Paglikha ng Tahanang Nagbabahagi ng Ebanghelyo
Ang paglikha ng tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo ang pinakamadali at mabisang paraan para maibahagi natin ang ebanghelyo sa iba.
Mahal kong mga kapatid, ilang linggo pa lang ang nakararaan ay inoperahan at pinalitan ang mga tuhod ko. Kaya kapag sinasabi kong salamat at nakatayo ako sa inyong harapan ngayon, hindi ako nagbibiro. Habang nagpapagaling ako naalala ko kung gaano ako kapalad na malaman ang Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Nababagbag ang puso ko kapag naiisip ko ang hirap at pagdurusang dinanas Niya para sa atin sa Getsemani at sa krus. Kung paano Niya ito natiis, hindi ko maunawaan. Pero pinasasalamatan ko Siya, at mahal ko Siya nang higit pa kaysa kaya kong sabihin.
Pinasasalamatan ko rin si Pangulong Hinckley sa pagkakataon na nakasama ko siya sa lugar na sinilangan ni Propetang Joseph. Dahil kay Joseph Smith, napakarami ng naibigay sa ating biyaya. Kung hindi dahil sa Panunumbalik hindi natin malalaman ang tunay na katangian ng ating Diyos Ama sa Langit at ang likas nating kabanalan bilang Kanyang mga anak. Hindi natin mauunawaan ang kawalang-hanggan ng ating pag-iral o malalaman na maaaring magkasama-sama ang pamilya sa kawalang-hanggan.
Hindi natin mamamalayan na patuloy na nagsasalita ang Diyos sa Kanyang mga propeta sa ating panahon, simula pa sa kagila-gilalas na Unang Pangitain nang magpakita ang Ama at ang Anak sa Propetang si Joseph. Hindi tayo magkakaroon ng tiyak na kaaliwan na pinamumunuan tayo ngayon ng isang propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley.
Kung hindi dahil sa Panunumbalik malamang na akalain pa rin natin na ang kabuuan ng Salita ng Diyos ay matatagpuan sa Biblia. Tulad ng kahalagahan at ganda ng banal na kasulatang iyon, hindi natin malalaman ang tungkol sa Aklat ni Mormon at iba pang banal na kasulatan sa mga huling araw na nagtuturo ng mga walang hanggang katotohanan na tumutulong para lalo tayong mapalapit sa ating Ama sa Langit at sa Tagapagligtas.
Kung hindi dahil sa Panunumbalik wala sana sa atin ang mga biyaya ng mga ordenansa ng priesthood na may bisa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Hindi natin malalaman ang mga kundisyon ng pagsisisi ni mauunawaan ang katunayan ng pagkabuhay na mag-uli. Hindi natin palagiang makakasama ang Espiritu Santo.
Kapag talagang nauunawaan natin kung gaano kalaking pagpapala ang ebanghelyo ni Jesucristo sa ating buhay, kapag tinatanggap natin at niyayakap ang mga walang-hanggang katotohanan at hinayaan itong tumimo sa ating mga puso’t kaluluwa, daranas tayo ng “malaking pagbabago” (Alma 5:14) sa ating mga puso. Napupuspos tayo ng pagmamahal at pasasalamat. Ayon sa isinulat ni propetang Alma, parang gusto nating “umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig” (Alma 5:26) sa lahat ng nakikinig.
“O na ako’y isang anghel,” sabi ni Alma, “at matatamo ang mithiin ng aking puso, na ako ay makahayo at makapangusap nang may pakakak ng Diyos, nang may tinig upang mayanig ang mundo, at mangaral ng pagsisisi sa lahat ng tao!
“Oo, ipahahayag ko sa lahat ng kaluluwa … ang plano ng pagtubos, na nararapat silang magsisi at magsilapit sa ating Diyos, upang hindi na magkaroon pa ng kalungkutan sa balat ng lupa” (Alma 29:1–2).
Iyon ang dapat sa atin, mahal kong mga kapatid. Ang pagmamahal natin sa Panginoon at pagpapahalaga sa Panunumbalik ng ebanghelyo ang tanging pampukaw na kailangan natin upang ibahagi ang bagay na nagbibigay sa atin ng malaking kagalakan at kaligayahan. Ito ang pinakanatural na bagay sa mundo na gagawin natin, gayunman napakarami sa atin ang atubiling ibahagi ang ating mga patotoo sa iba.
