2006
Kayo ay May Marangal na Pamana
Mayo 2006


Kayo ay May Marangal na Pamana

Matututo pa kayo tungkol sa inyong buhay at misyon sa lupa sa paghahandang tanggapin at pag-aralan ang inyong patriarchal blessing.

Noong isang taon maraming beses kong nakita ang liwanag ng Diyos sa mukha ninyong mga kabataan. Nakita ko iyon sa malalaking debosyonal mula Brazil hanggang Dominican Republic. Nakita ko iyon nang maghila kayo ng kariton sa mga pioneer trek. Nakita ko ang liwanag ninyo nang makiawit at makipaglaro ako sa inyo sa kamping. Nakita ko ang liwanag na iyon sa mukha ng mga babae sa bautismuhan ng templo mula Mexico hanggang Utah. Nakagawa ng kaibhan ang inyong liwanag sa akin at sa iba. May liwanag kayo dahil tunay kayong mga espiritung anak ng Diyos, “mga anak ng dinakilang mga magulang”1 na may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos.2 Tumanggap kayo ng mga unang aral sa daigdig ng mga espiritu mula sa mga magulang ninyo sa langit.3 Isinugo kayo sa lupa upang “subukin.”4

Nasa panahon kayo ng buhay na ginagawa ninyo ang ilan sa pinakamahahalaga ninyong pasiya. Dahil tambak kayo ng napakaraming maling mensahe tungkol sa inyong pagkatao, kailangan ninyo ng dagdag na patnubay. Matututo pa kayo tungkol sa inyong buhay at misyon sa lupa sa paghahandang tanggapin at pag-aralan ang inyong patriarchal blessing.

Hindi naman kayo napakabata para pag-aralan ang inyong patriarchal blessings.5 Nagagalak akong matanggap ang aking basbas bago tumindi ang impluwensya sa akin ng nakalilito at maling mga mensahe. Natakasan ko ang karanasang iyon sa nakaaaliw na katiyakang ako ay mahal at kilala ng Panginoon, at mula noon, mas madalas ko nang isipin ang kawalang-hanggan kaysa pagiging popular.

Panahon na para maghanda ang mga dalagita na matanggap ang kanilang patriarchal blessing. Matutulungan kayong magpasiya ng inyong bishop at mga magulang kung oras na dahil magkakaiba ang edad at kahandaan ng bawat tao.6 Kapag naunawaan ninyo ang kahulugan at layunin ng patriarchal blessing at taos ang hangad ninyong gawin ang gawain ng Panginoon, dapat ay nasa hustong gulang kayo para matanggap ang inyong basbas.7 Kung minsan ayaw pang magpabasbas ng mga tao, na nag-aakalang may gagawin pang espesyal para maging marapat dito. Kung karapat-dapat kayo sa rekomend na magpabinyag sa templo, dapat ay karapat-dapat din kayo sa patriarchal blessing. Mahalagang mag-ayuno at magdasal sa paghahanda sa inyong basbas upang mapakumbaba at madaling turuan ang inyong espiritu. Napakahalaga ng inyong personal na paghahanda.

Pagtanggap ninyo ng basbas, masusulyapan ninyo ang kawalang-hanggan. Magkakaroon kayo ng ideya sa inyong hinaharap dahil babanggitin sa basbas ang inyong walang hanggang layunin at landas. Malalaman lamang ng patriarch na nagbabasbas sa inyo kung ano ang inyong basbas sa oras na ibigay niya ito. Umaasa siya sa Espiritu sa sasabihin niya. Sa inyong basbas, sasabihin sa inyo ang inyong angkan sa sambahayan ni Israel. Iyan ang inyong lahi at ang inyong lahi ay tinatawag na lipi kung minsan. Lahat ng lipi ay pabalik sa dakilang patriarch na si Abraham. Mahalaga ang inyong lahi. Ibig sabihi’y kabilang kayo sa mga pangako kay Abraham na sa pamamagitan niya lahat ng bansa sa mundo ay pagpapalain.8

Ang lahi ninyo “ay inyong kadugo.”9 Dahil diyan tunay kayong “mga anak ng mga propeta”10 na may marangal na pamana. Kaya madalas naming sabihin na kayo’y “kabataang pangako”11 at kabilang sa maharlika at “lahing hirang.”12

Sabi ng kaibigan ko: “Nang sumapi ako sa Simbahan sa edad na 16, nalaman ko ang aking pagkatao. Natanggap ko ang patriarchal blessing ko at sabi’y kasambahay ako ni Israel. Noo’y di ko alam ang ibig sabihin niyon, pero sa paglipas ng mga taon nalaman ko na malaki ang pribilehiyo kong tuwirang magmula sa lahi ng mga propeta. Natatangi ang aking pamana at mga oportunidad.”

