2006
Makita ang Wakas mula sa Simula
Mayo 2006


Makita ang Wakas mula sa Simula

Kung magtitiwala kayo sa Panginoon at susundin Siya, … tutulungan Niya kayo na maabot ang malaking potensyal na nakikita Niya sa inyo.

Mahal kong mga kapatid, masaya at nakapapakumbaba ang makasama kayo sa pandaigdigang pagtitipong ito ng mga maytaglay ng priesthood. Minamahal at hinahangaan ko kayo. Karangalan kong mapabilang sa inyo. Nagpupugay ako sa inyo na mga may awtoridad na kumilos sa pangalan ng Diyos at magsagawa ng mga ordenansa na mahalagang pinagmumulan ng walang-hanggang katatagan at lakas para sa kapakanan ng sangkatauhan.

Magsasalita ako ngayon sa inyo na mga kahanga-hangang kabataang naghahanda para makagawa ng kaibhan sa mundo—kayo na nakapasok sa hanay ng Aaronic Priesthood at nakatanggap ng sagradong sumpa at tipan ng Melchizedek Priesthood. Ang taglay ninyong priesthood ay magandang puwersa sa kabutihan. Nabubuhay kayo ngayon sa panahon ng matitinding hamon at oportunidad. Bilang mga espiritung anak ng mga magulang sa langit, malaya kayong gumawa ng mga tamang pagpapasiya. Kailangan nito ang pagsisikap, disiplina sa sarili, at magandang pag-uugali, na siyang maghahatid ng galak at kalayaaan sa inyong buhay ngayon at sa hinaharap.

Sabi ng Panginoon kay Abraham, “Ang pangalan ko ay Jehova, at nalalaman ko ang wakas mula sa simula; samakatwid, ang aking kamay ang gagabay sa iyo” (Abraham 2:8). Mga kaibigan kong kabataan, sinasabi ko sa inyo ngayon na kung magtitiwala kayo sa Panginoon at susundin Siya, gagabayan Niya kayo. Tutulungan Niya kayo na maabot ang malaking potensyal na nakikita Niya sa inyo, tutulungan Niya kayong makita ang wakas mula sa simula.

Hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang isang karanasan noong bata pa ako. Noong 11 taong gulang ako, kinailangang lumipat kaagad ng pamilya ko sa West Germany mula sa East Germany para magbagong-buhay. Hanggang sa makabalik ang tatay ko sa dati niyang trabaho sa gobyerno, pinangasiwaan ng mga magulang ko ang maliit na negosyo naming palabahan sa bayan. Ako ang tagahatid ng labada. Para magawa ito nang maayos, kinailangan ko ng bisikleta para mahila ang mabigat na kareta ng labada. Matagal ko nang pangarap na magkaroon ng maganda, makinis, makintab, at pulang bisikletang pangarera. Pero wala kaming sapat na pera para matupad ito. Sa halip ay nagkaroon ako ng mabigat, pangit, itim, at matibay na bisikleta. Ilang taon din akong naghatid ng labada sa bisikletang iyon bago ako pumasok at pagkauwi buhat sa paaralan. Kadalasan, hindi ako gaanong sabik sa bisikleta, sa kareta, o sa trabaho ko. Kung minsan napakabigat ng kareta at nakakapagod ang trabaho na parang sasabog ang dibdib ko, at madalas akong huminto para maghabol ng hininga. Gayunpaman, ginawa ko ang trabaho ko dahil alam kong kailangang-kailangan naming kumita sa pamilya, at ito ang paraan para makatulong ako.

Kung nalaman ko lang noon ang natutuhan ko pagkaraan ng maraming taon—kung sana’y nakita ko ang wakas mula sa simula—mas napahalagahan ko sana ang mga karanasang ito, at mas napadali sana nito ang trabaho ko.

Maraming taon ang nagdaan, nang papasok na ako sa militar, nagpasiya akong magboluntaryo na lang at sumali sa Air Force para maging piloto. Gustung-gusto kong magpalipad ng eroplano at akala ko’y pagpipiloto ang bagay sa akin.

