2006
Tapat sa Pananampalataya
Mayo 2006


Tapat sa Pananampalataya

Ipasiya natin ngayon din na sundan ang tuwid na landas pauwi sa Ama nating lahat.

Maraming taon na ang nakalipas, sa isang pagkadestino sa magandang kapuluan ng Tonga, nagkaroon ako ng pribilehiyong bisitahin ang paaralan ng ating Simbahan, ang Liahona High School, kung saan tinuturuan ang ating mga kabataan ng mga gurong iisa ang pananampalataya—sinasanay ang isipan at naghahanda sa buhay. Sa pagkakataong iyon, pagpasok ko sa isang silid-aralan, napansin kong nakatutok ang pansin ng mga bata sa kanilang gurong tagaroon. Nakalapag ang kanilang nakasarang aklat sa lamesa. May hawak siyang kakaibang pain sa isda na gawa sa bilog na bato at malalaking kabibe. Nalaman ko na ito ay isang maka-feke, na patibong sa pugita. Sa Tonga, masarap kainin ang karne ng pugita.

Ipinaliwanag ng guro na ginagaygay ng mga mangingisdang Tongan ang batuhan, sinasagwan ng isang kamay ang bangkang may katig at inilalawit ng isang kamay ang maka-feke sa gilid ng bangka. Mabilis na lumalabas ang pugita mula sa mabatong kublihan nito at dinadakma ang pain, na napagkamalang napakasarap kainin. Napakahigpit ng pagkahawak ng pugita at desidido talagang huwag pakawalan ang masarap na pagkain kaya madali itong maihagis ng mga mangingisda sa bangka.

Madali para sa guro na bigyang-diin sa mga nakamulagat na mga kabataan na ang diyablo—maging si Satanas—ay gumawa ng tinatawag na mga maka-feke para biktimahin ang mga taong walang-malay at angkinin ang kanilang tadhana.

Ngayon tayo ay naliligiran ng mga maka-feke na ipinapain ng diyablo sa ating harapan sa pagtatangkang akitin tayo at pagkatapos ay bihagin. Sa sandaling masunggaban, napakahirap—at kung minsa’y imposible pa—na bitawan ang gayong mga maka-feke. Para ligtas, kailangan nating matukoy ang mga ito at maging matatag tayo sa determinasyong iwasan ang mga ito.

Tayo’y laging nahaharap sa maka-feke ng imoralidad. Halos saanman tayo bumaling, may mga taong gusto tayong papaniwalain na ang dating itinuturing na imoral ay tanggap na ngayon. Naiisip ko ang banal na kasulatang, “Sa aba nila na tumatawag sa masama na mabuti, at sa mabuti na masama, na inaaring liwanag ang kadiliman, at kadiliman ang liwanag.”1 Ganoon ang maka-feke ng imoralidad. Pinaaalalahanan tayo sa Aklat ni Mormon na ang kalinisang-puri at kabutihang-asal ang pinakamahalaga sa lahat.

Kapag dumarating ang tukso, alalahanin ang matalinong payo ni Apostol Pablo, na nagpahayag, “Hindi dumating sa inyo ang anomang tukso kundi yaong matitiis ng tao: datapuwa’t tapat ang Dios, na hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pagilag, upang ito’y inyong matiis.”2

Sumunod, ipinapain din sa atin ng diyablo ang maka-feke ng pornograpiya. Gusto niya tayong papaniwalain na wala namang nakakasama sa pornograpiya. Tunay ngang angkop ang klasikong tula ni Alexander Pope na, “An Essay on Man”:

Ang bisyo’y halimaw, na kakila-kilabot,

Kailangang makita para ika’y mapoot,

At dahil ang mukha’y namasdang ganap,

Una’y tiniis, kinaawaan, sa huli’y tinanggap.3

Ilang tagalathala at limbagan ang nagpaparumi sa kanilang mga lathalain sa paglilimbag ng milyun-milyong pornograpiya bawat araw. Walang tigil ang paggastos para magawa ang lathalaing tiyak na muli’t muling panonoorin. Isa sa pinakamadadaling pagkunan ng pornograpiya ngayon ay ang Internet, kung saan madaling mabubuksan ng isang tao ang kompyuter at sa isang pindutan ay makakakita ng napakaraming site na nagtatampok ng pornograpiya. Sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Natatakot ako na baka nangyayari ito sa ilan sa inyong mga tahanan. Ito ay mapanganib. Ito ay mahalay at marumi. Ito ay mapang-akit ito at nakawiwili. Tiyak na hihilahin [kayo] nito sa kapahamakan na parang walang anuman. Ang kababaang-uri nito ang nagpapayaman sa mga mapagsamantala, at nagpapahirap sa mga biktima nito.”4

Mahalay na rin ang gumagawa ng pelikula, ang tagapamahala ng programa sa telebisyon, o ang artistang nagtataguyod sa pornograpiya. Matagal nang nawala ang mga dating pagbabawal. Ang tinatawag na realismo na lang ang hangad, na nagbunga ngayon ng ganitong kahalayan sa paligid.

