Hanapin Ninyo ang Kaharian ng Diyos
Umaasa ako na matatandaan ninyong lahat na sa araw na ito ng Sabbath ay narinig ninyo akong nagpatotoo na ito ang banal na gawain ng Diyos.
Mahal kong mga kapatid, salamat sa inyong mga dalangin para sa akin. Dalangin ko ngayon ang inyong matatag na pananalig.
Kapag umabot sa edad ko ang isang lalaki maya’t maya ay iniisip niya kung paano niya narating ang katayuan niya sa buhay ngayon.
Nais kong gugulin ang ilang sandali ninyo sa maituturing na makasariling paraan. Ginagawa ko ito dahil ang buhay ng pangulo ng Simbahan ay talagang para sa buong Simbahan. Kakaunti lang ang mga pribadong sandali niya at walang naililihim. Ang mensahe ko ngayong umaga, sa palagay ko, ay kaiba sa mga dati nang narinig sa mga pangkalahatang kumperensya ng Simbahan.
Papalapit na ang takip-silim ng aking buhay. Lahat tayo’y lubos na nasa mga kamay ng Panginoon. Tulad ng alam ng marami sa inyo, kamakailan ay sumailalim ako sa malaking operasyon. Sa kauna-unahang pagkakataon sa edad na 95 taon ay noon lang ako naging pasyente sa isang ospital. Hindi ko irerekomenda ito kaninuman. Sabi ng doktor ko may natitira pang mga problema sa katawan ko.
Malapit na ang ika-96 na kaarawan ko. Sasamantalahin ko ang pagkakataong ito para pahalagahan at pasalamatan ang mga pambihirang pagpapalang ibinuhos sa akin ng Panginoon.
Lahat tayo ay may mga pasiyang gagawin sa buhay, ang ilan dito’y may pangakong kayamanan at kaunlaran; ang iba’y tila walang maaasahan. Kahit paano pinatnubayan at ginabayan ng Panginoon ang aking mga pasiya, kahit na hindi palaging malinaw ang mga ito.
Naaalala ko ang mga kataga sa tula ni Robert Frost na “The Road Not Taken,” na nagtatapos sa mga linyang ito:
“May magkasalungat na landas sa gubat, at ako—
Tinahak ko ang landas na di gaanong dinaraanan,
At iyon ang nakagawa ng kaibhan.”
(The Poetry of Robert Frost, inedit ni Edward Connery Lathem [1969], 105)
Naisip ko ang sinabi ng Panginoon: “Hanapin ninyo ang kaharian [ng Dios], at idaragdag sa inyo ang mga bagay na ito” (Lucas 12:31).
Ika-48 taon na sa kumperensyang ito ng Abril nang una akong sang- ayunan bilang General Authority. Mula noo’y nagsalita na ako sa bawat pangkalahatang kumperensya ng Simbahan. Mahigit dalawang daang mensahe na ang naibigay ko. Iba’t ibang paksa na ang natalakay ko. Pero ang pangunahing tema sa lahat ng mensahe ko ay ang patotoo sa dakilang gawaing ito sa mga Huling Araw.
Pero nagbago na at nagbabago pa ang mga bagay-bagay. Dalawang taon na akong iniwan ng mahal kong asawa sa loob ng 67 taon. Sobra-sobra ang pangungulila ko sa kanya. Talagang pambihira siyang babae, na kata-katabi ko sa paglakad sa perpektong pagsasama sa loob ng halos pitumpung taon. Sa pagbabalik-tanaw ko sa aking buhay, ako ay namamangha at humahanga. Lahat ng mabubuting nangyari sa akin, pati na ang pag-aasawa ko, ay utang ko sa pagiging aktibo ko sa Simbahan.
Nagkaroon ako ng pagkakataon noong isang gabi na marebyu ang di-tapos na listahan ng mga samahan at organisasyong nagbigay parangal sa akin, lahat ay dahil sa pagiging aktibo ko sa Simbahan. Mga pangulo ng Estados Unidos, marami sila, ang nagsipunta sa Tanggapan ng Panguluhan ng Simbahan. Nakasabit sa dingding ng opisina ko ang retrato noong iniaabot ko ang Aklat ni Mormon kay Pangulong Ronald Reagan. Nasa lalagyan ko ng mga aklat ang Presidential Medal of Freedom na bigay sa akin ni President Bush. Maraming beses na akong nakapunta sa White House. Naging punong-abala ako at nakihalubilo sa mga prime minister at embahador ng maraming bansa, kabilang na sina Prime Minister Margaret Thatcher at Harold Macmillan ng United Kingdom.
Nakilala ko at nakatrabaho ang bawat Pangulo ng Simbahan mula kay Pangulong Grant hanggang kay Howard W. Hunter. Nakilala at minahal ko ang lahat ng General Authority sa napakaraming taong nagdaan.
Sinisikap ko ngayong ingatan ang maraming aklat at gawang sining na natipon ko sa nagdaang mga taon. Sa paggawa nito natagpuan ko ang isang lumang journal na may panaka-nakang pagsusulat mula noong 1951 hanggang 1954. Noong panahong iyon ako ang tagapayo sa stake presidency namin at hindi pa natatawag bilang General Authority.
Habang binabasa ko ang lumang journal na ito, naalala ko nang may pasasalamat kung paano ko nakilala nang lubusan, sa kabaitan ng Panginoon, ang lahat ng Unang Panguluhan at mga miyembro ng Korum ng Labindalawa. Ang gayong pagkakataon ay hindi na mararanasan ngayon ng sinuman dahil mas malaki na ang Simbahan.
Narito ang mga nakasulat sa journal:
“Marso 11, 1953—Tinalakay namin ni Pangulong McKay ang programa ng kumperensya sa Abril para sa mga mission president.
“Huwebes, Marso 19—Sinabihan ako ni Joseph Fielding Smith na kumausap ng isa sa mga kapatid na magtuturo kung paano mangasiwa sa mga kumperensya ng mga misyonero sa Sabado ng gabi… . Naniniwala ako na si Spencer W. Kimball o si Mark E. Petersen ang dapat mamahala roon.
“Huwebes, Marso 26—Nakakatuwa ang kuwento ni Pangulong McKay. Sabi niya, ‘May isang magsasaka na may malawak na lupain. Nang tumanda na siya hindi na niya kaya ang trabaho sa bukid. Puro lalaki ang mga anak niya. Tinawag niya ang kanyang mga anak at sinabi sa kanila na sila na ang magsasaka. Nagpahinga ang ama. Pero isang araw lumabas siya sa bukid. Pinabalik siya ng mga bata, hindi nila kailangan ang tulong niya. Sabi niya, “Ang pagparito ko sa bukid na ito ay higit na mahalaga kaysa sa trabaho ninyong lahat.’” Sinabi ni Pangulong McKay na ang ama sa kuwento ay kumakatawan kay Pangulong Stephen L. Richards, na maysakit noon, ngunit ang kontribusyon at pakikipagkaibigan nito’y lubos na pinahalagahan ni Pangulong McKay.
“Biyernes, Abril 3, 1953—Dumalo sa miting sa templo kasama ang mga General Authority at mission president mula alas 9 n.u. hanggang alas 3:30 n.h. Mahigit 30 mission president ang nagsalita. Gusto ng lahat ng mas maraming misyonero. Malaki ang pag-unlad ng lahat.
“Martes, Abril 14—Masaya ang usapan namin ni Pangulong Richards sa kanyang opisina. Mukhang pagod na siya at mahina. Dama kong iniingatan siya ng Panginoon para sa isang dakilang layunin.
“Lunes, Abril 20, 1953—Nakakatuwa ang pag-uusap namin ni Henry D. Moyle ng Konseho ng Labindalawang Apostol.
“Hulyo 15, 1953—Pumanaw si Albert E. Bowen, miyembro ng Konseho ng Labindalawa, pagkaraan ng mahigit isang taon ng malubhang karamdaman. Isa pang kaibigan ko ang nawala… . Nakilala ko siyang mabuti. Matalino siya at matatag. Hindi siya puwedeng madaliin, at hindi kailanman nagmadali. Masyado siyang maingat—isang lalaking kakaiba ang dunong, lalaking may dakila at simpleng pananalig. Nangamatay na ang matatanda at matatalinong pinuno. Mga kaibigan ko sila. Sa maikling panahon marami akong nakitang dakilang lalaki sa Simbahan na nagsirating at nagsialis. Karamihan sa kanila ay nakasama ko at nakilala nang lubusan. May paraan ang panahon sa pagbura ng kanilang alaala. Limang taon pa at ang mga pangalang tulad ng Merrill, Widtsoe, Bowen—maimpluwensiyang mga tao—ay malilimutan ng lahat maliban ng iilan. Dapat masiyahan ang isang lalaki sa kanyang trabaho sa araw-araw, dapat niyang malaman na maaalala siya ng kanyang pamilya, na mahalaga siya sa Panginoon, ngunit paglipas niyon, hindi siya gaanong maaalala ng darating na mga henerasyon.”
At gayon nga. Binasa ko lang iyon upang ilarawan ang pambihirang kaugnayan ko sa mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa noong binata pa ako.
Noong mga taong iyon nakasama ko rin ang mahihirap at mga maralita ng mundo, at ibinahagi sa kanila ang aking pagmamahal, pag-aalala, at pananalig. Nakasama ko ang mga lalaki’t babaeng mapapalad at kilala sa maraming panig ng mundo. Sa mga oportunidad na ito sana’y nakagawa ako ng kahit maliit na kaibhan.
Noong bata pa ako, mga onse anyos, tumanggap ako ng patriarchal blessing sa isang lalaking noon ko lang nakita at hindi ko na nakita pagkatapos. Pambihirang dokumento iyon, isang dokumento ng propeta. Personal ito at hindi ko ito masyadong babasahin. Gayunman, nakasaad dito na: “Maririnig ng mga bansa sa mundo ang iyong tinig at malalaman nila ang katotohanan ng napakagandang patotoong ibabahagi mo.”
