Ang Dakilang Plano ng Kaligayahan
Sa pamamagitan ng walang hanggang Pagbabayad-sala, nagbigay ang Diyos ng paraan para Kapwa natin madaig ang ating mga kasalanan at maging lubos na malinis muli.
Nagtanong si propetang Jacob, “Bakit hindi tayo mangungusap tungkol sa pagbabayad-sala ni Cristo, at magkaroon ng ganap na kaalaman tungkol sa kanya?”1
Gagamitin ko ang tanong na iyan bilang paksa ng aking mensahe— bakit hindi tayo mangusap tungkol sa Pagbabayad-sala ni Cristo?
Tinukoy ni Alma ang Pagbabayad-sala bilang “dakilang plano ng kaligayahan.”2 Gagamitin ko ang pariralang iyan para ilarawan ang magandang doktrina na kilala natin bilang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Sinabi minsan ni Pangulong Hugh B. Brown: “Sa malao’t madali ang pagbabago ng kalagayan ng buhay ay tutulong sa atin na maunawaan ang mahalagang paksa … tungkol sa kawalang kamatayan ng kaluluwa, at ang kaugnayan ng tao sa Diyos… . Bawat isa sa atin anuman ang ating lahi, pinaniniwalaan, o nasyonalidad, ay nakatakdang dumanas ng tinatawag nating kamatayan.”3
Marami sa atin, sa kalungkutan at kamatayan, ay mapitagang nakatayo sa libingan ng mahal natin sa buhay at nagtatanong, “May kaligayahan ba sa kamatayan?”
Sinagot ng isang propeta sa Aklat ni Mormon ang tanong na ito para sa atin lakip ang kagalakan niya sa pasasalamat sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na tumubos sa atin mula sa kamatayan: “O ang karunungan ng Diyos, ang kanyang awa at biyaya! … O ang kadakilaan at ang katarungan ng ating Diyos!”4
Hayaang ibahagi ko sa inyo ang limang katotohanan tungkol sa dakilang plano ng kaligayahan na nagdulot sa akin ng ganitong uri ng kagalakan.
Una: Ang kaalaman tungkol sa plano ay patunay na may Diyos at Siya ay may Anak, si Jesucristo. Ang Ama at Anak ay perpekto. Nakatira Sila sa langit, at taglay Nila ang niluwalhating mga katawan na may espiritu, laman, at mga buto.
Inihayag sa atin ang mga katotohanang ito sa dispensasyong ito nang lumuhod at manalangin ang batang si Joseph Smith at pagkatapos ay sinabing: “Nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”5
Pangalawa: Ang kaalaman tungkol sa katauhan ng Ama at ng Anak ay tumutulong sa atin na malaman na naparito tayong lahat sa mundo para magkaroon ng pisikal na katawan, magkaroon ng karanasan, at patunayan na karapat-dapat tayong makabalik sa ating Ama sa Langit. May umiiral na mga batas sa mortal nating buhay dito sa mundo. Kapag nilabag natin ang batas, nagkakasala tayo. Kapag nagkasala tayo, nilalabag natin ang walang hanggang mga batas; ang batas ng katarungan ay humihingi ng kaparusahan.
Ang kasalanan at pangangailangang magsisi ay maaaring ilarawan ng isang lalaking naglalakbay. Sa kanyang likod ay may bag na walang laman. Paminsan-minsan, pumupulot siya ng bato na sumasagisag sa paglabag sa batas. Inilalagay niya ang bato sa bag sa kanyang likuran. Sa paglipas ng panahon ay napuno ang bag. Mabigat na ito. Hindi na makapagpatuloy pa sa paglalakbay ang lalaki. Kailangang may gawin siya para mawalan ng laman ang bag at maalis ang mga bato. Magagawa lamang ito ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala.
Posible ito kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo, tinalikuran ang ating kasalanan, at gumawa ng mga tipan sa pamamagitan ng mga ordenansa ng ebanghelyo. Kapag naging matapat tayo hanggang wakas, makababalik tayo at makakapiling ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo.