Sa buong mundo tumutugon ang ating mga misyonero sa pagpapatotoo sa kagalakang dulot ng pagbabahagi ng ebanghelyo. Marami sa kanila ang pumapasok sa MTC na dala ang sarili nilang minarkahan at pinag-aralang mabuting mga kopya ng gabay ng misyonero, ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Nalulugod akong iulat sa inyo na sa paggamit ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, lalo nilang nakakayang magturo sa sarili nilang salita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu at mas naiaakma ang kanilang mga aralin sa mga pangangailangan ng kanilang mga tinuturuan. Bunga nito ay makabuluhan ang epekto nila sa buhay ng maraming tao.
Pero sa totoo lang, kailangan nila ngayon ng mas maraming taong tuturuan. Batay sa karanasan ang pinakamagandang sitwasyon sa pagtuturo ay nabubuo kapag nakikilahok ang ating mga miyembro sa paghahanap at pagtuturo. Walang bago rito—narinig na ninyo ito noon. Ang ilan sa inyo ay baka makonsiyensya pa na hindi kayo masyadong nakakatulong sa mga misyonero.
Ngayon iniimbita ko kayong magpahinga at isantabi ang inyong mga alalahanin at sa halip ay tumuon sa pagmamahal ninyo sa Panginoon, sa patotoo ninyo sa Kanyang walang hanggang katunayan, at sa pasasalamat sa lahat ng nagawa Niya para sa inyo. Kung talagang naaantig kayo ng pagmamahal, patotoo, at pasasalamat, natural ninyong gagawin ang lahat para tulungan ang Panginoon na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan” (Moises 1:39) ng mga anak ng ating Ama. Sa katunayan, imposible kayong mapigilan sa paggawa nito.
Mismong ang Tagapagligtas ang nagturo sa atin ng daan nang anyayahan Niya ang Kanyang mga disipulo na “magsiparito kayo at inyong makikita … kung saan siya tumitira … at [sila ay] nagsitirang kasama Niya” (Juan 1:39). Bakit kaya Niya ginawa iyon? Hindi ipinaliliwanag sa banal na kasulatan ang Kanyang dahilan, ngunit tiwala ako na walang kinalaman iyon sa kaginhawahan o kaluwagan. Tulad ng dati, nagtuturo Siya noon. At wala nang mas mainam na paraan para maturuan ang Kanyang mga alagad kundi sa pag-anyaya sa kanilang dalawin Siya para makita at madama nila mismo ang Kanyang dakilang mensahe.
Gayundin, maaaring maging tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo ang ating mga tahanan kapag dinadalaw tayo ng mga taong kilala at mahal natin at nadarama nila mismo ang ebanghelyo kapwa sa salita at sa gawa. Maibabahagi natin ang ebanghelyo kahit walang pormal na talakayan. Ang pamilya natin ang magsisilbing paksa, at ang espiritung nagmumula sa ating tahanan ang ating mensahe.
Ang pagkakaroon ng tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo ay hindi lang isang pagpapala sa mga isinasama natin sa ating tahanan, kundi pati sa mga nakatira dito. Sa pagtira sa isang tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo lumalakas ang ating patotoo at nadaragdagan ang pag-unawa natin sa ebanghelyo. Itinuturo sa Doktrina at mga Tipan na maaari tayong mapatawad sa ating mga kasalanan kapag tinulungan nating magsisi ang ibang tao (tingnan sa D at T 62:3). Nagagalak tayo sa pagtulong sa iba na lumapit kay Cristo at nadarama natin ang mapagtubos na kapangyarihan ng Kanyang pagmamahal (tingnan sa D at T 18:14–16). Pinagpapala ang ating pamilya sa paglago ng mga patotoo at pananampalataya kapwa ng mga magulang at anak.
Sa mga tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo nagdarasal tayo at hinihiling na patnubayan tayo, at ipinagdarasal ang pisikal at espirituwal na kapakanan ng iba. Ipinagdarasal natin ang mga taong tinuturuan ng mga misyonero, ang mga kakilala natin, at mga hindi natin katulad ang pananampalataya. Sa mga tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo noong panahon ni Alma, ang mga tao ay “[nagkakaisa] sa pag-aayuno at mataimtim na panalangin alang-alang sa kapakanan ng mga yaong kaluluwa na hindi nakakikilala sa Diyos” (Alma 6:6).
