Ang Pagpapanumbalik ng Lahat ng Bagay
Naniniwala tayo na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang ipinanumbalik na orihinal na Simbahang itinatag ni Jesucristo.
Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nagmamalasakit tayo sa lahat ng anak ng Diyos na nabubuhay o nabuhay sa mundo. “Ang mensahe natin,” sabi ng Unang Panguluhan noong 1978, “ay natatanging pagmamahal at malasakit sa walang hanggang kapakanan ng lahat ng lalaki at babae, anuman ang mga pananalig sa relihiyon, lahi, o nasyonalidad, nalalamang tayo ay tunay na magkakapatid dahil tayo ay mga anak ng iisang Amang Walang Hanggan.”1 Sabi ni Elder Dallin H. Oaks ilang taon na ang nakararaan:
“Maraming paniniwala sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na katulad ng sa ibang simbahang Kristiyano. Ngunit may mga pagkakaiba tayo, at ipinaliliwanag niyon kung bakit tayo nagpapadala ng mga misyonero sa ibang mga Kristiyano, nagtatayo ng mga templo bukod pa sa mga simbahan, at lumiligaya at lumalakas sa ating mga paniniwala para harapin ang mga hamon ng buhay at kamatayan.”2
Nais kong patotohanan ngayon ang kaganapan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na nagdaragdag sa mga paniniwala ng ibang relihiyon, kapwa Kristiyano at di-Kristiyano. Ang kaganapang ito ay itinatag ng Tagapagligtas sa Kanyang ministeryo sa lupa. Ngunit nagkaroon ng pagtalikod sa katotohanan.
Alam ng ilan sa mga sinaunang Apostol na magkakaroon ng apostasiya bago dumating ang Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesucristo. Sa mga taga Tesalonica, sumulat si Pablo hinggil sa pangyayaring ito, “Huwag kayong padaya kanino man sa anomang paraan: sapagka’t ito’y hindi darating, maliban [kung] dumating [muna] ang pagtaliwakas.”3
Sa pagtalikod na ito sa katotohanan, nawala ang mga susi ng priesthood, at binago ang ilang mahahalagang doktrina ng Simbahang itinatag ng Tagapagligtas. Kasama rito ang: pagbibinyag nang nakalubog sa tubig;4 pagtanggap ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay;5 likas na katangian ng Panguluhang Diyos—na Sila ay tatlong magkakahiwalay na personahe;6 buong sangkatauhan ay mabubuhay na muli dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo, kapwa “mga [matwid] at gayon din [a]ng mga di [matwid]”;7 patuloy na paghahayag—na hindi sarado ang kalangitan;8 at gawain sa templo para sa mga buhay at patay.9
Ang sumunod na panahon ay tinawag na Dark Ages. Ang pagtalikod na ito sa katotohanan ay nakinita ni Apostol Pedro na nagpahayag na “kinakailangang tanggapin ng langit [si Jesucristo] hanggang sa mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay, na sinalita ng Dios sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang una.”10 Kakailanganin lang ang pagpapanumbalik kung mawawala ang mahahalagang bagay na ito.
Nang sumunod na mga siglo, naunawaan ng mga relihiyoso na nagkaroon nga ng unti-unting pagtalikod sa Simbahang itinatag ni Jesucristo. Lubhang nagdusa ang ilan sa kanila dahil sa kanilang mga paniniwala sa tinawag na Repormasyon, isang kilusan noong ikalabing-anim na siglo na ang layon ay baguhin ang Kristiyanismo sa Kanluran. Nahiwalay ang mga simbahang Protestante sa sinaunang simbahang Kristiyano dahil dito.
Kasama sa mga repormista si Reverend John Lathrop, pastor ng Egerton Church sa Kent, England. Nagkataong si Propetang Joseph Smith ay inapo ni John Lathrop. Noong 1623 nagbitiw sa tungkulin si Reverend Lathrop dahil nagduda siya sa awtoridad ng Anglican Church na kumilos sa ngalan ng Diyos. Nang basahin niya ang Biblia, naunawaan niya na wala sa lupa ang mga susi ng apostol. Noong 1632 naging ministro siya ng isang ilegal na simbahang independiente at nabilanggo. Namatay ang kanyang kabiyak habang nasa bilangguan siya at nagsumamo sa bishop ang naulila niyang mga anak na pawalan siya. Pumayag ang bishop na pawalan si Lathrop sa kundisyong lilisanin niya ang bansa. Ginawa niya ito, at kasama ang 32 miyembro ng kanyang kongregasyon, naglayag siya papuntang Amerika.11
Tumanggi si Roger Williams, isang pastor noong ikalabimpitong siglo na nagtatag ng Rhode Island, na magpatuloy bilang pastor sa Providence dahil “walang Simbahang naitatag nang wasto sa lupa, ni walang sinumang awtorisadong mangasiwa sa alinmang ordenansa ng Simbahan; at hindi magkakaroon nito hanggang sa magsugo ng mga bagong apostol ang dakilang Pinuno ng Simbahan, na ang pagdating ay kanyang hinahangad.”12
Dalawa lamang ito sa mga dalubhasa sa relihiyon na kumilala sa apostasiya sa Simbahang itinatag ni Jesucristo, at sa pangangailangang ipanumbalik ang mga susi ng priesthood na nawala. Nakita ni Apostol Juan sa pangitain ang panahon na may “ibang anghel na [lilipad] sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawa’t bansa at angkan at wika at bayan.”13 Ang propesiyang ito ay natupad na. Dahil naniniwala tayo na ang kaganapan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay ipinanumbalik ni Propetang Joseph Smith, nais nating bigyan ang lahat ng tao ng pagkakataong malaman at tanggapin ang mensaheng ito.
