2006
Ang Inyong Liwanag—Isang Sagisag sa Lahat ng Bansa
Mayo 2006


Ang Inyong Liwanag—Isang Sagisag sa Lahat ng Bansa

Banaag ko ang ningning ng liwanag sa inyong mukha. Ang liwanag na iyan ay nagmumula sa Panginoon, at kapag nabanaag sa inyo ang liwanag na iyan, pagpapalain kayo nito at ang maraming iba pa.

Karangalan nating makapiling ngayong gabi sina Pangulong Gordon B. Hinckley, ang pinakamamahal nating propeta, at Pangulong Thomas S. Monson, na pinasasalamatan din natin at minamahal. Pribilehiyo naming makapiling kayong lahat na mga kabataan at magagaling ninyong lider.

Kayo ay mga kabataang may dakilang pangako. Napakarami ninyong gagawin sa buhay. Malaki ang magagawa ninyo sa inyong tahanan, Simbahan, at komunidad. Para magawang lahat ito, kailanga’y may patotoo kayo at pananampalataya kay Cristo, tumuon kay Cristo sa halip na sa mundo. Kayo ay mabubuting anak ng Diyos, at minamahal Niya kayo at gusto Niya kayong tulungan.

Ang tema sa kumperensyang ito ay angkop na angkop: “Bumangon at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa.”1 Banaag ko ang ningning ng liwanag sa inyong mukha. Ang liwanag na iyan ay nagmumula sa Panginoon, at kapag nabanaag sa inyo ang liwanag na iyan, pagpapalain kayo nito at ang maraming iba pa.

Ang liwanag ding iyon ang umakay sa 15-anyos na si Mary Elizabeth Rollins at kanyang 13-anyos na kapatid na si Caroline sa madilim at malamig na araw sa Independence, Missouri. Taong 1833 iyon, at rumagasa ang galit na mga mandurumog sa mga kalye ng Independence, at sinunog ang mga ari-arian at nanggulo. Madaraanan nila ang tahanan ni Brother William W. Phelps, kung saan naroon ang limbagan. Naglilimbag siya ng mga paghahayag na natanggap ni Propetang Joseph Smith. Giniba ng mga mandurumog ang limbagan, at pinagtatapon ang mga nasira sa kalye. Gayunman, ibinunton nila sa bakuran ang mga pahinang nailimbag para sunugin.

Nakatago sina Mary Elizabeth at Caroline sa may bakod, takot na pinanonood ang pangwawasak na ito. Kahit takot, nakapako ang mata ni Mary sa mahahalagang pahinang iyon. Lumabas ang magkapatid mula sa kinatataguan, tinipon ang mga banal na kasulatan, at kumaripas ng takbo. Nakita sila ng ilang mandurumog at pinatitigil sila. Pero tumakbo ang matatapang na bata sa malawak na maisan kung saan humihingal silang dumapa sa lupa. Maingat nilang itinago ang mga pahina ng mga paghahayag sa pagitan ng matataas na hanay ng mais, at dinapaan ito. Hinanap ng walang awang mga mandurumog ang mga bata, kung minsan nga ay muntik-muntikanan pa, pero hindi sila nakita. Kalauna’y sumuko sila sa paghahanap para tingnan kung ano pa ang mawawasak nila sa bayan.

Naniniwala ako na ginabayan ng liwanag ng Panginoon sina Mary at Caroline sa gagawin nila at kung saan sila magtatago. Mga kapatid, ang liwanag na iyan ay nagniningning para sa inyo, at gagabayan kayo nito tulad sa magkapatid na Rollins. Ililigtas kayo nito kahit nakaamba ang panganib. Tulad ng pangako ng Panginoon, “Ako rin ang magiging tanglaw ninyo … ; at ihahanda ko ang landas na inyong tatahakin, kung mangyayaring inyong susundin ang mga kautusan ko; … malalaman ninyo na sa pamamagitan ko kayo ay naakay.”2

Mga kapatid kong kabataan, makakapamuhay kayo nang malayo sa kasamaan, tulad ng magkapatid na Rollins, kung magkakaroon kayo ng sariling patotoo sa Tagapagligtas. Sa paggawa nito, lalakas ang inyong espirituwalidad. Itangi ang espirituwalidad, at malalaman ninyo kung gaano ito katamis.

Gusto ninyong magpasiya sa sarili ninyo, pero dapat ninyong gawin iyon nang may walang hanggang pananaw. Sa gulang, karanasan, at pananampalataya matalino kayong gumawa ng mabubuting pasiya, at magpasiya rin nang tama. Naniniwala ako na alam ninyong mga kabataan kung saan hahanapin ang mga tamang kasagutan. Sa mga salita ni Mormon, “Inyong nalalaman ang liwanag kung paano kayo ay makahahatol, kung aling liwanag ay liwanag ni Cristo.”3

Ilang taon na ang nakararaan tumayo ako sa puwestong pinagsunugan kay Joan of Arc noong 1431. Ang batang Joan of Arc, isa sa mga dakilang bayani sa kasaysayan, ay naging di- inaasahang tagapagdala ng bandila para sa Hukbong Pranses noong Dark Ages bago pa ipinanumbalik ang ebanghelyo. May liwanag ni Cristo si Joan at may tapang din siyang sundin ang mga panghihikayat nito at gumawa ng kaibhan. Si Joan ay mahirap na batang hindi marunong bumasa’t sumulat, pero siya ay matalino. Naghirap at nahati ang kanyang bansa dahil sa matagal na pakikidigma sa mga Ingles. Sa edad na 17, nadaramang may layunin ang kanyang buhay, nilisan niya ang kanyang tahanan, determinadong tumulong sa pagpapalaya sa kanyang bansang api. Siyempre pa, kinutya ng mga tao ang mga ideya niya at inisip na baliw siya, pero sa huli’y nahikayat niya silang bigyan siya ng kabayo at tanod para makipagkita sa hari.

Narinig ng batang Haring Charles VII ng France ang tungkol kay Joan at nagpasiyang subukan siya. Sumama siya sa hanay ng hukbo at pinaupo sa trono ang isang pinagkatiwalaan niyang kasamahan. Pagpasok ni Joan sa silid, ni hindi niya pinansin ang lalaking nasa trono, kundi agad nilapitan si Charles at yumukod dito bilang kanyang hari. Humanga rito ang hari kaya’t ginawa siyang lider ng kanyang 12,000 sundalo. Noong una’y ayaw siyang sundin ng mga sundalong Pranses, pero nang makita nila na lahat ng sumunod sa kanya ay nagtagumpay at lahat ng nagbalewala sa kanya ay nabigo, itinuring na nila siyang lider.

Suot ang puting baluti at hawak ang sariling bandila, napalaya ni Joan of Arc ang bihag na lungsod ng Orleans noong 1429 at tinalo ang mga Ingles sa apat na iba pang labanan. Dalawang beses siyang nasugatan, pero gumaling siya rito at nagpatuloy sa paglaban. Ang mga utos niya ay parang sa isang henyong militar. Pinasok niya ang lungsod ng Reims at may hawak na espada at bandila habang kinokoronahan si Charles bilang hari. Lumaban siya sa Battle of Paris hanggang mabihag siya sa Compiègne ng mga kapanalig ng Ingles, na ibinenta siya sa mga Ingles sa halagang 16,000 francs. Ikinulong siya, nilitis bilang erehe, at sinunog nang nakatali noong 1431.

Bagama’t malungkot ang wakas, hindi nito nabalewala ang kadakilaan ni Joan. Sapat ang tapang niya para sundin ang personal na inspirasyong karapatan nating lahat na makamit. Tulad ng sabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith, “Ako ang tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig.”4

Tila lubhang kakaiba si Joan of Arc sa ibang babae noong ika-labinlimang siglo. Mga kapatid, huwag matakot na maging kakaiba sa ating siglo! Kung minsan kailangan nating maging kakaiba para mapanatili ang mga pamantayan ng Simbahan. Kaya inuulit ko, huwag matakot na maging kakaiba, sa halip ay magpakabuti kayo. Maraming babaeng nag-aalala sa asal at pananamit ng kanilang mga kaibigan. Ang gayong asal ay maaaring dahil sa hangaring tanggapin ng mga kabarkada. Hindi inalala ni Joan of Arc ang ginagawa ng kanyang mga kaibigan, kundi ang alam niyang dapat niyang gawin.

Sa ating lipunan ngayon napakarami kong nakikitang taong sinisisi ang iba sa kanilang mga kabiguan. Nakita ko na yaong tumatanggap ng pananagutan sa kanilang mga ginagawa ay higit na tagumpay kaysa yaong sinisisi ang ibang tao sa kanilang mga kakulangan at kabiguan.