Gaya ni Abraham, nagpapabasbas kayo para magtamo ng higit na kaalaman at tumanggap ng bilin mula sa Panginoon.13 Kapag tumanggap kayo ng basbas, matutuklasan ninyong kilala kayo ng Panginoon sa pangalan. Sa mga unang araw ng Simbahan, ipinatanong ng marami kay Joseph Smith ang nais ipagawa sa kanila ng Panginoon. Ilan sa mga paghahayag na iyo’y bahagi na ngayon ng Doktrina at mga Tipan. Gaya ng mga sinaunang Banal, maituturing ninyong “personal na banal na kasulatan”14 ang inyong patriarchal blessing. Panatilihin ninyo itong sagrado at huwag ipaalam sa hindi ninyo kapamilya.15

Makikinita ng patriarch ang pag-unlad at kundisyon ng inyong buhay at makapagbibigay ng basbas tungkol doon. Tulad ng sabi ng isang dalagita, “May mga sinabi tungkol sa akin sa basbas ko na kahit mga magulang ko’y hindi alam.” Sabi ni Pangulong James E. Faust, bawat patriarchal blessing ay inspiradong “personal na paghahayag mula sa Diyos.” Ito’y “bituing dapat sundan, … isang angkla sa kaluluwa.” Inihahayag nila ang ating mga kakayahan at potensyal.16

Sabi ni Pangulong Boyd K. Packer, ang ating mga basbas ay “isang [talata] mula sa aklat ng [ating] mga posibilidad.”17 Ang ating basbas ay tinagurian ni Pangulong Thomas S. Monson na “isang Liahona ng liwanag.”18

Dahil ang patriarchal blessing ay hindi isang hula sa lahat ng mangyayari sa buhay ng tatanggap, dapat nating hangarin at sundin ang paggabay ng Espiritu Santo upang makatanggap ng higit na pag-unawa sa landas natin sa buhay. Ang mga turo ng ebanghelyo ay lagi nang isang gabay sa ganap na pag-unawa sa ating tadhana at mga pribilehiyo. Halimbawa, maaaring hindi banggitin sa patriarchal blessing na mag-aasawa o magkakaanak ang isang tao, ngunit itinuro sa atin sa ebanghelyo na magpakasal sa templo at magkapamilya. Masusunod natin ang mga turong ito ng ebanghelyo sa sarili natin, nang walang partikular na personal na patnubay.

Noong hayskul pa ako, binasa ng isang tagapayo ang mga marka sa pagsusulit ko at sinabing baka mahirapan ako sa kolehiyo. Pero matapos pag-aralan ang aking basbas ng patriarch, nadama kong hindi ko dapat isuko ang mithiin ko. Kaya, dahil may ideya ako sa plano ng Panginoon sa akin, taos-puso akong umasa at tiwala akong nakapagpatuloy. Natuklasan ko na nagtagumpay ako roon, at nagtamo ako ng diploma sa kolehiyo. Kapag alam natin kung sino tayo at ano ang dapat nating gawin, mas madaling magpasiya tungkol sa pag-aaral, trabaho, at pag-aasawa. Mas madaling paningningin ang ating liwanag sa ating mga pamilya, kaibigan, at sa lahat ng lugar.

Sabi ng Tagapagligtas: “Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ibinibigay ko sa inyo na maging ilaw ng mga taong ito. Ang lunsod na nakatayo sa [burol ay] hindi maitatago.

“Masdan, ang mga tao ba ay nagsisindi ng kandila upang ilagay sa ilalim ng takalan? Hindi, kundi sa isang kandelero, at ito ay nagbibigay-liwanag sa lahat ng nasa bahay;

“Samakatwid hayaan na ang inyong ilaw ay magliwanag sa harapan ng mga taong ito, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa Langit.”19

Kapag alam ninyo kung sino kayo at ano ang dapat ninyong gawin sa buhay, hindi ninyo itatago ang inyong liwanag.

Halimbawa, hindi ninyo nanaising “itago ang inyong liwanag” sa pagsusuot ng damit na nakakabawas sa inyong potensyal. Hindi kayo gagamit ng di-angkop na pananalita o kuwento o tatatuan ang inyong katawan o anupamang nakakababa sa anak ng mararangal na magulang. Hindi ninyo mamaliitin ang inyong pamana sa pagkain ng anumang makasasama sa inyo o makalululong. Ni hindi kayo manonood o makikibahagi sa anumang gawaing imoral o nakakababa ng inyong dangal. Hangad ninyo ang lahat ng kapuri-puri at marangal at kaaya-aya at magandang balita20 dahil alam ninyong marangal ang inyong pinagmulan.

Kayo ay mga natatanging anak ng pangako. Kung susundin ninyo ang mga batas at utos ng Panginoon at diringgin ang kanyang tinig, nangako Siya na itataas niya ang inyong pangalan at dangal at kapurihan sa lahat ng bansa.21 Ang inyong patriarchal blessing ay dapat mag-udyok sa inyo na magbagong-buhay kung kailangan. May mga pangako roon na matatanggap lang ninyo kung kayo ay tapat. Kung kayo ay hindi tapat, hindi ninyo maipaplanong matupad ang inyong basbas.

Kung minsan akala ng mga dalagita dahil nagkamali sila, hindi sila karapat-dapat tumanggap ng patriarchal blessing o hindi sila karapat-dapat sa mga basbas na natanggap na nila. Tandaan, ang saligan ng turo ng Panginoong Jesucristo ay pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang kapangyarihang magbayad-sala. “Nais ni Satanas na isipin ninyong hindi kayo makapagsisisi, ngunit malaking kasinungalingan iyon!”22 Kapag nakikibahagi tayo ng sakrament linggu-linggo, nangangako tayong magbagong-buhay. Lagi nating sikaping maging bagong nilalang na higit na katulad ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Tinawag ito ni Apostol Pablo na “makalalakad sa panibagong buhay.”23 Kung mabigat ang pagkakamali ninyo para di maging marapat sa inyong marangal na pamana, kusang ipagtapat sa inyong bishop ang inyong pagdurusa. Kaibigan ninyo siya sa proseso ng pagsisisi at itinalagang maging hukom dito sa lupa sa lugar ng Tagapagligtas, na siyang Walang Hanggang Hukom. Ang pagsisisi ay parang higanteng pambura, at mabubura nito ang permanenteng tinta! Hindi madali, pero posible.24 Sabi ng Panginoon: “Siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito.”25

Mga kabataan, malalaman ninyo sa inyong patriarchal blessing na kayo ay may marangal na pamana. Habang tumatanda kayo, nagkakahubog sa buhay ninyo ang mga propesiya sa inyong basbas. Mahalaga at nakasisiya ang mga ipinagagawa ng Panginoon sa inyo. Ito ang oras ninyo upang “bumangon at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa.”26 “Samakatwid hayaan na ang inyong ilaw ay magliwanag sa harapan ng mga taong ito, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa Langit,”27 sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. Bruce R. McConkie, Mormon Doctrine, Ika-2 edisyon (1966), 589.

  2. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 2004, 49.

  3. Tingnan sa D at T 138:56.

  4. Tingnan sa Abraham 3:25; Bible Dictionary, Election, 662.

  5. Tingnan sa “Teaching Children About Patriarchal Blessings,” Ensign, Okt. 1987, 54. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Inihahanda ba ninyo ang inyong mga anak para [sa kanilang patriarchal blessing], o hinahayaan lang ninyong masumpungan nila ito? … Iisipin ko na bawat ina ay tatalakayin ang tungkol sa patriarchal blessing sa kanilang mga anak habang bata pa sila, para maihanda sila rito” (sa Conference Report, Manchester England Area Conference, Hunyo 1976, 23).

  6. Tingnan sa Sermons and Writings of President Ezra Taft Benson, ni Ezra Taft Benson (2003), 149.

  7. Tingnan sa Ensign, Okt. 1987, 55.

  8. Tingnan sa Genesis 26:4; Abraham 2:9.

  9. Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo (1954–56), 2: 3:248–49.

  10. 3 Nephi 20:25.

  11. “Adhikain Ninyo’y Ituloy,” Mga Himno, blg. 157.

  12. I Pedro 2:9.

  13. Tingnan sa Abraham 1:2–3.

  14. Sermons and Writings of President Ezra Taft Benson, 149.

  15. Tingnan sa True to the Faith: A Gospel Reference (2004), 113.

  16. Sa Conference Report, Okt. 1995, 81–82; o Ensign, Nob. 1995, 63.

  17. “Ang Stake Patriarch,” Liahona, Nob. 2002, 44.

  18. Sa Conference Report, Okt. 1986, 83; o Ensign, Nob. 1986, 67.

  19. 3 Nephi 12:14–16.

  20. Tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13.

  21. Tingnan sa Deuteronomio 26:17–19.

  22. Para sa Lakas ng mga Kabataan (2001), 30.

  23. Mga Taga Roma 6:4.

  24. Tingnan sa True to the Faith, 132–35.

  25. D at T 58:42.

  26. D at T 115:5.

  27. Nephi 12:16.