Ang paglikha ng tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo ang pinakamadali at mabisang paraan para maibahagi natin ang ebanghelyo sa iba. At ang pinag-uusapan natin dito ay hindi lang mga tradisyonal na tahanan na ang pamilya ay may dalawang magulang na kapiling ng mga anak. Ang mga estudyante sa kolehiyo ay makalilikha ng tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo kapag nagsabit sila ng mga larawan sa dingding ng kanilang apartment na nagpapakita ng mga espirituwal na mithiin sa halip na mga makamundong bagay. Ang matatandang mag-asawa at mga miyembrong walang-asawa ay halimbawa ng tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo kapag tinatanggap nila ang mga bagong kapitbahay at niyayaya ang mga ito sa Simbahan at dinadalaw sila sa kanilang mga tahanan.
Ang tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo ay iyong gustung-gustong puntahan ng mga batang kapitbahay para maglaro, at dahil dito ay mas madali silang anyayahan at ang kanilang pamilya na magpunta sa simbahan, sa family home evening, o sa iba pang aktibidad. Ang mga tinedyer na dumadalaw sa isang tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo ay komportableng magtatanong o sasali sa panalangin ng pamilya.
Ang mga tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo ay napakaordinaryo. Maaaring hindi ito laging ubod nang linis o medyo magugulo ang mga bata. Ngunit ang mga ito ay lugar kung saan nagmamahalan ang mga miyembro ng pamilya, at nadarama ng mga bisita ang Espiritu ng Panginoon.
Habang pinag-uusapan natin kung ano ang tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo, makakatulong sigurong tukuyin ang ilang bagay na hindi akma sa ganitong tahanan.
Ang tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo ay hindi isang programa. Ito ay isang paraan ng pamumuhay. Ibig sabihin ng paglikha ng tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo ay yayain ang inyong mga kaibigan at kapitbahay sa mga aktibidad ng pamilya at Simbahan. Kapag isinama natin ang ating mga kaibigan sa mga aktibidad na ito, madarama rin nila ang Espiritu.
Ang paglikha ng tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo ay hindi nangangahulugang mag-ukol tayo ng maraming oras sa pakikipagkilala at pakikipagkaibigan sa mga babahaginan ng ebanghelyo. Basta darating na lang ang mga kaibigang ito sa buhay natin; at kung alam nilang miyembro tayo ng Simbahan sa simula pa lang, madali nating matatalakay sa kanila ang ebanghelyo at mas malamang na maunawaan nila tayo. Tatanggapin ng mga kaibigan at kakilala na bahagi ito ng ating pagkatao, at magiging malaya silang magtatanong.
Ang tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo ay hindi batay sa kung sasapi sa Simbahan o hindi ang mga tao bunga ng ating ugnayan sa kanila. Pagkakataon at responsibilidad natin ang mangalaga, magbahagi, magpatotoo at mag-anyaya, pagkatapos ay bahala na silang magpasiya. Pinagpapala tayo kapag inanyayahan natin silang pag-isipan ang Panunumbalik, anuman ang mangyari. At kahit paano, may maganda tayong ugnayan sa isang taong iba ang pananampalataya, at patuloy natin silang magiging kaibigan.
Sa tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo hindi lang kalusugan, kaligtasan, at tagumpay ng ating mga misyonero sa buong mundo ang ipinagdarasal natin. Ipinagdarasal din natin na magkaroon tayo ng mga karanasan at oportunidad ng misyonero at maging handang kumilos sa mga paramdam na darating sa ating buhay. At pangako ko sa inyo—talagang darating ito.
Mahigit labindalawang taon na ngayon nang imungkahi ko na ang susi sa matagumpay na gawaing misyonero ng miyembro ay ang magpakita ng pananampalataya. Ang isang paraan para ipakita ang pananampalataya ninyo sa Panginoon at sa mga pangako Niya ay mapanalanging itakda ang petsa ng pakikipagkita ng isang tao sa mga misyonero. Daan-daang liham na ang natanggap ko mula sa mga miyembrong nagpakita ng pananampalataya sa simpleng paraan na ito. Kahit hindi maisip ng mga pamilya kung sino ang babahaginan ng ebanghelyo, nagtakda sila ng petsa, nagdasal, at kumausap ng marami pang tao. Ang Panginoon ang Mabuting Pastol at kilala Niya ang Kanyang mga tupa na inihanda upang marinig ang Kanyang tinig. Gagabayan Niya tayo kapag nagpatulong tayo sa Kanya sa pagbabahagi ng Kanyang ebanghelyo.