Nang ma-release ako mula sa aking misyon sa England, naglakbay ako sa sandali sa kontinente. Nagbahagi ako ng patotoo sa London; gayundin sa Berlin at muli sa Paris at kalaunan sa Washington, D.C. Nasabi ko sa sarili ko na naibahagi ko na ang patotoo ko sa malalaking kabiserang ito ng mundo at natupad ang bahaging iyon ng aking patriarchal blessing.
Simula lang pala iyon ng katuparan sa patriarchal blessing ko. Mula noon ay nakapagpatotoo na ako sa bawat kontinente, sa malalaki at maliliit na lungsod, sa buong itaas at ibaba mula hilaga hanggang timog at silangan at kanluran sa malawak na mundong ito—mula Capetown hanggang Stockholm, mula Moscow hanggang Tokyo hanggang Montreal, sa bawat malaking kabisera ng mundo. Himala ang lahat ng ito.
Noong isang taon pinabasa ko ulit ang Aklat ni Mormon sa mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo. Libu-libo, maging daan-daang libo, ang tumugon sa hamong iyon. Sabi ni Propetang Joseph Smith noong 1841, “Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito nang higit kaysa anupamang ibang aklat” (History of the Church 4:461).
Sa pagtanggap sa katotohanan ng pahayag na ito, palagay ko ay may kakaibang nangyari sa mga tao ng Simbahang ito. Nakita silang nagbabasa ng Aklat ni Mormon habang sakay ng bus, habang nanananghalian, habang naghihintay sa doktor, at marami pang ibang sitwasyon. Tiwala ako na mas napalapit tayo sa Diyos sa pagbabasa sa aklat na ito.
Noong Disyembre nagkaroon ako ng pagkakataon, kasama ang marami sa inyo, na parangalan si Propetang Joseph sa ika-200 anibersaryo ng kanyang kapanganakan. Kasama si Elder Ballard, naroon ako sa lugar kung saan siya isinilang, sa Vermont, habang puno ng mga Banal sa mga Huling Araw ang malaking Conference Center na ito at isinahimpapawid ng satellite ang salita sa buong mundo bilang papuri sa mahal na Propeta ng dakilang gawaing ito sa mga huling araw.
At marami pa akong kuwento. Paumanhin ulit sa pagkukuwento tungkol sa sarili ko. Gayunman, ginagawa ko ito bilang pagpapahalaga at pasasalamat sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, lahat ng ito’y nangyayari dahil sa lugar na pinaglagyan sa akin ng Panginoon. Puspos ng pasasalamat at pagmamahal ang puso ko.
Uulitin ko:
May magkasalungat na landas sa gubat, at ako—
Tinahak ko ang landas na di gaanong dinaraanan,
At iyon ang nakagawa ng kaibhan.
Tiwala ako na hindi ninyo ituturing na obituwaryo ang sinabi ko. Sa halip, inaasam ko ang oportunidad na magsalitang muli sa inyo sa Oktubre.
Ngayon, sa pagtatapos, umaasa ako na matatandaan ninyong lahat na sa araw na ito ng Sabbath narinig ninyo akong nagpatotoo na ito ang banal na gawain ng Diyos. Ang pangitaing ibinigay kay Propetang Joseph sa kakahuyan ng Palmyra ay hindi kathang-isip lamang. Totoo iyon. Nangyari iyon sa matinding sikat ng araw. Kapwa nagsalita ang Ama at ang Anak sa bata. Nakita niya Silang nakatayo sa hangin sa ibabaw niya. Narinig niya ang Kanilang mga tinig. Sinunod niya ang Kanilang tagubilin.
Ang nabuhay na mag-uling Panginoon ang ipinakilala ng Kanyang Ama, ang dakilang Diyos ng Sansinukob. Sa unang pagkakataon sa nakatalang kasaysayan ay magkasamang nagpakita ang Ama at ang Anak upang magpakilala at simulan ang huling dispensasyong ito, ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon.
Napatunayan ng Aklat ni Mormon ang lahat ng sinabi nito—isang gawaing itinala ng mga propetang nabuhay noong sinauna at ang mga salita ay lumabas sa “ikahihikayat ng mga Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan, nagpapatunay ng kanyang sarili sa lahat ng bansa” (pahina ng pamagat sa Aklat ni Mormon).
Ang priesthood ay naibalik sa pamamagitan ni Juan Bautista, at nina Pedro, Santiago, at Juan. Lahat ng susi at awtoridad ukol sa buhay na walang hanggan ay ginagamit sa Simbahang ito.
Si Joseph Smith, noon at ngayon, ay propeta, ang dakilang Propeta ng dispensasyong ito. Ang Simbahang ito, na nagtataglay ng pangalan ng Manunubos, ay totoo.
Iniiwan ko sa inyo ang aking patotoo, pagsaksi, at pagmamahal sa bawat isa sa inyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.