joseph Smith sa pamumuno sa Simbahan, kundi siya rin ay tatayong pangalawang saksi ng Panunumbalik na kasama ng Propeta [tingnan sa D at T 6:28; tingnan din sa II Mga Taga Corinto 13:1]. Noong 1838 nawala kay Oliver Cowdery ang kanyang katungkulan na Assistant President dahil sa apostasiya at pagkakatiwalag niya, ngunit noong 1841 tinawag ng Panginoon si Hyrum Smith para punan ang katungkulang ito (tingnan sa D at T 124:94–96). Tatatakan ng President at Assistant President, o ng una at pangalawang saksi, ang kanilang mga patotoo ng kanilang sariling dugo sa Carthage Jail” (Church History in the Fullness of Times, 2nd ed. [Church Educational System manual, 2003], 153; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) kung paano tinupad ni Oliver Cowdery ang batas ng mga saksi (tingnan sa II Mga Taga Corinto 13:1) sa pagiging naroroon niya sa tuwing ipinanunumbalik ang mga susi ng priesthood:
“Tinawag ng Panginoon si Oliver Cowdery na pangalawang saksi upang mamuno sa dispensasyong ito, tinutulungan ang Propeta sa paghawak ng mga susi. Ipinababatid sa atin ng mga talaan na tuwing tumatanggap ang Propeta ng awtoridad at mga susi ng priesthood mula sa kalangitan, kasama si Oliver Cowdery ng Propeta sa pagkakaloob ng mga kapangyarihang iyon. Kung nanatiling tapat si Oliver Cowdery at kung nabuhay siya nang mas mahaba kaysa sa Propeta sa gayong mga kalagayan, siya dapat ang sumunod na Pangulo ng Simbahan sa bisa ng banal na tungkuling ito” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie [1954], 1:213; idinagdag ang pagbibigay-diin). Noong Enero 19, 1841, dahil hindi nanatiling tapat si Oliver, “iniutos ng Panginoon kay Joseph Smith na ordenan si Hyrum Smith at ipagkaloob sa kanya ang lahat ng susi, awtoridad, at mga pribilehiyo na ipinagkaloob kay Oliver Cowdery, at gawin siyang ‘Pangalawang Pangulo’ ng Simbahan” (Doctrines of Salvation, 1:220).
Sinabi ni Pangulong Brigham Young (1801–77):
“Kung si Hyrum ay nabuhay, hindi siya manunungkulan sa posisyong nasa gitna ni Joseph at ng Labindalawa kundi siya ang hahalili kay Joseph.—May tao bang inordenan si Joseph na hahalili sa kanyang katungkulan? May inordenan siya. Sino siya? Si Hyrum, ngunit, napaslang si Hyrum bago pa si Joseph. Kung nabuhay si Hyrum siya sana ang hahalili kay Joseph” (“Conference Minutes,” Times and Seasons, Okt. 15, 1844, 683).
Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) kung bakit wala na tayo ngayong Assistant President sa Simbahan:
“Kung minsan ay may nagtatanong: Kung si Oliver Cowdery ay inordenan na humawak ng mga susi kasama ang Propeta, at matapos mawala sa kanya ang mga ito dahil sa kanyang paglabag, ang awtoridad na ito ay ipinagkaloob kay Hyrum Smith, kung gayon bakit wala tayo sa Simbahan ngayon ng gayon ding kaayusan, at ng Assistant President at pati na rin ng dalawang tagapayo sa Unang Panguluhan?
“Ang sagot dito ay simple lamang. Sapagkat ang kakaibang sitwasyon na nangangailangan ng dalawang saksi upang itatag ang gawain, ay hindi na kailangan matapos maitatag ang gawain. Sina Joseph at Hyrum Smith ang namumuno sa dispensasyong ito, magkasamang hawak ang mga susi, bilang dalawang saksi na kailangan sa pagtupad sa batas na inihayag ng ating Panginoon sa kanyang tugon sa mga Judio [tingnan sa Mateo 18:16]. Dahil ang ebanghelyo ay hindi na muling ipanunumbalik wala nang pagkakataong maulit pa ang ganoong sitwasyon. Ginugunita nating lahat ang dalawang natatanging saksi, tinawag na magpatotoo nang lubos nang naaayon sa banal na batas” (Doctrines of Salvation, 1:222; idinagdag ang pagbibigay-diin).
3.2
Ang Korum ng Labindalawang Apostol
“Isa sa mga pinakamahalagang pangyayari sa panunumbalik ng simbahan ng Tagapagligtas ang pagbuo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Bago pa man maorganisa ang Simbahan, inasahan na ng mga miyembro ang mahalagang hakbang na ito. … [Noong Hunyo 1829] isang paghahayag ang nag-utos kina Oliver Cowdery at David Whitmer na hanapin ang labindalawa na ‘[tatawaging] humayo sa buong daigdig upang ipangaral ang aking ebanghelyo sa bawat nilikha’ [tingnan sa D at T 18:26–37]. Kalaunan si Martin Harris ay tinawag ding tumulong sa pagpiling ito. Ibig sabihin nito na pipiliin ng tatlong saksi sa Aklat ni Mormon, sa ilalim ng patnubay at pagsang-ayon ng Unang Panguluhan, ang Labindalawang Apostol na maglilingkod bilang mga natatanging saksi ng Tagapagligtas sa dispensasyong ito” (Church History in the Fullness of Times, 153–54). Ang pagpiling ito ay ginawa sa isang espesyal na pagpupulong noong Pebrero 14, 1835.
