Isang Makaharing Pagkasaserdote
Bagama’t nagdudulot ng maraming pagpapala ang pagtataglay ng priesthood, kaakibat din ng priesthood ang maraming obligasyon.
Mahal kong mga kapatid, lagi nang malaking pribilehiyo at mabigat na responsibilidad ang magsalita sa priesthood ng Simbahan. Maaaring ito ang pinakamalaking pagtitipon ng priesthood sa kasaysayan ng mundo. Nais kong sabihin sa inyong mga kabataan kung gaano kayo kapalad na magtaglay ng Aaronic Priesthood, na kilala rin bilang ang “nakabababang priesthood.” Ngunit ang salitang nakabababa, gayunman, ay hindi nakababawas sa kahalagahan nito. Walang maliit na bagay tungkol dito—lalo na’t nakikita ko kung gaano kalalaki ang ilan sa inyong mga kabataan!
Tiyak kong naaalala pa ninyo kung gaano kayo kasabik noong una kayong magpasa ng sakrament. Sa pagtulong ninyong mga maytaglay ng Aaronic Priesthood sa paghahanda, pagbabasbas, pangangasiwa, at pagpapasa ng sakrament, tinutulungan ninyo ang mga miyembrong nakikibahagi niyon na ipangakong muli ang sarili sa Panginoon at panibaguhin ang kanilang pananampalataya sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Ang mga miyembrong nakikibahagi sa sakrament ay pinaaalalahanang taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng Anak, lagi Siyang alalahanin, sundin ang Kanyang mga utos, at hangaring mapasakanila ang Kanyang Espiritu. Umaasa ako na pahahalagahan ninyo ang priesthood na taglay ninyo at laging gagampanan ang inyong mga tungkulin sa priesthood.
Kailan lang ay nabasa ko ang kuwento tungkol sa ilang deacon na di gaanong nag-ingat sa pag-uugali nila sa pagpapasa ng sakrament. Inisip na nila na trabaho ito, na walang ibang gustong gumawa. Madalas silang mahuli sa pagdating, at kung minsan ay hindi angkop ang suot nilang damit. Isang araw ng Linggo sinabihan sila ng tagapayo nila sa priesthood: “Huwag na ninyong alalahanin ang sakrament ngayon. May iba nang gumawa.”
Nagulat sila, siyempre pa, na marinig iyon, pero tulad nang dati, nahuli sila sa sakrament miting. Parang walang anumang pumasok sila habang inaawit ang pambungad na himno at naupo sa kongregasyon. Noon nila napansin ang nakaupo sa upuan ng mga deacon—ang kanilang tagapayo at mga high priest sa ward, na kinabibilangan ng kalalakihang naging mga bishop at stake president. Lahat sila’y naka-amerikana at puting polong may kurbata. Pero higit pa riyan, larawan sila ng kapitagan nang ipasa nila ang mga tray ng sakrament sa bawat hanay. Nagkaroon ng mas malalim at mas makabuluhang sakrament sa araw na iyon. Natuto ang mga deacon na iyon na naging pabaya sa kanilang tungkulin sa halimbawa na ang pagpapasa ng sakrament ay sagradong pagtitiwala at isa sa mga pinakadakila sa lahat ng karangalan.1 Natanto nila na ang priesthood, tulad ng tawag dito ni Apostol Pedro, ay “isang makaharing pagkasaserdote.”2
Kalimitan, ang Aaronic Priesthood, sa ilalim ng pamamahala ng bishopric, ang responsable sa pangangasiwa at pagpapasa ng sakrament. Sa ward namin dito sa Salt Lake City, marami kaming matatapat na nakatatandang miyembro pero kaunti lang ang nasa edad ng Aaronic Priesthood. Sa paglipas ng panahon namasdan ko ang mga high priest at elder na ito, mga lalaking may pananampalataya at matagumpay, na mapakumbaba at mapitagang nagpapasa ng sakrament ng Hapunan ng Panginoon. Sumandaling nakasama sa grupong ito ng mga maytaglay ng priesthood ang isang senior federal judge, na kandidato para sa pagka-gobernador ng estado ng Utah, at iba pang bantog na mga lalaking mayayaman. Subalit karangalan at pribilehiyo nilang gampanan ang sagradong tungkuling ito sa priesthood.
