Library
Kabanata 4: Ang Korum ng Unang Panguluhan


Kabanata 4

Ang Korum ng Unang Panguluhan

Pambungad

Noong Marso 18, 1833, ang Unang Panguluhan ay pormal na inorganisa kasama si Propetang Joseph Smith bilang Pangulo at sina Sidney Rigdon at Frederick G. Williams bilang mga tagapayo (tingnan sa History of the Church, 1:334; tingnan din sa D at T 81; 90, kasama ang mga section heading). Ang sumunod na mga paghahayag ay nagbigay ng dagdag na impormasyon tungkol sa Unang Panguluhan, na ngayon ay nagsisilbing pinakamataas na korum ng priesthood sa Simbahan, na may “karapatang gumanap sa lahat ng katungkulan sa simbahan” (D at T 107:9; tingnan din sa D at T 124:126).

Ang Korum ng Unang Panguluhan ay binubuo ng Pangulo at karaniwan ng dalawang tagapayo, ngunit hindi palagi. Ang mga tagapayo ay kadalasan, ngunit hindi palagi, na pinipili mula sa Korum ng Labindalawang Apostol. Itong “tatlong Namumunong Mataas na Saserdote … ang bumubuo ng isang korum ng Panguluhan ng Simbahan” (D at T 107:22). Sa kanila nakasalalay ang responsibilidad ng pamamahala sa kaharian ng Diyos sa lupa (tingnan sa D at T 90:12–16). Binigyang-diin ng Panginoon ang kahalagahan ng Unang Panguluhan nang ipahayag Niya na, “Ang sinumang tumatanggap sa akin, tumatanggap sa yaong Unang Panguluhan, na aking isinugo, na aking ginawang mga tagapayo sa inyo para sa kapakanan ng aking pangalan” (D at T 112:20).

Tutulungan ka ng kabanatang ito na maragdagan ang iyong kaalaman sa kung paano pinamumunuan at pinangangasiwaan ng Unang Panguluhan ang gawain ng Panginoon sa lupa.

Komentaryo

4.1

Isang Tagapagpauna ng Unang Panguluhan sa Simbahan sa Bagong Tipan

Larawan
the original First Presidency, 1833

Itinatag noong Marso 1833, ang orihinal na Unang Panguluhan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay kinabilangan nina Joseph Smith, Pangulo (gitna); Sidney Rigdon, Unang Tagapayo (kaliwa); at Frederick G. Williams, Pangalawang Tagapayo (kanan).

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) na ang tagapagpauna para sa ating Korum ng Unang Panguluhan sa mga huling araw ay makikita sa organisasyon ng Simbahan ni Jesucristo sa Bagong Tipan:

“Ang katunayan na inihiwalay sina Pedro, Santiago, at Juan sa iba pang mga apostol at binigyan ng espesyal na awtoridad, ay ang tagapagpauna ng korum ng Unang Panguluhan sa ating panahon. Dapat ay lubos na nauunawaan mula sa nasusulat na ang tatlong apostol na ito ang bumubuo ng gayong panguluhan. … Napakalinaw sa mga Banal sa mga Huling Araw na ang tatlong ito ang Panguluhan dahil sa katotohanan na silang tatlo ang nagpakita kay Propetang Joseph Smith at kay Oliver Cowdery at nagkaloob sa kanila ng Melchizedek Priesthood” (Seek Ye Earnestly [1970], 207–8; idinagdag ang pagbibigay-diin).

4.2

Pagtatatag ng Unang Panguluhan

Tinukoy sa kasunod na tsart ang ilan sa mga pangyayari sa pagtatatag ng Unang Panguluhan:

Petsa

Pangyayari

Abril 6, 1830

Inorganisa ang Simbahan, na si Joseph Smith ang “tinawag ng Diyos, at inordenang apostol ni Jesucristo, na maging unang elder ng simbahang ito”; si Oliver Cowdery ay “tinawag din ng Diyos, na isang apostol ni Jesucristo, na maging pangalawang elder ng simbahang ito” (D at T 20:2–3).

Nobyembre 11, 1831

Natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 107:59–100; tinalakay sa mga talata 64–66 ang “Pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote ng Simbahan” (tingnan sa Robin Scott Jensen, Robert J. Woodford, at Steven C. Harper, eds., Revelations and Translations: Manuscript Revelation Books, facsimile ed., tomo 1 ng Revelations and Translations series of The Joseph Smith Papers, inedit nina Dean C. Jessee, Ronald K. Esplin, at Richard Lyman Bushman [2009], 216–19).

Enero 25, 1832

“Si Joseph Smith ay sinang-ayunan at inordenan [na] Pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote” sa isang pagpupulong ng mga elder, high priest, at mga miyembro ng Simbahan sa Amherst, Ohio (D at T 75 section heading; tingnan din sa D at T 82 section heading; History of the Church, 1:243, footnote).

Marso 1832

Tumanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag tungkol sa magiging tungkulin ng Unang Panguluhan sa hinaharap (tingnan sa D at T 81:1–2). “Ang paghahayag … ay dapat na ituring na hakbang tungo sa pormal na pagtatatag ng Unang Panguluhan, tiyakang pagtawag para sa katungkulan ng tagapayo sa pangkat na iyon at ipinaliliwanag ang kahalagahan ng pagkakahirang” (D at T 81 section heading).

Abril 26, 1832

Sa isang “pangkalahatang pagpupulong ng Simbahan” sa Jackson County, Missouri, “si Joseph Smith, ang Propeta, ay itinaguyod bilang Pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote, na kung saang katungkulan siya ay dating inordenan” (D at T 82 section heading).

Marso 8, 1833

Natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 90, “isang pagpapatuloy na hakbang sa pagtatatag ng Unang Panguluhan” (section heading). Sa paghahayag na ito isinaad ng Panginoon na sina Sidney Rigdon at Frederick G. Williams ay magsisilbi bilang mga tagapayo sa Unang Panguluhan (tingnan sa talata 6).