“Sa loob ng ilang taon ang Panginoon … ay inihandang mabuti ang Korum ng Labindalawang Apostol upang magampanan ang pamumuno sa Simbahan. Nang unang tinawag ang Labindalawa noong 1835, ang kanilang mga tungkulin ay limitado sa mga lugar sa labas ng mga inorganisang estaka, ngunit kalaunan ang kanilang mga responsibilidad ay lumawak kabilang na rito ang awtoridad na mamuno sa lahat ng miyembro ng Simbahan. …
“Ang misyon ng Labindalawa sa Great Britain ang nagpatibay sa kanilang pagkakaisa bilang korum sa ilalim ng pamamahala ni Brigham Young. Pagbalik nila sa Amerika, dinagdagan ni Propetang Joseph ang kanilang mga responsibilidad sa mga gawaing temporal at espirituwal ng simbahan. … Ang Labindalawa ay kabilang sa mga unang tumanggap ng tagubilin mula kay Joseph Smith tungkol sa maramihang pag-aasawa at mga ordenansa sa templo. Ang mga miyembro ng Labindalawa ay binigyan ng responsibilidad sa lathalain ng Simbahan, sila ang nangasiwa sa pagtawag, pagtatalaga, at pagtuturo sa mga missionary, sila ang nangulo sa mga kumperensya sa misyon at sa Nauvoo, at isinaayos nila ang mga branch sa ibang bansa.
“Ang pinakamahalaga sa lahat, si Joseph Smith, na nadamang maaaring malapit na siyang mamatay, ay inihandang mabuti ang Labindalawa sa huling pitong buwan ng kanyang buhay. Halos araw-araw niyang pinulong ang korum para turuan at tagubilinan sila at bigyan sila ng mga karagdagang responsibilidad. Sa isang natatanging council meeting noong huling bahagi ng Marso 1844, taos-puso niyang sinabi sa Labindalawa na maaari na niyang iwan sila dahil tapos na ang kanyang gawain at nailatag na ang pundasyon sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos” (Church History in the Fullness of Times, 293–94).
Si Pangulong Wilford Woodruff (1807–98) ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol noong 1844. Ginunita niya ang mga tagubilin ni Joseph Smith sa Labindalawang Apostol noong mga panahong iyon:
“Ako ay isang buhay na saksi sa patotoong ibinigay ni [Joseph Smith] sa Labindalawang Apostol nang matanggap naming lahat ang aming endowment sa ilalim ng kanyang mga kamay. Naaalala ko ang huling sinabi niya sa amin bago siya napaslang. Ito ay bago kami magsimula sa aming misyon sa Silangan. Mga tatlong oras siyang nakatayo. Napuspos ang silid ng tila nag-aalab na apoy, ang kanyang mukha ay kasinglinaw ng baga, at siya ay nabalot ng kapangyarihan ng Diyos. Ipinaliwanag niya sa amin ang aming tungkulin. [Ipinakita] niya sa amin ang kabuuan ng dakilang gawaing ito; at sa kanyang talumpati sinabi niya sa amin: ‘Ibinuklod na sa aking ulunan ang bawat susi, bawat kapangyarihan, bawat alituntunin ng buhay at kaligtasan na ibinigay ng Diyos sa sinumang tao na nabuhay sa ibabaw ng lupa. At ang mga alituntuning ito at ang Priesthood na ito ay kabilang sa dakila at huling dispensasyon na inihanda mismo ng Diyos ng Langit para maitatag sa mundo. Ngayon,’ sabi niya, na pinatutungkulan ang Labindalawa, ‘ibinuklod ko sa inyong mga ulunan ang bawat susi, bawat kapangyarihan, at bawat alituntunin na ibinuklod ng Panginoon sa aking ulunan.’ …
“Matapos magsalita sa ganitong paraan sinabi niya: ‘Sinasabi ko sa inyo, ang responsibilidad sa kahariang ito ay nasa inyo nang mga balikat; kailangan ninyo itong [isulong at dalhin] sa [buong] sandaigdigan’” (Deseret Weekly, Mar. 19, 1892, 406; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2005], xxxiv–xxxv).
Ipinaliwanag ni Elder Parley P. Pratt (1807–57), na noon ay miyembro rin ng Korum ng Labindalawang Apostol, na sa pulong ding iyon “ipinagkaloob ni Propetang Joseph Smith kay Elder [Brigham] Young, ang Pangulo ng Labindalawa, ang mga susi ng kapangyarihang magbuklod. …
“Ang huling susing ito ng priesthood ang pinakasagrado sa lahat, at nauukol lamang sa unang panguluhan ng simbahan” (“Proclamation,” Millennial Star, Mar. 1845, 151).
Hawak ng Korum ng Labindalawang Apostol ang lahat ng susi ng priesthood, kapangyarihan at awtoridad na kailangan upang mapamahalaan at magabayan ang Simbahan (tingnan sa D at T 107:23–24; 112:14–15). Bawat miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay binigyan ng mga susi ng priesthood sa panahon ng kanyang ordinasyon bilang Apostol at pagkakatawag sa Korum. Tanging ang Pangulo ng Simbahan ang may awtoridad na gamitin ang lahat ng susi ng priesthood, ngunit, tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), ang bawat miyembro ng Korum ng Labindalawa ay “may hawak ng mga susi ng dispensasyong ito na magagamit sa mga darating na panahon. Sa mga susing iyan ay naroon ang katiyakan na magpapatuloy ang pamunuan ng Simbahan” (“He Slumbers Not, nor Sleeps,” Ensign, Mayo 1983, 6; idinagdag ang pagbibigay-diin).
3.3
Pinagtibay ng Panginoon sa mga Banal na si Brigham Young ang Kahalili ni Joseph Smith
Pagkamatay ni Propetang Joseph Smith, nagkaroon ng bahagyang kalituhan hinggil sa kung sino ang dapat na mamuno sa Simbahan. Si Sidney Rigdon, miyembro ng Unang Panguluhan, ay kabilang sa nagsabi na siya ang dapat humalili kay Joseph. Noong Agosto 8, 1844, hayagang ipinakita ng Panginoon sa mga Banal na si Brigham Young, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang pinili na maging bagong propeta ng Simbahan.
