Institute
Kabanata 5: Ang Korum ng Labindalawang Apostol


Kabanata 5

Ang Korum ng Labindalawang Apostol

Pambungad

Sa pagsasalita sa kanyang mga kapwa miyembro ng korum, sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang kasalukuyang Labindalawa ay napaka-ordinaryong mga tao. Hindi sila pambihirang indibiduwal, tulad ng orihinal na Labindalawa, ngunit sa kabuuan ang Labindalawa ay isang grupo na may kapangyarihan.

“Iba’t iba ang aming trabaho. Kami ay mga siyentipiko, abugado, at guro.

“Si Elder Nelson ay isang siruhano sa puso na nagpakilala ng mga bagong paraan sa pag-oopera. Libu-libo na ang naoperahan niya. …

“Ang ilan sa korum na ito ay naglilingkod sa militar—isang marinero, mga sundalong marino, mga piloto.

“Iba-iba ang naging katungkulan nila sa Simbahan: mga home teacher, teacher, missionary, quorum president, bishop, stake president, mission president, at ang pinakamahalaga sa lahat, mga asawa at ama.

“Lahat sila ay mag-aaral at guro ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang dahilan ng pagkakaisa natin ay ang ating pagmamahal sa Tagapagligtas at sa mga anak ng Kanyang Ama at ang ating patotoo na Siya ang namumuno sa Simbahang ito.

“Halos lahat ng Labindalawa ay nanggaling sa abang pinagmulan, tulad noong narito Siya. Ang buhay na Labindalawa ay nagkakaisa sa ministeryo ng ebanghelyo ni Jesucristo. Nang sila ay tinawag, iniwan ng bawat isa ang kanyang mga lambat, tulad ng binanggit ko, at sumunod sa Panginoon.

“Naaalala natin na sinabi ni Pangulong Kimball, ‘Ang buhay ko ay tulad ng aking mga sapatos—na masisira sa paglilingkod.’ Ito ay akma sa lahat ng miyembro ng Labindalawa. Nagpapagal din tayo sa paglilingkod sa Panginoon, at ginagawa natin ito nang buong puso” (“Ang Labindalawa,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 86; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], xlii).

Sa pag-aaral mo ng kabanatang ito, sikaping palakasin ang iyong personal na patotoo tungkol sa mga Apostol sa pamamagitan ng pag-alam sa kanilang mga tungkulin at responsibilidad. Pinamumunuan nila ang Simbahan na hawak ang mga sagradong susi ng priesthood na nagbibigay-karapatan sa kanila na dalhin ang ebanghelyo sa mundo at maging mga natatanging saksi ni Jesucristo.

Komentaryo

5.1

Ang mga Apostol ay Bahagi ng Pundasyon ng Totoong Simbahan ng Panginoon

Itinuro ni Apostol Pablo na ang matatapat na Banal ay kasama ng “sambahayan ng Dios; at itinayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok” (Mga Taga Efeso 2:19–20; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Sa pagpapahayag noong Abril 6, 1980, ang Korum ng Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay nagsabing:

“Buong taimtim naming pinagtitibay na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay tunay na pagpapanumbalik ng Simbahan na itinatag ng Anak ng Diyos, na sa mortalidad ay inorganisa niya ang kanyang gawain sa lupa; na taglay nito ang kanyang sagradong pangalan, na pangalan ni Jesucristo; [at] ito ay itinayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga Apostol at mga propeta, na Siya mismo ang pangulong bato sa panulok” (“Proclamation,” Ensign, Mayo 1980, 52).

5.2

Alam ng mga Apostol na si Jesus ang Cristo at Nagbibigay Sila ng Natatanging Patotoo na si Jesus ang Cristo

Quorum of the Twelve Apostles, 1979

Ang Korum ng Labindalawang Apostol, 1979

Ikinuwento ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) ang isang karanasan niya noon habang tinutulungan ang dalawang missionary na maunawaan ang katunayan ng pagsaksi ng isang Apostol tungkol kay Jesucristo:

“Ilang taon na ang nakalipas may dalawang missionary na lumapit sa akin at humingi ng kasagutan sa tanong na tila para sa kanila ay napakahirap sagutin. Pinagtawanan sila ng isang batang ministrong Metodista nang sabihin nila na kailangan ang mga apostol ngayon para maitayo sa lupa ang totoong simbahan. Ikinuwento nila na sinabi ng ministro na, ‘Alam ba ninyo na noong magtipon ang mga apostol para punan ang nabakanteng posisyon dahil sa pagkamatay ni Judas, sinabi nila na kailangang ang taong ito ay nakasama na nila at naging saksi sa lahat ng bagay na nauukol sa misyon at pagkabuhay na mag-uli ng Panginoon? Paano ninyo masasabing mayroon kayong mga apostol, kung iyon ang kinakailangan o kwalipikasyon para maging apostol?’

“At sinabi ng mga binatang ito, ‘Ano po ang isasagot namin?’

“Sinabi ko sa kanila, ‘Bumalik kayo at itanong ninyo sa kaibigan ninyong ministro ang dalawang bagay. Una, paano natamo ni Apostol Pablo ang kwalipikasyon para matawag na isang apostol? Hindi niya kilala ang Panginoon, hindi niya ito personal na nakilala. Hindi niya nakasama ang mga apostol. Hindi niya nasaksihan ang ministeryo ni ang pagkabuhay na mag-uli ng Panginoon. Paano niya natamo ang kanyang patotoo sapat upang maging isang apostol? At ang pangalawang itatanong ninyo sa kanya ay, Paano niya nalaman na ang lahat ng apostol ngayon ay hindi natanggap ang gayon ding pagsaksi?’

“Pinatototohanan ko sa inyo na malalaman at nalalaman ng mga nanunungkulan bilang apostol ang katunayan ng misyon ng Panginoon” (Stand Ye in Holy Places [1974], 64–65).