Ang Aaronic Priesthood ay dakilang kaloob na espirituwal na kapangyarihang iginawad ng Panginoon kay Aaron at sa mga anak nito.3 Hawak nito “[ang] susi ng paglilingkod ng mga anghel at ang panimulang ebanghelyo”4 at kinabibilangan din “ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan.”5
May gusto akong sabihin tungkol sa pangangalaga ng mga anghel. Sa sinauna at makabagong panahon nagpakita ang mga anghel at nagbigay ng bilin, babala, at patnubay, na pinakinabangan ng mga taong binisita nila. Hindi natin naiisip kung gaano kalaki ang epekto ng pangangalaga ng mga anghel sa ating buhay. Sabi ni Pangulong Joseph F. Smith, “Gayundin mabibigyan ng misyon ang ating mga ama’t ina, kapatid, at kaibigang yumao na, na naging tapat, at karapat-dapat na matamasa ang mga karapatan at pribilehiyong ito, na muling bisitahin ang kanilang mga kamag-anak at kaibigan sa mundo, at maghatid ng mga mensahe ng pagmamahal, babala, o pangaral at tagubilin mula Diyos, sa mga yaong natutuhan nilang mahalin sa lupa.”6 Nadarama ng marami sa atin na naranasan na natin ito. Ang kanilang pangangalaga ay isang mahalagang bahagi ng ebanghelyo noon at ngayon. Pinangalagaan ng mga anghel si Joseph Smith nang ipanumbalik niya ang ebanghelyo sa kaganapan nito.
Naranasan mismo ng Nakababa-tang Alma ang pangangalaga ng mga anghel. Noong binatilyo pa siya, kabilang siya sa mga hindi naniniwala at “naakay niya ang marami sa mga tao na gumawa alinsunod sa uri ng kanyang mga kasamaan.” Isang araw, “habang siya ay nagpapalibut-libot kanyang isinasagawa ang pagwasak sa simbahan ng Diyos” kasama ang mga anak ni Mosias, isang “anghel ng Panginoon [ang] nagpakita sa kanila; at siya ay bumaba na waring nasa ulap; at siya ay nangusap na katulad ng tinig ng kulog, na naging dahilan upang mayanig ang lupa.” At sumigaw ang anghel, “Alma, magbangon ka at tumindig, sapagkat bakit mo inuusig ang simbahan ng Diyos?”
Nanghina si Alma sa naranasang ito kaya hinimatay siya at kinailangang dalhin sa kanyang ama. Muli lang lumusog at lumakas si Alma matapos mag-ayuno at manalangin nang dalawang araw ang kanyang ama at iba pa. Pagkatapos ay tumayo siya at nagsabing, “nagsisi na ako sa aking mga kasalanan, at tinubos ng Panginoon; masdan, isinilang ako sa espiritu.”7 Naging isa si Alma sa pinakamahusay na mga misyonero sa Aklat ni Mormon. Subalit sa maraming taon ng kanyang gawaing misyonero, hindi niya binanggit ang pagdalaw ng anghel kahit kailan. Sa halip, pinili niyang patotohanan na ipinaalam sa kanya ng Banal na Espiritu ng Diyos ang katotohanan.
Isang malaking pagpapala ang mapagbilinan ng mga anghel. Gayunman, tulad ng turo sa atin ni Alma, nangyari lang ang huli at walang hanggang pagbabalik-loob niya matapos siyang “[mag]ayuno at [ma]nalangin nang maraming araw.”8 Ang ganap niyang pagbabalik-loob ay nagmula sa Espiritu Santo, na matatamo natin kung tayo ay karapat-dapat.