Maaari nating ipakita ang liwanag natin sa maraming paraan. Maaaring sa isang simpleng ngiti lang. Kamakaila’y nabasa ko ang tungkol sa isang lalaki sa hilagang bahagi ng Estados Unidos na madalas maparaaan sa istasyon ng bus papasok sa trabaho. Napansin niya ang isang dalagita kasama ng ilang batang naghihintay ng school bus. Kahit umuulan, ngumingiti siya at kumakaway tuwing daraan siya. Sabi niya: “Matangkad at payat ang dalagitang iyon at mga 13 anyos. May braces ang ngipin niya at nakikita ko itong kumikinang sa tama ng ilaw ng kotse ko.” Maganda ang araw niya dahil sa pakikipagkaibigan nito at inasam-asam niya ang bagay na ito.

Ang pangalan ng lalaki ay Hankins, at may anak siyang si Cheryl, na halos kaedad ng dalagita sa istasyon ng bus. Isang araw nagpaalam si Cheryl sa mga magulang niya na dadalo sa aktibidad sa isang simbahan sa lugar. Niyaya siya ng kapitbahay nilang si Vicki. MIA ang aktibidad, ang nauna sa programa ng Young Women! Masaya si Cheryl sa MIA, at paglaon ay sinabi sa mga magulang niya na Mormon si Vicki. Di nagtagal pag-uwi ni Cheryl mula sa eskuwela sinabi niyang magpapadala si Vicki ng dalawang binata—mga misyonero—para ikuwento sa pamilya ang tungkol sa Simbahan niya.

Dumating ang mga elder, tinuruan sila tungkol sa Aklat ni Mormon at kay Joseph Smith, at nagpatotoo sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Bilang pamilya sinimulan nilang basahin ang mga bagong banal na kasulatan at nabighani sila kaagad dito. Nagkita rin sa wakas sina Mr. Hankins at Vicki. Siya iyong babaeng nakangiti na napakaraming beses niyang nakita sa istasyon ng bus. Naroon ito nang binyagan siya at ang dalawa pang miyembro ng kanyang pamilya.

Sa pagbabalik-tanaw sa ginawa ni Vicki at ng iba pang mga kabataan, nakumbinsi sina Brother at Sister Hankins na “ang pinakamalaking potensyal sa gawain ng misyonero ay nakasalalay sa mga kabataan ng Simbahan.” Mula noo’y naglingkod na bilang mga misyonero sina Brother at Sister Hankins. Umasa sila sa mga referral at sa mabuting halimbawa ng mga kabataan. Si Vicki—ang dalagita sa istasyon ng bus na laging nakangiti, kahit umuulan—ang nagpabago sa buhay nila magpakailanman.5

Maaaring kaibiganin ng bawat isa sa inyo ang isang tao, kahit sa pagngiti lang ninyo. Gaya ni Vicki, maipapakita ninyo sa inyong mukha ang liwanag sa puso ninyo. Isinulat ni Apostol Juan ang tungkol sa “isang babaing nadaramitan ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng kanyang mga paa.”6 Gayundin, kayong mga kabataang babae ay maaaring maging tagapagdala ng liwanag. Sa talinghaga ng Tagapagligtas tungkol sa sampung dalaga,7 may ilawan ang bawat dalaga. Malinaw na ang talinghagang ito ay angkop kapwa sa temporal at espirituwal. Mabibili ang langis sa palengke. Pero ang isa pang uri ng langis, ang espirituwal na langis na hindi mabibili, ay matitipon lamang sa mabubuti nating gawa sa araw-araw.

Sinasabi sa talinghaga ang nangyari nang hintayin ng sampung dalaga ang nobyo. Dumating ang nobyo sa kalaliman ng gabi, na hindi inasahan ng lahat. Hatinggabi na, at naubusan ng langis ang limang hangal. Maaari kayong magtaka kung bakit ayaw hatian ng langis ng limang matatalinong dalaga ang lima pa. Hindi ito kasakiman sa kanila. Hindi maibabahagi ang espirituwal na kahandaan sa isang iglap dahil patak-patak nating pinupuno ang ating ilawan sa araw-araw nating pamumuhay.

Niliwanag sa atin ng yumaong si Pangulong Spencer W. Kimball ang mga patak ng langis na iyon ilang taon na ang nakararaan nang sabihin niyang:

“May mga langis na nagpapaningas nang husto sa ebanghelyo. Isang uri nito ang langis ng panalangin ng pamilya. Tinatanglawan tayo nito at pinasisigla at pinasasaya ngunit mahirap itong makamtan sa hatinggabi. Hindi tatagal ang sindi nito sa isa o dalawang patak… .

“Ang isa pang uri ay ang langis ng pag-aayuno. Huli na ang huling hatinggabi para disiplinahin ang buhay natin sa paghahanda para sa dakilang araw ng Panginoon… .

“Ang isa pang langis na hindi mabibili sa hatinggabi ay ang kailangang-kailangang paglilingkod sa tahanan. Ang natatanging langis ng paglilingkod ay natatamo sa pagbisita sa maysakit, sa pagtulong… .

“May isa pang langis na kailangan ng lahat—mayaman man o mahirap, malusog man o maysakit. Ang liwanag nito’y makinang at kumikinang pa kapag ginagamit. Kapag madalas itong ginagamit, mas maraming natitira. Madali itong makamtan sa araw pero hindi sa gabi. Ito ang langis ng ikapu.

“May isang … langis na napakahalaga na kung hindi idaragdag sa ibang langis ay walang mitsang sisindi. Kung wala ito, aandap at mamamatay ang liwanag ng iba pa. Ito ang langis ng kalinisang-puri.”8

Mahal kong mga kaibigang kabataan, marami sa inyo ang naglagay ng langis sa inyong ilawan noong isang taon nang sundin ninyo ang hamon ni Pangulong Hinckley na basahin ang Aklat ni Mormon. Patuloy ninyo itong magagawa tuwing babasahin ninyo ang mga banal na kasulatan, makikibahagi ng sakrament, at magdarasal araw-araw. At sa paglalagay ninyo ng langis sa inyong ilawan, ang inyong liwanag ay magiging “sagisag sa mga bansa.”

Dapat magpasigla sa ating lahat ang payo ng Panginoon na “bumangon at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa.” Malalaking oportunidad ang naghihintay na tuparin ninyo, mga kapatid. Uunlad pa ang teknolohiya. Hihigit pa sa pag-asa at inaasahan ninyo ang mga paraan para maipakita ang inyong mga talento. Darating sa bawat isa sa inyo ang mga hamon, ngunit liligaya kayo sa paggawa ng lahat na alam ninyong tama. Kailangan ninyo ang pananampalataya at determinasyong hanapin ang lugar ninyo sa mundo, ngunit sa pagtitiyaga at tulong ng Panginoon, makakaya ninyo ito.

Bilang mga anak ng ating Ama sa Langit, maaari kayong makibahagi sa Kanyang likas na kabanalan.9 Ito’y nasa inyong kalooban. Pinatototohanan ko na bawat isa sa inyo na mga kabataan ay may espesyal na kaloob mula sa ating Ama sa Langit. Ilan sa mga kaloob na ito ay natatangi sa kadalagahan. Sa paglilinang ninyo ng mga kaloob na ito, mag-iibayo ang inyong lakas, layunin, at karangalan.

Ito ang gawain ng Diyos. Tayong lahat ay Kanyang mga tagapaglingkod. Nakatunghay Siya sa atin. Nais Niya tayong magtagumpay. Lahat tayo’y may bahagi sa banal na gawaing magsakatuparan, kahit mukhang maliit ito at di kapansin-pansin.

Umaasa at dumadalangin ako na mapasainyong kahanga-hangang mga kabataan ang pinakapiling mga pagpapala ng Panginoon na susuporta at mangangalaga sa inyo. Binabasbasan ko kayo na kayo’y lumakas at umunlad, at lumigaya at magtagumpay, at idinadalangin ko ito sa ngalan ng Panginoong Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. D at T 115:5.

  2. 1 Nephi 17:13.

  3. Moroni 7:18

  4. D at T 93:2.

  5. Tingnan sa “The Bus Stop,” ni C. S. Hankins, New Era, Abr. 1991, 26.

  6. Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:1.

  7. Tingnan sa Mateo 25:1–13.

  8. Sa “Gospel’s Rare Oils Difficult to Obtain ‘at Midnight,’ ” Church News, Mayo 13, 1995, 14.

  9. Tingnan sa II Pedro 1:4.