Natitiyak ng mga Apostol sa pamamagitan ng paghahayag na si Jesus ang Cristo at Siya ay buhay bilang nilalang na nabuhay na mag-uli. Ipinaliliwanag ng mga banal na kasulatan na “pinatotohanan ng mga apostol na may dakilang kapangyarihan, ang pagkabuhay na maguli ng Panginoong Jesus” (Ang Mga Gawa 4:33). Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918) ang kasagraduhan ng kanilang tungkulin:

“Ang labindalawang disipulong ito ni Cristo ay dapat maging mga saksi ng banal na misyon ni Jesucristo. Hindi katanggap-tanggap na basta lamang nila sabihing, basta naniniwala ako; tinanggap ko ito dahil naniniwala ako dito. Basahin ang paghahayag, sinasabi sa atin ng Panginoon na kailangang malaman nila, kailangang malaman nila ito para sa kanilang sarili. Kailangang alam nila ito na para bang nakita ito ng kanilang mga mata at narinig ng kanilang mga tainga at alam nila ang katotohanan. Iyan ang kanilang misyon, ang magpatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanya na ipinako sa krus at nabuhay mula sa mga patay at ngayon ay nadaramitan ng napakalakas na kapangyarihan sa kanang kamay ng Diyos, ang Tagapagligtas ng daigdig. Iyan ang kanilang misyon, at kanilang tungkulin, at iyan ang doktrina at ang katotohanan na tungkulin nilang ipangaral sa daigdig at tiyakin na ito ay naipapangaral sa buong mundo” (sa Conference Report, Abr. 1916, 6).

Christus statue

Alam ng mga apostol na si Jesus ang Cristo.

Sa Doktrina at mga Tipan 107:23 mababasa natin, “Ang labindalawang naglalakbay na tagapayo ay tinawag na maging Labindalawang Apostol, o mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig.” Binanggit ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kasagraduhan ng pagsaksi ng isang apostol ni Jesucristo:

“Paminsan-minsan sa nakalipas na taon ay tinatanong ako. Karaniwan ito ay pag-uusyoso, halos walang kabuluhang tanong tungkol sa mga kwalipikasyon para maging saksi ni Cristo. Ang tanong nila ay, ‘Nakita mo ba Siya?’

“Iyan ay isang tanong na hindi ko kailanman itinanong sa ibang tao. Hindi ko iyan itinanong sa mga kapatid ko sa Korum, iniisip na napakasagrado nito at lubhang personal na ang isang tao ay kailangang magkaroon ng espesyal na inspirasyon, sa katunayan, ng awtorisasyon, para itanong ito.

“May ilang bagay na sadyang napakasagrado para pag-usapan. …

“May mga taong naririnig ang mga patotoong ibinibigay sa Simbahan, ng mga nasa mataas na katungkulan at ng mga miyembro sa mga ward at branch, lahat gamit ang parehong mga salita—‘Alam ko na ang Diyos ay buhay; alam ko na si Jesus ang Cristo,’ at nagtatanong, ‘Bakit hindi ito sabihin sa mas simpleng mga salita? Bakit hindi nila idinedetalye nang mas malinaw? Wala na bang ibang masabi ang mga apostol?’

“Tulad din ito ng sagradong karanasan sa templo na nagiging personal na patotoo natin. Sagrado ito, at kapag hindi natin ito mabigkas sa mga salita, ganito rin ang paraan ng pagsasabi natin dito—lahat ay gumagamit ng parehong mga salita. Ipinapahayag ito ng mga apostol sa mga katagang gamit din ng maliliit na bata sa Primary o Sunday School. ‘Alam ko na buhay ang Diyos at alam ko na si Jesus ang Cristo.’ …

“Sinabi ko na may isang tanong na hindi madaling pag-isipan ni sagutin nang walang pahiwatig ng Espiritu. Hindi ko iyan itinanong sa iba, pero narinig kong sinagot nila ito—ngunit hindi kapag itinatanong ito sa kanila. Sinasagot nila ito ayon sa pahiwatig ng Espiritu, sa sagradong mga sandali, kapag ‘ang Espiritu ang nagpapatotoo.’ (D at T 1:39.)

“Narinig kong ipinahayag ng isa sa aking mga kapatid na: ‘Alam ko mula sa mga karanasan ko, na masyadong sagrado para ikuwento, na si Jesus ang Cristo.’

“Narinig kong nagpatotoo ang isa pa: ‘Alam ko na buhay ang Diyos; alam ko na buhay ang Panginoon. At higit pa riyan, kilala ko ang Panginoon.’

“Hindi ang mga salita nila ang nagtaglay ng kahulugan o kapangyarihan. Iyon ang Espiritu. ‘… sapagkat kapag ang isang tao ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nagdadala nito sa puso ng mga anak ng tao.’ (2 Ne. 33:1.)

“Buong pagpapakumbaba akong magsasalita tungkol sa paksang ito, na nadarama palagi na ako ang pinaka-hindi marapat sa lahat ng tinawag sa banal na tungkuling ito. …

“Ngayon, katulad ninyo ay nagtataka ako kung bakit dapat tawagin ang isang tulad ko sa banal na pagka-apostol. Kulang ako sa napakaraming kwalipikasyon. Napakarami pang dapat pagbutihin sa pagsisikap kong maglingkod. Habang pinagninilayan ko ito, isang bagay lang ang naisip ko, isang kwalipikasyon na puwedeng maging dahilan, at iyon ay, taglay ko ang patotoong iyon.

“Sinasabi ko sa inyo na alam ko na si Jesus ang Cristo. Alam ko na Siya ay buhay. Isinilang Siya sa kalagitnaan ng panahon. Itinuro Niya ang Kanyang ebanghelyo, nilitis, ipinako sa krus. Siya ay bumangon sa ikatlong araw. Siya ang unang bunga ng pagkabuhay na mag-uli. Mayroon Siyang katawan na may laman at buto. Ito ay aking pinapatotohanan. Ako ay Kanyang saksi” (“The Spirit Beareth Record,” Ensign, Hunyo 1971, 87–88).

