Kabanata 7
Pag-aaral ng mga Mensahe sa Pangkalahatang Kumperensya
Pambungad
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) ang isang pangunahing alituntunin sa kursong ito:
“Ang buhay na propeta ay may kapangyarihang TNT. Ibig kong sabihin ay ‘Today’s News Today.’ … Kung gayon, ang pinakamahalagang mababasa natin ay alinman sa mga salita ng propeta … na nasusulat sa mga magasin ng Simbahan kada buwan. Ang mga tagubilin para sa bawat anim na buwan ay matatagpuan sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, na nakalathala sa magasing Ensign [o Liahona]” (“Fourteen Fundamentals in Following the Prophet” [Brigham Young University devotional, Peb. 26, 1980], 2, speeches.byu.edu).
Pinayuhan din ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) ang mga miyembro ng Simbahan na kumuha ng kopya ng isyu ng kumperensya na nasa mga magasin ng Simbahan at gawing bahagi ito ng kanilang gospel library:
“Umaasa ako na kukuha kayo ng kopya ninyo ng [Ensign o Liahona] at sasalungguhitan ang mga kaalaman o ideya na angkop sa inyo at iingatan ito para patuloy ninyong magamit. Walang teksto o aklat maliban sa mga banal na kasulatan ng Simbahan ang dapat magkaroon ng mahalagang lugar sa estante ng inyong mga aklat—hindi dahil sa napakahusay ng istilo o pagkakasulat nito, kundi dahil sa mga konsepto na nagtuturo ng daan tungo sa buhay na walang hanggan” (In the World but Not of It, Brigham Young University Speeches of the Year [Mayo 14, 1968], 2–3).
Nagbibigay ang kabanatang ito ng mga ideya at kasanayang makatutulong sa iyo para mas epektibong mong mapag-aralan ang mga isyu sa pangkalahatang kumperensya na nasa Ensign o Liahona at iba pang mga mensahe at isinulat ng mga General Authority. Karamihan sa kursong ito ay inilaan sa pag-aaral at pagkatuto mula sa mga pinakahuling mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Kapag nakinig kang mabuti at pinag-aaralan ang mga mensahe ng mga buhay na propeta, malalaman mo ang kalooban ng Panginoon para sa iyo sa panahong ito. Alamin nang may panalangin kung paano mo magagamit ang mga kasanayang ito para mapalakas mo ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa mga mensaheng ibinigay Niya para sa atin sa pamamagitan ng mga lider na pinili Niya.
Komentaryo
7.1
Ihanda ang Iyong Isip at Puso
Ang paghahanda ay mahalaga sa pagtanggap at pag-unawa sa kalooban ng Panginoon. Nangako ang Panginoon, “Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso” (D at T 8:2). Madali mong matatanggap ang mga salita ng Panginoon kung inihahanda mo ang iyong isip at puso. Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng paghahanda at pagiging isang aktibong mag-aaral:
“Tinuturuan tayo ni Nephi, ‘Kapag ang isang tao ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nagdadala nito [ang mensahe] sa puso ng mga anak ng tao’ (2 Nephi 33:1). Pansinin kung paanong ang kapangyarihan ng Espiritu ang nagdadala ng mensahe sa puso at hindi sa loob ng puso. Ang isang guro ay maaaring magpaliwanag, magpatunay, makahikayat, at magpatotoo, at magagawa ito na may labis na espirituwal na lakas at bisa. Gayunman sa huli, ang nilalaman ng mensahe at ang patotoo ng Espiritu Santo ay maisasapuso lamang kung pahihintulutan ito ng nakikinig. Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ang nagbubukas ng daan papasok sa puso. …
“Ang isang nag-aaral na ginagamit ang kalayaan sa pamamagitan ng pagkilos ng naaayon sa mga tamang alituntunin ay binubuksan ang kanyang puso para sa Espiritu Santo at inaanyayahan ang Kanyang kapangyarihan na magturo at magpatotoo, at magpatunay. Ang matuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan ng pagsisikap sa espiritu, kaisipan, at katawan at hindi pagtanggap lamang nang walang gagawin. Sa katapatan at patuloy na paggawa nang may pananampalataya naipapakita natin sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak, si Jesucristo, na tayo ay handang matuto at tumanggap ng mga tagubilin mula sa Espiritu Santo. …
“… Batay sa karanasan natulungan ako na maunawaan na ang kasagutang ibinigay ng ibang tao ay karaniwang hindi matatandaan sa matagal na panahon, kung matatandaan pa. Ngunit ang kasagutan na natuklasan natin o nakamtan sa tulong ng pananampalataya, ay karaniwang naaalaala sa buong buhay. Ang mahahalagang aral na natututuhan sa buhay ay nakakamtan ng sarili—hindi itinuturo” (“Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2007, 61, 64, 67).