Marso 18, 1833

Sina Sidney Rigdon at Frederick G. Williams ay itinalaga bilang mga tagapayo sa Unang Panguluhan. Itinala ni Propetang Joseph Smith: “Nagpahayag ng hangarin si Elder Rigdon na siya at si Brother Frederick G. Williams ay dapat iordena sa mga katungkulan kung saan sila tinawag, … sang-ayon sa paghahayag na ibinigay noong ika-8 ng Marso, 1833. Alinsunod dito ay ipinatong ko ang aking mga kamay kina Brother Sidney at Frederick, at inorden sila na makasama ko sa pagtataglay ng mga susi nitong huling kaharian, at tumulong sa Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote, bilang aking mga Tagapayo” (sa History of the Church, 1:334).

Marso 28, 1835

Natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 107:1–58, na dagdag na paglalarawan sa Unang Panguluhan bilang namumunong korum ng Simbahan: “Mula sa Pagkasaserdoteng Melquisedec, tatlong Namumunong Mataas na Saserdote, pinili ng pangkat, itinalaga at inordenan sa tungkuling yaon, at pinagtibay ng pagtitiwala, pananampalataya, at panalangin ng simbahan, ang bumubuo ng isang korum ng Panguluhan ng Simbahan” (D at T 107:22).

4.3

Ang Awtoridad ng Unang Panguluhan

Ang mga miyembro ng Unang Panguluhan ang Namumunong mga Mataas na Saserdote sa buong Simbahan. Dahil dito, ang Unang Panguluhan ang tunay na may awtoridad sa lupa hinggil sa lahat ng bagay. Isinaad ng Panginoon ang saklaw ng kanilang awtoridad nang sabihin Niya:

“Muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang pinakamahalagang gawain ng simbahan, at ang pinakamahirap na mga usapin sa simbahan, yayamang walang kasiyahan sa kapasiyahan ng obispo o mga hukom, ito ay ililipat at dadalhin sa kapulungan ng simbahan, sa harapan ng Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote.

“At ang Panguluhan ng kapulungan ng Mataas na Pagkasaserdote ay magkakaroon ng kapangyarihang tumawag ng iba pang matataas na saserdote, maging labindalawa, upang tumulong bilang mga tagapayo; at sa gayon ang Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote at mga tagapayo nito ay magkakaroon ng kapangyarihang magpasiya ayon sa patotoo alinsunod sa mga batas ng simbahan.

“At matapos ang kapasiyahang ito ay hindi na ito aalalahanin pa sa harapan ng Panginoon; dahil sa ito ang pinakamataas na kapulungan ng simbahan ng Diyos, at isang pinakahuling pasiya hinggil sa mga pagtatalo sa mga bagay na espirituwal” (D at T 107:78–80; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ipinaliwanag ni Pangulong Stephen L Richards (1879–1959) ng Unang Panguluhan na ang Unang Panguluhan ay may awtoridad na bigyang kahulugan ang doktrina:

“Sino ang may karapatang magbigay kahulugan sa doktrina ng Simbahan … ? Natitiyak ko na kung iisiping mabuti ay wala naman talagang pagkakaiba ng opinyon ang mga miyembro sa tanong na ito. Ito ay maayos na naitatag sa pamamagitan ng mga paghahayag na natanggap natin at ng gawain sa Simbahan na pagkakaloob sa Pangulo at kanyang mga Tagapayo ng awtoridad na ito at naniniwala akong hindi makikipagtalo ang sinumang miyembro tungkol dito. Sa wika ng paghahayag sila, ang Panguluhan, ang bumubuo ng ‘isang korum … na tatanggap ng mga orakulo para sa buong Simbahan’ [D at T 124:126]. Sila ang korte suprema dito sa lupa sa pagbibigay-kahulugan sa batas ng Diyos.

“Sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin at paggamit ng mga kapangyarihang ipinakaloob sa kanila, sila ay napamamahalaan ng isang konstitusyon, na may bahaging nasusulat at may bahaging hindi nasusulat. Ang nasusulat na bahagi ay binubuo ng pinagtibay na banal na kasulatan, noon at ngayon, at sa nakatalang mga pahayag ng ating mga propeta sa mga huling araw. Ang bahaging hindi nasusulat ay ang diwa ng paghahayag at banal na inspirasyon na nauukol sa kanilang tungkulin” (sa Conference Report, Okt. 1938, 115–16; idinagdag ang pagbibigay-diin).

4.4

Ang Kahigitan ng Pangulo ng Simbahan

Larawan
President Joseph F. Smith and counselors

Pangulong Joseph F. Smith (gitna) at kanyang mga tagapayo, John R. Winder (kaliwa) at Anthon H. Lund (kanan)

Noong Marso 8, 1833, sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na ang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ay “kapantay [ng Pangulo] sa paghawak ng mga susi nitong huling kaharian” (D at T 90:6). Ang Pangulo ng Simbahan, gayunman, ang namumuno sa korum na ito ng priesthood at namamahala sa lahat ng gawain ng kanyang mga tagapayo.

Ipinaliwanag ni Elder John A. Widtsoe (1872–1952) ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang Pangulo ng Simbahan ang namamahala sa gawain ng Unang Panguluhan:

“Si Joseph Smith ay binigyan ng dalawang tagapayo, at silang tatlo ang bumubuo ng Unang Panguluhan ng Simbahan. (Marso 18, 1833.) Bago ito ay may paghahayag noong Marso 8, 1833 na nagsasabing ‘Sa pamamagitan mo [Joseph Smith] ang mga orakulo ay ibibigay sa iba, oo, maging sa Simbahan’ [D at T 90:4]. Ang kahigitan ng Pangulo ng Simbahan ay napanatili. Ang tanong kung hawak din ba ng mga Tagapayo ang kapangyarihang hawak ng Pangulo ay pinagdebatehan ng mga tao. Ano ang maaaring gawin ng mga Tagapayo nang walang direktang pag-uutos mula sa Pangulo? Ang mga tanong na ito ay sinagot sa isang pulong noong Enero 16, 1836. Sinabi doon ng Propeta na, ‘Ang Labindalawa ay hindi nakapailalim kaninuman maliban sa Unang Panguluhan … at kung wala ako, walang Unang Panguluhan na mangingibabaw sa Labindalawa’ [sa History of the Church, 2:374; idinagdag ang italics]. Sa madaling salita kung aalisin ang Pangulo, ang mga Tagapayo ay hindi magkakaroon ng awtoridad. Hindi taglay ng mga Tagapayo ang kapangyarihan ng Pangulo at hindi makakikilos sa mga bagay na ukol sa Simbahan kung hindi ipinag-uutos at walang pahintulot ng Pangulo” (Joseph Smith: Seeker after Truth, Prophet of God [1951], 303; idinagdag ang pagbibigay-diin).