Sa ipinanumbalik na Simbahan ay may mga apostol, pastor, guro, at evangelista tayo ngayon tulad ng sabi ni Pablo sa mga taga Efeso.14 Itinatag ng Tagapagligtas ang mga katungkulang ito sa priesthood nang itatag Niya ang Kanyang Simbahan sa kalagitnaan ng panahon. Kinikilala natin ang dalawang orden ng priesthood at mga katungkulan dito: ang nakabababang priesthood ay ang Aaronic Priesthood na ipinangalan kay Aaron; at ang mas mataas na priesthood ay ang Melchizedek Priesthood na ipinangalan kay Melchizedek, kung kanino nagbayad ng mga ikapu si Abraham. Ang Aaronic Priesthood ay ipinanumbalik noong Mayo 15, 1829, sa ilalim ng mga kamay ni Juan Bautista, at pagkaraan ng isang buwan ang Melchizedek Priesthood ay ipinanumbalik sa mga kamay ng mga sinaunang apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan, kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Samakatwid ang mga maytaglay ng priesthood ngayon ay may kapangyarihang kumilos sa pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng priesthood, ang kapangyarihang iginagalang kapwa sa langit at lupa.15
Sa Kirtland Temple noong Abril 3, 1836, nagpakita si Moises at ibinigay kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery ang mga susi ng pagtitipon ng Israel. Pagkatapos nito, nagpakita si Elias at ipinagkatiwala ang ebanghelyo ni Abraham, na sa “aming binhi lahat ng susunod na salinlahi sa amin ay pagpapalain.”16 Tapos ay nagpakita si Propetang Elijah at ibinigay sa kanila ang mga susi ng dispensasyong ito, pati na ang kapangyarihang magbuklod, ibuklod sa langit ang ibinuklod sa lupa sa loob ng mga templo.17 Sa gayon, iniabot ng mga propeta ng mga dating dispensasyon ng ebanghelyo ang kanilang mga susi kay Propetang Joseph Smith dito, sa huling “dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon” na binanggit ni Apostol Pablo sa mga taga Efeso.18
Nagpapasalamat ako na minarapat ng Panginoon na muling itatag ang batas ng ikapu at mga handog sa mga taong ito. Sa pagtupad natin sa batas ng ikapu ang mga dungawan ng langit ay mabubuksan sa atin. Sagana ang mga pagpapalang ibubuhos sa mga may pananampalatayang tuparin ang batas ng ikapu.
Sa mahabang kasaysayan ng daigdig, naging makabuluhang bahagi ng pagsamba ng mga Banal ang pagsamba sa templo, kung saan ipinakikita nila ang hangarin nilang mapalapit sa kanilang Tagapaglikha. Ang templo ay lugar ng pagkatuto para sa Tagapagligtas noong narito Siya sa lupa; malaking bahagi ito ng Kanyang buhay. Ang mga pagpapala ng templo ay muling narito sa ating panahon. Ang isang kakaibang tampok sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang mga turo nito hinggil sa mga templo at sa walang hanggang kahalagahan ng lahat ng nangyayari doon. Napakarami na ngayong mariringal at magagandang templo sa daigdig. Sa loob ng mga ito ginagawa ang pinakasagradong gawain. Ganito ang sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley tungkol sa mga templong ito: “Iilang lugar lang sa mundo ang nakakasagot sa mga tanong ng mga tao tungkol sa kawalang-hanggan.”19 Ang mga dakilang hiwaga ng saan tayo nanggaling, bakit tayo narito, at saan tayo papunta ay higit na nasasagot sa mga templo. Nanggaling tayo sa piling ng Diyos at narito tayo sa lupa upang maghandang bumalik sa Kanyang piling.