Isaalang-alang ang mga sumusunod na paraan ng paghahanda ng sarili bago dumating ang pangkalahatang kumperensya:
-
Maglaan ng oras na makinig sa mga mensahe ng kumperensya nang hindi nagagambala. Gawing kasiya-siya ang lugar kung saan matatanggap mo ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo.
-
Hingin ang patnubay ng Espiritu sa pamamagitan ng taimtim na panalangin, pag-aayuno, at pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
-
Ilista ang mga personal na tanong o problema na gusto mong masagot. Pagkatapos ay itala o isulat ang mga sagot at impresyon na matatanggap mo sa kumperensya.
-
Repasuhin ang iyong mga isinulat mula sa nakaraang pangkalahatang kumperensya.
7.2
Gamitin ang mga Tamang Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Mensahe sa Pangkalahatang Kumperensya
Kapag pinag-aaralan mo ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, magagamit mo ang marami sa mga kasanayang ginagamit mo kapag nag-aaral ka ng mga banal na kasulatan. Inilalarawan sa nalalabing bahagi ng kabanatang ito ang ilan sa mga kasanayang iyon. Ang pagsasagawa ng mga mungkahi sa pag-aaral sa kabanatang ito ay hindi lamang makakaimpluwensya sa iyong pag-aaral tungkol sa mga buhay na propeta, makakaimpluwensya rin ito sa kakayahan mong pumili ng tama.
7.2.1
Tukuyin ang mga Doktrina at Alituntunin
Sa pag-aaral mo ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, hanapin ang malilinaw na pahayag ng mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo. Tukuyin at markahan ang mga ito sa paraang marerebyu at maalala ninyo ang mga ito. Ang pagrebyu at pagninilay ng mga pahayag ng doktrina at alituntunin ay magpapalalim ng iyong pag-unawa sa mga katotohanan ng ebanghelyo at magpapatibay sa iyong pangako na ipamuhay ang mga ito. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa ng mga doktrina at alituntunin na itinuro sa pangkalahatang kumperensya:
-
Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Madalang kayong makatatanggap ng kumpletong sagot [sa isang panalangin] nang minsanan. Unti-unti itong darating, na nakapakete, upang maragdagan ang inyong kakayahan. Habang sinusunod ninyo ang bawat piraso nang may pananampalataya, maaakay kayo sa iba pang mga bahagi hanggang mapasainyo ang buong kasagutan. Kailangan ninyo ritong sumampalataya na tutugon ang ating Ama. Bagama’t napakahirap nito kung minsan, nagbubunga ito ng malaking pag-unlad sa sarili” (“Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 9).
-
Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
“Nalaman natin sa propesiya na maliban sa hindi na muling babawiin sa mundo ang totoo at buhay na Simbahan, mas huhusay pa ito. … May mga pangako sa mga banal na kasulatan na sa pagparitong muli ng Panginoon sa Kanyang Simbahan, matatagpuan Niyang ito ay espirituwal nang handa para sa Kanya. Dapat iyang magbigay sa atin ng determinasyon at magandang pananaw. Kailangan pa nating pag-ibayuhin ang ating gawain. Kaya natin. At gagawin natin” (“Ang Totoo at Buhay na Simbahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 21).