4.5

Ang Unang Panguluhan ang Namumuno sa Simbahan

Larawan
First Presidency, 2008

Pangulong Thomas S. Monson (nakaupo) at ang kanyang mga tagapayo, Henry B. Eyring (kaliwa) at Dieter F. Uchtdorf (kanan), 2008

Binigyang-diin ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) ang katungkulang mamuno ng Unang Panguluhan:

“Mayroon tayo sa Simbahan ni Jesucristo ngayon ng korum ng Unang Panguluhan, na hiwalay sa Kapulungan ng mga Apostol. Nasa ilalim ng pamumuno ng Unang Panguluhan ang pagkilos ng mga apostol sa lahat ng bagay na ukol sa priesthood at sa Simbahan” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie [1956], 3:152; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Bilang “pinakamataas na kapulungan ng simbahan ng Diyos” (D at T 107:80), ang Unang Panguluhan ang namumuno sa Simbahan taglay ang mga inspiradong pagpapasiya hinggil sa lahat ng bagay, kapwa espirituwal at temporal. Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972):

“Sa pamamagitan ng paghahayag ang Pangulo ng Simbahan ay binigyan ng mga tagapayo [tingnan sa D at T 107:78–80]. …

“Ang pinakamataas na kapangyarihang mamahala sa Simbahan ay ipinagkaloob sa Pangulo kasama ang kanyang mga tagapayo. Ang Unang Panguluhan ang namumuno sa lahat ng kapulungan, lahat ng korum, at lahat ng organisasyon ng Simbahan, taglay ang pinakamataas na kapangyarihang magtalaga at kapangyarihang magpanukala [tingnan sa D at T 107:9]. Ang mga kapangyarihang ito sa paghirang, pagpapanukala, at pamumuno ay maaaring ipakatawan ng Unang Panguluhan sa ibang tao na maaaring mapili nila at sasang-ayunan ng mga tao para maging kinatawan ng panguluhan sa pamamahala ng Simbahan.

“Ang Unang Panguluhan ang mga buhay na orakulo ng Diyos at ang pinakamataas na mga adjudicator [tagapagpasiya] at nagbibigay-kahulugan sa batas ng Simbahan. Sila ang namamahala sa gawain ng buong Simbahan sa lahat ng bagay na may kinalaman sa patakaran, organisasyon, at administrasyon. Walang bahagi ng gawain ng Simbahan na hindi saklaw ng kanilang awtoridad” (“The First Presidency and the Council of the Twelve,” Improvement Era, Nob. 1966, 978).

Sinabi ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan:

“Ang Unang Panguluhan ang nagtataglay ng pinakamataas na responsibilidad para sa mga gawain ng kaharian ng Diyos sa lupa. Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa kanila:

“‘Mula sa Pagkasaserdoteng Melquisedec, tatlong Namumunong Mataas na Saserdote, pinili ng pangkat, itinalaga at inordenan sa tungkuling yaon, at pinagtibay ng pagtitiwala, pananampalataya, at panalangin ng simbahan, ang bumubuo ng isang korum ng Panguluhan ng Simbahan. …

“‘At ang Panguluhan ng kapulungan ng Mataas na Pagkasaserdote ay magkakaroon ng kapangyarihang tumawag ng iba pang matataas na saserdote, maging labindalawa, upang tumulong bilang mga tagapayo; at sa gayon ang Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote at mga tagapayo nito ay magkakaroon ng kapangyarihang magpasiya ayon sa patotoo alinsunod sa mga batas ng simbahan’ [D at T 107:22, 79]” (“Responsibilities of Shepherds,” Ensign, Mayo 1995, 47).

4.6

Ang Kahalagahan ng mga Tagapayo sa Unang Panguluhan

Larawan
First Presidency, 2005

Pangulong Gordon B. Hinckley (gitna) at kanyang mga tagapayo, Thomas S. Monson (kaliwa) at James E. Faust (kanan), 2005

Itinuro ni Elder William R. Walker ng Pitumpu na ang Unang Panguluhan ang halimbawa o huwaran na dapat pamarisan ng iba pang mga panguluhan sa Simbahan:

“Dapat gawing huwaran at halimbawa ng bawat isa sa atin na naglilingkod sa mga panguluhan saanman sa Simbahan ang Unang Panguluhan sa pagsasagawa ng ating mga tungkulin. Dapat nating sikaping maging katulad nila at magtulungan nang may pagmamahal at pagkakaisa tulad ng ginagawa nila.

“Madalas banggitin ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang kahalagahan ng mga tagapayo. Sabi niya, ‘Ang Panginoon ay nagtalaga [ng mga tagapayo] para sa isang layunin’ (Teachings of Gordon B. Hinckley [1997], 94).

“Itinuro pa sa atin ni Pangulong Hinckley: ‘Tuwing umaga maliban sa Lunes, nagpupulong ang Unang Panguluhan kapag narito kami. Tinatawag ko si Pangulong [James E.] Faust upang ilahad ang mga dapat talakayin at pag-uusapan namin ito at gagawa ng desisyon. Pagkatapos ay tatawagin ko naman si Pangulong [Thomas S.] Monson upang ilahad ang dapat talakayin at pag-uusapan namin ito at gagawa ng desisyon. At pagkatapos aking ilalahad ang mga bagay na nais kong talakayin at pag-uusapan namin ito at gagawa ng desisyon. Sama-sama kaming gumagawa. … Hindi maaaring mag-isa kang kumikilos sa isang panguluhan. Mga tagapayo—kahanga-hanga ang mga tagapayo. [Iniiwas] ka nila sa paggawa ng mali, tinutulungan ka nila na gumawa ng tama’ (Teachings of Gordon B. Hinckley, 95; tingnan din sa “In … Counsellors There Is Safety,” Ensign, Nob. 1990, 48–51).