Isang kapatid na babae sa France ang tinanong kung ano ang lihim ng kanyang tagumpay. Sabi niya, “Ibinabahagi ko lang ang aking kagalakan. Ang turing ko sa lahat ay parang miyembro na sila ng Simbahan. Kung may kasunod ako sa pila at magkausap kami, ikinukuwento ko kung gaano ako kasaya sa mga miting sa Simbahan natin sa araw ng Linggo. Kapag itinanong ng mga kaopisina ko, ‘Ano’ng ginawa mo nitong Sabado’t Linggo?’ Ikinukuwento kong lahat mula Sabado ng gabi hanggang Lunes ng umaga. Ikinukuwento ko ang pagsisimba ko, ang narinig ko roon, at mga karanasan ko sa mga miyembro. Ikinukuwento ko ang aking pamumuhay, iniisip at nadarama.”
Sa tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo, ang pagsisikap natin sa gawaing misyonero ang paksa sa mga pulong at talakayan ng pamilya. Isang matapat na pamilya ang nag-usap-usap na kailangang maging halimbawa ang bawat miyembro ng pamilya. Kalaunan, ang di-miyembro ng Simbahan na coach sa hayskul ng anak nilang lalaki ay nag- ambag sa Simbahan. Bakit? Dahil pinahanga siya ng binatilyong ito na lakas-loob na nagsalita at nagsabi sa mga kasama niya sa team na huwag magsalita nang masama. Libu-libong karanasan ang maikukuwento sa pagsapi ng mga tao sa Simbahan dahil sa espiritu at pag-uugaling nakita nila sa buhay ng mga miyembrong nagmula sa mga tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo.
Ang literatura o mga DVD ng Simbahan ay makapag-iimbita ng mga bagong kaibigan sa Simbahan. Ang mga paanyayang pakinggang magsalita ang isang miyembro ng pamilya sa sakrament miting o dumalo sa binyag ng isang kapamilya o libutin ang meetinghouse ay pinasasalamatan din ng mga hindi miyembro. Sa lahat ng nabanggit natin, wala tayong magagawang mas epektibo kaysa anyayahan ang ating mga kaibigan na “magsiparito kayo at inyong makikita” sa pagsama sa atin sa sakrament miting. Maraming hindi nakaaalam na maaari silang sumama sa atin sa pagsamba.
Siyempre, sumusuporta tayong lahat sa mga lider natin sa ward at tumutulong para maging epektibo ang ward mission plan. Anuman ang katungkulan natin sa Simbahan, tinutulungan nating alalayan ng mga lider ng priesthood at auxiliary ang mga misyonero, binabati at isinasali ang mga bisita, at kinakaibigan ang mga bagong miyembro. Mahihiling ninyo sa mga misyonero na ipakita ang daily planner nila para makita ninyo kung paano sila matutulungang kamtin ang kanilang mga mithiin. Sa pagtutulungan natin ay madarama ang diwa ng ating mga tahanang nagbabahagi ng ebanghelyo sa ating kapilya, silid- aralan, at cultural hall.
Nagpapatotoo ako na kung gagawin lang natin ang ilan sa mga simpleng bagay na ito, aakayin tayo ng Panginoon sa libu-libong mga anak ng Ama sa Langit na handang maturuan ng ebanghelyo. Ang pagmamahal natin sa Panginoon, pasasalamat sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, at Kanyang misyong palapitin ang lahat sa Kanya ay dapat sapat na magpasigla sa atin para magtagumpay sa pagbabahagi ng ebanghelyo.
Basbasan nawa kayo ng Panginoon, mga kapatid ko, ng higit na pananampalataya at tiwala sa Kanya sa pagtulong ninyo ngayon na ipaalam ang Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga tao sa buong mundo, ang mapagpakumbaba kong dalangin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.