-
Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Naghahanda tayo na makatanggap ng personal na paghahayag gaya ng ginagawa ng mga propeta, sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pag-aayuno, pagdarasal, at pagkakaroon ng pananampalataya. Pananampalataya ang susi” (“Personal na Paghahayag: Ang mga Turo at Halimbawa ng mga Propeta,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 88).
7.2.2
Tukuyin ang mga Pagbibigay ng Kahulugan o Paglilinaw ng Banal na Kasulatan
May mahalagang ginagampanan ang mga propeta sa pagbibigay-kahulugan o pagpapaliwanag at paglilinaw sa mga banal na kasulatan. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa:
-
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano ipinapakita ng mga banal na kasulatan ang magkakahiwalay na katangian ng tatlong miyembro ng Panguluhang Diyos (tingnan sa “Ang Iisang Dios na Tunay, at Siyang Kanyang Sinugo, Sa Makatuwid Baga’y si Jesucristo,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 40–42).
-
Tinalakay ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan ang pamumuhay sa ilang banal na kasulatan nang itinuro niya ang tungkol sa alituntunin ng pagpapatawad sa iba (tingnan sa “Ang Nakapagpapahilom na Kapangyarihan ng Pagpapatawad,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 67–69).
-
Nagsalita si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa “magiliw na awa ng Panginoon,” na binanggit sa 1 Nephi 1:20 (tingnan sa “Ang Magiliw na Awa ng Panginoon,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 99–102).
7.2.3
Gumawa ng mga cross-reference sa pagitan ng mga Mensahe at Banal na Kasulatan
Kapag natukoy mo ang mga kahulugan ng banal na kasulatan o paglilinaw dito, makakatulong na isulat ang reperensya ng mga mensahe sa kumperensya sa margin sa tabi ng mga banal na kasulatan na itinuro o nilinaw. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa:
-
Sa tabi ng Apocalipsis 22:18 maaari mong isulat ang nabanggit: Elder Jeffrey R. Holland, Liahona, Mayo 2008, 91–94. Sa mensaheng ito, binanggit ni Elder Holland ang Apocalipsis 22:18 at tinalakay ang kahalagahan ng patuloy na paghahayag.
-
Sa tabii ng Mga Awit 24:3–4 maaari mong isulat ang: Elder David A. Bednar, Liahona, Nob. 2007, 80–83. Tinalakay ni Elder Bednar ang ibig sabihin ng magkaroon ng malilinis na kamay at dalisay na puso.
-
Sa tabi ng Nehemias 6 maaari mong isulat ang: Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Liahona, Mayo 2009, 59–62. Tinalakay ni Pangulong Uchtdorf ang muling pagtatayo ni Nehemias ng mga pader na nakapalibot sa Jerusalem at ang ideya na “tayo ay gumagawa ng dakilang gawain at hindi babagsak.”
Magagamit mo rin ang mga margin sa iyong kopya ng Ensign o Liahona para isulat ang mga scripture reference na sumusuporta sa mga ideyang itinuro sa mensahe.
7.2.4
Tukuyin ang mga Payo, Paanyaya, o Kautusan
Sa paghahanap mo sa mga payo, paanyaya at kautusan, malalaman mo ang mga partikular na bagay na dapat mong gawin para makaayon sa kalooban ng Panginoon. Makatutulong na salungguhitan ang mga pahayag na ito sa iyong kopya ng Ensign o Liahona para madali mo itong mahanap kalaunan. Ang mga sumusunod ay halimbawa ng gayong mga pahayag:
-
Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Muli kaming nananawagan sa lahat ng kabataang lalaki na karapat-dapat sa espirituwal, pisikal, at emosyonal na humayong handa upang maging mga misyonero sa Simbahan ni Jesucristo. Tiyaking matugunan ninyo kaagad ang mga pangunahing pamantayan para makapaglingkod bilang misyonero at pataasin pa ninyo ang mga pamantayan. Ihanda ang inyong sarili na maging lalong epektibo sa dakilang tungkuling ito” (“Pagtataas ng mga Pamantayan,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 49).
