2006
Mahabaging mga Puso at Matulunging mga Kamay
Mayo 2006


Mahabaging mga Puso at Matulunging mga Kamay

Sa bawat isa sa inyo na ang mahabaging mga puso at matulunging mga kamay ay nakagaan sa pasanin ng marami, tanggapin sana ninyo ang taos-puso kong pasasalamat.

Kagabi masaya kaming kumain ni Sister Burton ng kaunting pagkaing Intsik. May mensaheng nakasulat sa fortune cookie ko. “Malulutas na ang problema mo ngayon.” Totoo nga.

Isang grupo ng kalalakihan ang kausap ni Propetang Joseph Smith isang araw nang mabalitang nasunog ang bahay ng isang mahirap na brother na nakatira sa di-kalayuan sa bayan. Nalungkot ang lahat sa nangyari. Sandaling nakinig ang Propeta, pagkatapos ay “[dumukot] sa bulsa at naglabas ng limang dolyar at sinabing, ‘Nalulungkot ako para sa brother na ito at narito ang halagang limang dolyar; gaano [kahalaga] ang nadarama ninyong kalungkutan?’”1 Ang agarang pagtugon ng Propeta ay makabuluhan. Noong isang taon milyun-milyon sa inyo ang tumugon sa kalungkutan ng iba sa pagbabahagi ng inyong kabuhayan, habag, at tulong. Salamat sa pagiging bukas-palad ninyo.

Noon pa man ang pagkahabag sa kapwa ay pangunahing katangian na ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sabi ni propetang Alma:

“Kayo ay nagnanais na lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, at nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan; oo, at nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw.”2

Inuutusan tayo ng Tagapagligtas na “tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina.”3

Nasaksihan ko mismo ang katapatan ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng iba pang hindi natin kapanalig na may mapagmahal na mga puso at matulunging mga kamay, na “[n]angagdalahan … ng mga pasanin ng isa’t isa”4 Lungkot na lungkot ako sa nakita kong malaking pagkawasak at binisita ko ang mga biktimang wala nang pag-asa.

Nitong nagdaang mga taon, ipinakita ng Inang Kalikasan ang kanyang paghihiganti at kapangyarihan sa mga di-pangkaraniwan at mabisang paraan. Sa mga huling araw ng Disyembre 2004 lumindol nang malakas mula sa baybayin ng Indonesia na lumikha ng nakamamatay na tsunami na pumatay sa libu-libo at puminsala ng buhay ng mga natira. Sa pangangasiwa ng lokal na mga lider ng priesthood at mag- asawang misyonero, agad nakapagbigay ng tulong sa mga ospital, sa mga unang sumaklolo, at sa mga komunidad sa Indonesia, Sri Lanka, India, at Thailand.

Sa maikling panahon, pumunta ang ilang miyembro ng Simbahan sa isa sa mga lugar na lubhang napinsala—ang rehiyon ng Aceh sa hilagang Sumatra. Si Sister Bertha Suranto, district Young Women president sa Jakarta, Indonesia, at ang mga kasamahan niya ay nagmaneho ng mga trak na puno ng mga kailangan na makapagliligtas ng buhay at magpapaginhawa sa mga lubhang nawalan.

“Tuwing papasok kami sa isang baryo,” sabi ni Bertha, “pinaliligiran kami ng mga tao at nag-aalok ng pagkaing ipamimigay—kahit kakaunti ang bigas nila at iilan ang isdang nahuli sa dagat. Mula sa mga mosque, ipinaalam ng mga lider sa komunidad na isa pang donasyon ang dumating mula sa simbahan ni Jesus.”

Nang matugunan na ang mga dagliang pangangailangan, pinlano ang mga proyektong pangmatagalan ang epekto. Ipinatupad ang mga planong tumulong sa pagtatayo ng mahigit isang libong permanenteng bahay at muling pagtatayo ng mga ospital at paaralan. Tinulungan ang mga taga-baryo sa pag-aayos ng mga bangkang pangisda at lambat. Namigay ng mga makinang panghabi at panahi para matulungan ang mga pamilya na muling makatayo sa sariling paa.

Ang Northern Pakistan at India ang dumanas ng pinakamalakas na lindol sa rehiyon sa loob ng sandaang taon na kumitil sa libu-libong buhay at maraming nawalan ng bahay. Dahil matindi ang taglamig sa lugar, hindi lamang mga nasaktan ang inaalala kundi pati na ang mga nawalan ng tirahan.

Apat na araw pagkaraan ng lindol, naglaan ng Boeing 747 cargo plane ang Islamic Relief Agency na kaagad pinuno ng mga kumot, tolda, panlinis sa katawan, gamot, sleeping bag, pangginaw, at trapal mula sa bishop’s storehouse. Malalaking lalagyan ng marami pang suplay at mga toldang angkop sa taglamig para sa mahigit 75,000 katao ang ipinahatid sa eroplano, trak, at barko.

