2006
Hindi [Ko] Na Naaalaala ang [Inyong mga Kasalanan]
Mayo 2006


“Hindi [Ko] Na Naaalaala ang [Inyong mga Kasalanan]”

Sa pamamagitan ng mapagtubos na plano ng Ama, ang mga nagkamali at nagkasala “ay hindi itatakwil nang habang panahon.”

Ang mensahe ko ay tungkol sa isang mag-ama. Si Alma, ang ama, ay isang propeta; ang kanyang anak, si Corianton, ay isang misyonero.

Dalawa sa mga anak ni Alma—sina Shiblon at Corianton, ang bunso—ay nagmisyon sa mga Zoramita. Lungkot na lungkot si Alma sa kabiguan ni Corianton na ipamuhay ang mga pamantayan ng misyonero. Tinalikuran ni Corianton ang kanyang ministeryo at nagpunta sa lupain ng Siron para sundan ang patutot na si Isabel (tingnan sa Alma 39:3).

“Ito ay hindi sapat na dahilan para sa iyo, anak ko. Dapat na nagsilbi ka sa ministeryo na siyang ipinagkatiwala sa iyo” (Alma 39:4).

Sinabi ni Alma sa kanyang anak na naakay siya ng diyablo (tingnan sa Alma 39:11). Ang kawalang-puri ay “pinakakarumal-dumal sa lahat ng kasalanan maliban sa pagpapadanak ng dugo ng walang malay o sa pagtatwa sa Espiritu Santo” (Alma 39:5).

“Hinihiling ko sa Diyos na ikaw ay hindi sana nagkasala ng gayong kabigat na kasalanan.” Pagkatapos ay sinabi niya: “Hindi ko tutukuyin ang iyong mabibigat na kasalanan upang saktan ang iyong kaluluwa, kung ito ay hindi para sa iyong ikabubuti.

“Ngunit masdan, hindi mo maaaring itago ang iyong mabibigat na kasalanan sa Diyos” (Alma 39:7–8).

Mahigpit niyang iniutos sa kanyang anak na tanggapin ang payo ng kanyang mga nakatatandang kapatid (tingnan sa Alma 39:10).

Sinabi sa kanya ni Alma na malaki ang kasamaang nagawa niya dahil pinalayo nito ang mga tinuturuan: “Nang makita nila ang iyong inaasal ay hindi sila naniwala sa aking mga salita.

“At ngayon ang Espiritu ng Panginoon ay nagsalita sa akin: Utusan ang iyong mga anak na gumawa ng mabuti, at baka maakay nila ang mga puso ng maraming tao sa pagkawasak; kaya nga, iniuutos ko sa iyo, anak ko, nang may takot sa Diyos, na ikaw ay tumigil sa iyong mga kasamaan” (Alma 39:11–12).

Matapos pagalitan ang anak, si Alma na isang mapagmahal na ama ay naging si Alma na guro. Alam niya na “ang pangangaral ng salita ay may lakas na umakay sa mga tao na gawin yaong matwid—oo, may higit itong malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada, o ano pa mang bagay” (Alma 31:5). Kaya tinuruan ni Alma si Corianton.

Una niyang binanggit si Cristo: “Anak ko, mayroon akong sasabihin sa iyo kahit paano hinggil sa pagparito ni Cristo. Masdan, sinasabi ko sa iyo, na siya ang yaong tiyak na paparito upang alisin ang mga kasalanan ng sanlibutan; oo, siya ay paparito upang ipahayag ang masayang balita ng kaligtasan sa kanyang mga tao” (Alma 39:15).

Itinanong ni Corianton kung paano nila malalaman ang tungkol sa pagparito ni Cristo bago pa ito mangyari.

Sagot ni Alma, “Hindi ba’t ang isang kaluluwa sa panahong ito ay kasinghalaga sa Diyos kagaya rin ng isang kaluluwa sa panahon ng kanyang pagparito?” (Alma 39:17).

Si Corianton ay “[nabahala] hinggil sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay” (Alma 40:1).

Nagtanong si Alma sa Diyos hinggil sa Pagkabuhay na Mag-uli at ipinaalam kay Corianton ang tungkol sa unang Pagkabuhay na Mag-uli at ang iba pang mga pagkabuhay na mag-uli. “May isang panahong itinakda na ang lahat ay babangon mula sa mga patay” (Alma 40:4).

Itinanong niya kung “ano ang mangyayari sa mga kaluluwa ng tao mula sa panahon ng kamatayan hanggang sa panahong itinakda para sa pagkabuhay na mag-uli” (Alma 40:7).