Inilarawan ni Pangulong George Q. Cannon (1827–1901), na kalaunan ay naglingkod sa Unang Panguluhan, ang kamangha-manghang pagpapatunay na ito mula sa Panginoon:
“Matapos paslangin ang Propeta kaagad na bumalik ang Labindalawa sa Nauvoo, at nalaman ang hangarin ni Sidney Rigdon. Sinabi niya na kailangan ng Simbahan ng isang tagapangalaga, at na siya ang tagapangalagang iyon. Itinakda niya ang araw para sa pagpili ng tagapangalaga, at mangyari pa, ay naroon siya sa pulong na ginanap lamang sa labas. Napakalakas ng pag-ihip ng hangin noong panahong iyon patungo sa direksyon kung saan naroon ang isang bagon na ginawang pulpito, na kinuha sa likod ng kongregasyon, at kung saan siya, si [William] Marks, at ang iba pa ay nakapuwesto. Tinangka niyang magsalita, ngunit labis na napahiya. Siya ang mananalumpati ng Simbahan; ngunit, sa pagkakataong ito, siya ay nabigo, at ang kanyang mensahe ay walang saysay at kabuluhan. Samantala si Pangulong Young at ang ilan sa kanyang mga kapatid ay dumating at umakyat sa pulpito. Ang pag-ihip ng hangin sa mga oras na ito ay tumigil. Matapos magsalita ni Sidney Rigdon, si Pangulong Young ay tumayo at nagsalita sa kongregasyon, na nagsiharap para makita at marinig siya, at tinalikuran ang bagon kung saan naroon si Sidney” (Deseret News, Peb. 21, 1883, 67).
“Iyon ang unang beses na narinig ng mga tao ang kanyang tinig [ni Brigham] magmula nang lumisan siya patungong silangan para sa kanyang misyon, at ang epekto nito sa kanila ay labis na kahanga-hanga. Hindi kailanman malilimutan ng mga taong naroon ang impresyong tumimo sa kanila! Kung si Joseph ay bumangon mula sa mga patay at muling nagsalita sa kanila maaaring hindi nito mahihigitan ang pagkabiglang nadama ng mga naroon sa pulong na iyon. Tinig iyon ni Joseph; at hindi lamang ang tinig ni Joseph ang narinig; kundi tila sa mata ng mga tao ay parang si Joseph mismo ang nakatayo sa harapan nila. Wala na kaming narinig pang higit na kalugud-lugod at kahima-himalang pangyayari kaysa sa naganap nang araw na iyon sa harap ng kongregasyong iyon. Binigyan ng Panginoon ang kanyang mga tao ng patotoo na nagbigay-katiyakan sa kung sinong tao ang Kanyang pinili upang mamuno sa kanila. Nakita at narinig ng kanilang likas na mga mata at tainga, at pagkatapos ang mga salitang binigkas ay tumimo, na nilakipan ng mapanghikayat na kapangyarihan ng Diyos, sa kanilang mga puso, at sila ay napuspos ng Espiritu at labis na kagalakan. May nakadama ng lungkot, at, marahil sa ilang puso, pag-aalinlangan at kawalang-katiyakan; ngunit ngayon ay malinaw na sa lahat na narito ang taong pinagkalooban ng Panginoon ng awtoridad na kumilos sa kalipunan nila na kahalili ni Joseph” (“Joseph Smith, the Prophet,” Juvenile Instructor, Okt. 29, 1870, 174–75).
Nasaksihan ng maraming miyembro ng Simbahan ang mga himalang inilarawan ni Zera Pulsipher (1789–1872) ng Panguluhan ng Pitumpu na nangyari sa pulong:
“Si Brigham Young ay nagsimulang magsalita at nang mga oras na iyon nakaupo ako patalikod sa pulpito na tulad ng marami pang iba. At nang magsalita si Brigham kaboses niya si Joseph at humarap kami upang makita si Brigham na nagsasalita na kaboses ni Joseph at nasaksihan na napasakanya ang awtoridad ni Joseph. Gayon din ito naunawaan ng mga tao. Si Brigham ang namuno sa Labindalawa kaya siya ang sinunod ng simbahan” (sa Lynne Watkins Jorgensen at BYU Studies staff, “The Mantle of the Prophet Joseph Passes to Brother Brigham: A Collective Spiritual Witness,” BYU Studies, tomo 36, blg. 4 [1996–97], 173; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Itinala rin ni Drusilla Dorris Hendricks ang kanyang naging karanasan:
“Si Pangulong Brigham Young ay nagsimulang magsalita. Tumalon ako para tingnan at tiyakin kung hindi nga iyon si Brother Joseph dahil talagang boses at kilos niya iyon. Madaling naunawaan ng lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw kung kanino ipinagkaloob ang awtoridad dahil hawak ni Brigham Young ang mga susi” (sa Jorgensen and BYU Studies staff, “The Mantle of the Prophet Joseph,” 163; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Isinulat ni Nancy Naomi Alexander Tracy:
“Pinatototohanan ko na ang awtoridad ni Joseph ay naipagkaloob kay Brigham nang araw na iyon tulad noong ipagkaloob ni Elijah, ang kanyang balabal o awtoridad kay Eliseo [tingnan sa I Mga Hari 19:19; II Mga Hari 2:11–15], sapagkat ang kanyang tinig, mga galaw, at lahat-lahat ay parang si Joseph. Tila ba kasama namin siyang muli. Sinang-ayunan siya ng tinig ng mga tao na maging propeta, tagakita, at tagapaghayag” (sa Jorgensen and BYU Studies staff, “The Mantle of the Prophet Joseph,” 177; idinagdag ang pagbibigay-diin).
3.4
Mahahalagang Alituntunin ng Paghalili
Ang mahahalagang alituntunin ng paghalili sa isang Pangulo ay tampok sa isang artikulo ng Ensign 1996:
“Samantalang may ilang pagkakaiba sa mga pamamaraan at protokol ang iba’t ibang humalili sa panguluhan simula noong pumanaw si Propetang Joseph Smith, ang mga pangunahing alituntunin ay pareho at matibay na nakabatay sa paghahayag. Apat na pangunahing alituntunin at gawain ang ginawa noong 1844 at makikita sa bawat paghalili magmula noon.
