Babaguhin ng Inyong Misyon ang Lahat
Halina’t maging bahagi ng pinakadakilang henerasyon ng mga misyonero sa mundo.
Isang taon na ngayon mula nang sang-ayunan ako sa pangkalahatang kumperensya. Nagpapasalamat ako sa taong ito at sa lahat ng naranasan ko. Mahal ko ang Panginoon at lubos akong nagpapasalamat sa Kanyang sakripisyo at ebanghelyo. Mahal ko si Pangulong Hinckley at sinasang-ayunan siya bilang propeta ng Panginoon sa mundo. Kasama ng matatapat na Banal sa lahat ng dako, pinatototohanan ko ang mga propeta at apostol sa ating panahon at inaalay ang buhay ko sa Kanyang layunin.
Ilang taon na ang nakararaan nang mag-interbyu ako ng mga misyonero. May bagyo sa taglamig sa pagdating at pag-alis ng mga misyonero sa buong maghapon. Pabagu-bago ang bagyo, uulan ng yelo tapos ay niyebe at balik ulit sa pag-ulan ng yelo. Ilang misyonero ang dumating sakay ng tren mula sa mga kalapit na lungsod at naglakad papuntang simbahan sa kalagitnaan ng bagyo. Ang iba naman ay sumakay sa kanilang mga bisikleta. Halos lahat ay masaya at maligaya. Sila ang mga misyonero ng Panginoon. Taglay nila ang Kanyang Espiritu at nagagalak na maglingkod sa Kanya anuman ang kanilang sitwasyon.
Pagkatapos ng interbyu sa bawat magkompanyon, hinding-hindi ko malilimutan na nakita kong sinuong nilang muli ang bagyo para ipangaral ang ebanghelyo at gawin ang ipinagagawa sa kanila ng Panginoon. Nakita ko ang kanilang katapatan at dedikasyon. Dama ko ang pagmamahal nila sa mga tao at sa Panginoon. Habang minamasdan ko ang kanilang pag-alis, nadama ko ang malaking pagmamahal sa kanila at sa kanilang ginagawa.
Nang gumabi na, dumalo ako sa miting ng priesthood sa lungsod ding iyon. Patuloy ang bagyo at ngayon ay halos niyebe na lang. Sa pambungad na awit, dumating sa kapilya ang branch president ng pinakamaliit at pinakamalayong branch at dalawang tagapayo niyang misyonero, sina Elder Warner at Elder Karpowitz. Nang paupo na sila, nag-alis ng sumbrero at guwantes ang dalawang kahanga-hangang misyonerong ito. Hinubad nila ang kanilang panlabas na amerikana. Tapos ay naghubad sila ng pangalawang amerikana at naupo. Gaya ng mga misyonero nang umagang iyon, kahit bumabagyo ay maligaya pa rin ang mga misyonerong ito. Dama nila ang Espiritu ng Panginoon sa kanilang buhay. Sa paglilingkod sa layunin ng Panginoon, may nadama silang pagmamahal at pagkagiliw at galak na mahirap ipaliwanag.
Habang minamasdan ko ang kahanga-hangang mga batang misyonerong ito nang gabing iyon, may naranasan akong di-pangkaraniwan. Sa aking isipan, nakita ko ang mga misyonero sa buong misyon na sumusuong sa lamig ng gabing iyon. Ang ilan ay kumakatok sa mga pintuan at tinatanggihan sa hangarin nilang ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ilan ay nasa mga tahanan o apartment at nagtuturo sa mga tao at pamilya. Sa kabila ng mga sitwasyon nila, ginagawa nila ang lahat para maituro ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga makikinig, at maligaya sila. May nadama akong hindi ko lubos na maipaliwanag.
Sa dakilang kaloob ng Espiritu, nadama ko ang Kanyang pagmamahal, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo para sa matatapat na misyonero sa lahat ng dako at binago ako nito magpakailanman. Naunawaan ko kung gaano kahalaga ang bawat misyonero sa Kanya. Nakita ko ang halimbawa ng ilalarawan ng mga propeta na “pinakadakilang henerasyon ng mga misyonero” sa mundo (tingnan sa “Ang Pinakadakilang Henerasyon ng mga Misyonero,” M. Russell Ballard, Liahona, Nob. 2002, 47). Naunawaan ko na kung bakit kailangang itaas ang mga pamantayan para ang mga misyonero sa lahat ng dako ay maging marapat sa proteksyon, patnubay at kaligayahang hatid ng Espiritu ng Panginoon. Naunawaan ko rin kung bakit—bilang mga magulang, bishop, stake president at iba pang mga lider—dapat nating gawin ang lahat para matulungan ang mga kabataan ng Simbahan na maging marapat sa mga pagpapala ng pagmimisyon.
Inilarawan ni Pangulong Hinckley kung ano ang nangyayari sa puso ng bawat misyonero na nag-aalay ng buhay at gawain sa Panginoon tuwing ikukuwento niya ang kanyang mga karanasan bilang misyonero. Kasisimula pa lang niya sa kanyang misyon, at nasisiraan na siya ng loob. Mahirap ang gawain at ayaw makinig ang mga tao. Gayunman, dumating ang panahon na nauwi sa matibay na pangako ang nasisiraang loob. Para sa kanya, nagsimula ito sa liham ng kanyang ama na nagsabing: “Mahal kong Gordon, natanggap ko ang sulat mo… . May isang mungkahi lamang ako: Kalimutan mo ang iyong sarili at gumawa ka.” Sa paglalarawan niya sa sumunod na nangyari, sabi niya: “Lumuhod ako sa maliit na silid na iyon … at nangakong sisikapin kong ilaan ang sarili ko sa Panginoon.