“Isang tagapayo noon ni Pangulong Joseph F. Smith ang minsang nagkuwento kung paano nag-uusap-usap ang Unang Panguluhan: ‘Kapag may isang bagay na idinulog sa [Pangulo ng Simbahan] para pagpasiyahan, pag-uusapan nila ito ng kanyang mga tagapayo at kanilang iisipin ito nang mabuti hanggang sa magkaroon sila ng iisang konklusyon’ (Anthon H. Lund, sa Conference Report, Hunyo 1919, 19; idinagdag ang italics).

“Iyan dapat ang maging huwaran natin sa ating mga panguluhan.

“Ang mga paghahayag ay nagtuturo sa atin na isagawa ang mga desisyon sa mga korum at panguluhan ‘ng buong kabutihan, sa kabanalan, at kababaan ng puso, kaamuan at mahabang pagtitiis, at sa pananampalataya, at kabaitan, at kaalaman, kahinahunan, pagtitiis, pagkamaka-diyos, pagmamahal pangkapatid, at pag-ibig sa kapwa tao’ (D at T 107:30).

“Ibinigay ng Panginoon sa atin ang huwaran” (“Tatlong Namumunong High Priest,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 39; idinagdag ang pagbibigay-diin).

4.7

Ang mga Tagapayo ang Nagsasakatuparan ng Gawain ng Unang Panguluhan Kung Maysakit ang Pangulo

Larawan
President Gordon B. Hinckley alone at general conference

Dahil sa pagkakasakit nina Pangulong Spencer W. Kimball at Pangulong Marion G. Romney, minsan ay mag-isang nakaupo si Pangulong Gordon B. Hinckley sa pangkalahatang kumperensya.

Ipinaliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) kung paano nagpapatuloy ang gawain ng Unang Panguluhan kahit maysakit o hindi makaganap sa kanyang mga tungkulin ang Pangulo ng Simbahan:

“Kapag maysakit ang Pangulo o hindi lubos na makaganap sa lahat ng kanyang tungkulin, ang kanyang dalawang Tagapayo ang bumubuo sa Korum ng Unang Panguluhan. Ipinagpapatuloy nila ang araw-araw na gawain ng Panguluhan. Sa mga hindi pangkaraniwang kalagayan, kapag isa lang ang nakakaganap, maaari siyang kumilos sa awtoridad ng katungkulan ng Panguluhan na itinakda sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 102, mga talata 10–11” (“God Is at the Helm,” Ensign, Mayo 1994, 54; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Tatlo’t kalahating taon bago iyon, ibinahagi ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang kanyang personal na karanasan bilang tagapayo sa dalawang Pangulo ng Simbahan na nagkasakit nang matagal:

“Noong maysakit si Pangulong Kimball, humina ang katawan ni Pangulong Tanner at pumanaw ito. Si Pangulong Romney ay tinawag bilang Unang Tagapayo, at ako bilang Pangalawang Tagapayo kay Pangulong Kimball. Pagkatapos ay nagkasakit si Pangulong Romney, kaya naiwan sa akin ang napakabigat na responsibilidad. Madalas akong humingi ng payo noon sa aking mga Kapatid sa Labindalawa, at kulang pa rin ang pasasalamat ko sa kanila para sa pag-unawa nila at matalinong pagpapasiya. Sa mga bagay na may malinaw at naitatag na patakaran, sumulong kami. Ngunit walang ibinalita o ipinatupad na bagong patakaran, at walang binagong mahahalagang gawain nang hindi muna nagpupulong kasama ni Pangulong Kimball at inilalahad sa kanya ang mga dapat pag-usapan at tumatanggap ng lubos na pahintulot mula sa kanya.

“Sa gayong mga pagkakataon kapag dinadalaw ko siya, palagi akong may kasamang secretary na nagtatala ng detalye ng pag-uusap. Matitiyak ko sa inyo, minamahal kong mga kapatid, na hindi ko kailanman pinangunahan ang aking pinuno, na hindi ako kailanman naghangad na pangunahan siya sa patakaran o tagubilin ng Simbahan. Alam ko na siya ang hinirang na Propeta ng Panginoon noong panahong iyon. Kahit na ako rin ay sinang-ayunan bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag, kasama ng aking mga Kapatid sa Labindalawa, alam ko rin noon na wala sa amin ang Pangulo ng Simbahan. Alam kong pinahaba ng Panginoon ang buhay ni Pangulong Kimball sa mga layuning batid ng Panginoon, at lubos ang aking pananampalataya na may dahilan ang pagpapahabang ito ng buhay ayon sa karunungan Niya na nakahihigit sa karunungan ng sinumang tao.

“Noong Nobyembre 1985, pumanaw si Pangulong Kimball, at si Pangulong Ezra Taft Benson, na noon ay Pangulo ng Kapulungan ng Labindalawa, ay nagkakaisang sinang-ayunan bilang Pangulo ng Simbahan at propeta, tagakita, at tagapaghayag. Pinili niya ang kanyang mga tagapayo, at tinitiyak ko sa inyo na magkakasama kaming gumagawa nang may pagkakaisa at nang buong husay, at napakasaya at napakagandang karanasan niyon.

“Si Pangulong Benson ay siyamnapu’t isang taong gulang na ngayon at hindi na siya tulad ng dati na puno ng lakas at sigla. Ginagawa namin ni Brother Monson, bilang kanyang mga tagapayo, ang ginagawa noon, at iyon ay ang isulong ang gawain ng Simbahan, habang nag-iingat na mabuti na huwag pangunahan ang Pangulo ni lumihis man lang sa matagal nang itinatag na patakaran nang hindi niya lubos na nalalaman at pinahihintulutan” (“In … Counsellors There Is Safety,” Ensign, Nob. 1990, 50).

4.8

Isang Halimbawa ng Araw-araw na mga Gawain ng Unang Panguluhan

Larawan
Church Administration Building

Ang mga opisina ng mga miyembro ng Unang Panguluhan ay nasa Church Administration Building sa Salt Lake City, Utah.

