Lumaki sa Panginoon
Ang matapat na paglilingkod sa iba, kahit sa mahirap na kalagayan, ay kinakailangan sa mga taong tunay na naghahangad na “lumaki sa Panginoon.”
Ilang buwan na ang nakararaan, nakasakay ako sa kotse kasama ang dalawang malalakas ang loob na nakatatandang misyonera. Determinado silang hanapin ang apartment ng isang miyembro ng ward sa pusod ng siyudad sa bandang silangan ng Estados Unidos. Habang nakaupo ako sa likuran na pigil ang hininga, ang elektronikong gabay ng sasakyan ay maya’t mayang nagbababala, “Maling liko, maling liko!” Ang determinadong misyonero na nagbabasa ng mapa ay patuloy lang sa pagmumungkahi kung saan iikot sa nakalilitong mga daanan hanggang sa makita namin ang tirahan ng sister na pinangakuan nilang tuturuang magbasa at magsulat.
Sa kanilang mga kilos at pag-uugali, ang kahanga-hangang mga sister na ito ay nagpakita ng kakayahang higit pa sa edad nila. Nagpakita sila ng tunay na kaganapang espirituwal.
Si Helaman, ang dakilang propeta sa Aklat ni Mormon, ay ipinangalan ang mga anak niyang sina Nephi at Lehi sa kanilang mga ninuno at “sila ay lumaki sa Panginoon.”1 Bata man o matanda, lahat tayo ay dapat ding gawin iyon.
Magandang ideya ang lumaki sa Panginoon. Hindi gaya ng pisikal na paglaki, tayo ay hindi lalaki sa espirituwalidad hangga’t hindi natin pinipili, gaya ng sinabi ni Apostol Pablo, na “iwanan na ang mga bagay ng pagkabata.”2
Ang araw-araw na pagdarasal at pag-aaral ng banal na kasulatan, pagsunod sa mga kautusan at mga tipan na ginawa sa binyag at sa templo ang mga pangunahing bahagi ng paglaki sa Panginoon. Natututo tayong lumakad sa Kanyang mga daan habang ginagawa natin ang makapaglalapit sa atin sa ating Ama sa Langit at habang tinuturuan natin ang ating mga anak at ang iba na gawin din ang mga iyon. Iniiwan na natin ang “mga bagay ng pagkabata” kapag pinili natin na maging tulad ni Cristo at naglingkod sa iba gaya ng gusto Niyang gawin natin.
Nang itatag ang Simbahan sa dispensasyong ito, ipinaliwanag ng Panginoon na ang mga “tatanggapin sa pamamagitan ng pagbibinyag sa kanyang simbahan” ay iyong mga “pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo, na may matibay na hangaring paglingkuran siya hanggang wakas.”3 Ibig sabihin ay manatiling “matatag at [di] natitinag, laging nananagana sa mabubuting gawa”4 sa bawat araw ng ating buhay. Ngayon, habang ang Simbahan ay lumalaki sa 170 bansa sa buong mundo, ang matapat na paglilingkod sa iba, kahit sa mahirap na kalagayan, ay kinakailangan sa mga taong tunay na naghahangad na “lumaki sa Panginoon.” Ang ibig sabihin ng paglawak na ito ng Simbahan ay marami sa atin ang magkakaroon ng pagkakataon na mapaglingkuran ang mga bagong miyembro.
Nakibahagi ako sa isang di- malilimutang karanasan ng matapat na paglilingkod sa mga bagong miyembro nang samahan ko ang dalawang matapat na misyonerang iyon—ang isa ay balo na malapit nang mag 80 anyos at ang isa pa ay nasa edad 60 na at nag-iisang magulang—na hindi pinanghinaan ng loob dahil sa mga maling pagliko o kamalian na nagawa nila. Nakakita rin ako ng isa pang halimbawa nito sa ward na iyon.
Ang ward na ito ay binubuo ng mga miyembrong magkakaiba ang edad, mula sa iba’t ibang bansa, iba’t iba ang katayuan sa buhay at karanasan sa Simbahan. Karamihan sa mga miyembro na nagkaroon na ng maraming katungkulan sa Simbahan ay mga mag-asawang nasa graduate school, na abala sa kanilang iskedyul at maliliit na anak.
Ang nakita ko ay isang bata pang ina na naglilingkod bilang visiting teaching mentor sa mga bagong miyembro sa ward. Habang inaalagaan ng kanyang asawa ang kanilang anak, masigasig naman niyang kinalinga ang dalawang babaeng Aprikano. Kasama sa pagkalingang ito ang pagtuturo niya hindi lamang kung paano mamuhay sa bagong bansa kundi kung paano rin ipamuhay ang kanilang bagong relihiyon.
Sa pamamagitan ng kanyang halimbawa naturuan niya ang mga Aprikanong sister kung paanong nais ng Panginoon na magsilbi tayo sa bawat isa. Ang mga salita ni Apostol Pablo ay magiliw na inilarawan sa nakita kong mga kilos ng visiting teaching mentor na ito sa mga bagong miyembro: “Kami ay nangagpapakalumanay sa gitna ninyo … may magiliw na pag-ibig sa inyo … kinalugdan naming kayo’y bahagian, hindi lamang ng evangelio ng Dios, kundi naman ng aming sariling mga kaluluwa, sapagka’t kayo’y naging lalong mahal sa amin.”5 Sa bawat pagbisita, nagdala ang batang mentor ng galak, magiliw na pagtulong, at mensahe ng visiting teaching.