Iwasan ang anumang anyo ng pornograpiya. Gagawin nitong manhid ang espiritu at magpapawala ng konsensya. Sinabi sa atin sa Doktrina at mga Tipan, “At yaong hindi nakapagpapatibay ay hindi sa Diyos, at ito ay kadiliman.”5 Ganyan ang pornograpiya.

Isusunod kong banggitin ang maka-feke ng droga, pati na ang alak. Kapag nasunggaban, mahirap nang talikuran ang maka-feke na ito. Pinalalabo ng droga at alak ang pag-iisip, inaalis ang kahihiyan, winawasak ang mga pamilya, sinisira ang mga pangarap at pinaiikli ang buhay. Makikita ito sa lahat ng dako at sadyang inilalagay sa landas ng mahihinang kabataan.

Bawat isa sa atin ay may katawang ipinagkatiwala sa atin ng mapagmahal na Ama sa Langit. Iniutos sa atin na pangalagaan ito. Sadya ba nating aabusuhin o sasaktan ang ating katawan nang hindi tayo mananagot? Hindi! Ipinahayag ni Apostol Pablo: “Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang [E]spiritu ng Dios ay nananahan sa inyo? …

“Ang templo ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo.”6 Nawa’y panatilihin natin ang ating katawan—ang ating templo—na malusog at malinis, at ligtas sa mapaminsalang mga sangkap na sumisira sa ating pisikal, mental at espirituwal na kapakanan.

Ang huling maka-feke na gusto kong banggitin ngayon ay yaong sumisira sa ating pagpapahalaga sa sarili, sumisira sa mga pagsasama, at iniiwan tayo sa kalunus-lunos na kalagayan. Ito ang maka-feke ng pagkalubog sa utang. Mahilig ang tao sa pagkagusto sa mga bagay na magpapatanyag at magpapaangat sa ating katayuan. Nabubuhay tayo sa panahon na madaling mangutang. Mabibili natin ang halos lahat ng gusto natin sa paggamit lang ng credit card at pag-utang. Masyadong popular ang home equity loan, kung saan makakautang ang isang tao ng perang katumbas ng halaga ng pag-aari niya sa bahay. Hindi natin alam na ang home equity loan ay katumbas ng pangalawang pagsasangla. Darating ang araw na mareremata ito kung patuloy tayong gumagastos nang higit pa sa kinikita natin.

Mga kapatid, iwasan ang pilosopiya na ang mga luho noon ay mga pangangailangan na ngayon. Hindi talaga kailangan ang mga ito kung hindi natin itutulot. Maraming nangungutang nang matagalan ang matutuklasan na may mga pagbabagong nagaganap: nagkakasakit o nawalan ng silbi ang mga tao, nalulugi o nagbabawas ng mga tauhan ang mga kumpanya, nawawalan sila ng trabaho, dumarating ang mga kalamidad. Sa maraming dahilan, hindi na magawang bayaran ang malalaking utang. Parang espada ni Damocles ng nakaumang sa ating ulunan ang ating utang at nagbabantang ipahamak tayo.

Hinihimok ko kayong mamuhay ayon sa kinikita ninyo. Hindi maaaring gumastos ang isang tao nang higit sa kinikita niya nang hindi nangungutang. Ipinangangako ko sa inyo na higit kayong liligaya kaysa kung lagi na lang kayong nag-aalala kung saan kukuha ng susunod na pambayad sa walang kabuluhang utang. Sa Doktrina at mga Tipan mababasa natin: “Bayaran ang utang na iyong pinagkasundo… . Palayain ang iyong sarili sa pagkakautang.”7

Siyempre pa, maraming iba pang maka-feke na ipinapain ang diyablo sa atin para ilayo tayo sa landas ng kabutihan. Gayunman, binigyan tayo ng Ama sa Langit ng buhay na may kakayahang mag-isip, mangatwiran, at magmahal. May kapangyarihan tayong labanan ang anumang tukso at kakayahang pagpasiyahan ang landas na ating tatahakin, at dakong lalakbayin natin. Ang mithiin natin ay ang kahariang selestiyal ng Diyos. Ang ating layunin ay tumahak nang diretso patungo sa dakong iyon.