Noong 1979, si Pangulong N. Eldon Tanner (1898–1982), na naglingkod bilang tagapayo sa apat na Pangulo ng Simbahan, ay detalyadong inilarawan ang araw-araw na mga gawain ng Unang Panguluhan noong panahong iyon. Bagama’t maaaring maiba ang mga iskedyul sa bawat administrasyon, at nagbago ang ilang detalye, ipinapaunawang mabuti ng kanyang paglalarawan ang tungkol sa maraming responsibilidad ng Unang Panguluhan:

Lahat ng bagay na nauukol sa pamamahala ng Simbahan ay ginagawa sa ilalim ng patnubay ng Unang Panguluhan, at ang mga gawain ay karaniwang nahahati sa tatlong kategorya:

“Una, ang mga direktang pinangangasiwaan ng Unang Panguluhan; pangalawa, ang eklesiastikal na mga bagay na pinangangasiwaan ng Labindalawa sa patnubay ng Unang Panguluhan; at pangatlo, ang mga temporal na gawain na pinangangasiwaan ng Presiding Bishopric, na iniatas sa kanila ng Unang Panguluhan.

“Itatala ko ang ilan sa mga bagay na direktang pinangangasiwaan ng Unang Panguluhan: mga area conference; mga sagradong pagpupulong; mga departamento sa pagbabadyet, edukasyon, kasaysayan, at personnel; mga templo; pag-audit; ang Coordinating Council; at ang welfare services. …

“… Sa regular na nakaiskedyul na mga pulong, ang Unang Panguluhan ay nagpupulong tuwing Martes, Miyerkules, Huwebes, at Biyernes sa ganap na alas-8 n.u. kasama ang isang secretary na gumagawa ng buong rekord o tala ng lahat ng mga kaganapan. Kasama sa mga talakayang ito ang mga liham na nakapangalan sa Unang Panguluhan—na naglalaman ng halos lahat ng bagay mula sa mga tanong tungkol sa pagpapabutas ng tainga hanggang sa mga apela ukol sa mga desisyon ng stake presidency at high council tungkol sa excommunication. May mga tanong tungkol sa pamantayan sa pananamit at anyo, hipnotismo, gagawin sa araw ng Sabbath, pagbibigay-kahulugan sa banal na kasulatan, sensitivity training, mga sealing o pagbubuklod, mga reklamo laban sa mga lokal na pinuno, reincarnation, donasyon ng mga bahagi ng katawan sa siyensya o sa iba pa, cremation, mga transplant, mga legal na usapin, at marami pang iba.

“Kasama rin sa kanilang mga desisyon ang pagpili ng mga bagong temple presidency, saan at kailan dapat itayo ang mga bagong templo, at iba pang mga bagay na tatalakayin kapag nakikipagpulong sa Kapulungan ng Labindalawang Apostol at sa Presiding Bishopric. Nagpaplano rin sila ng mga sagradong pagpupulong at mga area conference na ginaganap sa iba’t ibang dako ng mundo.

“Martes sa ganap na alas-10 n.u. nakikipagpulong sila sa Expenditures Committee. … Dito inilalahad ng mga pinuno ng iba’t ibang departamento ang kanilang mga gagastusin para mapag-aralan, at ginagawa ang mga alokasyon ng pondo. Kabilang sa mga halimbawa ang mga kahilingan ng Physical Facilities Department sa pagbili ng lupa at ng mga gusali gaya ng sa mga stake o ward, mga mission home, visitors center, at marami pang iba, at ang mga talakayan ukol sa halaga ng pagmementena ng mga ito. Inilalahad din ng Presiding Bishopric ang mga kahilingan para sa mga gastusin na may kinalaman sa mga welfare project.

“Ang mga pulong ng Unang Panguluhan sa Miyerkules ay ginagamit sa pagdinig ng mga report mula sa mga pinuno ng mga departamento na direktang pinamamahalaan ng Unang Panguluhan, tulad ng Historical, Personnel, at Public Communications departments. Ang mga appointment para sa mahahalagang panauhin o bisita ay iniiskedyul din tuwing Miyerkules ng umaga kung maaari. …

“Minsan sa isang buwan sa araw ng Miyerkules ang Unang Panguluhan ay nakikipagpulong sa Combined Church Board of Education at Board of Trustees para pag-usapan ang mga bagay na may kaugnayan sa mga unibersidad at kolehiyo, mga institute at seminary, at iba pang mga paaralan ng Simbahan. Sa isang araw din ng Miyerkules sa bawat buwan sila ay nakikipagpulong sa Coordinating Council. … Dito ay tinatalakay at pinagpapasiyahan nila ang mga patakaran, pamamaraan, at mga tanong ukol sa pangangasiwa para matiyak na lahat ng paghahati ng responsibilidad ay nalilinaw na mabuti at naiko-coordinate. Kasunod nito, nakikipagpulong sila sa Welfare Services Committee. …

“Tuwing Huwebes nang umaga sa ganap na alas-10 n.u. kasama nila ang Kapulungan ng Labindalawa sa silid sa itaas ng [Salt Lake Temple], kung saan nagpupulong ang Labindalawa simula alas-8 n.u. Sa silid na ito ginagabayan ng Panginoon ang pamunuan ng Simbahan simula nang matapos ang templo. Dito ay mararanasan ng isang tao ang espesyal na espirituwal na damdamin, at kung minsan ay nadarama ang presensya ng ilan sa mga dakilang pinuno na ito na pumanaw na. Ang mga larawan ng labindalawang Pangulo ng Simbahan, at ni Hyrum, ang Patriarch, ay nakasabit sa mga dingding. May mga ipinintang larawan din ng Tagapagligtas sa baybayin ng Dagat ng Galilea kung saan Niya tinawag ang ilan sa kanyang mga apostol, at iba pa na naglalarawan sa pagkakapako niya sa krus at sa kanyang pag-akyat sa langit. Dito ay napapaalalahanan kami tungkol sa maraming dakilang pinuno na naupo sa silid na ito ng kapulungan, at sa ilalim ng patnubay ng Panginoon ay nakagawa ng malalaking desisyon.

“Sa pagpasok ng Unang Panguluhan sa silid na ito sa ganap na alas-diyes tuwing Huwebes ng umaga, nakikipagkamay kami sa lahat ng miyembro ng Labindalawa, pagkatapos ay nagpapalit na ng kasuotan sa templo. Kumakanta kami, lumuluhod para manalangin, at magkakasamang nananalangin na nakapalibot sa altar, at pagkatapos ay nagpapalit na kami ng aming panlakad na damit o kasuotan.