-
Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Habang iniisip natin ang iba’t ibang pagpipilian, dapat nating tandaan na hindi sapat na maganda ang isang bagay. Ang ibang pagpipilian ay mas maganda, at may iba pang pinakamaganda. …
“Pag-isipan kung paano natin ginagamit ang ating oras sa pagpili ng panonoorin sa telebisyon, lalaruing mga video game, hahanapin sa Internet, o babasahing mga aklat o magasin. Siyempre pa magandang panoorin ang makabuluhang palabas o makakuha ng nakawiwiling impormasyon. Ngunit hindi lahat ng ganitong uri ng bagay ay nararapat pag-ukulan ng ating panahon para makamtan. May ilang bagay na mas maganda, at may ibang pinakamaganda” (“Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 105).
-
Pangulong Thomas S. Monson:
“Sa inyo na nakadadalo sa templo, ipinapayo kong dalasan ninyo ito” (“Lubos na Pinagpala,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 112).
7.2.5
Hanapin ang mga Ipinangakong Pagpapala at Ano ang Dapat Nating Gawin Para Matanggap Ito
Madalas nangangako ang mga propeta sa mga taong sumusunod sa mga alituntuning itinuturo nila. Ang paghahanap sa mga ipinangakong pagpapala ay makatutulong sa atin na mamuhay nang matwid. Ang sumusunod ay dalawang halimbawa ng gayong mga pangako:
-
Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
“Kung pag-iisipan ninyong mabuti ang mga banal na kasulatan at magsisimulang gawin ang ipinakipagtipan ninyo sa Diyos, ipinangangako ko na higit ninyong mamahalin ang Diyos at mas madarama ninyo ang kanyang pagmamahal. At sa gayon, ang inyong mga panalangin ay magmumula sa puso, puspos ng pasasalamat at ng pagsamo. Lalong higit kayong magtitiwala sa Diyos. Magkakaroon kayo ng tapang at determinasyong maglingkod sa Kanya, nang walang takot at may kapayapaan sa inyong puso. Magdarasal kayo lagi. At hindi ninyo Siya malilimutan, anuman ang mangyari sa hinaharap” (“Prayer,” Ensign, Nob. 2001, 17).
-
Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Nangangako ako ng malalaking pagpapala—sa pakikihalubilo sa tao, pisikal, mental, emosyonal at espirituwal na mga pagpapala—sa bawat kabataan na tutustusan ang malaking bahagi ng kanyang misyon” (“Pagtataas ng mga Pamantayan,” 49).
7.2.6
Tukuyin ang mga Paulit-ulit na Salita at Parirala
Ang mga paulit-ulit na salita at parirala ay nagbibigay-diin sa pangunahing mensahe ng nagsasalita. Halimbawa, paulit-ulit na ginamit ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan ang mga pariralang “sa kaunting paglihis, sa maliit na pagkakamali, sa maliit na bagay” sa buong mensahe sa isang kumperensya na nagbigay-diin na “ang kaligayahan at kalungkutan sa bawat tao, buhay may-asawa at pamilya ay kadalasang nangyayari dahil lamang sa maliit na bagay” (“Dahil Lamang sa Kaunting Paglihis,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 57–60). Gayundin inulit-ulit ni Pangulong Uchtdorf ang pariralang “pananalig ng ating ama” sa isang mensahe sa parehong pangkalahatang kumperensya nang ipayo niya sa atin na alalahanin ang pananampalataya ng mga yaong naghanda ng daan para sa atin (“Pananalig ng Ating Ama,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 68–70, 75).
Mapag-uugnay rin ng mga paulit-ulit na salita at parirala ang mga mensahe ng ilang nagsalita. Halimbawa, mapapansin mo ang mga pariralang tulad ng “magiliw na awa” at “pagtataas ng pamantayan” na ginamit sa ilang mga mensahe sa parehong pangkalahatang kumperensya o sa ilan pang kumperensya. Ang pag-uugnay ng mga turo mula sa maraming mensahe ay magbibigay sa inyo ng mas malawak na pang-unawa sa mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo nila.