Sa lahat ng tumatahak sa landas ng buhay, nagbabala ang ating Ama sa Langit: mag-ingat sa mga liku-likong daan, mga patibong, mga bitag. Nakatago roon ang mga mapanlinlang na maka-feke na nagbabalatkayo at niyayaya tayong sunggaban sila at iwanan ang bagay na lubos nating hangad. Huwag palinlang. Huminto at manalangin. Pakinggan ang marahan at banayad na tinig na sinasabi sa kaibuturan ng ating kaluluwa ang magiliw na paanyaya ng Panginoon, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”8 Sa paggawa nito, umiiwas tayo sa kapahamakan, sa kamatayan, at natatagpuan ang kaligayahan at buhay na walang hanggan.

Subalit may mga taong ayaw makinig, ayaw sumunod, na nakikinig sa mga panunukso ng diyablo, sumusunggab sa mga maka-feke hanggang sa hindi na sila makabitaw, hanggang sa mawala na ang lahat. Naiisip ko ang isang maimpluwensyang tao, ang kardinal ng mga pari, maging si Cardinal Wolsey. Inilarawan ng malikhaing panulat ni William Shakespeare ang maringal na tugatog ng kapangyarihang inabot ni Cardinal Wolsey. Ikinuwento rin ng panulat na iyon kung paanong ang prinsipyo ay natakpan ng walang kabuluhang ambisyon, ng praktikalidad, ng hangaring maging tanyag at bantog. At dumating ang kaawa-awang pagbagsak, ang masakit na panaghoy ng isang taong nakamtan ang lahat, at nawalan ng lahat.

Kay Cromwell, na kanyang tapat na tagapaglingkod, sinabi ni Cardinal Wolsey:

O, Cromwell, Cromwell!

Kung ako sana’y naglingkod sa aking Diyos nang kalahati

Ng inilingkod ko sa aking hari, sa katandaan ko’y

Di niya ako iiwang nakalantad sa mga kaaway.9

Ang inspiradong utos na iyon na nagligtas sana kay Cardinal Wolsey ay sinira ng paghahangad sa kapangyarihan at katanyagan, ng yaman at katayuan. Gaya ng ibang nauna sa kanya at marami pang susunod, bumagsak si Cardinal Wolsey.

Noong unang panahon sa kamay ng isang masamang hari, sinubok ang isang alagad ng Diyos. Sa tulong ng inspirasyon ng langit, naibigay ni Daniel kay Haring Belsasar ang kahulugan ng nakasulat sa dingding. Patungkol sa ibibigay na gantimpala—maging ang maringal na bata at kuwintas na ginto—sabi ni Daniel: “Iyo na ang iyong mga kaloob, at ibigay mo ang iyong mga ganting pala sa iba.”10

Si Dario, na naging hari kalaunan, ay pinarangalan din si Daniel, itinataas siya sa pinakamataas na katanyagan. Nasundan ito ng inggit ng mga tao, selos ng mga prinsipe, at maitim na balak ng ambisyosong kalalakihan.

Sa pandaraya at pambobola, napalagda si Haring Dario sa isang batas na nag-uutos na sinumang humiling sa sinumang diyos o tao, maliban sa hari, ay dapat itapon sa yungib ng mga leon. Ipinagbawal ang pagdarasal. Sa mga bagay na yaon, hindi humingi ng patnubay si Daniel sa isang hari sa mundo kundi sa Hari ng langit at lupa, sa kanyang Diyos. Nang mahuli si Daniel sa araw-araw niyang pagdarasal, iniharap siya sa hari. Atubiling ipinataw ang parusa. Itatapon si Daniel sa yungib ng mga leon.

Gustung-gusto ko ang nakatalang ito sa Biblia:

“Bumangong maagang maaga ang hari, at naparoon na madali sa yungib ng mga leon. At nang siya’y lumapit sa yungib, siya’y sumigaw ng taghoy na tinig… . Oh Daniel, … ang iyo bagang Dios na iyong pinaglilingkurang palagi ay makapagliligtas sa iyo sa mga leon?

“Sinabi nga ni Daniel sa hari …

“Ang Dios ko’y nagsugo ng kaniyang anghel, at itinikom ang mga bibig ng mga leon, at hindi nila ako sinaktan… .

“Nang magkagayo’y natuwang mainam ang hari … isinampa si Daniel mula sa yungib, at walang anomang sugat [na] nasumpungan sa kaniya, sapagka’t siya’y tumiwala sa kaniyang Dios.”11

Sa matinding pangangailangan, ang determinasyon ni Daniel na manatiling tunay at tapat ay naglaan ng proteksyon ng langit at kanlungan ng kaligtasan.