Para matanggap sa programa kinailangan kong pumasa sa ilang pagsusuri, pati na ang mahigpit na pagsusuri sa katawan. Medyo nag-alala ang mga doktor sa mga resulta at dinagdagan pa ang pagsusuri. Tapos ay ibinalita nila, “May tama ang baga mo na pahiwatig na nagkaroon ka ng sakit sa baga noong tinedyer ka pa, pero halata namang maayos ka na ngayon.” Nagtaka ang mga doktor kung paano ako gumaling sa sakit. Hanggang sa pagsusuring iyon wala akong malay na nagkasakit ako sa baga. Tapos ay naging malinaw sa akin na ang regular na paglanghap ko ng sariwang hangin na nakabisikleta sa paghahatid ng labada ang nagpagaling sa sakit ko. Kung hindi dahil sa kapepedal sa mabigat na bisikletang iyon gabi’t araw, akyat-babang paghila ng kareta ng labada sa mga kalsada ng aming bayan, kailanman ay hindi sana ako naging jet fighter pilot at kalauna’y kapitan ng eroplanong 747.

Hindi natin laging alam ang detalye ng ating kinabukasan. Hindi natin alam ang naghihintay sa atin. Nabubuhay tayo sa kawalang-katiyakan. Naliligiran tayo ng mga pagsubok. Paminsan-minsan nadaraig tayo ng kawalang-pag-asa; maaari tayong makadama ng kabiguan; maaari nating pagdudahan ang halaga ng ating ginagawa. Sa malulungkot na sandaling ito binubulungan tayo ni Satanas na hinding-hindi tayo magtatagumpay, na wala tayong mapapala sa mga pagsisikap natin, at hindi ito makakagawa ng kaibhan. Siya, na ama ng lahat ng kasinungalingan, ay sisikapin tayong hadlangan na makita ang wakas mula sa simula.

Mabuti na lang, kayong mga kabataang may taglay ng priesthood ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay tinuruan ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag sa ating panahon. Sabi ng Unang Panguluhan: “Malaki ang tiwala namin sa inyo. Kayo’y mga piling espiritu… . Nagsisimula pa lamang kayo sa inyong paglalakbay sa buhay na ito. Nais ng inyong Ama sa Langit na maging masaya kayo sa buhay at akayin kayo pabalik sa Kanyang piling. Ang mga pagpapasiya ninyo ngayon ang magsasabi ng kahihinatnan ninyo sa buhay na ito at sa kawalang hanggan” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [2001], 2). “May pananagutan kang alamin ang nais ipagawa sa iyo ng Ama sa Langit at gawin ang lahat ng makakaya upang sundin ang Kanyang kalooban” (Aaronic Priesthood: Pagtupad ng Ating Tungkulin sa Diyos [2001], 4).

Lubos akong nagpapasalamat sa inspiradong pamumuno ng ating minamahal na Pangulong Gordon B. Hinckley, ang propeta ng Diyos sa ating panahon, at sa kanyang mararangal na tagapayo. Ang pananaw nila bilang propeta ay tumutulong sa inyo na makita ang wakas mula sa simula.

Mahal kayo ng Panginoon; kaya nga binigyan Niya kayo ng mga utos at salita ng mga propeta upang gabayan kayo sa landas ng buhay. Ang ilan sa pinakamahahalagang panuntunan sa inyong buhay ay matatagpuan sa polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan. Ang itsura ng munting buklet na ito ay tugma sa paglalarawan sa banal na kasulatan, “Mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (D at T 64:33). Libre lang ang polyetong ito. Pero ang doktrina at mga alituntunin dito ay walang kapantay ang halaga. Kayong mga kabataan na edad 18 pataas, kung wala na kayong buklet na ganito, tiyaking makakuha ng isa, ingatan ito, at gamitin. Ang maliit na buklet na ito ay hiyas sa anumang edad. Naglalaman ito ng mga pamantayan na sagradong simbolong sumasagisag sa pagiging miyembro natin sa Simbahan.