Pangatlo: Sa pamamagitan ng walang hanggang Pagbabayad-sala, nagbigay ang Diyos ng paraan para kapwa natin madaig ang ating mga kasalanan at maging lubos na malinis muli. Magagawa ito sa pamamagitan ng walang hanggang batas ng awa. Binibigyang-kasiyahan ng awa ang gustong ipatupad ng katarungan sa pamamagitan ng ating pagsisisi at ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Kung wala ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala at ang ating lubos na pagsisisi, mapasasailalim tayo sa batas ng katarungan.
Itinuro ni Alma na “aangkin ng awa ang nagsisisi”6 at na “ang plano ng pagtubos ay hindi maisasakatuparan, tanging sa mga hinihingi ng pagsisisi.”7
Itinuro ng dakilang propetang si Amulek, “At sa gayon mabibigyang- kasiyahan ng awa ang hinihingi ng katarungan, at yayakapin sila ng mga bisig ng kaligtasan, samantalang siya na hindi magkakaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi ay nakalantad sa buong batas na hinihingi ng katarungan; anupa’t siya lamang na may pananampalataya tungo sa pagsisisi ang madadala sa dakila at walang hanggang plano ng pagtubos.”8
Sina Adan at Eva, ang ating unang mga magulang, ay lumabag sa batas at itinaboy sa magandang Halamanan ng Eden. Itinuro kina Adan at Eva ang dakilang plano ng kaligtasan, upang maging maligaya sila sa buhay na ito.9
Sabi ni Adan, “Sapagkat dahil sa paglabag ko ang aking mga mata ay namulat, at sa buhay na ito ako ay makatatamo ng kagalakan, at muli sa laman aking makikita ang Diyos.”10
Gayundin ang sinabi ni Eva tungkol sa kaligayahan: “Kung hindi dahil sa ating paglabag tayo sana ay hindi nagkaroon ng mga binhi, at kailanman ay hindi nalaman ang mabuti at masama, at ang kagalakan ng ating pagkakatubos.”11
Pang-apat: Ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay nagbunga ng dalawang kamatayan. Lahat Tayo ay napasailalim sa mga kamatayang ito. Ang kamatayang pisikal ay paghiwalay ng espiritu sa katawan. Dahil sa Pagkahulog ni Adan, ang lahat ng tao ay daranas ng kamatayang pisikal.
Ang pangalawang kamatayan ay espirituwal. Ito’y pagkahiwalay sa piling ng Diyos. Malayang nakakausap nina Adan at Eva ang Diyos sa Halamanan ng Eden. Pagkatapos lumabag, nawala sa kanila ang pribilehiyong iyon. Mula noon, ang pakikipag-usap sa Diyos ay nangyayari lamang sa pamamagitan ng pananampalataya at sakripisyo, lakip ang taos-pusong pananalangin.
Sa ngayon, tayong lahat ay nasa kalagayan ng kamatayang espirituwal. Nakahiwalay tayo sa Diyos. Sa langit Siya nakatira; tayo naman ay sa lupa nakatira. Gusto nating makabalik sa Kanya. Malinis Siya at perpekto. Marumi tayo at hindi perpekto.
Nadaig ng Pagbabayad-sala ni Cristo ang dalawang kamatayan.
Matapos Siyang ipako sa krus at ilibing sa hiram na puntod, nabuhay na muli si Cristo sa ikatlong araw. Pinagsama ng Pagkabuhay na Mag-uli na ito ang pisikal na katawan at ang Kanyang espiritu.
Ang Pagkabuhay na Mag-uli mula sa kamatayan ay napakagandang aspeto ng Pagbabayad-sala at tunay na bahagi ng plano ng kaligayahan; ang Pagkabuhay na Mag-uli ay para sa lahat at para sa buong pamilya ng tao. Lahat tayo ay mabubuhay na muli. Pinatototohanan ko ang katotohanang iyan. Ito ay walang-pasubaling kaloob mula sa Diyos.