At sinabi niya kay Corianton, “Lahat ng tao, maging sila man ay mabuti o masama, ay dadalhin pabalik sa Diyos na sa kanila ay nagbigay-buhay” (Alma 40:11). Ang “mabubuti ay tatanggapin sa kalagayan ng kaligayahan” (Alma 40:12), at ang masasama ay “naakay sa pagkabihag ng kagustuhan ng diyablo” (Alma 40:13). Ang mabubuti ay lalagi “sa paraiso, hanggang sa panahon ng kanilang pagkabuhay na mag-uli” (Alma 40:14).

“Hindi ninyo maaaring sabihin, kapag kayo ay dinala sa yaong kakila-kilabot na kagipitan, na ako ay magsisisi, na ako ay babalik sa aking Diyos. Hindi, hindi ninyo maaaring sabihin ito; sapagkat yaon ding espiritu na nag-aangkin sa inyong mga katawan sa panahon na kayo ay pumanaw sa buhay na ito, yaon ding espiritung yaon ang may kapangyarihan na angkinin ang inyong katawan sa walang hanggang daigdig na yaon” (Alma 34:34).

Sinabi ni Alma sa kanyang anak “na may isang agwat sa pagitan ng kamatayan at ng pagkabuhay na mag-uli ng katawan, at ang kalagayan ng kaluluwa sa kaligayahan o sa kalungkutan hanggang sa panahong itinakda ng Diyos na ang mga patay ay magbabangon, at muling magsasama kapwa ang kaluluwa at katawan, at dadalhin upang tumayo sa harapan ng Diyos, at hahatulan alinsunod sa kanilang mga gawa” (Alma 40:21).

“Ang kaluluwa”—na ibig sabihin ay espiritu—”ay magbabalik sa katawan, at ang katawan sa kaluluwa” (Alma 40:23). “Ito,” sabi niya, “ang panunumbalik na sinabi ng mga bibig ng mga propeta” (Alma 40:24). Sinabi ni Alma na “sinalungat ng iba ang mga banal na kasulatan, at nangaligaw nang labis dahil sa bagay na ito” (Alma 41:1).

Pagkatapos ay sinabi ni Alma: “At ngayon, anak ko, nahihiwatigan ko na kahit paano ay mayroon pang bumabalisa sa iyong isipan, na hindi mo maunawaan—yaong hinggil sa katarungan ng Diyos sa pagpaparusa sa mga makasalanan; sapagkat ipinipilit mong ipalagay na kawalang-katarungan na ang makasalanan ay matalaga sa isang kalagayan ng kalungkutan.

“Ngayon masdan, anak ko, ipaliliwanag ko sa iyo ang bagay na ito” (Alma 42:1–2).

Sinabi niya kay Corianton ang tungkol sa Halamanan ng Eden at ang Pagkahulog nina Adan at Eva: “At ngayon, nakikita mo na sa pamamagitan nito ang ating mga unang magulang ay itinakwil kapwa temporal at espirituwal mula sa harapan ng Panginoon; sa gayon nakikita natin na sila ay naging mga nasasakupang sumusunod alinsunod sa kanilang sariling kagustuhan” (Alma 42:7).

“Itinakda sa tao ang mamatay” (Alma 42:6).

Pagkatapos ay ipinaliwanag niya kung bakit talagang kailangang mamatay: “Kung hindi dahil sa plano ng pagtubos, (isinasaisantabi ito) sa sandaling sila ay mamatay, ang kanilang mga kaluluwa ay malungkot; sapagkat itinakwil mula sa harapan ng Panginoon” (Alma 42:11).

Itinuro ni Alma kay Corianton ang tungkol sa katarungan at awa: “Alinsunod sa katarungan, ang plano ng pagtubos ay hindi maisasakatuparan, tanging sa mga hinihingi ng pagsisisi ng tao” (Alma 42:13).

Ipinaliwanag niya na “ang plano ng awa ay hindi magkakaroon ng kaganapan maliban sa pagsasagawa ng pagbabayad-sala; kaya nga, ang Diyos na rin ang magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan, upang maisakatuparan ang plano ng awa, upang tugunin ang hinihingi ng katarungan, at nang sa gayon, ang Diyos ay maging isang ganap, makatarungang Diyos, at isa ring maawaing Diyos” (Alma 42:15).

Itinuro niya kay Corianton ang tungkol sa di nagbabagong pamantayan ng walang hanggang batas (tingnan sa Alma 42:17–25).

Tahasan niyang ipinaliwanag kung bakit kailangan ang kaparusahan: “Ngayon, ang pagsisisi ay hindi mapapasa mga tao maliban kung may kaparusahan, na walang hanggan din katulad ng buhay ng kaluluwa, nakaakibat salungat sa plano ng kaligayahan, na walang hanggan din katulad ng buhay ng kaluluwa” (Alma 42:16).

Alam mismo ni Alma ang sakit ng kaparusahan at ang galak ng pagsisisi. Siya mismo ay minsan ding lubos na binigo ang sariling ama, ang lolo ni Corianton. Nagrebelde siya at naglibot na “naghahangad na wasakin ang simbahan” (Alma 36:6). Pinagsabihan siya ng isang anghel, hindi dahil sa nararapat lang sa kanya iyon kundi dahil sa mga panalangin ng kanyang ama at ng iba pang mga tao (tingnan sa Mosias 27:14).

Nadama ni Alma ang pagdurusa at pagkabagabag ng konsiyensya at nagsabing: “Habang ako’y nasa gayong paggiyagis ng pagdurusa, samantalang ako’y sinasaktan ng alaala ng marami kong kasalanan, masdan, naalaala ko ring narinig ang aking ama na nagpropesiya sa mga tao hinggil sa pagparito ng isang Jesucristo, isang Anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

“Ngayon, nang maapuhap ng aking isipan ang kaisipang ito, nagsumamo ako sa aking puso: O Jesus, ikaw na anak ng Diyos, kaawaan ako, na nasa kasukdulan ng kapaitan, at napalilibutan ng walang hanggang tanikala ng kamatayan.

“At ngayon, masdan, nang maisip ko ito, hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit; oo, hindi na ako sinaktan pa ng alaala ng aking mga kasalanan.

“At o, anong galak, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko; oo, ang kaluluwa ko’y napuspos ng kagalakan na kasingsidhi ng aking pasakit!

“Oo, sinasabi ko sa iyo, anak ko, na walang ano mang bagay ang kasinghapdi at kasingpait ng aking mga pasakit. Oo, at muli sinasabi ko sa iyo, anak ko, na sa kabilang dako, walang ano mang bagay ang kasingganda at kasingtamis ng aking kagalakan… .

“Oo, at magmula noon maging hanggang sa ngayon, ako’y gumawa nang walang tigil, upang makapagdala ako ng mga kaluluwa tungo sa pagsisisi; upang sila’y madala ko na makatikim ng labis na kagalakan na aking natikman; upang sila rin ay isilang sa Diyos, at mapuspos ng Espiritu Santo” (Alma 36:17–21, 24).

Tinanong ni Alma si Corianton, “Iyo bang ipinalalagay na ang awa ay makaaagaw sa katarungan?” (Alma 42:25). Ipinaliwanag niya na dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo, kapwa ito matutugunan ng walang hanggang batas.

“Pinakikilos ng Espiritu Santo” (D at T 121:43; tingnan din sa Alma 39:12), matatalim na salita ang sinabi niya kay Corianton. Matapos maituro nang simple at buong tiyaga ang mga pangunahing alituntuning ito ng ebanghelyo, nadama ang saganang pagmamahal.

Itinuro kay Propetang Joseph Smith sa pamamagitan ng paghahayag na “walang kapangyarihan o impluwensya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig;

“Sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman, na siyang lubos na magpapalaki ng kaluluwa nang walang pagkukunwari, at walang pandaraya—

“Pagsabihan sa tamang pagkakataon nang may kataliman, kapag pinakikilos ng Espiritu Santo; at pagkatapos ay magpakita ng ibayong pagmamahal sa kanya na iyong pinagsabihan, at baka ka niya ituring na kaaway;

“Upang kanyang malaman na ang iyong katapatan ay higit na matibay kaysa sa mga gapos ng kamatayan” (D at T 121:41–44).

Sinabi ni Alma: “O anak ko, hinihiling ko na huwag mo nang itatatwa pa ang katarungan ng Diyos. Huwag mo nang pagsikapang bigyang-katwiran ang iyong sarili sa pinakamaliit na punto nang dahil sa iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatatwa sa katarungan ng Diyos; kundi hayaan mong ang katarungan ng Diyos, at ang kanyang awa, at ang kanyang mahabang pagtitiis ang manaig sa iyong puso; at hayaan mo na ito ang magdala sa iyo sa alabok ng pagpapakumbaba” (Alma 42:30).

Ang lolo ni Corianton, na Alma rin ang pangalan, ay kabilang sa mga saserdoteng nakapaglingkod sa masamang si Haring Noe. Narinig niya na nagpatotoo si Abinadi tungkol kay Cristo, at siya ay napabalik-loob. Dahil hinatulan ng kamatayan, tumakas siya sa masamang hukuman para magturo tungkol kay Cristo. (Tingnan sa Mosias 17:1–4.)