Larawan
Jesus teaching His Apostles

Nang tanungin ni Jesus si Pedro na, “Iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito?” (Juan 21:15), inilarawan nito ang sakripisyong ginagawa ng mga Apostol sa ngalan ng Simbahan.

“Pagkatapos talakayin ang mga napag-usapan sa nakaraang pulong, isinasaalang-alang namin ang mga bagay tulad nito: pahintulot sa mga pagbabago sa mga bishopric ayon sa rekomendasyon ng mga stake president—na nauna nang tinalakay sa pulong ng Labindalawa … ; mga pagbabago sa organisasyon ng stake, ward, mission, at templo sa buong Simbahan, pati na ang mga hangganan at mga pinuno; mga pinuno at pangangasiwa ng mga auxiliary organization; mga bagay na iniulat ng mga pinuno ng iba’t ibang departamento; at ang aming mga report tungkol sa mga stake conference at iba pang mga aktibidad sa buong linggo, gaya ng mga libing, mga speaking engagement, at marami pang iba. Sa lupon na ito isinasaalang-alang at inaaprubahan ang anumang pagbabago sa pangangasiwa o patakaran, at pagkatapos ito ay nagiging opisyal na polisiya ng Simbahan. …

“Sa unang Huwebes ng bawat buwan ang Unang Panguluhan ay nakikipagpulong sa lahat ng General Authority—ang mga miyembro ng Labindalawa, ang Pitumpu, at ang Presiding Bishopric. Sa pulong na ito sinasabihan ang lahat tungkol sa anumang mga pagbabago sa mga programa o pamamaraan at tinuturuan sa kanilang mga tungkulin o responsibilidad. Tinatawag ng Pangulo ang mga miyembro na magbigay ng kanilang patotoo, pagkatapos ay nagsusuot na kami ng aming damit na pangtemplo, nakikibahagi ng sakramento, at nagdarasal na nakapalibot sa altar kasama ang lahat ng miyembrong naroon. Pagkatapos ng panalangin ang lahat, maliban sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawa, ay lalabas na, at ang mga naiwan ay nagpapalit na ng kanilang panlakad na damit at ipinagpapatuloy na ang regular na gawain sa mga pulong sa araw ng Huwebes. Isang recording secretary ang gumagawa ng report ng lahat ng sinabi at ginawa.

“… Biyernes nang alas-9 n.u. ang Presiding Bishopric ay nakikipagpulong sa Unang Panguluhan para magbigay ng mga report at talakayin ang mga bagay na nauukol sa pangangasiwa” (“The Administration of the Church,” Ensign, Nob. 1979, 45–48; idinagdag ang pagbibigay-diin).

4.9

Ang Pagbibigay-kahulugan sa Doktrina ay Karapatan at Responsibilidad ng Unang Panguluhan

Larawan
President George Albert Smith and his counselors

Pangulong George Albert Smith (gitna) at ang kanyang mga tagapayo, J. Reuben Clark Jr. (kaliwa) at David O. McKay (kanan)

Ang Unang Panguluhan ang tunay na may awtoridad sa pagbibigay-kahulugan sa doktrina sa Simbahan. Ipinaliwanag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):

Ang pagbibigay-kahulugan sa doktrina ay gawain [tungkulin] ng Unang Panguluhan. Ibinigay ng Panginoon ang gawaing iyan sa kanila sa pamamagitan ng paghahayag. Walang karapatan ang guro na bigyang-kahulugan ang doktrina para sa mga miyembro ng Simbahan” (“The Gospel Teacher and His Message,” sa Charge to Religious Educators, 2nd ed. [1982], 51–52; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ipinaliwanag ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang iba pang mga General Authority ay sumasangguni rin sa Unang Panguluhan para sa mga kahulugan ng doktrina:

“Tunay na nauunawaan ng Panginoon na kailangang panatilihing dalisay ang Kanyang mga doktrina at ipagkatiwala ang pakahulugan ng mga ito sa iisang source lamang. Mangyari pa, tayong lahat ay hinihikayat na mag-aral at kamtin ang lahat ng kaalaman na maaari nating makamtan sa buhay na ito. Hinihikayat tayong magtalakayan at magpalitan ng mga ideya upang mapalawak pa ang ating pang-unawa. Gayunman, iisa lamang ang gagamitin ng Panginoon sa pagpapahayag ng Kanyang mga pangunahing doktrina. Kahit bilang mga General Authority ng Simbahan, iniuutos sa amin na, ‘Upang mapanatili ang pagkakapare-pareho ng kahulugan ng doktrina at patakaran, kayo ay inuutusang sumangguni sa Office of the First Presidency para sa anumang tanong ukol sa doktrina o patakaran na hindi malinaw na naipaliwanag o natukoy sa mga banal na kasulatan o sa General Handbook of Instructions.

“Sa ganitong paraan, mawawala ang pagtatalo at pagkalito at pagkakaiba-iba ng mga opinyon” (“Heed the Prophet’s Voice,” Ensign, Nob. 1994, 19).

Ipinahayag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan:

“Sino ang may karapatang magpahayag ng doktrina ng Simbahan? Malinaw na nakasaad sa paghahayag at alituntunin na ang kasalukuyang Pangulo ng Simbahan at kanyang mga tagapayo ang may karapatang ipahayag ang doktrina ng Simbahan. Ang pagkakaloob ng awtoridad na ito ay nagmula sa paghahayag. Ang Panguluhan ang bumubuo ng ‘isang korum … na tatanggap ng mga orakulo para sa buong simbahan’ (D at T 124:126)” (“The Abundant Life,” Ensign, Nob. 1985, 9).

4.10

Ang Sinasabi ng Unang Panguluhan na Banal na Kasulatan

Larawan
First Presidency, 1970

Si Pangulong Joseph Fielding Smith (nakaupo) kasama ang kanyang mga tagapayo na sina N. Eldon Tanner (kaliwa) at Harold B. Lee (kanan), 1970

Itinuro ni Pangulong Marion G. Romney (1897–1988) ng Unang Panguluhan na sinasabi ng Unang Panguluhan ang mga salita na sasabihin ni Jesucristo kung Siya mismo ay narito:

“Ngayon ay inihahayag ng Panginoon ang kanyang kalooban sa lahat ng naninirahan sa mundo, at lalo na sa mga miyembro ng Simbahan, tungkol sa mga isyu ng ating panahon sa pamamagitan ng mga buhay na propeta, na ang Unang Panguluhan ang namumuno. Ang sinasabi nila bilang panguluhan ay ang sasabihin ng Panginoon kung narito siya mismo. Ito ang batong saligan ng Mormonismo. … Nang tanungin si Propetang Joseph Smith kung ano ang pagkakaiba ng Simbahan ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng mga simbahan ng mga sekta ng daigdig, sinabi niya, ‘Nasa amin ang Espiritu Santo,’ na ang ibig niyang sabihin ay sa kapangyarihan ng Espiritu Santo ang kalooban ng ating Ama ay naihahayag sa isipan ng mga pinuno ng Simbahang ito. Kaya inuulit ko, Ang sinasabi ng panguluhan bilang panguluhan ay ang mismong sasabihin ng Panginoon kung narito siya, at ito ay banal na kasulatan. Dapat itong pag-aralan, unawain, at sundin, gaya rin ng mga paghahayag na nasa Doktrina at mga Tipan at sa iba pang mga banal na kasulatan. Ang mga tumatahak sa landas na ito ay hindi magsasabi na ang kanilang sinasabi [ng panguluhan] ay inspirado ng inklinasyon sa pulitika o pagkamakasarili; hindi rin nila sasabihin na ang mga kapatid ay walang alam tungkol sa mga kalagayan ng mga taong apektado ng kanilang payo; o ang kanilang mga payo ay hindi maaaring tanggapin dahil hindi ito sinisimulan sa mga salitang, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon.’

“Ang mga taong … sa pamamagitan ng matinding panalangin at masigasig na pag-aaral ay aalamin sa kanilang sarili kung ano ang sinasabi ng mga buhay na propetang ito, at kikilos nang naaayon dito, ay dadalawin ng espiritu ng Panginoon at malalaman sa pamamagitan ng diwa ng paghahayag na sinasabi nila ang kaisipan at kalooban ng Ama” (sa Conference Report, Abr. 1945, 90; idinagdag ang pagbibigay-diin).

4.11

Dapat Sang-ayunan ng mga Miyembro ng Simbahan ang Unang Panguluhan

Itinuturo ng mga banal na kasulatan na ang “pagtitiwala, pananampalataya, at panalangin ng simbahan” ay sumusuporta sa Unang Panguluhan (D at T 107:22). Sagradong tungkulin natin na sang-ayunan ang Unang Panguluhan ng Simbahan.

Habang naglilingkod bilang tagapayo kay Pangulong Joseph Fielding Smith, binanggit ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) kung paano sinusuportahan ng mga tagapayo sa Unang Panguluhan at ng lahat ng miyembro ng Simbahan ang Pangulo ng Simbahan:

“Habang iniisip ko ang tungkulin namin ni Pangulong Tanner bilang kanyang mga tagapayo, naisip ko ang isang pagkakataon sa buhay ni Moises, noong ang mga kaaway ng simbahan ay katulad din ng sa panahon ngayon. Nagbabanta silang lalabanan at sisirain at pipigilan ang gawain ng simbahan. Habang nakaupo si Moises sa tuktok ng isang burol at itinaas ang tungkod ng kanyang awtoridad, o ang mga susi ng kanyang priesthood, nanalo ang Israel laban sa mga kaaway nila; ngunit sa paglipas ng maghapon, nangalay at nanghina ang kanyang mga kamay at nagsimula itong bumaba. Kaya itinaas nila ang kanyang mga kamay para hindi ito manghina at hindi bumaba ang tungkod. Siya ay susuportahan upang hindi manaig ang mga kaaway ng simbahan laban sa mga banal ng Kataas-taasang Diyos. (Tingnan sa Exodus 17:8–12.)

“Palagay ko iyan ang tungkuling gagampanan namin ni Pangulong Tanner. Ang mga kamay ni Pangulong Smith ay maaaring manghina. Maaaring bumaba ang mga ito kung minsan dahil sa bigat ng kanyang mga responsibilidad; ngunit habang itinataas namin ang kanyang mga kamay, at namumuno kami sa ilalim ng kanyang patnubay, sa kanyang tabi, ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo at laban sa Israel. Ang inyong kaligtasan at ang kaligtasan namin ay nakadepende kung sinusunod natin o hindi ang mga inilagay ng Panginoon para mamuno sa kanyang simbahan. …

“Magtiwala at sumunod tayo sa Pangulo ng Simbahan at itaas ang kanyang mga kamay gaya ng patuloy naming gagawin ni Pangulong Tanner” (sa Conference Report, Okt. 1970, 153; o Improvement Era, Dis. 1970, 126–27).

Ipinaliwanag ni Pangulong George Albert Smith (1870–1951), habang naglilingkod siya bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang obligasyon natin sa pagsang-ayon natin sa Unang Panguluhan:

“Nagagalak ako ngayon at napahintulutan ako na makasama kayo sa pangkalahatang kumperensyang ito at naitaas ko ang aking kamay para sang-ayunan ang mga tinawag ng ating Ama sa Langit na mamuno sa atin. Malamang na nakakakuha ng lakas ang Pangulo ng Simbahang ito sa pagtingin sa mukha ng libu-libong matatapat na kalalakihan at kababaihan at masdan silang magtaas ng kanilang kamay sa pakikipagtipan sa ating Ama sa Langit, at sang-ayunan siya sa katungkulan kung saan siya tinawag na maglingkod bilang pangulo ng dakilang Simbahang ito. Ang obligasyong ginagawa natin kapag nagtataas tayo ng ating mga kamay sa gayong sitwasyon, ay napakasagrado. Hindi ibig sabihin nito na tatahimik na lang tayo at hahayaan ang propeta ng Panginoon na pamunuan ang gawaing ito, kundi ang ibig sabihin ay,—kung nauunawaan ko ang obligasyong aking inako nang magtaas ako ng kamay—na susuportahan natin siya; ipagdarasal natin siya; ipagtatanggol natin ang kanyang mabuting pangalan, at sisikapin nating isagawa ang kanyang mga tagubilin ayon sa utos sa kanya ng Panginoon na ihandog ang mga ito sa atin habang siya ang nasa katungkulang iyon. Kaya kapangyarihan ito ng lakas na inilaan ngayon sa ating minamahal na pangulo … at sa kanyang mga tagapayo, sa pagsang-ayon natin sa kanila sa sagradong pagpupulong na ito” (sa Conference Report, Hunyo 1919, 40).

