2006
Panalangin, Pananampalataya at Pamilya: Mga Batong Tuntungan tungo sa Walang Hanggang Kaligayahan
Mayo 2006


Panalangin, Pananampalataya at Pamilya: Mga Batong Tuntungan tungo sa Walang Hanggang Kaligayahan

Diringgin ng Ama sa Langit ang ating mapagpakumbabang dalangin at bibigyan tayo ng aliw at gabay na hangad natin.

Nangyari ito kinabukasan ng Pasko, 1946, sa Santa Clara, Utah. Siyam-na-taong-gulang ako nang tanungin ko si Inay kung puwede kong iakyat sa burol sa likod-bahay namin ang Pamasko sa aking bagong laruang pana, para manghuli ng mga kuneho. Dapit-hapon na noon, at atubili si Inay, pero sinuyo ko siya, kaya’t pinayagan niya ako, sa kundisyong nasa bahay na ako bago dumilim.

Pagdating ko sa tuktok ng burol, inihanda ko ang pana at tahimik na naglakad sa may mga palumpon ng sage at chaparral, umasang makakita ng kunehong nanginginain doon sa mga murang damong berde pa rin.

Nagulat ako sa isang malaking kunehong tumalon mula sa palumpon ng sage sa mismong harapan ko. Hinigit ko ang pana, iniumang, at pinawalan ang palaso sa direksyon ng papatakas na kuneho. Sumablay ang palaso, at naglaho ang kuneho sa mga palumpon sa unahan.

Pinuntahan ko ang inakala kong binagsakan ng palaso para kunin ito. Lilima ang palaso ko, at ayaw kong mawala ang isang ito. Tiningnan ko ang dapat bagsakan ng palaso, pero wala ito roon. Nilibot ko ang buong paligid na maaaring binagsakan nito pero hindi ko ito makita.

Palubog na ang araw sa kanluran; alam kong didilim na sa loob ng 30 minuto, at hindi ko gustong gabihin sa pag-uwi. Muli akong naghanap sa paligid na dapat pinagbagsakan ng palaso, naghanap akong mabuti sa ilalim ng mga palumpon, pero hindi ko ito makita.

Wala nang oras, at kailangan ko nang makarating sa bahay bago dumilim. Nagpasiya akong magdasal at humiling sa Ama sa Langit na tulungan akong makita ang palaso. Lumuhod ako, pumikit, at nagdasal sa aking Ama sa Langit. Sabi ko sa Kanya ayaw kong mawala ang bagong palaso ko, at hiniling kong ituro Niya sa akin kung saan ito makikita.

Habang nakaluhod, nagmulat ako, at doon mismo sa palumpon ng sage sa harap na harap ko, kapantay ng mga mata ko, nakita ko ang makukulay na balahibo ng palasong medyo nakatago sa mga sanga. Sinunggaban ko ang palaso at humangos pauwi at nakarating sa bahay bago dumilim.

Hinding-hindi ko malilimutan ang natatanging karanasang iyon. Sinagot ng ating Ama sa Langit ang aking dalangin. Iyon ang unang pagkakataon na humingi ako ng tulong sa Kanya, at tinulungan Niya ako! Noong gabing iyon natuto akong magkaroon ng pananampalataya at tiwala sa aking Ama sa Langit.

Kapag kailangan natin ng tulong, kahit ang walang malay na batang may malaking problema, dinidinig ng Ama sa Langit ang ating dalangin, at mapagmahal Niya tayong ginagabayan.

Sabi sa atin ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas: “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin.”1

Mula sa mga banal na kasulatan, ibinilin sa atin ni Santiago:

“Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.

“Nguni’t humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan.”2

Itinuro sa atin ni Pangulong James E. Faust, “Ang taimtim, at taos-pusong panalangin ay pag-uusap ng dalawang tao na malaki ang magagawa upang sumaatin ang Kanyang Espiritu na parang tubig na nakakagaling upang tumulong sa mga pagsubok, hirap, pighati, at pasakit na kinakaharap nating lahat.”3

Ang panalangin ay isa sa mga batong tuntungan sa landas tungo sa buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit.

Ang pananampalataya ay isa pang batong tuntungan na mahalaga sa ating walang-hanggang kaligtasan.