Tinatawag ko ang inyong pansin sa katotohanan na ang Para sa Lakas ng mga Kabataan, ang kasama nitong Aklat-patnubay para sa mga Magulang at Pinuno ng Kabataan, at ang rekomend sa templo ng Simbahan ay pawang may larawan ng Salt Lake Temple sa pabalat. Ang templo ang nag-uugnay sa mga henerasyon, sa buhay na ito at magpasawalang-hanggan. Lahat ng templo ay inilaan para sa iisang layunin: tumulong sa pagsasagawa ng banal na gawain at kaluwalhatian ng ating Diyos Amang Walang Hanggan, “ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Ang mga templong ito ay mga sagradong gusali kung saan nasasagot ang mga tanong na pangwalang-hanggan, naituturo ang mga katotohanan, at naisasagawa ang mga ordenansa upang makapamuhay tayo na may pang-unawa tungkol sa ating banal na pamana bilang mga anak ng Diyos at may kamalayan sa ating potensyal bilang walang hanggang mga nilalang. Tumutulong sa inyo ang bahay ng Panginoon na makita ang wakas mula sa simula.

Katulad ng pagiging sagrado ng mga templo ng Diyos, gayundin ang inyong katawan. Sabi ni Apostol Pablo:

“Hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo sa Dios at hindi kayo sa inyong sarili?

“Sapagka’t kayo’y binili sa halaga: luwalhatiin nga ninyo ng inyong katawan ang Dios” (I Mga Taga Corinto 6:19–20).

Mahal kong mga kapwa maytaglay ng priesthood sa lahat ng edad at dako ng mundong ito, gamitin natin ang ating puso’t isipan, at ang ating katawan nang may paggalang at dignidad na marapat sa sagradong templong bigay sa atin ng ating Ama sa Langit.

Nangako sa inyo ang mga propeta ng ating panahon, mga kaibigan ko, na kapag sinunod ninyo ang mga pamantayang nasa Para sa Lakas ng mga Kabataan at “namumuhay ayon sa mga katotohanan sa mga banal na kasulatan, maisasagawa ninyo ang inyong mga gawain sa buhay nang may higit na karunungan at kasanayan at makakayanan ang mga pagsubok nang may higit na tapang. Tutulungan kayo ng Espiritu Santo… . Magiging marapat kayong pumunta sa templo upang tumanggap ng mga banal na ordenansa. Ang mga pagpapalang ito at marami pang iba ay mapapasainyo” (Para sa Lakas ng mga Kabataan, 2–3).

Alam natin na tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako. Kailangan nating gawin ang ating bahagi para matanggap ang Kanyang mga pagpapala. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na “kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay” (D at T 130:21).

Bawat miyembrong gustong magtungo sa templo, anuman ang edad, ay kailangang maghanda para sa banal na karanasang ito. May ilang itatanong sa inyo ang bishop at stake president, na mayhawak ng mga susi ng awtoridad ng priesthood at siyang mga pangkalahatang hukom sa Simbahan. Kasama sa mahahalagang tanong ang: Ikaw ba ay tapat? Malinis ba ang iyong puri? Sinusunod mo ba ang Word of Wisdom? Sinusunod mo ba ang batas ng ikapu? At sinasang-ayunan mo ba ang mga awtoridad ng Simbahan? Mababanaag sa inyong pag-uugali at kilos ang mga sagot sa mahahalagang tanong na ito.

Kayo sigurong mga nakababata ay hindi nakakaalam na ang mga pamantayang itinakda ng Panginoon sa mga tanong para sa rekomend sa templo ay kaparehong-kapareho sa mga pamantayang matatagpuan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Sa panahon ng kapanatagan at kahit sa oras ng pinakamatinding tukso, tutulungan kayo ng mga pamantayang ito at ng patnubay ng Espiritu Santo na piliin ang tama sa inyong pag-aaral, pakikipagkaibigan, pananamit at kaanyuan, libangan, media at sa Internet, pananalita, wastong pakikipagdeyt, kadalisayang seksuwal, katapatan, paggalang sa araw ng Sabbath, at paglilingkod sa iba. Makikita sa pagsunod ninyo sa mga pamantayang ito kung sino kayo at ano ang gusto ninyong kahinatnan.

Nais ng Panginoon, mga kaibigan kong kabataan, na hangarin ninyong sundin nang buong puso ang mga pamantayang ito at ipamuhay ang mga katotohanan ng ebanghelyo na nasa mga banal na kasulatan. Kapag ginawa ninyo ito, mas malayo ang inyong matatanaw, at makikita ninyo ang inyong maliwanag at magandang hinaharap na maraming oportunidad at responsibilidad. Magiging handa kayong magsikap at magtiis, at magiging maganda ang pananaw ninyo sa buhay. Makikita ninyo na ang landas ninyo sa buhay ay hahantong muna sa bahay ng Panginoon, at pagkatapos ay sa pagmimisyon nang full-time na kinakatawan ang Tagapagligtas saanman Niya kayo ipadala. Pagkatapos ng misyon ninyo mag-oorganisa at magpaplano kayo sa buhay ayon sa mga pamantayan ding iyon. Samakatwid, makikita ninyo ang inyong sarili na pumapasok sa bahay ng Panginoon para makasal at magkapamilya sa kawalang-hanggan. Magbabago ang mga priyoridad ninyo sa buhay upang tumugma sa mga priyoridad na ibinigay sa atin ng Tagapagligtas. At pagpapalain kayo ng Diyos at tutulungan kayong makaunawa nang malinaw para makita ninyo ang wakas mula sa simula.

Gaganda ang inyong pakiramdam sa pamumuhay ng mga alituntuning nakasaad sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Iukit sa inyong puso’t isipan na sundin ang mga pamantayang iyon, at mamuhay ayon dito. Ihambing ang mga pamantayang iyon sa narating na ninyo ngayon. Makinig sa Espiritu, na ituturo sa inyo ang dapat ninyong gawin upang higit na matularan si Jesus. Kung may nakikita kayong kailangang baguhin, baguhin ninyo; huwag kayong magpaliban. Tunay na magsisi at ang kaloob at bisa ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay mag-aalis sa mga bagay na iyon na humahadlang sa inyo na maabot ang inyong tunay na potensyal. Kung mahirap ang prosesong ito, magtiyaga lang kayo; sulit ito. May pangako sa inyo ang Panginoon tulad ng pangako Niya kay Propetang Joseph: “Alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti” (D at T 122:7).

Ngayon mahal kong mga lolo, ama, tiyo, kapatid, at kaibigan ng ating mga kabataan, malaki ang maitutulong natin sa prosesong ito. Itinuro ni Haring Benjamin na kapag tunay na nagbalik-loob ang mga magulang, “tuturuan [nila ang kanilang mga anak] na lumakad sa mga daan ng katotohanan at kahinahunan [at] tuturuan ninyo silang mahalin ang isa’t isa, at paglingkuran ang isa’t isa” (Mosias 4:15). May nagsabi, “Ang pagtuturo sa pamamagitan ng halimbawa ay isang paraan ng pagtuturo.” Ang masasabi ko, “Ang pagtuturo sa pamamagitan ng halimbawa ang pinakamainam na pagtuturo.”

Turuan sana ninyo ang ating mga kabataan sa pamamagitan ng pagiging halimbawa ng isang maytaglay ng priesthood na marapat sa templo. Ang mabuti ninyong buhay, ang pagmamahal ninyo sa Diyos at sa kapwa, ang pamumuhay ninyo ayon sa inyong patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang mabisang maghihikayat sa ating mga kabataan, at tutulong sa kanila na makita ang wakas mula sa simula.

Mahal kong mga kaibigang kabataan, gawin sanang perpekto ang inyong buhay sa pamumuhay ng mga pamantayang ito na bigay ng mga propeta sa ating panahon. Sa paggawa nito, sa paisa-isang hakbang, sa araw-araw, maigagalang ninyo ang priesthood at magiging handa kayong gumawa ng kaibhan sa mundo. Mapupunta rin kayo sa tamang landas para makabalik nang may karangalan sa ating Ama sa Langit.

Mga kapwa ko tagapaglingkod sa priesthood, nangangako ako sa inyo ngayon na kapag sinunod ninyo ang huwarang ito, tutulungan kayo ng Panginoon na mas maraming matamo sa buhay kaysa matatamo ninyong mag-isa. Tutulungan Niya kayong lagi na makita ang wakas mula sa simula!

Ito ang aking patotoo bilang Apostol ng Panginoon nating Tagapagligtas, at sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.