Ibinahagi ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95) ang kanyang patotoo bilang apostol:

“Bilang inorden na Apostol at natatanging saksi ni Cristo, ibinibigay ko sa inyo ang aking taimtim na patotoo na si Jesucristo ay tunay na Anak ng Diyos. Siya ang Mesiyas na ipinropesiya at inasam ng mga propeta ng Lumang Tipan. Siya ang Pag-asa ng Israel, na ang pagdating ay ipinagdasal ng mga anak nina Abraham, Isaac, at Jacob sa loob ng maraming siglo kung saan idinikta ang uri ng pagsamba.

“Si Jesus ang Pinakamamahal na Anak na sumunod sa kalooban ng kanyang Ama sa pamamagitan ng pagpapabinyag kay Juan sa ilog ng Jordan. Tinukso Siya ng diyablo sa ilang ngunit hindi siya nagpatangay sa mga tukso. Ipinangaral Niya ang ebanghelyo, na siyang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan, at iniutos sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi at magpabinyag. Siya ay nagpatawad ng mga kasalanan, nagsasalita bilang nagtataglay ng awtoridad, at ipinakita Niya ang Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpapagaling sa lumpo at pilay at sa pagbibigay ng paningin sa bulag at pagpapagaling sa bingi. Ginawa Niyang alak ang tubig, pinayapa ang maalong tubig ng Galilea, at lumakad sa ibabaw ng tubig na iyon na para bang ito ay lupa. Nilito Niya ang masasamang pinuno na naghangad na patayin siya at nagdulot ng kapayapaan sa mga nababagabag na puso.

“Sa huli, siya ay nagdusa sa Halamanan ng Getsemani at namatay sa krus, inalay ang kanyang buhay na walang kasalanan bilang pantubos sa bawat tao na isinisilang sa mortalidad. Siya ay totoong bumangon mula sa mga patay sa ikatlong araw, at naging unang bunga ng pagkabuhay na mag-uli at nagtagumpay sa kamatayan.

“Ipinagpatuloy ng nabuhay na mag-uling Panginoon ang kanyang ministeryo ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapakita, sa pana-panahon, sa mga tao sa lupa na pinili ng Diyos na maging kanyang mga saksi, at sa paghahayag ng kanyang kalooban sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

“Nagpapatotoo ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Alam kong totoo si Cristo na para bang nakita ito ng sarili kong mga mata at narinig ng aking mga tainga. Alam ko rin na pagtitibayin ng Banal na Espiritu ang katotohanan ng aking patotoo sa puso ng lahat ng nakikinig nang may pananampalataya” (“An Apostle’s Witness of Christ,” Ensign, Ene. 1984, 70).

5.3

Hawak ng mga Apostol ang Lahat ng Susi ng Priesthood ng Kaharian ng Diyos

restoration of priesthood keys in Kirtland Temple

Ibinalik ng mga sugo mula sa langit ang mahahalagang susi ng priesthood. Ang mga susing ito ay hawak ng mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol.

© 1985 Robert Theodore Barrett. Huwag kopyahin

Nagpatotoo si Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan tungkol sa kahalagahan ng mga susi ng priesthood na hawak ng mga apostol:

“Nagpatotoo si Pablo sa mga Taga Efeso na si Cristo ang pinuno ng Kanyang Simbahan. At itinuro niya na itinayo ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at propeta na may hawak ng lahat ng susi ng priesthood. …

“Inasam ni Pablo ang ministeryo ni Propetang Joseph Smith, kung kailan muling mabubuksan ang kalangitan. Nangyari nga ito. Dumating si Juan Bautista at ipinagkaloob sa mga tao ang priesthood ni Aaron at ang mga susi ng paglilingkod ng mga anghel at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan.

“Bumalik ang mga sinaunang apostol at propeta at ipinagkaloob kay Joseph ang mga susing hawak nila noon sa mortalidad. Ang mga mortal na kalalakihan ay inorden sa banal na pagka-apostol noong Pebrero ng 1835. Ang mga susi ng priesthood ay ibinigay sa Labindalawang Apostol sa huling bahagi ng Marso 1844.

“Alam ni Propetang Joseph Smith na malapit na siyang mamatay. Alam niya na ang mahahalagang susi ng priesthood at ang pagka-apostol ay hindi dapat mawala at hindi na muling mawawala.

“Iniwan sa atin ng isa sa mga Apostol, si Wilford Woodruff, ang kuwentong ito tungkol sa nangyari sa Nauvoo nang magsalita ang Propeta sa Labindalawa:

“‘Noon tumayo si Propetang Joseph at sinabing: “Mga Kapatid, hangad ko sanang makitang naitayo na ang templong ito. Hindi ko na ito makikita, pero makikita ninyo ito. Naipagkaloob ko na sa inyong mga uluhan ang lahat ng susi ng kaharian ng Diyos. Naipagkaloob ko na sa inyo ang bawat susi, kapangyarihan, alituntunin na naihayag sa akin ng Diyos ng langit. Ngayon, saan man ako mapunta o anuman ang gawin ko, ang kinabukasan ng kaharian ay nakasalalay sa inyo.”’

“Bawat propeta na sumunod kay Joseph, mula kay Brigham Young hanggang sa [kasalukuyang Pangulo ng Simbahan], ay humawak at gumamit ng mga susing iyon at taglay ang sagradong pagka-apostol” (“Pananalig at mga Susi,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 27–28).

Joseph Smith ordaining Parley P. Pratt

Inordenan nina Propetang Joseph Smith, Oliver Cowdery, at David Whitmer si Parley P. Pratt bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol na tanging ang senior na Apostol sa lupa ang lubusang makagagamit sa mga susi ng priesthood sa pagka-apostol:

“Ang mga susi ng kaharian ng Diyos—ang karapatan at kapangyarihan ng walang-hanggang panguluhan na gamit sa pamamahala ng kaharian sa lupa—ang mga susing ito, na unang inihayag mula sa langit, ay ibinibigay sa pamamagitan ng diwa ng paghahayag sa bawat lalaki na kapwa inordenan bilang Apostol at itinalaga bilang miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa.

“Ngunit yamang ang mga susi ang karapatan sa panguluhan, magagamit lamang ito nang lubusan ng isang tao sa lupa sa bawat panahon. Palaging ang senior na Apostol, ang namumunong Apostol, ang namumunong high priest, ang namumunong elder. Siya lamang ang maaaring magbigay ng tagubilin sa lahat ng iba pa, mga tagubilin kung saan kabilang ang lahat.