Sabi pa ng Tagapagligtas, “At anuman ang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, na tama, naniniwalang inyong tatanggapin, masdan, ipagkakaloob ito sa inyo.”4

Tatlumpung taon na ang nakararaan may tunay na pangyayaring naganap sa pinakaliblib na bahagi ng New Zealand. Ang mahanging Chatham Islands ay nasa South Pacific Ocean mga limandaang milya, silangan ng Christchurch. Mga anim na raan at limampung malalakas at masisipag na tao ang nakatira doon, na hiwalay sa mapanglaw at malupit na kapaligiran noong mga panahong iyon; at isang batang wala pang karanasan, at bagong tapos na doktor, ang responsable sa panggagamot sa kanila.

Isang walong-taong-gulang na batang lalaki, si Shane, ang nagkaroon ng malubhang pinsala sa ulo sa pinakadulo ng pulo, mga apatnapung milya ang layo. Itinakbo siya patawid sa latian at sa tabing-dagat sa likod na upuan ng isang kotseng karag-karag, papunta sa isang maliit na ospital. Wala siyang malay.

Hindi handa ang batang doktor sa paghawak sa gayong kaso, wala pa siyang gaanong karanasan at kulang ang mga instrumentong pang-opera. Malubha ang lagay ni Shane. Halatang may pagdurugo sa loob ng basag niyang bungo—at mamamatay siya kapag namuo ang dugo sa kanyang utak. Hinding-hindi pa nakakita ng operasyon sa utak ang doktor, pero alam niyang kailangan niyang gawin agad ang maselang operayon—o hintayin na lang mamatay ang bata.

Naroong kailangan ng mga mag-aambag ng dugo, kailangan ay katipo ito ng dugo ng bata, at kailangang maghanda ng pampamanhid. Sira ang antigong X-ray machine, kaya’t hindi makakuha ng X-ray.

Naroon ang una sa maraming beses na pagtawag nila sa Wellington, kung saan sinikap ng isang neurosurgeon na unawain ang lagay ng bata at gabayan ang kabadong doktor sa buong proseso ng maselang operasyon.

Nagdasal ang ina ni Shane. Nagdasal ang doktor; nagdasal ang mga nars; nagdasal ang asawa ng doktor.

Kinailangang hatiin ang mga responsibilidad sa abalang sitwasyong ito. Ang pulis ang nagtusok ng pampamanhid, ang nars ang umalalay sa operasyon, at nagsimula ang operasyon sa liwanag ng Anglepoise light habang papadilim.

Sa unang paghiwa sa operasyon, na kabadong isinagawa, walang nakitang pagdurugo, kaya naghiwa pa sila ng iba sa maliit na bungo ni Shane para makita ang pinagmumulan ng pagdurugo. Ilang ulit pa silang tumawag sa neurosurgeon para pagabay at makasiguro, at sinunod ang payo nito sa bawat detalye. Pagkaraan ng anim na oras ng takot at pangamba, natapos ang pag-opera, tumigil ang pagdurugo sa loob ng utak, at tagumpay ang operasyon. Nahalinhan ng kapayapaan ang kaguluhan. Maghahatinggabi na iyon.

Ang doktor ay isang batang ama. Naalala niya ang kanyang pamilya at mga pagpapalang tinamasa nila. Nagpasalamat siya sa maraming kalugud-lugod na awa ng Panginoon sa buhay niya at lalo na sa Mang-aaliw na naroon sa nakaraang 12 oras. Nagpasalamat siya sa isang di nakikitang dalubhasang naroon at malayang nagbahagi ng higit na dakila Niyang kaalaman sa oras ng kanyang pangangailangan.

Sa oras ng panganib sa desperadong sitwasyon, naglaan ng patnubay at kakayahan ang Panginoon sa isang bata at walang karanasang doktor upang makagawa ng isang himala at mailigtas ang buhay ng isang maliit na bata, na mahalaga sa harapan ng Panginoon.

Si Neil Hutchison ang doktor na iyon na nagdasal para matulungan at may pananampalatayang umasa sa Panginoon at sa neurosurgeon, kaya’t nakagawa siya ng himala sa pinakamahirap na kalagayan. Siya ngayon ang bishop sa East Coast Bays Ward sa Auckland, New Zealand.

Ibinalita sa akin ni Bishop Hutchison, “Nagkaroon ako ng pribilehiyong makilala si Shane at ang kanyang ama sa Christchurch dalawang taon na ang nakararaan sa unang pagkakataon pagkaraang mangyari iyon noong 1976. Isa na siyang electrician na may sariling negosyo at wala siyang alam na anumang naging depekto sa mahaba niyang operasyon noon. Mabuti siyang tao, at hindi ko mapigilang isipin kung gaano kanipis ang tabing sa pagitan ng buhay na ito at ng kabilang buhay.”