Subalit ang mabuhay muli ay hindi pagtatagumpay sa pangalawang kamatayan. Para magkaroon ng buhay na walang hanggan at manirahan sa piling ng Ama at Anak, kailangan tayong magsisi at maging karapat-dapat sa awa, na magbibigay-kasiyahan sa katarungan.
Itinuro ng mga paghahayag:
“Ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos.”12
“Huwag ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi.”13
“Yaon ding espiritu na nag-aangkin sa inyong mga katawan sa panahon na kayo ay pumanaw sa buhay na ito, yaon ding espiritung yaon ang may kapangyarihan na angkinin ang inyong katawan sa walang hanggang daigdig na yaon.”14
Panglima: Si Jesucristo ay isinilang sa isang mortal na ina, si Maria. Namana Niya sa Kanya ang mortalidad at napasailalim sa kamatayan.
Si Jose ang mortal na nagturo sa Kanya. Ang Diyos sa langit ang Kanyang Ama. Namana Niya mula sa Kanya ang imortalidad, ang kapangyarihang madaig ang kamatayang pisikal.
Dahil Siya ang napiling magsakatuparan sa hinihingi ng Pagbabayad-sala, nagpakababa si Jesucristo na pumarito sa lupa at isilang bilang sanggol ni Maria. Nagpakababa siya para tuksuhin, litisin, kutyain, hatulan, at ipako sa krus, kahit Siya ay may kapangyarihan at awtoridad para pigilan ang mga iyon.
Inilarawan ni Pangulong John Taylor ang pagpapakababa ni Cristo sa magagandang salitang ito: “Napakahalaga na Siya ay magpakababa sa lahat ng bagay, nang sa gayon ay maitaas Niya ang iba sa lahat ng bagay; sapagkat kung hindi Niya maitataas ang Kanyang sarili at madakila sa pamamagitan ng mga alituntuning iyon na idinulot ng pagbabayad-sala, hindi Niya maitataas ang iba; Hindi Niya magagawa sa iba ang hindi Niya magagawa sa Kanyang sarili.”15
Ang paghihirap ni Cristo sa Halamanan ng Getsemani ay perpektong halimbawa ng pinakadakila sa lahat ng katangian ni Cristo, ang Kanyang ganap na pagmamahal. Nakita natin dito na talagang minahal Niya tayong lahat.
Ang sabi ng isang Ingles na teologo, mula sa ikalabingsiyam na siglo, tungkol sa pangyayaring ito: “Ang lahat ng paghihirap na mapagtitiisan ng katawan ng tao ay ibinunton sa nanlulumo Niyang katawan… . Ang pinakamatinding sakit, pinakamalupit na panghahamak, lahat ng bigat ng … kasalanan …—ang kailangan Niyang harapin ngayon.”16
Sa paglalarawan sa Kanyang paghihirap, sinabi ng Panginoon sa makabagong paghahayag: “Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu.”17
Ang Pagbabayad-sala ay isang pangyayari na makapagpapabalik sa atin sa Diyos. Ibig sabihin ng salitang pagbabayad-sala ay pagpapanumbalik o pagbalik. Ang kahulugan nito sa pamilya ay pagsasama muli na kapiling ang Diyos at Kanyang Anak, na si Jesucristo. Ibig sabihin ang kalungkutan sa pagkahiwalay ay magiging kaligayahan sa pamamagitan ng pagsasamang muli.
Sa pagtatapos, ibinabahagi ko sa inyo ang mga salita ni Pangulong Boyd K. Packer:
“Kung nauunawaan ninyo ang dakilang plano ng kaligayahan at sinusunod ito, anuman ang mangyari sa mundo ay hindi ito ang magtatakda ng inyong kaligayahan.”18
Saksi ako sa katotohanang iyon sa pagmamahal na ipinakita ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo sa pagkakaloob Niya ng Pagbabayad-sala, ng dakilang plano ng kaligayahan, para sa ating lahat. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.