Nang bumaha sa Central Amerika, binuksan ang mga meetinghouse para bigyan ng pansamantalang tirahan ang mga nagsilikas. Sa mga lugar na hindi madaanan ng sasakyan, pinasan ng mga miyembro ng Simbahan ang mga suplay at itinawid sa umaapaw na mga sapa at mapanganib na daan para maghatid ng ginhawa sa mga nangangailangan.

Pagkatapos ng kaguluhang sibil sa Sudan, mahigit isang milyong katao ang umalis sa kanilang tahanan at baryo sa hangaring makaligtas. Daan- daang milya ang nilakad ng maraming refugee sa mapanganib na daan para makarating sa mga refugee camp, sa hangad na muling makapiling ang kanilang pamilya at mapanumbalik ang kanilang lakas.

Ang Atmit, isang lugaw na pinasustansya ng mga bitamina na napatunayang epektibo sa pagliligtas ng buhay ng gutom na mga bata at matatanda, ay ipinamahagi. Nagpadala rin ng mga gamot at libu-libong panlinis sa katawan at mga gamit ng bagong silang na sanggol.

Sumali ang Simbahan sa ibang kilalang mga organisasyong pangkawanggawa upang tumulong sa pagbabakuna ng milyun-milyong bata sa Africa sa kampanyang sugpuin ang tigdas. Dalawang libong matatapat na Aprikanong miyembro ng Simbahan ang nagboluntaryo ng maraming oras sa pag-aanunsyo, pagtitipon sa mga bata, at pagtulong sa pagbabakuna.

Ang tagbagyo noong 2005 sa katimugang Estados Unidos at kanlurang Caribbean ang naitalang may pinakamalaking pinsala at pinakamapangwasak. Sunud-sunod na bagyo ang humagupit sa mga tahanan at negosyo mula Honduras hanggang Florida. Libu-libong boluntaryong pinamahalaan ng priesthood ang laging naroon tuwing may bagyo, at nagbibigay ng mga kailangan para magligtas ng buhay. Mga panlinis ng katawan at ng kabahayan, pagkain, tubig, gamit sa kusina, kubrekama, at iba pang kagamitang nakakatulong sa paglilinis ng bahay at pagtatayo ng pansamantalang tirahan.

Pinabiyahe ni Brother Michael Kagle ang sunud-sunod na mga trak na puno ng kagamitan mula sa sarili niyang kompanya patungo sa Mississippi. Maraming empleyado, na hindi miyembro ng Simbahan, ang nagboluntaryong sumasama sa kanya tuwing Sabado’t Linggo para tumulong sa mga lugar na sinalanta ng bagyo. Walkie-talkie ang ginamit nila para makapag-ugnayan habang nasa daan. Ang lider ng grupo ng high priest ni Mike, habang minamaneho ang kanyang pick-up kasama sila, ay nagsabing kinabahan siya sa pagpapatakbo nang mabilis. Para pabagalin ang takbo ng mga trak, kinuha niya ang walkie-talkie at sinabing, “Mga ginoo, alam ba ninyo na 80 milya kada oras ang takbo natin?” Isa sa mga drayber ng trak ang sumagot at sinabing, “Aba, intindihin mo naman na iyan lang ang kayang takbuhin ng malalaking trak na ito. Wala na tayong ibibilis pa.”

Daan-daang liham ng pasasalamat na ang natanggap. Isang babaeng nars mula sa Mississippi ang sumulat: “Wala akong masabi. Sinagot ba kaagad ng Diyos ang aking mga dalangin? Napaluha ako kaagad nang makita kong maglabasan mula sa mga labi ang mga lalaking nakasumbrero at nakabota, na may dalang lagari ng lahat ng hugis at laki nito. Totoo at walang alinlangang isa ito sa mga pinakadakilang sakripisyong nangyari mismo sa akin.”

Salamat sa maliliksing daliring gumawa ng libu-libong magagandang kumot at lalo na roon sa di-gaanong maliliksing daliri ng ating mas matatandang kababaihan na gumawa rin ng kailangang-kailangang kubrekama. Isang nobenta’y dos anyos na lola ang nakagawa ng ilang daang kumot. Sa kaso niya, kapwa napagpala ang gumawa at tumanggap. Habang hinahangaan ng anak niyang lalaki ang kanyang gawa, tinanong niya ito, “Palagay mo ba may gagamit ng isa sa mga kumot ko?” Isang liham mula sa isang batang ina sa Louisiana ang sumagot sa tanong na iyan:

“Nakatira ako sa Louisiana, at dinadala ko ang dalawa kong anak sa isang lokal na yunit pangkalusugan. Habang naroon ako, binigyan nila ako ng mga damit-pambata, lampin, wipes, at dalawang magagandang kumot. May isang kumot na dilaw ang gilid na may dibuho ng bakas ng paa at kamay sa harap, at ang isa namang kumot ay may dibuhong zebra sa buong tela. Ang gaganda nito. Gusto ng kuwatro anyos kong anak iyong may zebra at siyempre hindi pa makapagsalita ang pitong-buwang anak ko. Gusto ko lang magpasalamat sa inyo at sa kabutihan ng mga miyembro ng inyong Simbahan. Pagpalain kayo ng Diyos at ang inyong pamilya.”

Bilang tugon sa mga pagguho ng lupa sa Pilipinas kamakailan, naghanda ng mga panlinis sa katawan at kahun-kahong pagkain ang mga Banal sa lugar at ipinamahagi sa mga nangangailangan kasama ng mga kumot.

Pinanatili at itinuro ang mga alituntuning pangkapakanan sa trabaho at pag-asa sa sarili sa pagtulong sa buong mundo. Noong 2005 maraming baryo ang tumanggap ng malinis na tubig dahil sa mga bagong balon. Tinuruan ang mga taga-baryo ng paghuhukay ng balon, pagkakabit ng poso, at pagkukumpuni nito kung kailangan.

Ang mga pagsasanay at kagamitang bigay ng mga lokal na boluntaryo at lagi nang maalalahaning mga mag- asawang misyonero ay nagbigay ng masusustansyang pagkain sa mga pamilya mula sa sarili nilang pananim.

Maraming wheelchair ang naipamigay na naging daan para umasa sa sarili ang mga may kapansanan. Libu-libong tauhan sa ospital ang sinanay na magligtas ng mga bagong silang na sanggol. Nag-opera ng katarata ang mga manggagamot, na nagpabalik sa paningin ng marami. Magigiliw na payo ang ibinibigay ng LDS Family Services sa buong mundo.

Nagkaroon ng unawaan at paggagalangan ang maraming bansa sa pakikipagtulungan natin sa iba pang matatag at mapagkakatiwalaang mga ahensya.

Sabi ni Dr. Simbi Mubako, dating embahador ng Africa sa Estados Unidos, “Ang ginagawa ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay higit pang kahanga-hanga dahil hindi ito limitado sa mga miyembro ng Simbahan, kundi laganap ito sa lahat ng tao ng iba’t ibang kultura at relihiyon dahil nakikita [nila] si Jesucristo sa bawat tao.”

Naging kasangkapan ang mahal nating Pangulong Gordon B. Hinckley sa pagsulong ng dakilang makataong gawaing ito. “Tulungan natin ang sangkatauhan,” sabi niya. “Lahat sila ay anak ng ating Diyos Amang Walang Hanggan, at pananagutin Niya tayo sa gagawin natin sa kanila… . Nawa’y pagpalain natin ang sangkatauhan sa pagtulong sa lahat, pasiglahin ang mga api, pakainin at damitan ang gutom at nangangailangan, mahalin at pakisamahan ang mga nasa paligid natin na hindi bahagi ng Simbahang ito.”5

Ang makabagong makataong gawaing ito ay isang kahanga-hangang pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa na nag-aalab sa kaluluwa ng mga taong mahabagin at matulungin. Ang di makasariling paglilingkod na ito ay tunay na nagpapamalas ng dalisay na pag-ibig ni Cristo.

Nangako ng malalaking pagpapala ang Tagapagligtas sa mga taong matulungin: “Mangagbigay kayo, at kayo’y bibigyan… . Sapagka’t sa panukat na inyong isukat ay doon kayo muling susukatin.”6

Ang mga bagay na binanggit ko ngayon ay napakaliit na bahagi lang ng mga nangyayari sa mga baryo at bansa sa buong mundo. Saanman ako maglakbay, malaking pasasalamat ang natatanggap ko. Sa ngalan ng Unang Panguluhan, ng Korum ng Labindalawa, at ng Church Welfare Executive Committee, na ang tungkulin ay gabayan ang gawaing ito, lubos kaming nagpapasalamat at humahanga sa inyo.

Mahirap ipahayag ang sagradong damdaming nadarama kong nag-aalab sa aking kaluluwa. Ang simpleng salitang salamat ay tila hindi sapat. Sa bawat isa sa inyo na ang mahabaging mga puso at matulunging mga kamay ay nakagaan sa pasanin ng marami, mangyaring tanggapin ninyo ang taos-puso kong pasasalamat. Hinihiling kong mapasainyo at sa inyong pamilya ang mga piling pagpapala ng Panginoon sa patuloy ninyong pagmamalasakit sa mga namimighati at nanghihina, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. Andrew Workman, sa “Recollections of the Prophet Joseph Smith,” Juvenile Instructor, Okt. 15, 1892, 641.

  2. Mosias 18:8–9.

  3. D at T 81:5.

  4. Galacia 6:2.

  5. “Pamumuhay sa Kaganapan ng Panahon,” Liahona, Ene. 2002, 6.

  6. Lucas 6:38