“Dahil dito, ang mga susi, bagama’t ipinagkaloob sa lahat ng Labindalawa, ay magagamit nang limitado lamang ng sinuman sa kanila, hanggang sa makamit ng isa sa kanila ang seniority na iyon na magtutulot sa kanya na maging hinirang ng Panginoon sa lupa” (“The Keys of the Kingdom,” Ensign, Mayo 1983, 22–23; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang mga susing hawak ng Labindalawa bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ay nagbibigay sa kanila ng karapatan na isagawa ang mga tungkuling ibinigay sa kanila ng Pangulo ng Simbahan. Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972):

“Ang Labindalawang Apostol ay maaaring tumanggap ng paghahayag para gabayan sila sa kanilang mga gawain at tulungan sila sa pag-oorganisa ng priesthood at ng mga organisasyon ng Simbahan. Kapag ipinadala sila sa isang stake sa pamamagitan ng awtoridad, nasa kanila ang lahat ng kapangyarihan na tumanggap ng paghahayag, gumawa ng mga pagbabago, at pangasiwaan ang mga gawain nang naaayon sa kalooban ng Panginoon. Ngunit hindi sila tumatanggap ng mga paghahayag para patnubayan ang buong Simbahan, tanging sa isa sa kanila na maaaring humalili sa Panguluhan. Sa madaling salita ang karapatang tumanggap ng paghahayag at patnubay para sa buong Simbahan ay ipinagkakaloob sa bawat isa sa Labindalawa, na magagamit niya kapag siya ang humalili sa Panguluhan. Ngunit ang kapangyarihang ito ay hindi magagamit habang buhay ang Pangulo ng Simbahan” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie [1956], 3:157; idinagdag ang pagbibigay-diin).

5.4

Mga Tungkulin ng Labindalawang Apostol

Quorum of the Twelve Apostles, 1997

Ang Korum ng Labindalawang Apostol, 1997

“Ang labindalawang naglalakbay na tagapayo ay tinawag na maging Labindalawang Apostol, o mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig—sa gayon naiiba sa ibang mga pinuno ng simbahan sa mga tungkulin ng kanilang tawag. …

“Ang Labindalawa ay Naglalakbay na Namumunong Mataas na Kapulungan, na gaganap sa pangalan ng Panginoon, sa ilalim ng tagubilin ng Panguluhan ng Simbahan, sang-ayon sa pagkakatatag ng langit; upang itayo ang simbahan, at pamahalaan ang mga gawain ng nabanggit sa lahat ng bansa, una sa mga Gentil at pangalawa sa mga Judio.

“Ang Pitumpu ay kikilos sa pangalan ng Panginoon, sa ilalim ng tagubilin ng Labindalawa o ng naglalakbay na mataas na kapulungan, sa pagtatayo ng simbahan at pamamahala sa lahat ng gawain ng nabanggit sa lahat ng bansa, una sa mga Gentil at pagkatapos sa mga Judio;

“Ang Labindalawa bilang sinugo, humahawak ng mga susi, upang buksan ang pintuan sa pamamagitan ng pagpapahayag ng ebanghelyo ni Jesucristo, at una sa mga Gentil at pagkatapos sa mga Judio. …

“Tungkulin ng Labindalawa, rin, na ordenan at isaayos ang lahat ng iba pang mga pinuno ng Simbahan, naaayon sa paghahayag” (D at T 107:23, 33–35, 58).

Binanggit ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa mga tungkulin ng mga Apostol:

“Inihayag ng Panginoon kung bakit ‘pinagkalooban Niya ang mga iba na maging mga apostol; at ang mga iba’y propeta.’ Ito ay sa ‘ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo:

“‘Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios’ [Mga Taga Efeso 4:11–13].

“Sa gayon ang ministeryo ng mga Apostol—Ang Unang Panguluhan at ang Labindalawa—ay isakatuparan ang pagkakaisang iyon ng pananampalataya at ipahayag ang ating kaalaman tungkol sa Panginoon. Ang ating ministeryo ay pagpalain ang buhay ng lahat ng makaaalam at makasusunod sa ‘higit na mabuting paraan’ ng Panginoon [I Mga Taga Corinto 12:31; Eter 12:11]. At tungkulin nating tulungan ang mga tao na maghanda para sa kanilang potensyal na kaligtasan at kadakilaan” (“Kaligtasan at Kadakilaan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 7–8).

Inilahad ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang mga pangunahing tungkulin ng mga Apostol sa ganitong paraan:

“Ang Unang Panguluhan at Kapulungan ng Labindalawang Apostol, na tinawag at inordenan na humawak ng mga susi ng priesthood, ay may awtoridad at responsibilidad na pamahalaan ang Simbahan, pangasiwaan ang mga ordenansa nito, linawin ang doktrina nito, at itatag at panatilihin ang mga gawain nito. Bawat lalaking inordenan bilang Apostol at itinalaga bilang miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa ay sinasang-ayunan bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag” (“God Is at the Helm,” Ensign, Mayo 1994, 54; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Pagkatapos piliin at ordenan ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa, ibinigay ni Pangulong Oliver Cowdery (1806–50), na noon ay Assistant sa Pangulo ng Simbahan, ang sumusunod na utos:

“Kayo ay inorden sa banal na Priesthood na ito, tinanggap ninyo ito mula sa mga taong tumanggap ng kapangyarihan at awtoridad mula sa isang anghel; ipapangaral ninyo ang Ebanghelyo sa bawat bansa. Kung sa anumang antas ay hindi ninyo magampanan ang inyong tungkulin, kayo ay isusumpa; sapagkat kapag mas mataas ang tungkulin ay mas malaki ang paglabag. Kaya binabalaan ko kayo na maging magpakumbaba; dahil alam ko ang kapalaluan ng puso ng tao. Mag-ingat, baka lumaki ang ulo ninyo sa pambobola ng mga tao; mag-ingat, baka matuon ang inyong mga hangarin sa mga bagay na makamundo. Unahin ang inyong ministeryo. Tandaan, ang mga kaluluwa ng tao ay ipinagkatiwala sa inyo; at kung palagi ninyong isasaisip ang inyong tungkulin, kayo ay palaging magiging masagana.