“1. Ang mga susi ng kaharian ay ibinigay sa Labindalawa. Ang unang alituntunin o hakbang sa paghalili ay pagkakaloob ng mga susi ng kaharian sa bawat lalaking inordenan sa banal na pagkaapostol at itinalaga bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol (tingnan sa D at T 27:12–13). …
“2. Seniority: isang alituntunin na sinusunod ng panguluhan. Ang isang bagay na pinagbabatayan kung sino ang mangungulo sa Labindalawa at kung sino ang lubos na gagamit ng lahat ng susi ng kaharian sa pagpanaw ng Pangulo ng Simbahan ay tinatawag na alituntunin ng seniority. Noong 1835, nang tawagin ang unang Korum ng Labindalawa, ang seniority ay ibinatay ayon sa edad. Mula noon, ang seniority ay ibinatay ayon sa petsa ng ordinasyon sa Korum ng Labindalawa. …
“3. Sa pagpanaw ng Pangulo, wala nang namumunong Unang Panguluhan sa Labindalawa. Sinusunod ang mga alituntuning itinuro ni Propetang Joseph Smith, kapag ang Pangulo ng Simbahan ay pumanaw, nabubuwag kasabay nito ang korum ng Unang Panguluhan at nare-release ang mga tagapayo, at kung sila ay kabilang noon sa Korum ng Labindalawa, nagsisibalik sila sa korum na iyon batay sa seniority. Ang senior na Apostol, bilang Pangulo ng Labindalawa, batay sa seniority, ang siyang nagiging ‘Namumunong Mataas na Saserdote’ ng Simbahan at sa gayon, siya ang may hawak at lubos na gumagamit ng lahat ng susi ng kaharian at ‘[namumuno] sa buong simbahan’ (tingnan sa D at T 107:65–66, 91). ‘Pantay sa karapatan’ sa Unang Panguluhan, ang namumunong korum na ito ng Labindalawang Apostol ay Panguluhan din ng Simbahan na katulad ng Unang Panguluhan kapag ito ay ganap na organisado at umiiral (tingnan sa D at T 107:23–24). Gayon din, ang Pangulo ng Labindalawa sa panahong iyon ay kapantay rin ng Pangulo ng Simbahan sa tungkulin at awtoridad, na tulad din kapag siya ay sinang-ayunan na sa bagong tatag na Unang Panguluhan. …
“4. Muling pag-oorganisa ng Unang Panguluhan. Bilang mga namumunong opisyal ng Simbahan, ang Pangulo ng Labindalawa ay may karapatang tumanggap ng paghahayag kung kailan ioorganisa ang Unang Panguluhan. Ang desisyong ito ay ginawa sa pakikipagsanggunian at sa pamamagitan ng nagkakaisang suporta ng Korum ng Labindalawa. …
“Noong araw na sinang-ayunan si Pangulong Howard W. Hunter [1907–95] bilang Pangulo ng Simbahan, pinatotohanan niya:
“‘Bawat lalaking inorden bilang Apostol at itinalaga bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa ay sinasang-ayunan bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag. Ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, na tinawag at inorden na humawak ng mga susi ng priesthood, ay may awtoridad at responsibilidad na pamahalaan ang Simbahan, pangasiwaan ang mga ordenansa nito, ituro ang doktrina nito, at itatag at panatilihin ang mga gawain nito.
“‘Kapag ang Pangulo ng Simbahan ay may sakit o hindi lubos na makaganap sa lahat ng kanyang tungkulin, ang kanyang dalawang Tagapayo, na bumubuo sa Korum ng Unang Panguluhan na kasama niya, ang magpapatuloy sa gawain ng Panguluhan. Anumang mahahalagang tanong, patakaran, programa, o doktrina ay pinag-uusapan nang may panalangin sa kapulungan ng mga Tagapayo sa Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Hindi maglalabas ng anumang desisyon ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawa kapag hindi lubos na nagkaisa sa desisyon ang lahat ng nakibahagi rito.
“‘Sa pagsunod sa inspiradong huwarang ito, patuloy na susulong ang Simbahan. Ang pamamahala sa Simbahan at paggamit ng mga kaloob ng propeta ay laging ipagkakaloob sa mga may awtoridad na apostol na may hawak at gumagamit ng lahat ng susi ng priesthood’ [sa Conference Report, Okt. 1994, 6–7; o Ensign, Nob. 1994, 7]” (Brent L. Top and Lawrence R. Flake, “‘The Kingdom of God Will Roll On’: Succession in the Presidency,” Ensign, Ago. 1996, 29, 31–34).
3.5
Itinatag ng Panginoon ang Pamamaraan ng Paghalili sa Panguluhan ng Simbahan
Noong sang-ayunan si Harold B. Lee bilang Pangulo ng Simbahan sa pagpanaw ni Pangulong Joseph Fielding Smith, napansin ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) ang ginawang pagtawag ng Diyos sa Pangulo ng Simbahan:
“Nakapapanatag na malaman na si Pangulong Lee ay hindi hinirang sa pamamagitan ng mga komite at kombensyon na puno ng kaguluhan, pamimintas, at sa pamamagitan ng pagboto ng tao, kundi tinawag ng Diyos at pagkatapos ay sinang-ayunan ng mga tao. …
“Ang banal na huwarang ito ay walang puwang sa pagkakamali, kaguluhan, ambisyon, at makasariling hangarin. Ang Panginoon ang tumatawag sa mga mamumuno sa kanyang simbahan” (“We Thank Thee, O God, for a Prophet,” Ensign, Ene. 1973, 33; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Hindi pa natatagalan na maging Pangulo ng Simbahan si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), ipinaliwanag niya ang sagradong huwaran na itinatag ng Panginoon:
“Nang pumanaw si Pangulong Hunter, na-release ang Unang Panguluhan. Si Brother Monson at ako, na naglingkod bilang mga tagapayo niya, ay nagsibalik sa aming posisyon sa Korum ng Labindalawa, na siyang naging namumunong awtoridad ng Simbahan.
“Tatlong linggo na ang nakararaan ngayon, lahat ng buhay at naordenan na mga Apostol ay nagtipon upang mag-ayuno at manalangin sa silid sa itaas ng templo. Doon ay nagsiawit kami ng sagradong himno at sama-samang nanalangin. Tumanggap kami ng sakramento ng hapunan ng Panginoon, na pinaninibago sa sagrado at masimbolong ordenansang iyon ang aming mga tipan at kaugnayan sa Kanya na ating banal na Manunubos.
“Pagkatapos ay muling inorganisa ang Panguluhan, sinusunod ang huwarang itinatag sa nakalipas na mga henerasyon.
“Doon ay walang nangampanya, walang nakipagpaligsahan, walang nag-ambisyong maupo sa katungkulan. Iyon ay tahimik, payapa, simple, at sagrado. Ginawa iyon alinsunod sa huwarang itinakda ng Panginoon” (“This Is the Work of the Master,” Ensign, Mayo 1995, 69; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Sinabi ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) na ang panghuhula kung sino ang hahalili sa Panguluhan ay “hindi kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon.” Sinabi niya na “ang mga humuhula kung sino ang susunod na Pangulo ng Simbahan ay parang tumataya sa karera ng mga kabayo, dahil ang Panginoon lamang ang nakaaalam ng takdang panahon” (“Admonitions for the Priesthood of God,” Ensign, Ene. 1973, 107).
3.6
Seniority sa Korum ng Labindalawang Apostol
Ang Pangulo ng Simbahan ang pinaka-senior na Apostol. Ang Apostol na susunod sa pinaka-senior na Apostol ay ang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, maliban kung naglilingkod siya sa Unang Panguluhan, ang Apostol na susunod sa kanya sa seniority ang manunungkulan bilang Acting President ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang seniority sa mga Apostol ay hindi nakabatay sa edad kundi sa petsa at pagkakasunud-sunod ng kanilang ordinasyon bilang mga Apostol. Halimbawa, sina Spencer W. Kimball at Ezra Taft Benson ay sabay na inordenang Apostol noong Oktubre 7, 1943, pero si Spencer W. Kimball ang unang inordenan. Dahil dito, si Pangulong Kimball ang naging Pangulo ng Simbahan noong 1973 nang pumanaw si Harold B. Lee.
Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) na dahil ang paghalili sa Panguluhan ay batay sa seniority, ang Panginoon lamang ang namamahala sa pagkakasunud-sunod ng paghalili:
“Mayroon nang mga walumpung apostol [pagsapit ng 1972] na pinagkalooban [ng mga susi ng awtoridad] mula noong panahon ni Joseph Smith, bagama’t labing-isa lamang ang naging Pangulo ng Simbahan, dahil lahat ng iba pa ay pumanaw na bago pa natawag na pangulo; at dahil ang Panginoon ang nakakaalam ng panahong ilalagi sa mundo ng kanyang mga tagapaglingkod, pinahihintulutan lamang niya yaong itinakdang manungkulan sa pamunuang iyon. Ang kamatayan at buhay ang nagiging batayan. Bawat bagong apostol ay pinipili ng Panginoon at inihahayag sa buhay na propeta na mag-oorden sa kanya” (“We Thank Thee, O God, for a Prophet,“34; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Inilarawan ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang batayan ng seniority at pamamaraan ng paghalili na nagsisimula kapag tinawag ang isang tao sa Korum ng Labindalawa:
“Ang pagkakaloob na ito ng awtoridad, kung saan ako nakibahagi nang ilang beses, ay maganda at simple. Ipinakikita nito kung paano ginagawa ng Panginoon ang mga bagay-bagay. Ayon sa Kanyang pamamaraan isang lalaki ang pinipili ng propeta na maging miyembro ng Kapulungan ng Labindalawang Apostol. Hindi niya pinipili ito para maging propesyon. Siya ay tinawag, tulad ng mga Apostol sa panahon ni Jesus, na sinabihan ng Panginoon, ‘Ako’y hindi ninyo hinirang, nguni’t kayo’y hinirang ko, at aking kayong inihalal’ (Juan 15:16). Lumilipas ang mga taon. Tinuturuan at sinasanay siya sa kanyang mga tungkulin. Naglalakbay siya sa buong mundo para gampanan ang kanyang tungkulin bilang apostol. Ito ay mahabang paghahanda, kung saan nakikilala niya ang mga Banal sa mga Huling Araw saanman sila naroon, at siya ay nakikilala nila. Sinusubukan ng Panginoon ang kanyang puso at kalooban. Sa mga karaniwang pangyayari, nagkakaroon ng mga bakante sa kapulungang iyon at may mga bagong hinihirang. Sa pangyayaring ito nagiging isang senior na Apostol ang isang partikular na lalaki. Nasa kanya, at sa kanyang kasamang mga Kapatid ang lahat ng susi ng priesthood na ibinigay sa bawat isa sa kanila nang sila ay ordenan at ang mga susing ito ay hindi nila lubos na ginagamit. Ngunit ang awtoridad na gamitin ang mga susing iyon ay nasa Pangulo lamang ng Simbahan. Sa kanyang pagpanaw, ang awtoridad na iyon ay magagamit ng senior na Apostol, na tinawag, itinalaga, at inorden bilang propeta at Pangulo ng kanyang mga kasamahan sa Kapulungan ng Labindalawa” (“Come and Partake,” Ensign, Mayo 1986, 46–47).
Nagsalita si Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa katiyakan na ang senior na Apostol ang magiging Pangulo ng Simbahan:
“Hindi nagtagal pagkamatay ni Pangulong Gordon B. Hinckley, ang 14 na kalalakihan, [mga Apostol], na ginawaran ng mga susi ng kaharian ay sama-samang nagtipon sa silid sa itaas ng templo upang isaayos ang Unang Panguluhan ng Simbahan. Walang pag-aalinlangan sa dapat gawin, walang pag-aatubili. Alam namin na ang senior na Apostol ang Pangulo ng Simbahan. At sa [sagradong] pulong na iyon, sinang-ayunan si Thomas Spencer Monson ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang Pangulo ng Simbahan” (“Ang Labindalawa,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 83; idinagdag ang pagbibigay-diin).