Pinakamakabuluhan na sa loob ng mga sagradong dingding ng templo ay gumagawa ng mga walang-hanggang tipan ang mga mag-asawa. Ang mga tipang ito ay ibinuklod ng awtoridad ng priesthood. Ang mga anak sa pag-iisang iyon, kung sila ay karapat-dapat, ay magkakaroon ng walang-hanggang kaugnayan bilang bahagi ng isang pamilya at bilang mga anak ng Diyos. Tulad nga ng isinulat ni Apostol Juan, “[Ano] ang mga ito na nangadaramtan ng mapuputing damit? … Kaya’t sila’y nasa harapan ng luklukan ng Dios; at nangaglilingkod sa kaniya araw at gabi sa kaniyang templo.”20
Sinabi ng Panginoon na ang Kanyang gawain ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”21 Ibig sabihin ang buong sangkatauhan, buhay at patay, ay dapat magkaroon ng pagkakataong marinig ang ebanghelyo sa buhay na ito o sa daigdig ng mga espiritu. Sabi nga ni Pablo sa mga taga Corinto, “Sa ibang paraan, anong gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay? Kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay, Bakit nga sila’y binabautismuhan dahil sa kanila?22 Ito ang dahilan kaya tayo gumagawa ng ordenansa sa mga templo para sa ating mga namatay na ninuno. Hindi inaalis ang kalayaan ng sinumang tao. Yaong ginawan ng gawain ay maaari itong tanggapin o hindi, depende sa pinili nila.
Nakita ni Apostol Juan sa pangitain ang panahon na isang anghel ang bababa sa lupa bilang bahagi ng Panunumbalik ng ebanghelyo. Ang anghel na iyon ay si Moroni, na nagpakita kay Propetang Joseph Smith. Itinuro niya kay Joseph ang lugar na pinagtaguan ng mga laminang ginto na naglalaman ng mga sinaunang kasulatan. At isinalin ni Joseph Smith ang mga laminang ito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, at nailathala ang Aklat ni Mormon. Ito ay tala ng dalawang grupo ng mga taong nabuhay sa kontinente ng Amerika maraming siglo na ang nakalipas. Kakaunti ang nalalaman tungkol sa kanila bago lumabas ang Aklat ni Mormon. Pero ang higit na mahalaga, ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Cristo. Ipinanumbalik nito ang mahahalagang katotohanan hinggil sa Pagkahulog, Pagbabayad-sala, Pagkabuhay na Mag-uli, at kabilang-buhay.
Bago sumapit ang Panunumbalik, nakasara ang kalangitan nang ilang siglo. Ngunit dahil may mga propeta at apostol na muli sa mundo, minsan pa’y muling nabuksan ang kalangitan sa mga pangitain at paghahayag. Marami sa mga paghahayag na dumating kay Propetang Joseph Smith ang naisulat sa isang aklat na nakilala bilang Doktrina at mga Tipan. Naglalaman ito ng mas maraming paliwanag tungkol sa mga alituntunin at ordenansa, at ito’y mahalagang mapagkukunan ng istruktura ng priesthood. Bukod dito, may isa pa tayong panuntunan ng banal na kasulatan na tinatawag na Mahalagang Perlas. Naroon ang Aklat ni Moises na dumating sa pamamagitan ng paghahayag kay Propetang Joseph Smith, at ang Aklat ni Abraham na isinalin niya mula sa biniling Egyptian scroll. Mula rito hindi lang mas marami tayong nalaman tungkol kina Moises, Abraham, Enoc at iba pang mga propeta, kundi marami pang detalye tungkol sa Paglikha. Natutuhan natin na itinuro ang ebanghelyo ni Jesucristo sa lahat ng propeta noong una pa man—maging noong panahon pa ni Adan.23
Naniniwala tayo na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang ipinanumbalik na orihinal na Simbahang itinatag ni Jesucristo, na itinayo “sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok.”24 Hindi ito humiwalay mula sa anupamang ibang simbahan.
Naniniwala tayo na ang kaganapan ng ebanghelyo ni Cristo ay ipinanumbalik, ngunit hindi ito dahilan para magmalaki sa anumang paraan ang sinuman sa ibang mga anak ng Diyos. Bagkus, kailangan nito ang higit na obligasyong ipamuhay ang ebanghelyo ni Cristo—mahalin, paglingkuran, at pagpalain ang iba. Sabi nga ng Unang Panguluhan noong 1978, tunay tayong naniniwala na “ang mga dakilang lider ng relihiyon sa mundo tulad nina Mohammed, Confucius, at mga Repormista, gayundin ang mga pilosopo, kasama sina Socrates, Plato, at iba pa, ay nakatanggap ng bahagi ng liwanag ng Diyos. Ang moral na mga katotohanan ay ibinigay sa kanila ng Diyos upang maliwanagan ang mga bansa at bigyan ng higit na pang-unawa ang mga tao.”25 Sa gayon, iginagalang natin ang taos na paniniwala ng iba sa relihiyon at pinasasalamatan natin ang ibang gumagalang din at nagpipitagan sa mga doktrinang mahal natin.
May personal akong patotoo sa katotohanan ng mga tipan, turo, at awtoridad na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Taglay ko ang katiyakang ito sa buong buhay ko. Nagpapasalamat ako na naganap ang Panunumbalik ng kaganapan ng ebanghelyo sa ating panahon. Narito ang landas tungo sa buhay na walang hanggan. Nawa’y mapasaating lahat ang lakas, kapayapaan, at malasakit ng Diyos Ama at ang pag-ibig at biyaya ng Panginoong Jesucristo, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.