Larawan
three mountain peaks

Tulad ng mga taluktok na ito sa itaas ng Willard, Utah, ang Unang Panguluhan ay “tulad ng matatag na mga piramideng yari sa bato.”

Ikinumpara ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga miyembro ng Unang Panguluhan sa isang mataas na tuktok ng bundok at hinihikayat ang mga miyembro ng Simbahan na sang-ayunan at suportahan ang Unang Panguluhan:

“Sa hilaga ng [Salt Lake City] sa Wasatch Range ay matatagpuan ang tatlong taluktok ng bundok. Inilalarawan ito ng makata bilang matatag na mga piramideng yari sa bato. Ang nasa gitna, ang pinakamataas sa tatlo, ayon sa mapa ito ang Willard Peak. Pero tinawag ito ng mga pioneer na ‘Ang Panguluhan.’ Kung pupunta kayo sa Willard, tumingin sa silangan, at umakyat, doon sa tuktok, at naroon ‘Ang Panguluhan.’

“Salamat sa Diyos para sa panguluhan. Tulad ng mga tuktok ng bundok na iyon, nakatayo sila na ang tanging nasa uluhan nila ay ang kalangitan. Kailangan nila ang ating boto ng pagsang-ayon. Kung minsan ay malungkot sa matataas na tungkuling iyon ng pamumuno—dahil ang kanilang tungkulin ay hindi para sa ikalulugod ng tao, kundi para sa ikalulugod ng Panginoon. Pagpalain ng Diyos ang tatlong dakila at mabubuting taong ito” (“The Spirit Beareth Record,” Ensign, Hunyo 1971, 87).

4.12

Dapat Nakatuon ang mga Miyembro ng Simbahan sa mga Tagubilin ng Unang Panguluhan

Larawan
President Monson, other General Authorities

Si Pangulong Thomas S. Monson at ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol habang paalis sa pulpito pagkatapos ng isang sesyon ng pangkalahatang kumperensya

Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–44) na “ang mga Pangulo o Panguluhan ang namamahala sa Simbahan; at ang mga paghahayag ng kaisipan at kalooban ng Diyos sa Simbahan, ay darating sa pamamagitan ng Panguluhan. Ito ang orden ng langit, at ang kapangyarihan at pribilehiyo ng Priesthood na ito” (sa History of the Church, 2:477; idinagdag ang pagbibigay-diin). Hinikayat din niya ang mga miyembro ng Simbahan na “kilalanin ninyo ang mga lalaking ito. … Magtiwala sa Panguluhan at tumanggap ng tagubilin” (sa History of the Church, 3:391).

Ang mga Turo ng Unang Panguluhan ay makukuha na ng mga miyembro ng Simbahan. Ang mga buwanang magasin ng Simbahan ay naglalaman ng regular na mga mensahe mula sa mga miyembro ng Unang Panguluhan. Sa gayunding paraan, ang mga mensahe mula sa iba pang mga General Authority ng Simbahan ay matatagpuan sa website ng Simbahan na LDS.org.

4.13

Ang mga Sumusunod sa Unang Panguluhan ay Hindi Kailanman Maliligaw at Magmamana ng Walang Hanggang Kaluwalhatian

Ganito ang ipinangako ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) sa mga taong sumusunod sa payo ng Unang Panguluhan:

“Pinatototohanan ko na kung magtitiwala tayo sa Unang Panguluhan at susundin ang kanilang payo at utos, walang kapangyarihan sa lupa ang makahahadlang o makapagpapabago sa ating layunin bilang simbahan, at bilang mga indibiduwal magkakaroon tayo ng kapayapaan sa buhay na ito at magiging mga tagapagmana ng walang-hanggang kaluwalhatian sa daigdig na darating” (“Eternal Keys and the Right to Preside,” Ensign, Hulyo 1972, 88).

Si Elder Mark E. Petersen (1900–84) ng Korum ng Labindalawang Apostol, matapos banggitin ang pahayag na ito ni Pangulong Joseph Fielding Smith, ay nagsabi na “sinabi rin ng iba pang mga pangulo na nauna sa kanya na kung susundin natin ang pamunuan ng Unang Panguluhan hindi tayo maliligaw kailanman ni mag-aapostasiya sa katotohanan” (The Salt and the Savor [1976], 29).

Mahahalagang Bagay na Pag-iisipan

  • Ano ang mga pagpapala ng Simbahan na inorganisa at mayroong Unang Panguluhan sa halip na isang Pangulo lamang na mag-isang naglilingkod?

  • Ano ang ibig sabihin ng tanggapin ang Unang Panguluhan (tingnan sa D at T 112:20)? Bilang miyembro ng Simbahan, ano ang magagawa mo para masuportahan pa ang Unang Panguluhan sa pamamagitan ng “pagtitiwala, pananampalataya, at panalangin” (D at T 107:22)?

Mga Iminungkahing Assignment

  • Ilista ang mga responsibilidad ng Unang Panguluhan gaya ng itinuro sa mga banal na kasulatan at sa komentaryo na matatagpuan sa kabanatang ito.

  • Ilista ang mga pagpapalang ipinangako sa mga taong sumusunod sa Unang Panguluhan. Sumulat ng isang plano na tutulong sa iyong pag-aralan ang mga salita ng Unang Panguluhan nang mas madalas.

  • Mula sa pinakahuling isyu ng pangkalahatang kumperensya ng Ensign o Liahona, basahin ang mga mensaheng ibinigay ng mga miyembro ng Unang Panguluhan. Markahan ang sinabi nila na angkop lalo na sa iyong buhay.

Print