3.7
Ang Pamumuno ng Korum ng Labindalawang Apostol at Oras ng Paghalili
Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) ang pagkakaloob ng awtoridad sa Korum ng Labindalawang Apostol sa pagpanaw ng kasalukuyang propeta:
“Ang gawain ng Panginoon ay walang katapusan. Bagama’t pumanaw ang isang napakalakas na lider, hindi nawalan ng mamumuno ang Simbahan kahit isang saglit, salamat sa awa at tulong ng Maykapal na nagtulot sa kanyang kaharian na magpatuloy at mamalagi. …
“Sa sandaling pumanaw ang Pangulo ng Simbahan, isang lupon ng mga kalalakihan ang mamumuno—mga kalalakihang marami nang kaalaman at karunungan. Ang pagkakatalaga ay matagal nang nagawa, naibigay na ang awtoridad, naipagkaloob na ang mga susi. … Ang kaharian ay sumusulong sa ilalim ng pamamahala ng awtorisadong kapulungang ito. Walang ‘tumatakbo’ para sa posisyon, walang nangangampanya, walang debate. Napakadakila ng plano! Napakatalino ng ating Panginoon, sa perpektong pag-oorganisa sa kabila ng kahinaan ng marurupok at sakim na mga tao” (sa Conference Report, Abr. 1970, 118; o Improvement Era, Hunyo 1970, 92).
“Bilang namumunong opisyal ng Simbahan, ang Pangulo ng Labindalawa ang may karapatang tumanggap ng paghahayag kung kailan ioorganisa ang Unang Panguluhan. Ang desisyong ito ay ginawa sa pakikipagsanggunian at sa pamamagitan ng nagkakaisang suporta ng Korum ng Labindalawa” (Top and Flake, “The Kingdom of God,” 33; idinagdag ang pagbibigay-diin). Sa pagpanaw ni Propetang Joseph Smith, pinamunuan ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Simbahan sa loob ng tatlo’t kalahating taon bago muling inorganisa ang Unang Panguluhan. Pinamunuan ng Korum ng Labindalawa ang Simbahan nang mahigit tatlong taon kasunod ng pagpanaw ni Pangulong Brigham Young at sa loob ng halos dalawang taon sa pagpanaw ni Pangulong John Taylor. Kamakailan lamang, pinamunuan ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Simbahan sa loob lamang nang ilang araw bago muling iorganisa ang Unang Panguluhan at i-set-apart ang isang bagong Pangulo.
Noong Setyembre 18, 1898, nagsalita si Pangulong George Q. Cannon (1827–1901) ng Unang Panguluhan tungkol sa organisasyon ng Unang Panguluhan sa pagpanaw ni Pangulong Wilford Woodruff noong Setyembre 2:
“Noong ika-13 ng Setyembre, sa isang pulong ng mga Apostol, habang tinatalakay ang pangangailangan sa pagtatalaga ng isang trustee-in-trust para sa Simbahan, malinaw na ipinahiwatig din sa mga kapatid ang kinakailangang pag-oorganisa sa Unang Panguluhan, at isa-isang sumang-ayon ang Labindalawa na isagawa ito nang mga oras na iyon. Matapos marinig ang kanilang pananaw, si Pangulong Snow ay tumayo at sinabi sa mga kapatid na siya, magmula nang pumanaw si Pangulong Woodruff, ay nabigyang-inspirasyon na iharap ang kanyang sarili sa Panginoon, nakasuot ng priestly robes, sa loob ng Templo, at doon ay inihayag sa kanya ng Panginoon na kailangang maorganisa ang Unang Panguluhan, at inihayag din sa kanya kung sinu-sino ang dapat niyang maging mga tagapayo. Gayunman hindi niya sinabi ang tungkol dito, hanggang sa magsalita ang mga Apostol tungkol sa paksang ito. Ang pahayag na ito ni Pangulong Snow ay patunay sa kanila na ang kanilang mga sinabi ay inspirasyon ng Espiritu ng Diyos, at sumasang-ayon sa gawain na iminungkahi nila, at labis silang nagalak dahil dito. Para sa akin, hindi ko inaasahang isasagawa ito nang mga oras ding iyon, bagama’t buong puso akong sumasang-ayon dito, at nadarama noon pa man na dapat iorganisa kaagad ang Unang Panguluhan o kapag nakatangggap ng inspirasyon mula sa Panginoon” (Deseret News, Okt. 8, 1898, 514).
3.8
Muling Pag-organisa sa Unang Panguluhan
Noong 1974, inilahad ni Pangulong N. Eldon Tanner (1898–1982) ng Unang Panguluhan ang pagkakaloob ng awtoridad at ang pamamaraan kung paano sinasang-ayunan ang isang bagong Pangulo ng Simbahan ng Korum ng Labindalawang Apostol at muling inorganisa ang Unang Panguluhan sa pagsasalaysay ng mga pangyayari bago at pagkatapos pumanaw ni Pangulong Harold B. Lee:
“Mahalagang bigyang-pansin ang mga kaganapan noong mga oras na pumanaw si Pangulong Harold B. Lee. Tinawag si Pangulong Romney sa ospital at habang nag-uusap sila, si Pangulong Lee, na nakadaramang maaaring matagalan bago siya makapanungkulan, ay nagsabi kay Pangulong Romney: ‘Wala si Pangulong Tanner, at gusto kong ikaw muna ang humalili at magpatuloy ng mga gawain ng Simbahan.’ Dumating kalaunan si Pangulong Kimball at nagsabing tutulong siya kay Pangulong Romney. Gayunman, sa balitang pagpanaw ni Pangulong Lee, kaagad kinausap ni Pangulong Romney si Pangulong Kimball at sinabing: ‘Ikaw, bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa, ang mamumuno ngayon. Mapag-uutusan mo ako at handa akong tumulong sa abot ng aking makakaya.’
“Ito ay upang ganap na mapanatili ang kaayusan ng Simbahan at isang magandang halimbawa na hindi kailanman hahayaan ang Simbahan nang walang panguluhan at napakaayos ng pamamaraan sa paghalili. Hindi nagtagal si Pangulong Kimball, bilang Pangulo ng Labindalawa, ang naging nangungulong lider ng Simbahan.
“Gusto kong isa-isahin ang mga pamamaraang sinunod noong panahon ng kanyang pagkakatalaga at ordinasyon bilang pangulo ng Simbahan. …
“… Apat na araw makaraang pumanaw si Pangulong Lee, tinawag ni Pangulong Kimball, na siyang Pangulo ng Labindalawa, ang mga miyembro ng Labindalawa sa silid sa itaas ng templo para talakayin ang muling pag-oorganisa ng Unang Panguluhan at gawin ang anumang bagay na mapagpapasiyahan. Yaong mga naging tagapayo sa Pangulo—ibig sabihin, si Pangulong Romney at ako—ay nagbalik sa kani-kanyang posisyon sa Korum ng Labindalawa.
“Matapos iparating ni Pangulong Kimball ang kanyang matinding kalungkutan sa pagpanaw ni Pangulong Lee at nadarama ang sariling kakulangan, ay tinawag ang mga miyembro ng Labindalawa ayon sa pagkakasunud-sunod ng seniority upang maipahayag ang kanilang saloobin tungkol sa muling pag-oorganisa ng panguluhan ng Simbahan.
“Matapos magsalita ang bawat miyembro ng Labindalawa, sinabi niya na nadarama niya na ngayon na ang panahon para muling iorganisa ang Unang Panguluhan at si Pangulong Spencer W. Kimball ang nais ng Panginoon na mamuno sa panahong ito. Napuspos kami ng magiliw na Espiritu ng Panginoon at naroon ang lubos na pagkakaisa at pagkakasundo sa isipan at pananalita ng mga Kapatid. Ang tanging layunin at hangarin ay gawin ang kalooban ng Panginoon, at walang alinlangan sa isipan ng sinuman na ang kalooban ng Panginoon ay ipinahayag.
“Pagkatapos ay pormal na iminungkahi ni Elder Ezra Taft Benson na muli nang iorganisa ang Unang Panguluhan ng Simbahan at si Spencer W. Kimball ay sang-ayunan, ordenan at italaga bilang pangulo, propeta, tagakita, tagapaghayag, at trustee-in-trust ng Simbahan. Ang mungkahing ito ay sinang-ayunan at nagkakaisang inaprubahan.
“Buong pagpapakumbabang pumunta sa harapan si Pangulong Kimball at nagsalita, nananalangin na nawa’y mapasakanya ang Espiritu at pagpapala ng Panginoon upang maisagawa niya ang kalooban ng Panginoon. Sinabi niya na lagi siyang nagdarasal para sa kalusugan at paglakas at pagsigla ni Pangulong Lee at na matulungan ng Panginoon si Pangulong Lee sa pagtupad sa tungkulin nito bilang pangulo ng Simbahan. Ipinaliwanag niya na sa katunayan ay nagdasal siya nang taimtim kasama ang kanyang mabait na asawang si Camilla, na hindi mapasakanya ang katungkulang ito at natitiyak niyang mas mahaba ang buhay ni Pangulong Lee kaysa sa kanya. …
“Pagkatapos pinili at iminungkahi niya bilang kanyang unang tagapayo si N. Eldon Tanner, at bilang kanyang pangalawang tagapayo si Marion G. Romney, na kapwa nagsalita nang buong pagpapakumbaba at nangako na susuportahan at tutulungan nila si Pangulong Kimball bilang pangulo ng Simbahan at gagampanan ang kani-kanyang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya, at idinalangin na matamo ni Pangulong Kimball ang mga pagpapala ng Panginoon.
“Kasunod nito, si Pangulong Benson ay sinang-ayunan bilang Pangulo ng Kapulungan ng Labindalawa. Pagkatapos niyon, umupo si Pangulong Kimball sa upuang nasa gitna ng silid, at nang ipatong ng lahat ng naroon ang kanilang mga kamay sa kanyang ulo, nadama namin na tunay na napasaamin ang Espiritu ng Panginoon at pinuspos ng magiliw na Espiritung ito ang aming mga puso. Pagkatapos, si Pangulong Benson bilang tagapagsalita, sa isang napakagandang panalangin at basbas, si Spencer Woolley Kimball ay inordenan at itinalaga bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag at pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” (“Chosen of the Lord,” Ensign, Mayo 1974, 84–85).
3.9
Ano ang Kapita-pitagang Kapulungan?
Bagama’t si Pangulong Thomas S. Monson ay naging Pangulo ng Simbahan noong Pebrero 3, 2008, sa pagpanaw ni Pangulong Gordon B. Hinckley, sa sesyon ng pangkalahatang kumperensya ng Sabado ng umaga noong Abril 2008, tinatawag na isang kapita-pitagang kapulungan, siya ay sinang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan, mga korum at grupo sa iba’t ibang dako ng mundo, bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag at Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa “Ang Pagsang-ayon sa mga Pinuno ng Simbahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 4–7).
Sa naunang kapita-pitagang kapulungan, nagsalita si Elder David B. Haight (1906–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kahulugan ng kapita-pitagang kapulungan at ang kasagraduhan ng napakahalagang sandaling iyon ng pagtitipon:
“Ngayon tayo ay mga saksi at kabahagi ng isang napakasagradong okasyon—isang kapita-pitagang kapulungan upang kumilos ayon sa mga bagay na nauukol sa langit. Tulad noong unang panahon, maraming pag-aayuno at panalangin ang mga Banal sa iba’t ibang dako ng mundo upang matanggap nila ang pagbuhos ng Espiritu ng Panginoon, na nadarama sa kaganapang ito ngayong umaga.
“Ang kapita-pitagang kapulungan, tulad ng ipinapahiwatig ng pagtawag dito, ay nangangahulugan na isang sagrado, mapayapa at mapitagang okasyon kapag nagtitipun-tipon ang mga Banal sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan. Ang mga kapita-pitagang kapulungan ay ginagawa sa tatlong kadahilanan: sa paglalaan ng mga templo, pagbibigay ng mga espesyal na tagubilin sa mga pinuno ng priesthood, at pagsang-ayon sa isang bagong Pangulo ng Simbahan. Ang sesyon sa kumperensya ngayon ay isang kapita-pitagang kapulungan para sa layuning sang-ayunan ang isang bagong tawag na Pangulo ng Simbahan at iba pang mga pinuno ng Simbahan.
“May isang huwaran sa mga kapita-pitagang kapulungan na nagtatangi sa mga ito mula sa iba pang mga pangkalahatang pulong ng Simbahan kung saan sinasang-ayunan natin ang mga pinuno ng Simbahan. Ang huwarang iyon, na pinasimulan ni Propetang Joseph Smith, ay ang mga priesthood quorum, simula sa Unang Panguluhan, ay tumatayo at ipinapakita sa pamamagitan ng pagtataas ng kanang kamay na handa silang suportahan ang Pangulo ng Simbahan bilang isang propeta, tagakita at tagapaghayag, at susuportahan siya ng kanilang pagtitiwala, pananampalataya at mga panalangin. Ipinapakita ito ng mga korum ng priesthood ng Simbahan sa pamamagitan ng boto ng pagsang-ayon. Pagkatapos ang lahat ng mga Banal ay tumatayo at ipinapakita na handa rin silang gawin iyon. Ang iba pang mga pinuno ng Simbahan ay sinasang-ayunan din sa ganoong paraan sa kanilang mga katungkulan at gawain.
“Kapag sinasang-ayunan natin ang Pangulo ng Simbahan sa pagtataas natin ng kamay, hindi lamang ipinahihiwatig nito na kinikilala natin siya sa harapan ng Diyos bilang karapat-dapat na may hawak ng lahat ng susi ng priesthood; nangangahulugan din ito na nakikipagtipan tayo sa Diyos na susundin natin ang mga tagubilin at payo na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Ito ay isang sagradong tipan.
“Noong araw na itatag ang Simbahan, ibinigay ng Panginoon ang kautusang ito sa Simbahan:
“‘Sapagkat ang kanyang [ang Pangulo ng Simbahan] salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya.
“Sapagkat sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan.
“‘Sapagkat sinabi ng Panginoong Diyos: Siya ay aking pinukaw upang isulong ang kapakanan ng Sion sa malakas na kapangyarihan para sa kabutihan’ (D at T 21:5–7).
“Ang unang kapita-pitagang kapulungan ay idinaos sa Kirtland Temple noong ika-27 ng Marso 1836. Kasunod ng boto ng pagsang-ayon na inilarawan ko, itinala ni Propetang Joseph Smith, ‘Nagpropesiya ako sa lahat, na hangga’t sinusuportahan nila ang mga kalalakihang ito sa kanilang mga tungkulin, … pagpapalain sila ng Panginoon; … sa pangalan ni [Jesus] Cristo, ang mga pagpapala ng langit ay mapapasakanila’ (History of the Church, 2:418).
“Ngayon, sa paggamit ng alituntunin ng pagsang-ayon, naipahahayag natin ang ating kalooban. Gaano kasagrado ang pribilehiyo at responsibilidad na ito? Napakasagrado nito kaya nga sa dakilang paghahayag ng priesthood, sinabi ng Panginoon na ang mga bagay na ito ‘ay maaaring dalhin sa harapan ng isang pangkalahatang pagpupulong ng iba’t ibang korum, na bumubuo sa mga espirituwal na maykapangyarihan ng simbahan’ (D at T 107:32; idinagdag ang italics)” “(”Solemn Assemblies,“ Ensign, Nob. 1994, 14–15; idinagdag ang pagbibigay-diin).
3.10
Paano Natin Sinasang-ayunan ang Pangulo ng Simbahan
Sa pagtatapos ng kapita-pitagang kapulungan kung saan sinang-ayunan si Thomas S. Monson bilang ika-16 na Pangulo ng Simbahan, nagsalita si Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan tungkol sa mga dakilang pagpapala na napasaatin at ang pangakong ginagawa natin kapag nagtataas tayo ng ating kamay para sang-ayunan ang ating mga pinuno:
“Ang mga tao ng Diyos ay hindi palaging nararapat sa kahanga-hangang karanasang ibinahagi natin ngayon. Ang mga Apostol, matapos ang Pag-akyat ni Cristo sa Langit, ay patuloy na ginamit ang mga susing iniwan Niya sa kanila. Ngunit dahil sa pagsuway at kawalan ng pananampalataya ng mga miyembro, namatay ang mga Apostol nang hindi naipapasa ang mga susi sa mga humalili. Ang tawag natin sa nakalulunos na pangyayaring iyan ay ‘ang Apostasiya.’ Kung nagkaroon lamang ng pagkakataon at handang sumampalataya ang mga miyembro ng Simbahan noong mga panahong iyon tulad ninyo ngayon, hindi sana binawi ng Panginoon ang mga susi ng priesthood sa mundo. Kaya nga ang araw na ito ay mahalaga sa kasaysayan at walang hanggan ang kahalagahan sa kasaysayan ng mundo at sa mga anak ng ating Ama sa Langit.
“Obligasyon natin ngayon na manatiling marapat sa pananampalatayang kailangan natin para matupad ang ating pangakong sang-ayunan ang mga natawag. … Upang masang-ayunan natin ang natawag ngayon, suriin natin ang ating buhay, magsisi kung kailangan, mangakong sundin ang mga utos ng Panginoon, at sundin ang Kanyang mga lingkod. Binabalaan tayo ng Panginoon na kung hindi natin gagawin ang mga bagay na iyon, lalayo ang Espiritu Santo, mawawala sa atin ang liwanag na natanggap natin, at hindi natin matutupad ang ipinangako natin ngayon na sang-ayunan ang mga lingkod ng Panginoon sa Kanyang tunay na Simbahan” (“Ang Totoo at Buhay na Simbahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 21; idinagdag ang pagbibigay-diin).