“Nagbago ang buong mundo. Luminaw ang lahat. Nagliwanag at lumigaya ang buhay ko. Nabago ang pananaw ko. Nakita ko ang ganda ng lupaing ito. Nakita ko ang kadakilaan ng mga tao… . Lahat ng mabuting nangyari sa akin mula noon pa ay dahil sa desisyong ginawa ko sa munting bahay na iyon” (sa “Missionary Theme Was Pervasive during Visit of President Hinckley,” ni Mike Cannon, Church News, Set. 9, 1995, 4).
Nagpatuloy si Pangulong Hinckley sa pagsasabing, “Gusto ba ninyong lumigaya? Kalimutan ang inyong sarili at maging abala sa dakilang layuning ito, at ituon ang inyong mga pagsisikap sa pagtulong sa mga tao” (sa Church News, Set. 9, 1995, 4).
Sa bawat kabataang lalaki gusto kong sabihing, gusto ba ninyong lumigaya? Kung gayon, halina’t sumama sa amin, sa amin na 52,000 at dumarami pa, at maglingkod sa inyong kapwa bilang misyonero para sa Panginoon. Tapat na ilaan ang dalawang taon ng inyong buhay sa Panginoon. Babaguhin nito ang lahat. Liligaya kayo. Lilinaw ang lahat. Mamahalin ninyo ang kultura at ang mga taong paglilingkuran ninyo. Mahirap ang gawain, pero may malaking kasiyahan at galak din sa inyong paglilingkod. Kung tapat kayo sa inyong misyon at pagkatapos nito, gugunitain ninyo ang inyong buhay at masasabi ang sinabi ni Pangulong Hinckley na, “Lahat ng mabuting nangyari sa akin mula noon ay dahil sa desisyon kong magmisyon at ilaan ang buhay ko sa Panginoon.”
Pinaalalahanan tayo ni Pangulong Hinckley na hindi lang mga batang elder ang may karapatan sa mga pagpapalang ito. Kahanga-hanga ang paglilingkod ng mga mag-asawang misyonero at kailangang-kailangan sila. Bagama’t hindi obligadong magmisyon ang mga dalaga, sabi ng Pangulo: “Kailangan natin ng ilang kabataang babae. Kahanga-hanga ang kanilang ginagawa” (“Sa mga Bishop ng Simbahan,” Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Hunyo 19, 2004, 27). Alam din naming may ilan na hindi na pinagmisyon dahil sa problema sa kalusugan o iba pang dahilan. Mahal namin sila at alam namin na may kapalit na pagpapala ang ating Ama sa Langit sa buhay nila habang naglilingkod sila sa ibang mga paraan at namumuhay nang tapat.
Noong isang taon, hiniling ni Elder Ballard sa mga magulang, bishop at branch president na magtulungan at tulungan kahit ang isa pang binatilyo, bukod sa mga talagang handa nang magmisyon, na maging karapat-dapat at matawag mula sa bawat ward at branch ng Simbahan (tingnan sa “Isa Pa,” Liahona, Mayo 2005, 69). Maraming tumugon. Bilang mga lider, dapat tayong mangakong lahat na muling sundin ang kahilingang ito.
Mga kapatid, maraming mabubuting bishop ang matagal nang ginagawa ang sinabi ni Elder Ballard. Tatlumpu’t anim na taon na ang nakararaan, tinawagan ako ni Bishop Matheson sa bahay at pinapunta ako sa opisina niya. Dahil sa mga nangyayari sa mundo, limitado na ang bilang ng mga misyonerong puwedeng ipadala ng alinmang ward, pero may isa pang dapat ipadala, at responsibilidad niyang magrekomenda ng isa pang misyonero. Sabi niya sa akin ipinagdarasal nila ito ng kanyang mga tagapayo. Sabi niya nabigyang-inspirasyon siya na gusto na akong pagmisyunin ng Panginoon. Nabigla ako. Kailanman ay walang nakapagsabi sa akin na may ipagagawa sa akin ang Panginoon. Nadama ko ang patotoo ng Espiritu ng Panginoon na dapat akong humayo, at ngayon din. Sabi ko kay Bishop, “Kung gusto ho ng Panginoon na magmisyon ako, hahayo ako.”
Para sa akin, nagbago ang lahat. Talagang luminaw ang lahat at lumigaya at sumaya ang buhay ko. Anu’t-ano man, lahat ng mabubuting bagay na nangyari mula sa araw na iyon ay dahil sa pangakong paglingkuran ang Panginoon at ang Kanyang mga anak at ilaan ang dalawang taon ng buhay ko sa paglilingkod sa Kanya.
Inuulit ko: Halina’t sumama sa amin. Halina’t maging malinis. Halina’t lumigaya. Halina’t danasin ang mismong bagay na sabi ng Panginoon na siyang “pinakamahalaga” (D at T 15:6) sa inyo sa panahong ito ng inyong buhay. Halina’t maging bahagi ng pinakadakilang henerasyon ng mga misyonero sa mundo.
Ito ang gawain ng Panginoon. Buhay ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang anak na si Jesucristo ang namumuno at pumapatnubay sa gawaing ito ngayon. Ito ang aking patotoo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.