Hindi laging pinagmumulan ng pagbabalik-loob ang mga himala. Halimbawa, nang saktan nina Laman at Lemuel ang kanilang mga nakababatang kapatid, nagpakita ang isang anghel at binalaan silang tumigil. Tiniyak ding muli ng anghel sa lahat ng magkakapatid na ipauubaya si Laban sa kanilang mga kamay. Si Nephi, sa isang banda, ay naniwala at nabawi ang mga laminang tanso mula kay laban. Sina Laman at Lemuel naman, sa kabilang banda, ay hindi naniwala, ni nagbago ng ugali matapos dumalaw ang anghel. Tulad ng paalala sa kanila ni Nephi, “Paanong nakalimutan ninyo na nakakita kayo ng anghel ng Panginoon?”9
Kayong mga kabataang lalaki ay nagpapalakas ng inyong patotoo. Napalalakas ito sa pamamagitan ng espirituwal na patunay mula sa Banal na Espiritu sa mga karaniwang karanasan sa buhay. Bagama’t mapalalakas ng ilang dakilang pagpapakita ang inyong patotoo, malamang na hindi ganito ang mangyayari.
Bagama’t nagdudulot ng maraming pagpapala ang pagtataglay ng priesthood, kaakibat din nito ang maraming obligasyon.
-
Lahat ng maytaglay ng priesthood ay kailangang gampanan ang kanilang tungkulin, na kumikilos sa pangalan ng Panginoon hanggang sa abot ng kanilang katungkulan at tungkulin. Ginagampanan natin ang ating tungkulin sa pamamagitan ng pagsunod sa tagubilin ng panguluhan ng korum, ng bishop, at ng tagapayo natin sa korum. Ang ibig sabihin nito ay paghahanda, pangangasiwa, at pagpapasa ng sakrament kapag nahilingan tayo. Nangangahulugan din ito ng pagsasagawa ng iba pang responsibilidad ng Aaronic Priesthood, tulad ng paglilinis ng mga meetinghouse ng ating Simbahan, pag-aayos ng mga silya para sa mga kumperensya ng stake at iba pang mga miting ng Simbahan, at paggawa ng iba pang tungkuling iaatas.
-
Ang mga maytaglay ng Aaronic o panimulang Priesthood ay obligadong maging marapat sa nakatataas na priesthood at tumanggap ng pagsasanay para sa mas malalaking responsibilidad sa paglilingkod sa Simbahan.
-
Kaakibat ng pagtataglay ng Aaronic Priesthood ang obligasyong maging mabuting halimbawa, na may malinis na pag-iisip at wastong asal. Nakukuha natin ang mga katangiang ito kapag ginagawa natin ang ating mga tungkulin sa priesthood.
-
Makakasama ninyo sa inyong korum at iba pang mga aktibitidad ang mga kabataang lalaking kapareho ninyo ang mga pamantayan. Mapapalakas ninyo ang isa’t isa.
-
Mapag-aaralan ninyo ang mga banal na kasulatan at matututuhan ang mga alituntunin ng ebanghelyo para makapaghanda kayo para sa misyon.
-
Matututo kayong manalangin at malaman ang mga sagot.
Inilalarawan sa Doktrina at mga Tipan ang iba’t ibang klase ng awtoridad kaugnay ng Aaronic Priesthood. Una, ang ordenasyon sa priesthood ay nagbibigay ng awtoridad na magsagawa ng mga ordenansa at taglayin ang kapangyarihan ng Aaronic Priesthood. Ang bishopric ang panguluhan ng Aaronic Priesthood sa ward.10 Ikalawa, may iba’t ibang katungkulan sa priesthood na ito, at bawat isa ay may iba’t ibang responsibilidad at pribilehiyo. Bilang deacon, pangangalagaan ninyo ang Simbahan bilang tumatayong mangangaral.11 Bilang teacher, bukod sa pangangalaga sa Simbahan, tungkulin ninyong “makapiling at palakasin sila.”12 Bilang priest, kayo ang dapat “mangaral, magturo, magpaliwanag, manghikayat, at magbinyag, at pangasiwaan ang [sakrament], at dumalaw sa bahay ng bawat kasapi.”13 Ang inyong bishop, na hawak ang katungkulan ng high priest, ay pangulo rin ng korum ng mga priest at siyang pumapatnubay sa gawain ng korum.