“… Kailangang makatanggap kayo mismo ng patotoo mula sa langit. …

“… Palakasin ang inyong pananampalataya; iwaksi ang inyong mga pag-aalinlangan, inyong mga kasalanan, at lahat ng inyong kawalan ng paniniwala; at walang makahahadlang sa paglapit ninyo sa Diyos. Ang inyong ordenasyon ay hindi ganap at kumpleto hangga’t hindi kayo inaaprubahan ng Diyos. Kailangang maging karapat-dapat tayo tulad ng mga nauna sa atin; ang Diyos ay hindi nagbabago. Kung ipinatong ng Tagapagligtas ang Kanyang mga kamay sa ulo ng Kanyang mga disipulo, bakit hindi Niya ito gagawin sa mga huling araw?

“… Kayo ay iisa; kayo ay pantay-pantay sa pagdadala ng mga susi ng Kaharian sa lahat ng bansa. Kayo ay tinawag na ipangaral ang Ebanghelyo ng Anak ng Diyos sa mga bansa ng daigdig; ito ang kalooban ng inyong Ama sa langit, na ipangaral ninyo ang Kanyang Ebanghelyo sa mga dulo ng mundo at sa mga isla ng karagatan.

“Maging masigasig sa pagliligtas ng mga kaluluwa. Ang kaluluwa ng isang tao ay kasing-halaga ng kaluluwa ng isa pa. … Noon pa man ay hangad na ng kaaway ang buhay ng mga tagapaglingkod ng Diyos; kaya nga ihahanda kayo sa lahat ng pagkakataon upang isakripisyo ang inyong buhay, sakaling kailanganin ito ng Diyos sa pagsusulong at pagtatayo ng Kanyang layunin. Huwag magreklamo sa Diyos. Maging mapanalangin; maging mapagmasid. …

“… Hinihikayat namin kayo ngayon na maging tapat sa pagganap ng inyong tungkulin; hindi dapat magkulang dito; kailangang tuparin ninyo ang lahat ng bagay; … lahat ng bansa ay nakaasa sa inyo; kayo ay dapat magkaisa gaya ng Tatlong Saksi noon; bagama’t palagi kayong maghihiwa-hiwalay at muling magsasama-sama, hanggang sa tumanda kayo” (sa History of the Church, 2:195–96, 198; idinagdag ang pagbibigay-diin).

5.5

Isinusugo ang mga Apostol Upang Itayo ang Kaharian ng Diyos sa Iba’t Ibang Dako ng Daigdig

Christ instructing Apostles to teach all nations

Ipinaliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang ibig sabihin ng salitang apostol:

“Ang literal na kahulugan ng salitang apostol, ay ‘isang sugo.’ Kung ang kahulugang iyan ay magsasaad na ‘isang sugo na may partikular na awtoridad at responsibilidad,’ mas angkop nitong ilalarawan ang tungkulin nang ibigay ito noong panahong narito pa sa mundo ang ating Panginoon, at gaya nang ibigay ito sa ating panahon” (“Special Witnesses for Christ,” Ensign, Mayo 1984, 50; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ipinaliwanag ni Pangulong Brigham Young (1801–77) na ang pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa iba’t ibang dako ng daigdig ay tungkulin ng isang apostol:

“Ang tungkulin ng isang Apostol ay itayo ang Kaharian ng Diyos sa buong daigdig; ang Apostol ang siyang humahawak sa mga susi ng kapangyarihang ito, at walang nang iba pa. Kapag ginagampanang mabuti ng isang Apostol ang kanyang tungkulin, siya ang salita ng Panginoon sa kanyang mga tao sa lahat ng oras” (Discourses of Brigham Young, sel. John A. Widtsoe [1954], 139; idinagdag ang pagbibigay-diin; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 157).

Itinuro ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga responsibilidad ng mga Apostol ang naghahatid sa kanila sa iba’t ibang dako ng mundo:

“Ang Apostol ngayon ay patuloy pa rin sa pagiging ‘sugo.’ Kakaiba ang mga kalagayan natin kaysa sa naunang mga Kapatid sa mga paglalakbay natin para tumupad sa ating mga tungkulin. Lubhang kakaiba ang paraan ng paglalakbay natin sa lahat ng sulok ng daigdig kaysa sa naunang mga Kapatid. Gayunman, ang ating tungkulin ay katulad pa rin ng ibinigay ng Tagapagligtas nang pagbilinan Niya ang tinawag Niyang Labindalawa na ‘dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako’y sumasainyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan’ (Mateo 28:19–20)” (“Ano ang Korum?” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 24).

Ikinuwento ni Elder Bruce C. Hafen ng Pitumpu ang mga paglalakbay sa iba’t ibang dako ng mundo ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol sa loob ng isang taon:

“Bagama’t pabagu-bago ang mga assignment ng bawat indibidwal sa isang taon, lalong nadarama ng bawat Apostol ang paglilingkod sa buong Simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo, niyayakap hindi lamang ang lahat ng programa ng Simbahan kundi ang lahat din ng kontinente at lahat ng tao. Narito ang paglalarawan ng opisyal na listahan ng mga kumperensya at mga espesyal na meeting assignment ni Elder Maxwell para sa taong 1993 [tingnan sa kalakip na chart]. …

“Maraming mahahalagang assignment ang narito, sa iba’t ibang dako ng mundo sa loob ng isang taon—kabilang ang mainland China at Mongolia. Gayunman, tipikal ito sa pattern na sinusunod ng lahat ng Labindalawa” (A Disciple’s Life: The Biography of Neal A. Maxwell [2002], 458–59).