Ngayon si Alma naman, ang ama na nagsusumamo sa kanyang anak na si Corianton na magsisi.

Matapos pagsabihan nang matindi ang kanyang anak at matiyagang ituro ang mga doktrina ng ebanghelyo, sinabi ng mapagmahal na amang si Alma, “At ngayon, anak ko, hinihiling ko na ang bagay na ito ay huwag nang gumulo pa sa iyo, at hayaan na ang iyong mga kasalanan na lamang ang bumagabag sa iyo, sa yaong pangbabagabag na magdadala sa iyo sa pagsisisi” (Alma 42:29).

Dahil sa pagdurusa at kahihiyan, si Corianton ay nadala “sa alabok ng pagpapakumbaba” (Alma 42:30).

Si Alma, na ama ni Corianton at kanya ring lider ng priesthood, ay nasiyahan na ngayon sa pagsisisi ni Corianton. Inalis niya ang mabigat na pasaning bunga ng kasalanang nagawa ng kanyang anak at ipinadala siyang muli sa misyon: “At ngayon, O anak ko, ikaw ay tinawag ng Diyos na mangaral ng salita sa mga taong ito… . Humayo ka, at ipahayag ang salita nang may katotohanan at kahinahunan… . At nawa ay ipagkaloob sa iyo ng Diyos ang alinsunod sa aking mga salita” (Alma 42:31).

Nakiisa si Corianton sa kanyang mga kapatid na sina Helaman at Shiblon, na kabilang sa mga lider ng priesthood. Makalipas ang dalawampung taon sa lupaing pahilaga, tapat pa rin siyang naglilingkod sa ebanghelyo. (Tingnan sa Alma 49:30; 63:10.)

Ubod ng sama ang mundong ito na ating ginagalawan at dito ay kailangang mahanap ng ating mga anak ang daan. Ang mga problema sa pornograpiya, pagkalito sa kasarian, imoralidad, pang-aabuso sa mga bata, pagkalulong sa droga, at iba pa ay makikita kahit saan. Hindi sila makatatakas sa impluwensya ng mga ito.

Ang ilan ay natutukso dahil sa pag-uusisa, pagkatapos ay nag-eeksperimento, at ang ilan ay tuluyan nang nalululong. Nawawalan sila ng pag-asa. Inaani ng kalaban ang kanyang pananim at iginagapos ang mga ito.

Si Satanas ang mandaraya, ang maninira, ngunit pansamantala lang ang kanyang tagumpay.

Kinukumbinsi ng mga kampon ng diyablo ang ilan na isinilang sila sa isang buhay na hindi nila matatakasan at mapipilitang mamuhay sa kasalanan. Ang pinakamalaking kasinungalingan ay na hindi sila maaaring magbago at magsisi at hindi sila mapapatawad. Hindi iyan mangyayari. Nalimutan na nila ang Pagbabayad-sala ni Cristo.

“Sapagkat, masdan, ang Panginoon na inyong Manunubos ay nakaranas ng kamatayan sa laman; dahil dito kanyang tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat ng tao ay magsisi at lumapit sa kanya” (D at T 18:11).

Si Cristo ang Maylikha, ang Tagapagpagaling. Ang nilikha Niya ay kaya Niyang ayusin. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ebanghelyo ng pagsisisi at pagpapatawad (tingnan sa 2 Nephi 1:13; 2 Nephi 9:45; Jacob 3:11; Alma 26:13–14; Moroni 7:17–19).

“Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos” (D at T 18:10).

Ang kuwento ng mapagmahal na amang ito at ng suwail na anak, na hango sa Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo, ay isang uri, isang huwaran, isang halimbawa.

Bawat isa sa atin ay may mapagmahal na Ama sa Langit. Sa pamamagitan ng mapagtubos na plano ng Ama, ang mga nagkamali at nagkasala “ay hindi itatakwil nang habang panahon” (Aklat ni Mormon, pahina ng pamagat).

“At anong laki ng kanyang kagalakan sa kaluluwang nagsisisi!” (D at T 18:13).

“Ang Panginoon ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang; gayunman” (D at T 1:31–32), sabi ng Panginoon, “siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito” (D at T 58:42).

May mas tatamis pa ba o mas nakaaaliw na mga salita, mas puspos ng pag-asa, kaysa sa mga salitang mula sa mga banal na kasulatan? “Ako ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang [kanilang mga kasalanan]” (D at T 58:42). Iyan ang patotoo ng Aklat ni Mormon, at iyan ang aking patotoo sa inyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.