Sa pag-unlad ninyo mula sa isa sa mga katungkulang ito ng Aaronic Priesthood papunta sa susunod, mananatili sa inyo ang awtoridad ng nauna. Halimbawa, kayong mga priest ay may awtoridad pa ring gawin ang lahat ng ginawa ninyo bilang deacon o teacher. Tunay, kahit maorden pa kayo sa Melchizedek Priesthood, mananatili sa inyo at makakakilos kayo sa mga katungkulan ng Aaronic Priesthood. Naunawaang mabuti ng yumaong si Elder LeGrand Richards, na dating miyembro ng Korum ng Labindalawa sa loob ng maraming taon, ang alituntuning ito. Madalas niyang sabihin noon, “Isa lang akong matandang deacon.”
Tulad ng nabanggit ko, ang pagtuturo ay isa sa mahahalagang tungkulin ng Aaronic Priesthood. Ang pagkakataon ninyong mga kabataan na makapagturo nang madalas ay dumarating kapag naglilingkod kayo bilang kompanyon ng inyong ama o ng iba pang maytaglay ng Melchizedek Priesthood sa home teaching. Ang pagtugon sa mga pangangailangang temporal at espirituwal ay napakahalagang bahagi ng “pangangalaga ng Simbahan.”
Binigyan ni Propetang Joseph Smith ng mataas na priyoridad ang home teaching. Isang Brother Oakley ang home teacher ng Propeta, at tuwing nagho-home teaching si Brother Oakley sa tahanan ng mga Smith, “tinitipon ng Propeta ang kanyang pamilya at ibinibigay ang sariling upuan kay Oakley, at sinasabi sa kanyang pamilya na” makinig na mabuti kay Brother Oakley.14
Kailangang mapasainyong mga kabataan ng Aaronic Priesthood ang Espiritu sa sarili ninyong buhay at maging sa inyong home teaching, paghahanda o pagpapasa ng sakrament, o iba pang aktibidad ng priesthood. Kailangan ninyong iwasan ang ilang balakid. Isa sa mga pinakamalalaking balakid na ito ay adiksyon.
Pinapayuhan ko kayong lahat, mga kapatid, na iwasan ang anumang uri ng adiksyon. Sa panahong ito inaalipin ni Satanas at ng kanyang mga kampon ang pinakapiling mga kabataan natin sa adiksyon sa alak, lahat ng uri ng droga, pornograpiya, sigarilyo, sugal, at iba pang di normal na pagkalulong. May mga taong isinilang yata na madaling bumigay sa mga bagay na ito kaya minsan lang subukan ay di na mapigilang malulong. May ilang adiksyon na talagang binabago ang takbo ng isipan at lumilikha ng pagnanasang dumaraig sa katwiran at pagpapasiya. Hindi lang buhay ng mga nalulong ang winawasak ng adiksyong ito kundi pati na ng kanilang mga magulang, asawa, at anak. Tulad ng panaghoy ni propetang Jeremias, “Ang mga hari sa lupa ay hindi nanganiwala, o ang lahat mang nananahan sa sanglibutan, na ang kaaway at kalaban ay papasok sa mga pintuang-bayan.”15
Ang Panginoon sa Kanyang karunungan ay binalaan tayo na ang mga bagay na di makabubuti sa atin ay dapat iwasan nang lubusan. Binalaan tayong huwag uminom ng alak, manigarilyo, o sumubok ng droga. Ang pag-uusyoso at pamimilit ng barkada ay mga makasariling dahilan para makipaglaro sa mga bagay na nakalululong. Dapat natin itong itigil at isipin ang lubos na kahihinatnan nito, hindi lang sa ating sarili at sa ating kinabukasan, kundi pati sa ating mga mahal sa buhay. Pisikal ang mga kahihinatnang ito, pero nanganganib ding mawala ang Espiritu at mabiktima tayo ni Satanas.
Pinatototohanan ko ang nakadadalisay, espirituwal, nakaaaliw, nakapagpapalakas, at nakasusupil na impluwensya ng priesthood sa buhay ko. Namuhay ako sa espirituwal na impluwensya nito sa buong buhay ko —sa tahanan ng lolo ko, sa tahanan ng tatay ko, at sa sarili kong tahanan. Nakapapakumbabang gamitin ang walang hanggang kapangyarihan at awtoridad ng priesthood upang magpalakas ng iba at magpagaling at magbasbas. Nawa’y mamuhay tayo nang marapat sa pagtataglay ng awtoridad ng priesthood na kumilos sa ngalan ng Diyos, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.