Mga Kumperensya at Espesyal na Meeting Assignment ni Elder Neal A. Maxwell: 1993

Petsa

Lugar

Assignment

Enero 30

Manti, Utah

Stake Conference

Pebrero 13

Provo, Utah

Regional Conference (BYU married stake)

Pebrero 20

Salt Lake City

Dedikasyon ng Cathedral of the Madeleine

Pebrero 27

El Paso, Texas

Stake Conference

Marso 6

Hermosillo, Mexico

Regional Conference

Marso 13

Toronto, Canada

Stake Conference

Abril 9–19

Mongolia at Beijing, China

Ilaan ang Mongolia, bisitahin ang mga Chinese official

Abril 25–26

San Diego, California

Dedikasyon ng San Diego Temple

Mayo 1

Ogden, Utah

Regional Conference

Mayo 22

Paris, France

Stake Conference

Hunyo 12

Twin Falls, Idaho

Regional Conference

Hunyo 19

Springville, Utah

Stake Reorganization

Hulyo 4

Provo, Utah

Freedom Festival

Agosto 22

Salt Lake City

Training ng mga bagong stake president ng Utah North Area

Agosto 28

Nyssa, Oregon

Stake Conference

Setyembre 11

Montreal, Canada

Regional Conference

Oktubre 16

Raleigh, North Carolina

Regional Conference

Oktubre 23

Hattiesburg, Mississippi

Regional Conference

Nobyembre 6

Tokyo, Japan

Mission Presidents’ Seminar, Area training

Nobyembre 13

Seoul, Korea

Area training

Nobyembre 17

Hong Kong

Area training

Nobyembre 20

Manila, Philippines

Mission Presidents’ Seminar, Area training

Disyembre 4

Chicago, Illinois

Miting ng mga worker sa Chicago Temple

(Bruce C. Hafen, A Disciple’s Life: The Biography of Neal A. Maxwell [2002], 459.)

Kung minsan ay inaatasan ng Unang Panguluhan ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na panandaliang pangasiwaan ang gawain ng Simbahan sa partikular na mga lugar sa daigdig. Bagama’t dahil sa mga pag-unlad sa transportasyon at teknolohiya sa komunikasyon ay napapamahalaan ng mga Apostol ang mga rehiyong ito mula sa headquarters ng Simbahan sa Estados Unidos, may mga pagkakataon na nanirahan sila sa ibang mga bansa. Halimbawa, sina Elder Dallin H. Oaks at Elder Jeffrey R. Holland ay naglingkod bilang mga Area President at tumira sa Pilipinas at sa Chile, mula 2002 hanggang 2004, at si Elder L. Tom Perry ay naglingkod bilang Area President habang naninirahan sa gitnang Europa mula 2004 hanggang 2005.

Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang tungkol sa responsibilidad ng mga Apostol na maglingkod sa mga naninirahan sa daigdig:

“Isa sa kanilang pangunahing responsibilidad ay isulong ang gawain ng Diyos sa lupa. Kailangan nilang alalahanin ang kapakanan ng mga anak ng ating Ama, kapwa ang mga miyembro at mga hindi miyembro ng Simbahan. Kailangan nilang gawin ang lahat para mapanatag ang mga nagdadalamhati, palakasin ang mahihina, hikayatin ang mga pinanghihinaan ng loob, kaibiganin ang mga walang kaibigan, pangalagaan ang mga dukha, basbasan ang mga maysakit, magpatotoo, hindi dahil sa paniniwala kundi dahil sa tiyak na kaalaman tungkol sa Anak ng Diyos, na kanilang Kaibigan at Panginoon, na kanilang pinaglilingkuran” (“Special Witnesses for Christ,” 49–50).

President Thomas S. Monson in Tonga, 1965

Binisita ni Pangulong Thomas S. Monson ang Tongan mission noong 1965. Dahil sa paglalakbay nila sa maraming lugar, ang mga Apostol ay naging pamilyar sa mga pangangailangan ng Simbahan sa buong mundo.

5.6

Hawak ng mga Apostol ang mga Susi para Buksan ang Pangangaral ng Ebanghelyo sa mga Bansa

Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–44) na ang Labindalawang Apostol “ang mayhawak ng mga susi ng ministeryong ito, upang magbukas ng pintuan ng Kaharian ng langit sa lahat ng bansa, at ipangaral ang Ebanghelyo sa bawat nilikha. Ito ang kapangyarihan, awtoridad, at dangal ng kanilang pagiging apostol” (sa History of the Church, 2:200; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 164).

Ang Labindalawa, sa ilalim ng patnubay ng Unang Panguluhan, ang “nagbubukas ng mga pintuan” sa gawaing misyonero sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga opisyal ng gobyerno at iba pang mga lider ng bansa. Gamit din nila ang kapangyarihan ng priesthood para ilaan at muling ilaan ang mga lupain para sa pangangaral ng ebanghelyo. Ipinaliwanag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):

Ang pagtuturo ng ebanghelyo sa mga bansa ng mundo ay nangyayari lamang kapag inilaan ng isang miyembro ng Unang Panguluhan o ng Labindalawa ang lupain para sa gayong layunin. Ang Simbahan ay kumikilos ayon sa mga batas ng bawat bansa upang matiyak na ang mga ginagawa ng Simbahan ay hindi salungat sa batas o mga kaugalian ng bansang iyon. Hindi tayo nagtuturo kapag ipinagbabawal ng mga batas ng bansang iyon ang gawaing ito” (“150th Year for Twelve: ‘Witnesses to All the World,’” Church News, Ene. 27, 1985, 3; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ibinahagi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang karanasan ng kanyang lolo gamit ang mga susi ng pagka-apostol para ilaan ang South America noong 1925:

“Binisita ni Elder Parley P. Pratt ang South America noong 1851. Muli itong sinubukang gawin noong 1925. Sa Araw ng Pasko noong 1925, sa parke ng Tres de Febrero sa Buenos Aires, Argentina, inilaan ng lolo kong si Elder Melvin J. Ballard, ang South America para sa pangangaral ng ebanghelyo. Babanggit ako mula sa panalangin ng paglalaan:

“‘Basbasan po Ninyo ang mga pangulo, gobernador, at ang mga namumunong opisyal ng mga bansang ito sa South America, na malugod nila kaming tanggapin at pahintulutan kaming buksan ang mga pinto ng kaligtasan sa mga mamamayan ng mga lupaing ito. …