7.2.7
Gumawa ng Tala ng mga Di-malilimutang Parirala
Maghanap ng mga parirala at pangungusap na, bagama’t maikli at madaling maalala, ay may malalim na kahulugan. Kapag pinag-isipang mabuti, madaragdagan nito ang inyong pang-unawa sa mahahalagang alituntunin. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa:
-
Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Kapag mahal natin ang Panginoon, hindi na mahirap ang sumunod” (“Ang Dakilang Utos,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 30).
-
Pangulong Thomas S. Monson:
“Walang pagkakaibigang higit na mahalaga kaysa sa kalinisan ng sarili ninyong budhi at moralidad” (“Mga Halimbawa ng Kabutihan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 65).
7.2.8
Tukuyin ang mga Listahan
Maaaring gumamit ang mga nagsalita ng mga listahan para ilarawan ang isang proseso, tulad ng pagsisisi, o bahagi ng isang alituntunin. Halimbawa, inisa-isa ni Pangulong Thomas S. Monson ang mga “tanda ng isang tunay na maytaglay ng priesthood ng Diyos.” Kabilang sa kanyang listahan ang “tanda ng pagkakaroon ng pananaw,” “tanda ng pagsisikap,” “tanda ng pananampalataya,” “tanda ng kabutihan”, at “tanda ng panalangin” (“Isang Makaharing Pagkasaserdote,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 59–61). Ang pagtukoy sa mga listahan sa pag-aaral mo ng mga mensahe sa kumperensya ay makatutulong sa iyong i-outline at isaayos ang impormasyong nakapaloob dito. Makatutulong ito sa iyo na maunawaan at maalala ang mga turo at ipamuhay ang mga ito.
7.2.9
Hanapin ang Sanhi at Epekto, at Pahayag na Nagsisimula sa “Kung” na Sinusundan ng Epekto Nito
Hanapin ang mga pahayag na naglilinaw sa mga epekto ng partikular na mga hakbang. Tinutukoy nito ang mga ibinubunga at pagpapala. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa:
-
Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
“Kung magiging kaswal tayo sa ating pag-aaral ng mga banal na kasulatan, ay magiging kaswal tayo sa ating mga panalangin. Maaaring hindi tayo tumigil sa pananalangin, ngunit ang ating mga panalangin ay magiging mas paulit-ulit, mas mekanikal, kulang sa tunay na layunin” (“Prayer,” 17).
-
Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008):
“Kung gagawin ninyo ito [kontrolin ang inyong galit], wala kayong pagsisisihan sa buhay. Mapangangalagaan ang pagsasama ninyong mag-asawa at ng pamilya. Higit kayong liligaya. Higit na kabutihan ang magagawa ninyo. Madarama ninyo ang kapayapaang napakaganda” (“Huwag Madaling Magalit,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 66).
-
Pangulong Thomas S. Monson:
“Kung tayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon, … nararapat tayo sa tulong ng Panginoon” (“Mga Halimbawa ng Kabutihan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 65).
7.2.10
Pansinin ang mga Salita at Parirala na Tumutukoy sa Isang Partikular na Punto o Mahalagang Bagay o Konklusyon
Tinutukoy ng mga salitang tulad ng “kaya nga,” “sa huli,” “tandaan,” at “sa gayon” at ng pariralang tulad ng “sa pagtatapos” at “bilang pagbubuod” ang mga pangunahing punto o mahahalagang bagay o konklusyon. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa:
-
Binanggit ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Mga Taga Efeso 2:19–20 at 4:11–13 at pagkatapos ay nagsabing:
“Sa gayon ang ministeryo ng mga Apostol—ang Unang Panguluhan at Labindalawa—ay isakatuparan ang pagkakaisang iyon ng pananampalataya at ipahayag ang ating kaalaman tungkol sa Panginoon” (“Kaligtasan at Kadakilaan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 7).
-
Binigyang-diin ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pagkakaisa na dapat umiral sa mag-asawa nang tapusin niya ang kanyang mensahe sa pagsasabing ang ama ang namumuno sa pamilya:
“Tandaan, mga kapatid, na sa inyong tungkulin bilang pinuno ng pamilya, ang asawa ninyo ang inyong kompanyon. … Sa simula, tinagubilinan ng Diyos ang sangkatauhan na ang kasal ay dapat magbuklod sa mag-asawa sa pagkakaisa. Samakatwid, walang pangulo o pangalawang pangulo sa isang pamilya. Magkasamang gagawa sa walang hanggan ang mag-asawa para sa kapakanan ng kanilang pamilya. Sila’y iisa sa salita, sa gawa, at sa kilos habang sila’y namumuno, gumagabay, at pumapatnubay sa kanilang pamilya. Pantay ang pananagutan nila. Pinaplano at inoorganisa nila ang mga gawain ng pamilya nang magkasama at nang buong pagkakaisa habang sila’y sumusulong” (“Pagiging Ama, Isang Walang Hanggang Tungkulin,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 71).
7.2.11
Magtanong
Ang magagandang tanong ay naghihikayat ng pagkatuto at nagtutulot sa Espiritu Santo na turuan ka nang higit pa sa napakinggang salita. Sa pag-aaral mo ng mga mensahe sa kumperensya, matutong magtanong gaya ng mga sumusunod:
-
Bakit ginamit ng speaker ang salita o pariralang ito?
-
Ano ang mga mensahe para sa akin, para sa aking pamilya, o para sa Simbahan?
-
Paano ko ito maipamumuhay?
-
Ano ang itinuturo nito sa akin tungkol kay Jesucristo o sa plano ng kaligtasan?
-
May isang pangunahing tema ba sa kumperensyang ito?
7.2.12
Isulat ang mga Espirituwal Na Pahiwatig
Kapag inisip mong mabuti ang mga payo na ibinigay sa pangkalahatang kumperensya, makatatanggap ka ng mga ideya o kaalaman at mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo na akma sa iyong mga pangangailangan at antas ng espirituwalidad. Makatutulong ang pagsulat ng mga ideya o kaalaman sa isang journal o notebook para maitimo ang mga ito sa iyong puso at isipan. Maaari mo ring isulat ang ilang mithiin para sa pag-unlad ng iyong sarili. Repasuhin paminsan-minsan ang iyong mga isinulat at mithiin at suriin ang iyong progreso.
Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang dagdag na pagpapala ng pagtatala ng ating mga iniisip:
“Sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagkadama sa mga impresyong mula sa Espiritu, pagtatala at pagsunod sa mga ito na natututo ang isang tao na magtiwala at umasa sa patnubay ng Espiritu kaysa sa anupamang natutuhan sa pamamagitan ng limang pandama” (“Helping Others to Be Spiritually Led” [Church Educational System symposium on the Doctrine and Covenants and Church History, Ago. 11, 1998], 3).
Hinikayat din tayo ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na gawin ito:
“Marahil mula sa lahat ng narinig natin, maaaring may isang parirala o talata na mangingibabaw at mapapansin natin. Kapag nangyari ito, sana isulat natin ito at pag-isipan ito hanggang sa matanto natin ang malalim na kahulugan nito at maging bahagi ito ng ating sariling buhay” (“An Humble and a Contrite Heart,” Ensign, Nob. 2000, 88).
7.2.13
Hanapin ang mga Patotoo ng mga Natatanging Saksi ng Panginoon
Ang malakas na patotoo, na nagpapatibay ng pananampalataya ay mainam na mapagkukunan ng lakas ng ating sariling patotoo. Bihirang madama ang lakas ng Espiritu maliban kapag nagbabahagi ng patotoo. Ang mga sumusunod ay dalawang halimbawa nito:
-
Ibinahagi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang patotoong ito tungkol sa Tagapagligtas:
“Maging matatag sa inyong patotoo kay Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Siya ang batong panulok ng dakilang gawaing ito. Ang Kanyang kabanalan at katotohanan ay taimtim kong pinatototohanan. Siya ang Korderong walang bahid-dungis, na inialay para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Sa pamamagitan ng Kanyang pasakit at dahil sa Kanyang pagdurusa ako ay naipagkasundo at magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Siya ang aking Guro, aking Huwaran, aking Kaibigan, at aking Tagapagligtas na mahal ko at sinasamba bilang Manunubos ng sanlibutan” (“Building Your Tabernacle,” Ensign, Nob. 1992, 52; idinagdag ang pagbibigay-diin).