Ang orasan ng kasaysayan, gaya ng mga buhangin sa hourglass, ay tanda ng paglipas ng panahon. May bagong mga tauhan sa tanghalan ng buhay. Nagbabanta sa ating harapan ang mga problema sa ating panahon. Kahit naliligiran ng mga hamon ng makabagong pamumuhay, umaasa tayo sa langit para sa walang-mintis na patnubay upang maiplano at masundan natin ang isang matino at wastong landas. Hindi ipagkakait ng ating Ama sa Langit ang ating isinasamo.

Kapag iniisip ko ang mga matwid na tao, agad kong naiisip sina Gustav at Margarete Wacker. Hayaan ninyong ilarawan ko sila. Una kong nakilala ang mga Wacker nang tawagin akong mangulo sa Canadian Mission noong 1959. Nandayuhan sila sa Kingston, Ontario, Canada, mula sa sinilangan nilang Germany.

Kumikita si Brother Wacker sa pagiging barbero. Kaunti lang ang kita niya, pero higit pa sa sampung porsyento ang ikapung ibinabayad nila ni Sister Wacker. Bilang branch president, nagpasimula si Brother Wacker ng pondong pangmisyonero, at ilang buwan ding siya lang ang nagbibigay roon. Kapag may mga misyonero sa lungsod, pinakakain at inaalagaan sila ng mga Wacker, at hindi umaalis ang mga misyonero sa tahanan ng mga Wacker nang walang anumang donasyong natanggap para sa kanilang gawain at kapakanan.

Ang tahanan nina Gustav at Margarete Wacker ay isang langit. Hindi sila biniyayaan ng mga anak, ngunit naging magulang sila sa maraming bumibisita mula sa Simbahan. Hinanap-hanap ng matatalino at mayayamang kalalakihan at kababaihan ang mga mapakumbaba at di-nakapag-aral na mga lingkod na ito ng Diyos at itinuring na mapalad ang kanilang sarili kung makasama sila kahit isang oras. Karaniwan lang ang itsura ng mga Wacker, gatul-gatol ang pagsasalita nila ng Ingles at medyo mahirap intindihin, hindi magarbo ang bahay nila. Wala silang sasakyan o telebisyon, ni hindi nila ginagawa ang anumang bagay na karaniwang pinagkakaabalahan ng mundo. Subalit binibisita sila ng matatapat upang madama ang espiritung naroon.

Noong Marso ng 1982, tinawag na maglingkod sina Brother at Sister Wacker bilang full-time ordinance worker sa Washington, D.C. Temple. Noong Hunyo 29, 1983, habang naglilingkod pa sina Brother at Sister Wacker sa templong ito, payapang pumanaw si Brother Wacker katabi ang kanyang pinakamamahal na kabiyak patungo sa kanyang walang hanggang gantimpala. Akma ang mga salitang: “Yaong mga nagpaparangal sa [Diyos], ay [Kanyang] pararangalin.”12

Mga kapatid ko, ipasiya natin ngayon din na sundan ang tuwid na landas pauwi sa Ama nating lahat upang ang kaloob na buhay na walang hanggan—buhay sa piling ng ating Ama sa Langit—ay sumaatin. Kung may mga bagay mang kailangang baguhin o iwasto para magawa ito, hinihikayat ko kayong gawin na ang mga ito ngayon.

Sa mga titik ng pamilyar na himno, nawa’y lagi tayong

Sa katotohana’y may katapatan,

Pananampalataya’y ipaglalaban.

Utos ng Diyos ay susundin,

Buong puso ang katapatan.13

Nawa’y magawa ito ng bawat isa sa atin ang mapakumbaba kong dalangin, sa ngalan ni Jesucristo, Amen.

Mga tala

  1. 2 Nephi 15:20; tingnan din sa Isaias 5:20.

  2. 1 Mga Taga Corinto 10:13.

  3. Sulat 2, mga taludtod 217–20; Familiar Quotations, ni John Bartlett, ika-14 na edisyon (1968), 409.

  4. “Magiging Malaki ang Kapayapaan ng Iyong mga Anak,” Liahona, Ene. 2001, 61.

  5. D at T 50:23.

  6. 1 Mga Taga Corinto 3:16–17.

  7. D at T 19:35.

  8. Lucas 18:22.

  9. King Henry the Eighth, yugto 3, tagpo 2, mga taludtod 455–58.

  10. Daniel 5:17.

  11. Daniel 6:19–23.

  12. Tingnan sa I Samuel 2:30.

  13. “Tapat sa Pananampalataya,” Mga Himno, blg. 156, titik at himig ni Evan Stephens.