“‘At ngayon, o, Ama, sa awtoridad ng pagpapala at pagtalaga ng Pangulo ng Simbahan, at sa awtoridad ng banal na pagka-apostol na nasa akin, ipinipihit ko ang susi, inaalis ang pagkaka-kandado, at binubuksan ang pinto para sa pangangaral ng Ebanghelyo sa lahat ng mga bansang ito sa South America, at sinasaway at inuutusan kong matigil ang bawat kapangyarihan na sasalungat sa pangangaral ng Ebanghelyo sa mga lupaing ito; at aming pinagpapala at inilalaan ang mga bansang ito para sa pangangaral ng Inyong Ebanghelyo. At ginagawa namin ang lahat ng ito upang ang kaligtasan ay dumating sa lahat ng tao, at upang ang Inyong pangalan ay igalang at luwalhatiin sa bahaging ito ng lapain ng Sion’ (Crusader for Righteousness [Salt Lake City: Bookcraft, 1966], p. 81; idinagdag ang italics)” (“The Kingdom Rolls Forth in South America,” Ensign, Mayo 1986, 12).

5.7

Ang Korum ng Labindalawang Apostol ay Nagkakaisa sa Kanilang mga Desisyon

Quorum of the Twelve Apostles, 1984

Ang Korum ng Labindalawang Apostol, 1984

Upang maituro kung paano nakakamit ang pagkakaisa sa namumunong mga kapulungan ng Simbahan, ipinaliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Masasabi ko nang pinakamainam sa inyo kung paano kayo pinamamahalaan ngayon … sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa mga alituntunin at pamamaraan na sinusunod namin sa mga pulong ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Pinoprotektahan ng mga pamamaraang ito ang gawain mula sa mga kahinaan ng bawat tao na malinaw na nakikita sa ating lahat.

“Kapag may isang bagay na inilahad sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawang Apostol sa pulong sa templo, ang isang bagay na kaagad pinagpapasiyahan ay kung mabigat ba ang ibubunga nito o hindi. Ang isa o ang iba pa sa amin ay makikita sa tila magandang mungkahi ang mga bagay na may malaki o walang katapusang ibubunga.

“Malinaw sa mga paghahayag na ang mga desisyon ng mga namumunong korum ‘ay kinakailangang sa pamamagitan ng nagkakaisang tinig ng naturan. … Maliban kung ito ang kalagayan, ang kanilang mga pasiya ay walang karapatan sa gayunding mga pagpapala’ (D at T 107:27, 29). Upang matiyak na ganito ang mangyayari, ang mahahalagang bagay ay bihirang mapagpasiyahan sa pulong kung saan ito iminungkahi. At, kung ang mungkahi ay bahagi ng mas malaking isyu, kailangan ang sapat na oras para ‘magkasama-sama kaming lahat’ para malinaw na bawat isa sa amin ay may malinaw na pagkaunawa tungkol sa isyu o, gaya ng kadalasang nangyayari, may napakalinaw na damdamin tungkol dito. …

“Mahirap isipin na sadyang ilalahad ang isang isyu sa paraan na ang pag-apruba ay nakabatay sa kung paano ito minanipula, kung sino ang naglahad nito, o kung sino ang naroon o sino ang wala nang ilahad ito.

“Kadalasan ang isa sa amin o mahigit pa ay wala sa mga regular na pulong. Alam naming lahat na kailangang ipagpatuloy ang gawain at tatanggapin namin ang pasiya o hatol ng aming mga kapatid. Gayunman, kung ang isang bagay ay napag-aralan nang mas detalyado ng isa sa mga miyembro ng Korum kaysa sa iba o mas pamilyar siya dito dahil sa naging assignment niya, karanasan, o personal na interes, ang bagay na iyon ay kadalasang ipinagpapaliban hanggang sa makasama siya sa talakayan.

“At, sa tuwina, kung hindi maunawaan ng isa sa amin ang isang isyu o hindi maganda ang pakiramdam niya tungkol dito, ipinagpapaliban ito para pag-usapan sa mga darating na araw.

“Naaalala ko na may mga pagkakataon na may pinapunta sa ospital para talakayin sa isang miyembro ng Kapulungan na maysakit ang ilang bagay na kailangan nang pagpasiyahan at hindi na maaaring ipagpaliban pa at kailangan na ang ‘nagkakaisang tinig.’ May mga pagkakataon din na kung saan umaalis sandali sa pulong ang isa sa amin para tawagan ang isang kasama namin na nasa ibang bansa para malaman ang kanyang damdamin ukol sa bagay na pinag-uusapan.

“May sinusunod kaming patakaran: Hindi nalulutas ang isang bagay hangga’t walang minute entry o rekord ng pulong na magpapatunay na ang lahat ng Kapatid na nagtipon (hindi isa lamang sa amin, hindi lamang isang komite) ay nagkakaisa sa damdamin. Ang pag-apruba sa isang bagay ay hindi itinuturing na awtoridad para kumilos hangga’t hindi naitatala ang ipinasyang gawin sa rekord ng pulong—karaniwan kapag naaprubahan ang minutes o katitikan sa susunod na pulong.

“Kung minsan dahil sa karagdagan ay may isa sa amin na nababalisa tungkol sa isang desisyon. Hindi iyan ipinagwawalang-bahala. Hindi maaaring ipagpalagay na ang pagkabalisa ay hindi na Diwa ng Paghahayag.

“Ganyan kaming kumikilos—kapag nakatipon sa kapulungan. Iyan ay nagdudulot ng kaligtasan para sa Simbahan at malaking kapanatagan sa bawat isa sa amin na personal na mananagot dito. Sa ilalim ng plano, ang kalalakihan na may pangkaraniwang kakayahan ay maaaring magabayan sa pamamagitan ng payo at inspirasyon upang maisagawa ang mga di-karaniwang bagay” (“I Say unto You, Be One” [Brigham Young University devotional, Peb. 12, 1991], 3–4, speeches.byu.edu; idinagdag ang pagbibigay-diin).