-
Sa kanyang huling mensahe sa pangkalahatang kumperensya bago siya namatay, nagpatotoo si Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“At ngayon, tungkol sa perpektong Pagbabayad-salang ito, na naisakatuparan sa pamamagitan ng pagbuhos ng dugo ng Diyos—pinatototohanan ko na nangyari ito sa Getsemani at sa Golgota, at tungkol kay Jesucristo, pinatototohanan ko na Siya ang Anak ng Buhay na Diyos at ipinako para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Siya ang ating Panginoon, ating Diyos, at ating Hari. Alam ko ito, at walang kinalaman ang ibang tao rito.
“Isa ako sa Kanyang mga saksi, at pagdating ng araw dadamahin ko ang mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay at paa at babasain ng aking mga luha ang Kanyang mga paa.
“Ngunit pagdating ng araw na iyon hindi magbabago ang alam ko ngayon na Siya ang Makapangyarihang Anak ng Diyos, na Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos, at dumarating ang kaligtasan sa at sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang dugo at wala nang iba pang paraan.
“Loobin nawa ng Diyos na makalakad tayo sa liwanag dahil ang ating Diyos Ama ay nasa liwanag nang sa gayon ay malinis tayo mula sa lahat ng kasalanan, ayon sa mga pangako, ng dugo ni Jesucristo na kanyang Anak” (“The Purifying Power of Gethsemane,” Ensign, Mayo 1985, 11).
7.2.14
Magsaulo ng mga Makabuluhang Pahayag
Sinabi ng Panginoon na kung ano ang sabihin ng Kanyang mga tagapaglingkod “kapag pinakikilos ng Espiritu Santo ay magiging mga banal na kasulatan” (D at T 68:4). Sa ganitong pananaw, nagbigay ng payo si Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol para sa tumpak na pagbanggit at pagsasaulo ng mga banal na kasulatan na angkop ding gawin sa mga salita ng mga buhay na propeta:
“May kapangyarihan na makapagpapabago ng buhay sa mga partikular na salita na nakatala sa mga aklat ng mga banal na kasulatan. Ang kapangyarihan iyon ay humihina kapag iniiba o binabago ang eksaktong mga salita na ginamit dito. Kaya nga, iminumungkahi ko na hikayatin ninyo ang mga estudyante na banggitin ang banal na kasulatan nang eksakto o tumpak sa mga salitang ginamit dito. Lahat ng ginagawa ninyong pagpapayo sa mga estudyante na isaulo nang tumpak ang mga piniling banal na kasulatan ay magdadala sa kanilang buhay ng kapangyarihan ng nilalaman nito” (“Four Fundamentals for Those Who Teach and Inspire Youth” [Church Educational System symposium on the Old Testament, Ago. 14, 1987], 7).
“Iminumungkahi ko na isaulo ninyo ang mga banal na kasulatan na umaantig sa inyong puso at nagbibigay ng kaalaman sa inyong kaluluwa. Kapag ginagamit ang mga banal na kasulatan ayon sa paraan kung paano ito ipinasulat ng Panginoon, ang mga ito ay may tunay na kapangyarihan na hindi ninyo maipararating kung ibang salita ang gagamitin ninyo. Kung minsan kapag may isang mahalagang pangangailangan sa buhay ko, nirerepaso ko sa aking isipan ang mga banal na kasulatan na nagbibigay sa akin ng lakas. May malaking kapanatagan, patnubay, at kapangyarihang dumadaloy mula sa mga banal na kasulatan, lalo na sa mga salita ng Panginoon” (“He Lives,” Ensign, Nob. 1999, 87–88).
