“Ako ang Ilaw na Inyong Itataas”
Gatuldok na liwanag lamang ang maibabahagi ng bawat mumunti nating gawain [na katulad ng kay Cristo], ngunit kapag pinagsama-sama ay nagsisimula itong gumawa ng malaking kaibhan.
Naalala ko ang simpleng sampler na binurdahan ko noong ako’y Primary pa. Nakasulat dito, “Dadalhin ko ang liwanag ng ebanghelyo sa aking tahanan.” Naisip ko, “Ano ang liwanag na iyon?” Naipaliwanag ito nang mabuti ni Jesucristo Mismo nang turuan Niya ang mga Nephita. Sabi Niya, “Samakatwid, itaas ninyo ang inyong ilawan upang ito ay magliwanag sa sanlibutan.” Pagkatapos ay ipinaliwanag Niya, “Ako ang ilaw na inyong itataas—yaong kung alin ay nakita ninyong aking ginawa” (3 Nephi 18:24, idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ano ba ang ginawa Niya na nakita ng mga Nephita, at magagawa ko ba ang mga iyon sa aking tahanan? Nang hilingin ng mga tao na magtagal pa Siya nang kaunti, nahabag Siya sa kanila at sandaling nanatili sa kanila. Pagkatapos ay pinagaling Niya sila, nanalanging kasama nila, tinuruan sila, at nanangis kasama nila, isa-isang binasbasan ang kanilang mga anak, pinakain sila, at nangasiwa at nagbahagi ng sakrament upang makipagtipan sila na alalahanin Siya tuwina. Ang ministeryo Niya sa kanila ay tungkol sa pagtuturo at pagmamalasakit sa bawat tao, at sa pagtatapos ng ipinagagawa sa Kanya ng Kanyang Ama. Hindi Niya inisip ang Kanyang Sarili. Nang matutuhan ko ito, nagsikap na akong dalhin ang Kanyang liwanag sa aking tahanan sa buong buhay ko sa di- makasariling paggawa na tulad ni Cristo.
Hindi ito madaling gawin. Madalas ay walang pumupuri sa magandang pamumuhay sa tahanan. Mas madali pa yata ang “bumangon at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa” (D at T 115:5, idinagdag ang pagbibigay-diin) kaysa maging sagisag ang liwanag ninyo sa sarili ninyong pamilya. Kung minsan hindi nakikita ng iba ang mabubuting ginagawa natin, sa pagbabahagi ng ating liwanag sa kani-kanya nating tahanan. Likas sa tao ang maghangad at maghanap ng papuri at pagpansin. Tinuruan ni Helaman ang mga anak niyang sina Nephi at Lehi na gawin ang mabubuting gawain ng kanilang mga ninuno kung kanino sila ipinangalan, “na hindi ninyo gagawin ang mga bagay na ito upang kayo ay makapagmalaki, kundi gawin ang mga bagay na ito upang makapagtipon sa inyong sarili ng kayamanan sa langit” (Helaman 5:8). Hindi dapat gawin ang mabubuting bagay para lang mapuri.
May tauhan si Charles Dickens sa aklat na Bleak House, isang Gng. Jellyby, na ang kapintasan ay tinawag niyang “magaling lang magkawanggawa sa mga nasa malayo.” Lubha siyang abala sa pagtulong sa naghihirap na lipi sa malayong lupain kaya binabalewala niya ang nagalusan at marusing niyang anak na humihingi ng pagkalinga niya. Gustong matiyak ni Gng. Jellyby na hahangaan at makikita ng lahat ang kanyang mabubuting gawa. (Tingnan sa Charles Dickens, Bleak House [1985], 82–87). Marahil mas tutulungan ng ilan sa atin ang mga nasalanta ng bagyo kaysa pamilya natin. Kapwa ito mahalaga, pero ang kapakanan ng pamilya ang pangunahin at walang hanggan nating responsibilidad. “Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, maglaan para sa kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 2004, 49).
Isa pang tauhan sa panitikan ang naisip ko na medyo kabaligtaran ng tauhan ni Dickens. Si Dorothea ang bayani sa isa sa mga paborito kong mga nobela, ang Middlemarch. Magugunita siya sa katapusan ng nobela dahil sa kanyang tahimik at di-makasariling paglilingkod sa pamilya at mga kaibigan. Sabi rito: “Ang buo niyang pagkatao … ay nakita sa mga lugar o pook na hindi kilala sa mundo. Ngunit ang epekto niya sa mga nasa paligid niya ay talagang laganap: sapagkat ang lumalaganap na kabutihan sa mundo ay dahil sa mga mumunting gawa; at hindi tayo gaanong apektado ng mga bagay na dapat sanang mangyari, dahil sa ilang taong lihim na namuhay nang tapat, at humimlay sa mga puntod na walang dumadalaw” (George Eliot, Middlemarch [1986], 682).
Sa mga taon ng paghahandang ito, kayong mga kabataang babae ay mas matagal manatili sa paaralan o sa trabaho kung saan tumatanggap kayo ng mga papuri, karangalan, gantimpala, ribon, o tropeo. Kapag naging ina na kayo pagkatapos nito, malaki ang kabawasan sa papuri ng mga tao. Subalit mas maraming oportunidad na makapaglingkod sa di-makasariling paraan na tulad ng gagawin ni Cristo sa araw-araw na pangangalaga sa daan-daang pangangailangang pisikal, emosyonal, at espirituwal. Dadalhin ninyo ang liwanag ng ebanghelyo sa inyong tahanan—hindi para makita ng iba, kundi para palakasin ang iba—mga lalaki’t babaeng may katatagan at liwanag.
Pribadong lugar din ang tahanan, kaya’t sa kasawiang-palad, madalas natin itong balewalain. Sa ating tahanan at pamilya kung minsan ay napakasungit natin sa mga taong pinakamahalaga sa buhay natin. Malinaw ko pang naaalala isang umaga noong 14 anyos pa ako. Bago ako pumasok sa paaralan, galit ako at salbahe sa mga magulang at kapatid kong lalaki. Paglabas ko ng bahay, magalang ako sa drayber ng bus at magiliw sa mga kaibigan ko. Nadama ko ang pagkakamali ko, at lubos akong nagsisi. Nagpaalam ako sa titser ko para tumawag sandali sa bahay. Humingi ako ng tawad sa nanay ko at sinabi ko kung gaano ko siya kamahal at pinasalamatan siya at nangakong higit ko itong ipakikita.
Nahihirapang manatili sa bahay ang karamihan sa atin nang hindi nakikipagtalo kahit sa loob lang ng isang araw. Nagkaroon ng perpektong lipunan ang bansang Nephita sa loob ng 200 taon na “hindi nagkaroon ng alitan sa lupain… . At walang mga inggitan, ni sigalutan, ni alitan, ni pagpapatutot, ni pagsisinungaling, ni pagpaslang, ni anumang uri ng kahalayan; at tunay na wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos” (4 Nephi 1:15–16).
Ang ilan sa atin ay isinilang sa mga pamilyang matitindi ang problema. At maging ang mabubuting pamilya ay marami ring pagsubok. Dapat nating sikaping gawin sa ating pamilya ang ginawa ni Cristo sa mga Nephita. Tulad ng itinuturo sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak, “Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo” (Liahona, Okt. 2004, 49). Tayo ang dapat maging liwanag para tulungan ang ating pamilya na mapaglabanan ang kasalanan, galit, inggit, at pag-aaway. Makapagdarasal tayo nang sama-sama, makakatangis para sa isa’t isa, mapaghihilom ang sugatang damdamin ng isa’t isa, at maaaring mahalin at paglingkuran ang isa’t isa sa di-makasariling paraan.
Kayong mga kabataang babae ay naghahanda ngayon na palakasin ang magiging tahanan at pamilya ninyo sa paghahatid ng liwanag sa kasalukuyan ninyong tahanan at pamilya. Malaking kaibhan ang magagawa ng mumunti, tila walang kabuluhang mga bagay na ginagawa ninyo. May nabasa ako tungkol sa ilang maliliit na glowworm na matatagpuan sa mga kuweba sa New Zealand. Bawat isa ay gatuldok lang na liwanag ang naibibigay. Pero kapag milyun-milyon nito ang sabay-sabay na nagliwanag sa kuweba, sapat ang ibinibigay nilang liwanag para kayo makabasa. Gayundin, gatuldok na liwanag lamang ang maibabahagi ng bawat mumunti nating gawain, ngunit kapag pinagsama-sama ay nagsisimula itong gumawa ng malaking kaibhan. Ngayong gabi ipaaalala sa atin ng koro ang kahalagahan ng pagbabahagi ng ating mumunting liwanag sa pag-awit nila ng “Magliwanag”:
Liwanag ng aking pananalig ay mumunti,
Ngunit liwanag ay lubos ‘pagkat nagmula sa Diyos.
Hindi itatago ang liwanag, ayon sa Diyos.
Ito’y sa akin ‘binigay nang magningning nang lubos.
Ang liwanag ko’y ibabahagi,
Magliwanag sa araw na ito.
(Aklat ng mga Awit Pambata, 96)
Magliliwanag tayo sa pag-aalaga natin sa ating kapatid na lalaking sanggol, sa pagsabay sa kapatid na babae sa pananghalian sa kantina ng paaralan, paggawa ng mga gawaing-bahay, pagpipigil sa pakikipag-away, pagkagalak sa tagumpay ng iba, pagpapakain nang libre sa iba, pag-aalaga sa taong maysakit, paglalagay ng sulat ng pasasalamat sa ibabaw ng unan ng isang magulang, pagpapatawad sa isang kasalanan, pagpapatotoo.
Sa Romania nakilala ko si Raluca, isang 17 anyos na dalagitang kamakailan lang sumapi sa Simbahan. Masaya ang araw ng kanyang binyag dahil, maliban sa iba pang bagay, naroon ang kanyang buong pamilya. Nadama ng kanyang ina at kapatid na babae ang Espiritu roon at ginusto ring magpaturo sa mga misyonero. Nakabahala ito sa ama, dahil naramdaman niyang lumilipat ang buong pamilya niya sa di-kilalang simbahang ito. Kaya’t hindi niya ito pinayagan, at pansamantalang nagkaroon ng hidwaan sa pamilya. Gayunman, naalala ni Raluca na nakipagtipan siya sa binyag na taglayin ang pangalan ni Jesucristo. Sinikap niyang itaas ang Kanyang liwanag sa pamamagitan ng paggawa sa kanyang tahanan ng mga bagay na gagawin Niya. Isa siyang tagapamayapa. Isa siyang halimbawa. Isa siyang guro. Isa siyang tagapagpagaling.
Kalauna’y lumambot din ang puso ng kanyang ama, at tinutulutan niya ang iba na matuto pa tungkol sa Simbahan. Pagkatapos ay nabinyagan din sila. At sa wakas, sa kagalakan ng lahat, sumapi rin ang ama ng pamilya sa Simbahan. Sa kanyang binyag nagsalita siya at sinabing pansamantalang naging parang dalawang pusong tumitibok sa magkaibang ritmo ang kanyang pamilya sa iisang bahay. Pero ngayon iisa na lang ang kanilang pananampalataya at binyag, na nabibigkis ang mga puso ng pagkakaisa at pagmamahalan. Nagpasalamat siya sa mga misyonero at miyembrong tumulong sa kanila. Pagkatapos ay nagpugay siya sa kanyang anak na si Raluca sa pagiging katulad ni Cristo sa kanilang tahanan sa mahirap na panahong iyon, sa pagiging tagapamayapa, tagapagpagaling, guro, halimbawa, at liwanag na sa huli’y naghatid sa buong pamilya nila sa Simbahan ni Jesucristo.
Bawat isa sa inyo ay may liwanag. Habang minamasdan ko ang inyong mga mukha ngayong gabi at inaalala ang inyong mukha sa paglalakbay ko sa buong mundo, nakikita ko ang liwanag na nagniningning sa inyong mukha, “maging tulad ng mga mukha ng anghel” (Helaman 5:36). Sa mundong natatakpan ng kadiliman ng kasalanan, ang mga mukha ng mga anak ni Helaman na sina Nephi at Lehi ay “labis [na] kumikinang” (Helaman 5:36). Ninais ng mga nakapaligid sa kanila ang gayunding liwanag at nagtanong, “Ano ang gagawin natin, upang ang ulap ng kadilimang ito ay maalis mula sa pagkakalilim sa atin?” (Helaman 5:40). Tinuruan silang magsisi at sumampalataya kay Jesucristo. Sa paggawa nila nito, nawala ang ulap ng kadiliman at sila’y naligiran ng liwanag, isang haligi ng apoy, at napuspos ng hindi maipaliwanag na kagalakan mula sa Banal na Espiritu (tingnan sa Helaman 5:43–45).
Kapag ibinahagi ninyo ang inyong liwanag, higit na liwanag din ang makikita ng iba. May higit pa bang nangangailangan ng inyong liwanag kaysa inyong pamilya? Ang tingin ko sa inyong mga kahanga-hangang kabataang babaeng may ningning sa inyong mukha ay lakas kayo ng kasalukuyan at pag-asa ng hinaharap sa inyong tahanan at sa Simbahan.
Si Jesucristo ang ilaw na dapat nating itaas. “Siya ang liwanag, ang buhay, at ang pag-asa ng mundo. Siya ang daan na naghahatid sa kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Liahona, Abr. 2000, 2–3). Nawa’y magningning ang bawat isa sa atin dahil sa Kanyang liwanag, sa ngalan ni Jesucristo, amen.