Sa kalaunan, sama-samang naghanda ang mga babae ng mensahe para sa visiting teaching upang ibahagi sa tahanan ng iba pang mga sister. Sa pag-alam kung ano ang mga pangangailangan, at biglaang pagsisilbi habang ginagawa ito, sila ay naging tunay na kababaihan ng Relief Society na nakahandang magpasigla, mag-alo at maghimok sa bawat isa. Alam ko na sa tuwing maririnig ko ang mga katagang “mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa,”6 ay lagi kong maaalala ang tatlong masayahin at mapagmahal na kababaihang iyon na nagpakita sa kanilang matapat na paglilingkod sa iba kung ano ang ibig sabihin ng “lumaki sa Panginoon.”
Maliban sa di natitinag at matapat na paglilingkod, ang isa pang paraan na pinipili nating lumaki sa Panginoon ay ang ating kahandaang “magpatuloy sa paglalakad”7 na may panampalataya— kahit hindi natin alam kung ano ang ating gagawin. Isaisip ang salaysay ni Nephi noong siya ay utusang gumawa ng sasakyang-dagat. Ikinuwento niya ang nangyari:
“At ito ay nangyari na, nangusap sa akin ang Panginoon, sinasabing: Ikaw ay gumawa ng isang sasakyang-dagat, alinsunod sa pamamaraang ipakikita ko sa iyo… .
“At sinabi ko: Panginoon, saan po ako patutungo upang makatagpo ng inang minang tutunawin, upang makagawa ako ng mga kagamitan…?”8
Hindi tumutol si Nephi sa ipinagagawang tungkulin. Sa halip, sa ganitong sitwasyon, ipinakita niya, tulad sa iba, ang ganap at maliwanag na pagkaunawang ito: “At sa gayon nakikita natin na ang mga kautusan ng Diyos ay tiyak na matutupad. At kung mangyayari na ang mga anak ng tao ay susunod sa mga kautusan ng Diyos kanya silang palulusugin, at pinalalakas sila, at naglalaan ng paraan upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang inuutos sa kanila.”9 Sa madaling salita, solusyon ang hinanap ni Nephi at hindi balakid dahil alam niya—alam niya—na sa ganitong paraan ng paglaki sa Panginoon, maaari at tiyak na tutulungan siya ng Diyos na masunod ang bawat utos na kanyang natanggap.
Sa ward din na iyon ng lungsod, napansin ko ang gayunding uri ng pananampalataya sa magiliw, at mapagmahal na pangangalaga ng isang bishop na hindi nag-aksaya ng panahon sa pag-aalala sa maraming pangangailangan ng lumalaking bilang ng mga bagong miyembro. Sa halip, patuloy niyang hinikayat ang mas maalam na mga miyembro ng korum ng Aaronic at Melchizedek Priesthood na tulungan ang mga bagong miyembro mula Africa at Latin Amerika na paghandaan ang kanilang responsibilidad sa priesthood. Ang mga mas bagong miyembro na lalaki ay tinuruan kung paano humawak ng tray kapag nagpapasa ng sakrament, paano lumuhod at mapitagang magbasbas ng tinapay at tubig. Ang mga mas nakakaalam, kadalasan ang nakababatang kalalakihan, ay sumasabay sa pagsasanay nilang magbasa ng panalangin ng sakrament, upang magkaroon sila ng tiwala sa sarili kapag ginagawa nila ito. Pagkatapos, sama-samang pinag- usapan ng lahat ng kalalakihan ang sagradong katangian ng mahalagang ordenansang ito ng priesthood.
Lahat tayo ay nagkaroon na ng mga karanasan kung saan kailangan nating ipakita ang ating determinasyon na maglingkod sa iba at ang ating kahandaang patuloy na lumakad nang may pananampalataya. Nang ako ay tawagan ng aking asawa para sabihin na ang aming tawag sa misyon ay napalitan ng isang tungkulin na puno ng hamon sa Africa, ang sagot ko’y, “Kaya ko ‘yan. Palagay ko kaya ko ‘yan.” Ipinakita ko sa aking salita ang kahandaan kong sumulong nang may pananampalataya— nagtitiwalang muli, na tutulungan ako ng Panginoon. Ipinakita ko ang aking kahandaan na “lumaki sa Panginoon.”
Tulad ng napatunayan ng matapat na bishop na iyon, ng dedikadong kababaihang iyon, at ako, sa prosesong ito ng paglaki sa Panginoon, hihilingin sa ating gawin ang lahat ng ating makakaya, sa ilang pagkakataon, nang higit pa sa alam nating paraan. Ang mga hamon ay maaaring mahirap at kung minsan ang daan ay hindi tiyak. Ngunit sa kabila ng mga pagkakamali, ang mga nagsisikap na maging tulad ni Jesucristo—na may matibay na pasiyang maglingkod sa iba at handang magpatuloy sa paglakad nang may pananampalataya—ay makapagpapatotoo sa dakilang espirituwal na katotohanang ibinahagi ni Nephi habang patuloy niyang ginagawa ang sasakyang-dagat: “At ako ay madalas nanalangin sa Panginoon; anupa’t nagpakita sa akin ang Panginoon ng mga dakilang bagay.”10 Ang mapakitaan ng “mga dakilang bagay”—ay napakagandang handog, isang pagpapala sa mga pumili na “lumaki sa Panginoon.” Nawa ang ating pamumuhay ay maging mapagmahal at matatag at ganap na espirituwal, ang mapagpakumbaba kong dalangin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.