Ang pagsasaulo ng makabuluhang pahayag mula sa mga mensahe ng mga buhay na propeta ay magbibigay sa atin ng reserbang inspirasyon at tulong na mapagkukunan natin kapag kailangan natin ito.
7.2.15
Pag-aralan ang mga Mensaheng Ibinigay sa Iisang Paksa
Ang pag-aaral ng higit sa isang mensahe sa parehong paksa ay madalas magbigay-diin sa mga aspetong mahahalaga at nagbibigay ng karagdagang kaalaman. Halimbawa, noong Oktubre 2007 sa pangkalahatang kumperensya nagsalita si Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa personal na paghahayag, at nagsalita rin si Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawa, tungkol sa paggamit ng mga paghahayag na gagabay sa ating mga pasiya (tingnan sa “Personal na Paghahayag: Ang mga Turo at Halimbawa ng mga Propeta” at “Katotohanan: Ang Pundasyon ng mga Tamang Desisyon,” Ensign o Liahona Nob. 2007, 86–92). Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2006 sina Elder M. Russell Ballard at Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagsalita tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Nagsalita si Elder Ballard tungkol sa pag-anyaya sa mga kaibigan at kapitbahay sa ating mga tahanan bilang isang paraan para maibahagi ang ebanghelyo sa kanila, at matapos na magsalita, tinalakay naman ni Elder Scott ang paghahanda ng mga missionary sa tahanan at sa Simbahan (tingnan sa “Paglikha ng Tahanang Nagbabahagi ng Ebanghelyo” at “Panahon na Para Magmisyon!” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 84–90).
7.2.16
Gumawa ng Isang Aklatan ng Iyong mga Tala at ng Ensign o Liahona na mga Isyu ng Kumperensya
Ingatan at itago ang mga magasin na may isyu ng kumperensya ng Simbahan, pati na ang mga itinala mo habang nakikinig ka sa mga mensahe o pinag-aaralan ang mga ito, para magamit mo ang mga ito kalaunan. Dahil dito maihahambing mo ang mga nakaraang mensahe at kaalaman sa mga bagong matatangap. Makikita mo rin kung paano inulit ang ilang alituntunin at doktrina sa maraming kumperensya at magsimulang i-cross reference ang mga ito. At pahuhusayin nito ang kakayahan mong makapagbanggit ng mga salita ng mga propeta sa oras ng pagtuturo, tulad sa misyon, sa pagbibigay ng mensahe sa sacrament meeting, sa mga klase sa Simbahan, o sa family home evening.
7.2.17
Ipamuhay ang Iyong Natutuhan
Ang dapat na mithiin ng pag-aaral mo ng ebanghelyo ay maipamuhay ang ebanghelyo nang mas mabuti. Hindi lang ito tungkol sa kung ano ang nalalaman mo kundi kung ano ang ginagawa mo sa nalalaman mo na nagdudulot ng pinakamalaking kaligayahan sa iyong buhay. Tayo ay dapat na maging “tagatupad ng salita, at huwag tagapakinig lamang” (Santiago 1:22). Kapag ipinamumuhay mo ang iyong natututuhan, lalo mong mauunawaan ang plano ng kaligtasan at magkakaroon ng mas matinding hangarin na ibahagi ito sa iba. Tiyak ang kaligayahan kapag tinatanggap at ipinamumuhay natin ang mga payo ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta.
Kapag pinag-isipan mong mabuti ang mga sumusunod na tanong sa iyong pag-aaral ng pangkalahatang kumperensya, makatutulong ito sa iyo na maipamuhay ang natutuhan mo:
-
Paano ko ipamumuhay ang mga ito ayon sa ninanais ng Panginoon?
-
Paano ko ito magagamit para mapalakas ang aking pananampalataya?
-
Kailan ko naranasan ang bagay na katulad sa itinurong ito?
-
Ano ang magiging kaibhan sa buhay ko kung susundin ko ang turong ito?
-
Paano ko magagamit ito para turuan ang iba tungkol sa isang alituntunin ng ebanghelyo?