President Hunter, Elder Holland, President Faust

Masayang magkakasama sina Pangulong Howard W. Hunter, Elder Jeffrey R. Holland, at Pangulong James E. Faust

Ipinaliwanag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan kung bakit napakahalaga ng pagkakaisa:

Ang pangangailangang ito sa pagkakaisa ay nakatutulong para makontrol ang pagkiling at kakaibang mga pag-uugali ng isang tao. Tinitiyak nito na ang Diyos ang nangingibabaw sa pamamagitan ng Espiritu, hindi ang nakararaming tao o dahil sa kompromiso. Tinitiyak nito na nakatuon ang lahat ng kaalaman at kasanayan sa isang isyu bago pa matanggap ang malalim at, hindi mapag-aalinlanganang impresyon tungkol sa inihayag na patnubay. Maiiwasan nito na mangibabaw ang mga kahinaan ng tao” (“Continuous Revelation,” Ensign, Nob. 1989, 10; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang mga kalalakihang naglilingkod sa Korum ng Labindalawa ay mga lalaking may mahuhusay na opinyon at magkakaiba ng pinagmulan. Gayon pa man, napansin ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang kawalan ng pagtatalo o pagkapoot sa pagitan ng mga kapatid:

“Anumang mahalagang usapin tungkol sa patakaran, mga pamamaraan, programa, o doktrina ay pinag-iisipan nang taimtim at nang may panalangin ng Unang Panguluhan kasama ang Labindalawa. Ang dalawang korum na ito, ang Korum ng Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawa, ay nagpupulong, na bawat miyembro ay may lubos na kalayaang ipahayag ang kanyang saloobin, na pinag-iisipan ang bawat mahalagang tanong. …

“At muli kong babanggitin … ang salita ng Panginoon: ‘At bawat pagpapasiyang gagawin ng alinman sa mga korum na ito ay kinakailangang sa pamamagitan ng nagkakaisang tinig ng naturan; na, bawat kasapi sa bawat korum ay kinakailangang sumang-ayon sa mga pasiya nito, upang magawa ang kanilang pagpapasiya sa gayon ding kapangyarihan o bisa sa isa’t isa’ (D at T 107:27).

Walang mangyayaring desisyon nang hindi lubos na pinagkaisahan ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa. Sa simula ng pag-uusap tungkol sa mga bagay-bagay, maaaring may mga pagkakaiba ng opinyon. Asahan ninyo iyan. Ang kalalakihang ito ay iba’t iba ang pinagmulan. Sila ay kalalakihang nag-iisip para sa kanilang sarili. Ngunit bago marating ang huling pasiya, nagkakaisa ang kanilang isipan at opinyon.

“Asahan ninyo ito kung sinusunod ang inihayag na salita ng Panginoon. Muli akong magbabanggit mula sa paghahayag:

“‘Ang mga pasiya ng mga korum na ito, o ng isa sa kanila, ay isasagawa nang buong kabutihan, sa kabanalan, at kababaan ng puso, kaamuan at mahabang pagtitiis, at sa pananampalataya, at kabaitan, at kaalaman, kahinahunan, pagtitiis, pagka-maka-diyos, pagmamahal pangkapatid at pag-ibig sa kapwa tao;

“‘Dahil ang pangako ay, kung ang mga bagay na ito ay nananagana sa kanila sila ay hindi magiging di mabunga sa kaalaman ng Panginoon’ (D at T 107:30–31).

“Idaragdag ko bilang personal na patotoo na sa loob ng dalawampung taon na naglingkod ako bilang miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa at sa halos labingtatlong taon na naglingkod ako sa Unang Panguluhan, wala kaming ginawang malaking hakbang kailanman nang hindi sinusunod ang pamamaraang ito. Nakita ko ang paglalahad ng magkakaibang opinyon na masusing pinag-isipan. Sa prosesong ito mismo ng pag-uusap-usap ng mga tao tungkol sa kanilang iniisip at nadarama dumarating ang pagsasala at pagsusuri ng mga ideya at konsepto. Ngunit wala akong napansing matinding pagtatalo o personal na alitan kailanman sa aking mga Kapatid. Sa halip, napansin ko ang isang maganda at kagila-gilalas na bagay—ang pagsasama-sama, sa ilalim ng impluwensya ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan ng paghahayag, ng magkakaibang pananaw hanggang sa magkaroon ng lubos na pagkakaisa at pagkakasundo. Sa puntong iyon lamang ginagawa ang pagpapatupad. Pinatototohanan ko na kinakatawan niyan ang diwa ng paghahayag na paulit-ulit na ipinamamalas sa pamamahala sa gawaing ito ng Panginoon” (“God Is at the Helm,” Ensign, Mayo 1994, 54, 59; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Mahahalagang Bagay na Pag-iisipan

  • Sa paanong mga paraan naiiba ang mga responsibilidad ng isang Apostol sa iba pang mga awtoridad ng Simbahan?

  • Anong mga susi ng priesthood ang hawak ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol? Paano ka napagpala ng mga susing iyon at ang iyong pamilya?

  • Paano tayo tinutulungan ng mga Apostol na huwag nang “napapahapay dito’t doon, at dinadala sa magkabikabila ng lahat ng hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan”? (tingnan sa Mga Taga Efeso 4:11–14).

  • Ano ang responsibilidad ng mga miyembro ng Simbahan para magkaisa sa pagsunod sa Labindalawang Apostol at sa Unang Panguluhan? Ano ang mga obligasyon natin kung matuklasan natin na hindi tayo lubusang nakaayon sa kanila?

Mga Iminungkahing Assignment

  • Sa isang papel o sa journal, maikling isulat ang tungkulin at mga responsibilidad ng Korum ng Labindalawang Apostol na itinuro sa lesson na ito.

  • Sa isang papel o sa journal, itala ang mga karanasan mo nang mabigyan ka ng kapanatagan, patnubay, o espirituwal na kaalaman ng mga salita ng mga Apostol.

  • Sa isang family home evening o talakayan, ibahagi ang natutuhan mo habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito.