2006
Sion sa Gitna ng Babilonia
Mayo 2006


Sion sa Gitna ng Babilonia

Hindi natin kailangang makibagay sa mga pamantayan, pinaniniwalaan, at pag-uugali ng Babilonia. Maaari tayong lumikha ng Sion sa gitna ng Babilonia.

Noong nakaraang tag-init, nagkaroon kaming mag-asawa ng pagkakataong magpunta sa San Diego, California, at mapanood doon ang Macbeth ni Shakespeare sa Old Globe Theater. Dalawang pagtatanghal ang pinanood namin, dahil ang anak naming si Carolyn ang gumanap sa papel ng isa sa tatlong mangkukulam sa dulang iyon. Siyempre pa tuwang-tuwa kaming mapanood siya sa dulang iyon, at mas natuwa pa kami nang, sa isang madulang tagpo, binigkas niya ang mga bantog na linyang: “Pagtusok ko ng aking mga hinlalaki, may masamang nangyayari” (yugto 4, tagpo 1, mga linya 40–41).

Nang marinig ko iyon, naisip ko na makatutulong kung may maagang babala sa atin na may papalapit na kasamaan, at mapaghandaan natin ito. Papalapit sa atin ang kasamaan, mayroon man o wala tayong maagang babala.

Sa isa pang pagkakataon, nagtawid-bansa kaming mag-asawa isang gabi at papalapit na kami sa isang malaking lungsod. Pagdating namin sa tuktok ng burol at nakita ang liwanag ng mga ilaw sa dako pa roon, ginising ko ang asawa ko at sabi ko, “Masdan, ang lungsod ng Babilonia!”

Siyempre pa, walang lungsod ngayon na kumakatawan sa Babilonia. Ang Babilonia, sa panahon ng sinaunang Israel, ay isang lungsod na naging mahalay, mababang uri, at tiwali. Ang pangunahing gusali sa lungsod ay isang templo ng huwad na diyos, na madalas nating tawaging Bel o Baal.

Gayunman, ang kahalayan, katiwalian at kababaan ng uri, at pagsamba sa mga huwad na diyos, ay makikita sa maraming lungsod, malaki at maliit, na nagkalat sa buong mundo. Sabi nga ng Panginoon: “Hindi nila hinanap ang Panginoon upang itatag ang kanyang kabutihan, kundi ang bawat tao ay lumalakad sa sarili niyang paraan, at alinsunod sa larawan ng sarili niyang diyos, na kung kaninong larawan ay kahalintulad ng daigdig (D at T 1:16).

Napakaraming tao sa mundo na gumaya sa sinaunang Babilonia sa pamumuhay sa sarili nilang paraan, at pagsunod sa isang diyos na “ang larawan ay kahalintulad ng daigdig.”

Isa sa pinakamalalaking hamon sa atin ay ang mabuhay sa mundong iyon pero kahit paano ay hindi maging makamundo. Kailangan nating lumikha ng Sion sa gitna ng Babilonia.

“Sion sa gitna ng Babilonia.” Kaylinaw at kayliwanag na talata, tulad ng maningning na liwanag sa gitna ng espirituwal na kadiliman. Kaygandang konseptong dapat nating mahalin, habang nakikita nating lalong lumalaganap ang Babilonia. Nakikita natin ang Babilonia sa ating mga lungsod; sa ating mga komunidad; sa lahat ng dako.

At sa paglawak ng Babilonia, kailangan nating lumikha ng Sion sa gitna nito. Huwag nating tulutan ang ating sarili na madaig ng kulturang nakapaligid sa atin. Bihira nating matanto ang tindi ng impluwensya sa atin ng kultura ng ating lugar at panahon.

Sa panahon ng sinaunang Israel, ang mga tao ng Panginoon ay parang nasa pulo o isla ng nag-iisang tunay na Diyos, na nalilibutan ng karagatan ng mga sumasamba sa diyus-diyosan. Ang mga alon ng karagatang iyon ay panay ang salpok sa dalampasigan ng Israel. Sa kabila ng utos na huwag gumawa ng larawang inanyuan at yumukod dito, parang hindi makapagpigil ang Israel, dahil sa tindi ng kultura sa kanilang lugar at panahon. Paulit-ulit—sa kabila ng pagbabawal ng Panginoon, sa kabila ng sinabi ng propeta at saserdote—sumamba pa rin ang Israel sa ibang mga diyos at yumukod sa mga ito.

Paano nagawang kalimutan ng Israel ang Panginoong naglabas sa kanila mula sa Egipto? Palagi silang napipilitang sumunod sa uso sa kapaligirang kanilang tinitirhan.

Napakamapanlinlang naman ng kulturang ito na nakamulatan natin. Laganap ito sa ating paligid, at akala natin ay makatarungan at makatuwiran tayo, samantalang kadalasan, tayo ay hinubog ng sarili nating kultura, na tinawag ng mga German na zeitgeist, o ang kultura ng ating lugar at panahon.

Dahil nakapamuhay kaming mag-asawa sa 10 iba’t ibang bansa, nakita namin ang epekto ng sariling kultura sa pag-uugali. Ang mga kaugaliang katanggap-tanggap sa isang kultura, ay hindi katanggap-tanggap sa iba; ang lengguwaheng magalang sa ilang lugar ay kasuklam-suklam sa iba. Ang mga tao sa bawat kultura ay nasisiyahan sa pandaraya sa sarili, na lubos na naniniwalang ang tingin nila sa mga bagay-bagay ang talagang totoo.

Kultura natin ang nagpapasiya kung anong pagkain ang gusto natin, paano tayo manamit, ano ang magalang na pag-uugali, anong laro ang ating tatangkilikin, anong musika ang pipiliin, ang kahalagahan ng edukasyon, at saloobin natin sa katapatan. May impluwensya din ito sa tao ukol sa kahalagahan ng libangan o relihiyon, may impluwensya sa [desisyon ng] kababaihan kung uunahin ang propesyon o pag-aanak, at malakas ang epekto nito sa pananaw natin tungkol sa paglikha ng bata at moralidad. Kadalasan, para tayong mga papet na may tali, dahil kultura natin ang nagpapasiya kung ano ang “magaling.”

Siyempre pa, may isang zeitgeist na dapat nating bigyang-pansin, at iyon ay ang pansariling kultura ng Panginoon, ang kultura ng mga tao ng Diyos. Sabi nga ni Pedro, “Datapuwa’t kayo’y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pagaaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan” (1 Pedro 2:9).

Ito ang pansariling kultura ng sumusunod sa mga utos ng Panginoon, sumusunod sa Kanyang mga yapak at “[n]abubuhay sa bawat salita na [n]agmumula sa bibig ng Diyos” (D at T 84:44). Kung nagiging kakaiba tayo dahil doon, hayaan na lang natin.

Dahil bahagi ako sa pagtatayo ng Manhattan temple, nagkaroon ako ng pagkakataong makapasok nang madalas sa templo bago ito inilaan. Masarap umupo sa silid selestiyal, at lubos na tahimik doon, wala ni kaunting ingay na maririnig mula sa labas sa abalang mga lansangan ng New York. Paanong nangyari na napakatahimik sa loob ng templo, samantalang ilang yarda lang ang layo ng ingay at kaguluhan ng lungsod?

Ang sagot ay nasa pagkakatayo ng templo. Itinayo ang templo sa loob ng mga dingding ng isang gusali, at ang mga dingding sa loob ng templo ay konektado sa mga dingding sa labas sa iilang hugpungan lamang. Sa gayong paraan nilimitahan ng templo (Sion) ang mga epekto ng Babilonia, o ng mundo.

May matututuhan tayong aral mula rito. Malilikha natin ang tunay na Sion sa ating paligid sa pamamagitan ng paglimita sa tindi ng impluwensya ng Babilonia sa ating buhay.

Noong mga 600 b.c. pagdating ni Nabucodonosor mula sa Babilonia at magapi niya ang Juda, tinangay niya ang mga tao ng Panginoon. Pumili si Nabucodonosor ng ilan sa mga kabataang lalaki para turuan at sanayin.

Kabilang sa kanila sina Daniel, Ananias, Misael at Azarias. Sila ang mga paborito sa mga kabataang dinala sa Babilonia. Sinabihan sila ng lingkod ng hari na kakain sila ng pagkain ng hari, at iinom ng alak ng hari.

Unawain nating mabuti ang kagipitang kinasangkutan ng apat na kabataang lalaki. Binihag sila ng mapanlupig na puwersa, at nasa sambahayan ng isang haring puwede silang hayaang mabuhay o ipapatay. Gayunman tumanggi si Daniel at ang kanyang mga kapatid na gawin ang bagay na alam nilang mali, kahit ito man ay tama sa kultura ng Babilonia. At dahil sa katapatan at katapangang iyon, pinagpala sila ng Panginoon at “pinagkalooban sila … ng kaalaman at katalinuhan sa lahat ng turo at karunungan” (Daniel 1:17).

Dahil naaakit sa ating kultura, madalas ay halos hindi natin makitang sumasamba tayo sa diyus-diyosan, dahil sa nahahatak tayo ng uso sa mundo ng Babilonia. Totoo nga ang sabi ng makatang si Wordsworth: “Masyado tayong makamundo” (“The World Is Too Much with Us; Late and Soon,” sa The Complete Poetical Works of William Wordsworth [1924], 353).

Sa una niyang sulat, sabi ni Juan:

“Kayo’y aking sinulatan … sapagka’t kayo’y malalakas, at ang salita ng Dios ay nananahan sa inyo, at inyong dinaig ang masama.

“Huwag ninyong ibigin ang sanglibutan, ni ang mga bagay na nasa sanglibutan” (1 Juan 2:14–15).

Hindi natin kailangang makibagay sa mga pamantayan, pinaniniwalaan, at pag-uugali ng Babilonia. Maaari tayong lumikha ng Sion sa gitna ng Babilonia. Maaari tayong magkaroon ng sariling pamantayan sa musika, literatura, sayaw, pelikula, at lengguwahe. Maaari tayong magkaroon ng sariling pamantayan sa pananamit at pagkilos, paggalang at pagrespeto. Maaari tayong mamuhay ayon sa mga batas ng Panginoon sa kabutihang-asal. Maaari nating limitahan ang pagpasok ng Babilonia sa ating tahanan sa pamamagitan ng uri ng media ng komunikasyon.

Maaari tayong mamuhay bilang mga tao ng Sion, kung gusto natin. Mahirap ba iyon? Siyempre naman, dahil ang mga alon ng kultura ng Babilonia ay panay ang salpok sa ating dalampasigan. Kailangan ba ng tapang? Siyempre naman.

Lagi tayong natutuwa sa mga kuwento ng katapangan ng mga taong katakut-takot ang problema at nagtagumpay. Tapang ang batayan at saligan ng lahat ng iba nating mga katangian; at ang kawalan nito’y nakakabawas sa iba pa nating mga katangian. Kung gusto nating magkaroon ng Sion sa gitna ng Babilonia, kailangan natin ng tapang.

Nawari na ba ninyo na pagdating ng pagsubok ay magpapakita kayo ng katapangan? Ginawa ko na iyon noong bata pa ako. Inisip kong nasa panganib ang isang tao, at, kahit nakataya ang buhay ko, iniligtas ko siya. O sa ilang delikadong pakikipagharap sa isang nakakatakot na kalaban, matapang akong lumaban. Ganoon ang mga imahinasyon noong kabataan natin!

Nalaman ko sa halos 70 taon ng buhay ko na bihira ang mga ganoong pagkakataong maging bayani, kung sakaling mayroon man.

Pero ang mga pagkakataong manindigan sa tama—kapag di kapansin-pansin ang mga pagsubok at kapag kahit mga kaibigan natin ay hinihikayat tayong sumamba na sa mga diyus-diyosan ng panahon—mas madalas mangyari iyon. Walang retratista roon para irekord ang kabayanihan, walang manunulat na magtatampok nito sa diyaryo. Sa tahimik na pagmumuni lamang ng ating budhi, malalaman natin na nasubukan ang ating katapangan: Sion o Babilonia?

Huwag kayong magkakamali: marami sa Babilonia, kung hindi man karamihan, ang masama. At walang tutusok sa ating mga hinlalaki para balaan tayo. Ngunit sunud-sunod ang dating ng alon, at sumasalpok sa ating dalampasigan. Sion ba, o Babilonia?

Kung ang Babilonia ay lungsod ng mundo, Sion ang lungsod ng Diyos. Sabi ng Panginoon tungkol sa Sion: “Ang Sion ay hindi maitatayo kung hindi ito ayon sa mga alituntunin ng batas ng kahariang selestiyal” (D at T 105:5) at, “Dahil ito ang Sion—ang may dalisay na puso” (D at T 97:21).

Saanman tayo naroon, saanmang lungsod tayo nakatira, maitatayo natin ang sarili nating Sion, sa pamamagitan ng mga alituntunin ng kahariang selestiyal, at hangaring maging dalisay ang puso. Ang Sion ay maganda, at hawak ito ng Panginoon sa Kanyang mga kamay. Ang ating tahanan ay maaaring maging kanlungan at proteksyon, tulad ng Sion.

Hindi tayo kailangang maging parang mga papet sa mga kamay ng kultura ng lugar at panahon. Maaari tayong magpakatapang, at tahakin ang landas ng Panginoon, at sundan ang Kanyang mga yapak. At kapag ginawa natin ito, matatawag tayong Sion, at tayo ay magiging mga tao ng Panginoon.

Dalangin ko na maging matatag tayo para labanan ang pagsalakay ng Babilonia, at malikha natin ang Sion sa ating mga tahanan at komunidad nang tunay, upang magkaroon tayo ng “Sion sa gitna ng Babilonia.”

Hangad natin ang Sion dahil ito ang tahanan ng ating Panginoon, na si Jesucristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Sa Sion, at mula sa Sion magniningning ang Kanyang malinaw at maliwanag na ilaw, at Siya ang maghahari magpakailanman. Nagpapatotoo ako na Siya ay buhay at mahal Niya tayo at binabantayan tayo.

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.