“At winika ni Cristo: Kung kayo ay magkakaroon ng pananampalataya sa akin, magkakaroon kayo ng kapangyarihang gawin kahit na anong bagay na kapaki-pakinabang sa akin.”5

Itinuro ni Elder Richard G. Scott: “Matatanggap ninyo ang mga biyaya ng pananampalataya sa pagsunod sa mga alituntuning bigay ng Diyos ukol sa paggamit nito. Isa sa mga alituntuning ito ay “magtiwala sa Diyos at sa kahandaan Niyang tumulong kung kinakailangan, gaano man katindi ang pangyayari.”6

Nagpatotoo si Elder Robert D. Hales na si Joseph Smith, “sa edad na 14, matibay ang … pananampalataya at sinunod ang tagubilin ni propetang Santiago na ‘humingi sa Dios.’ Dahil tinawag na propeta si Joseph, ang Diyos Ama at Kanyang Anak na si Jesucristo ay nagpakita at nagbilin sa kanya.”7

Hinikayat tayo ni Pangulong Thomas S. Monson: “Habang nagdarasal tayo bilang mag-anak at habang nag-iisa, gawin natin ito nang may pananampalataya at pagtitiwala sa Kanya… . Kung sinuman sa atin ang nag-aatubiling sumunod sa payo na magdasal tuwina, wala nang mas magandang panahong makapagsimula kaysa ngayon.”8

Hindi mahalaga kung ito man ay batang musmos na may simpleng kahilingan, o isang doktor na nahaharap sa matinding hamon na kung saan buhay ng tao ang nakataya: diringgin ng Ama sa Langit ang ating mapagpakumbabang dalangin, at bibigyan tayo ng aliw at gabay na hangad natin.

Ang ikatlong batong tuntungan at mahalagang bahagi ng landas na maghahatid sa atin nang ligtas sa tahanan ng ating Ama sa Langit ay ang pamilya.

Itinuro sa atin ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Banal ang pamilya. Itinatag ito ng ating Ama sa Langit. Sakop nito ang pinakabanal sa lahat ng relasyon. Sa organisasyon lang na ito maisasakatuparan ang mga layunin ng Panginoon.”9

Pagpapatuloy pa ni Pangulong Hinckley: “Naniniwala ako sa pamilya kung saan may lalaking itinuturing ang kabiyak na pinakamahalagang pag-aari niya at pinakikitunguhan ito nang maayos; kung saan may babaeng itinuturing ang asawa na kanyang angkla at lakas, kanyang aliw at seguridad; kung saan may mga anak na iginagalang at pinasasalamatan ang ama’t ina; kung saan may mga magulang na itinuturing na pagpapala ang mga anak na ito at nakatatagpo ng malalaki at mabibigat at magagandang hamon sa kanilang pag-aaruga at pagpapalaki.”10

Taos-puso akong naniniwala na sa kabanalan ng pamilya, ang ating pagmamahal, katapatan, paggalang, at pagsuporta sa isa’t isa ang magiging banal na kalasag na magliligtas sa atin mula sa nag-aapoy na mga sibat ng diyablo. Sa loob ng pamilya, na puno ng pag-ibig ni Cristo, makatatagpo tayo ng kapayapaan, kaligayahan, at proteksyon mula sa kasamaan ng mundong nakapaligid sa atin.

Nagpapatotoo ako na ang pamilya ang yunit at kasangkapang magbubuklod at magbabalik sa atin, bilang pamilya, sa piling ng ating mga magulang sa langit, upang doo’y makaranas ng walang-hanggang galak at kaligayahan.

Taos-puso kong dalangin na gamitin natin ang mga batong tuntungan na panalangin, pananampalataya, at ating pamilya upang maihanda at matulungan tayo sa pagbalik sa ating Ama sa Langit at magtamo ng buhay na walang hanggan, nang ang pinakalayunin ng pagsilang natin sa mundo ay tagumpay na maisasakatuparan, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. D at T 112:10.

  2. Santiago 1:5–6.

  3. Sa Conference Report, Okt. 1976, 83; o Ensign, Nob. 1976, 58.

  4. 3 Nephi 18:20.

  5. Moroni 7:33.

  6. . “Ang Nagtataguyod na Kapangyarihan ng Pananampalataya sa Oras ng Kawalang Katiyakan at Pagsubok,” Liahona, Mayo 2003, 75.

  7. “Paghahanap ng Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo,” Liahona, Nob. 2004, 70.

  8. Sa Conference Report, Abril 1964, 130; o Improvement Era, Hunyo 1964, 509.

  9. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 206.

  10. Teachings of Gordon B. Hinckley, 205.