Institute
Kabanata 6: Pangkalahatang Kumperensya


Kabanata 6

Pangkalahatang Kumperensya

Pambungad

Tinagubilinan ng Panginoon si Propetang Joseph Smith (1805–44) na “ang ilang Elder na bumubuo sa simbahang ito ni Cristo ay magtitipun-tipon sa isang pagpupulong … sa pana-panahon” para pangasiwaan ang “anumang gawain sa simbahan na kinakailangang gawin sa panahong yaon” (D at T 20:61–62). Dalawang buwan pagkatapos maorganisa ang Simbahan, idinaos ang unang kumperensya noong Hunyo 9, 1830. Itinala ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod hinggil sa unang kumperensyang ito: “Nasa tatlumpu ang bilang namin na naroon, kasama na ang mga taong naniniwala o sabik na matuto. Matapos umawit at manalangin, magkakasama kaming tumanggap ng mga simbolo ng katawan at dugo ng ating Panginoong Jesucristo. Pagkatapos ay kinumpirma namin ang mga kabibinyag pa lamang, at matapos ito tumawag kami at nag-orden ng ilan pa sa iba’t ibang katungkulan sa Priesthood. Maraming payo at tagubilin ang ibinigay sa amin, at napuspos kami ng Espiritu Santo sa mahimalang paraan—nagpropesiya ang marami sa amin, samantalang nakita ng iba na nabuksan ang kalangitan” (sa History of the Church, 1:84–85).

Tulad noong 1830, ang mga pangkalahatang kumperensya ay patuloy na nagbigay ng “maraming payo at tagubilin” at “ibinuhos ang Espiritu Santo” sa mga sagradong pagpupulong na ito. Binibigyang-diin ng kabanatang ito ang mga layunin ng pangkalahatang kumperensya ng Simbahan at ang tungkulin nating tanggapin ang mga payo at babala ng mga tagapaglingkod ng Panginoon. Sa pag-aaral mo ng kabanatang ito, suriin ang iyong kasalukuyang saloobin tungkol sa pangkalahatang kumperensya at kung ano ang maaari mong gawin para tumanggap ng mas matinding espirituwal na pagpapanibago at personal na mga tagubilin mula sa mga mensahe ng mga lider ng Simbahan.

Komentaryo

6.1

Ang mga Layunin ng Pangkalahatang Kumperensya

the Conference Center

Ang Conference Center sa Salt Lake City, Utah

Ibinuod ni Pangulong David O. McKay (1873–1970) ang mga layunin ng pangkalahatang kumperensya:

“(1) Ipaalam sa mga miyembro ang pangkalahatang kalagayan—kung umuunlad ba o hindi sa ekonomiya, sa gawaing pansimbahan, o sa espirituwal ang Simbahan. (2) Papurihan ang mga karapat-dapat. (3) Magpasalamat sa patnubay ng Diyos. (4) Magbigay ng tagubilin ‘sa alituntunin, doktrina, sa batas ng ebanghelyo.’ (5) Ihayag ang pagpapanumbalik, nang may banal na awtoridad na mangasiwa sa lahat ng ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo, at ipahayag, gaya ng binanggit ni Apostol Pedro, na ‘walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao’ maliban kay Jesucristo ‘na sukat nating ikaligtas.’ (Mga Gawa 4:12.) (6) Hikayatin at bigyang-inspirasyon para magpatuloy sa mas dakilang gawain” (sa Conference Report, Okt. 1954, 7).

6.2

Ang Pangkalahatang Kumperensya ay Nagbibigay ng Pagkakataon para sa Espirituwal na Pagpapanibago

Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95) na ang pangkalahatang kumperensya ay panahon ng pagpapalakas ng ating patotoo at pasiyang pagbutihin ang buhay natin:

Ang kumperensya ay panahon ng espirituwal na pagpapanibago kung saan lumalawak at lumalakas ang ating kaalaman at patotoo na buhay ang Diyos at pinagpapala ang mga taong matapat. Panahon ito kung kailan ang pag-unawa na si Jesus ang Cristo, ang anak ng Diyos na buhay, ay tumitimo sa puso ng mga taong may determinasyong paglingkuran siya at sundin ang kanyang mga kautusan. Ang kumperensya ay panahon kung kailan tayo binibigyan ng ating mga lider ng inspiradong patnubay tungkol sa pamumuhay natin—isang panahon kung kailan naaantig ang mga kaluluwa at nagpapasiya ang mga tao na maging mas mabuting asawa, ama at ina, mas masunuring anak, mas mabuting kaibigan at kapitbahay” (“Conference Time,” Ensign, Nob. 1981, 12; idinagdag ang pagbibigay-diin).

the iron rod

Ang gabay na bakal—ang salita ng Diyos—ang nagdadala sa atin sa kaligtasan sa gitna ng mga abu-abo ng kadiliman.

Sa huling sesyon ng pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2006, ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na mahalagang makinig sa tinig ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod para espirituwal na maligtas mula sa dalang panganib at paghihirap ng panahong ito:

“Magulo at mahirap ang ating panahon. May mga digmaan sa buong mundo at kahirapan sa ating sariling bansa. May mga hinanakit at kalungkutan sa pamilya ang ating mga kapitbahay. Maraming iba’t ibang uri ng takot at problema ang dinaranas ng maraming tao. Ipinaaalala nito sa atin na kapag nilalamon ng kadilimang iyon ang mga naglalakbay sa pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay, sakop nito ang lahat ng kasali—ang matwid at di-matwid, bata at matanda, bagong binyag at matagal nang miyembro. Sa talinghagang iyon ang lahat ay nahaharap sa oposisyon at pasakit, at tanging ang gabay na bakal—ang ipinahayag na salita ng Diyos—ang magdadala sa kanila sa kaligtasan. Kailangan nating lahat ang gabay na iyon. Kailangan nating lahat ang salitang iyon. Walang sinumang ligtas kung wala ito, dahil kung wala ito sinuman ay ‘[mahuhulog] patungo sa mga ipinagbabawal na landas at [mangangawala],’ ayon sa tala [1 Nephi 8:28; tingnan din sa mga talata 23–24]. Lubos ang aming pasasalamat na marinig ang tinig ng Diyos at madama ang lakas ng gabay na bakal na iyon sa kumperensyang ito na dalawang araw na ngayon” (“Mga Propetang Naritong Muli sa Lupa,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 104–05; idinagdag ang pagbibigay-diin).

6.3

Ang mga Salita ng mga Propeta sa Pangkalahatang Kumperensya na Ibinigay sa pamamagitan ng Espiritu ay mga Banal na Kasulatan sa mga Huling Araw

President Monson speaking

Si Pangulong Thomas S. Monson na nagsasalita sa pangkalahatang kumperensya

Ang banal na kasulatan ay kaisipan at kalooban ng Diyos na inihayag sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod (tingnan sa D at T 68: 4). Ipinahayag ni Apostol Pedro, “Hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula [propesiya] kailanman: kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Dios, na nangaudyokan ng Espiritu Santo” (II Ni Pedro 1:21). Ang mga banal na kasulatang iyon ay isinulat at iningatan sa pamantayang aklat ng mga banal na kasulatan bilang isang mamahaling hiyas ng walang-hanggang katotohanan. Gayunman, hindi lamang ang pamantayang aklat ng mga banal na kasulatan ang pinagmumulan ng banal na kasulatan. Tinukoy ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kaugnayan ng pamantayang aklat ng mga banal na kasulatan [standard works] at salita ng mga buhay na propeta:

“Napapaloob sa Standard Works ng Simbahan ang mga nakasulat na doktrina ng Simbahan. Gayunpaman, handang tumanggap ang Simbahan ng karagdagang liwanag at kaalaman na ‘nauukol sa Kaharian ng Diyos’ sa pamamagitan ng banal na paghahayag. Naniniwala kami na tulad noon nais ng Diyos na ihayag ang Kanyang isipan at kalooban sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang mga hinirang na tagapaglingkod—ang mga propeta, tagakita at tagapaghayag—na binigyan ng kapangyarihan sa pamamagitan ng ordinasyon lakip ang awtoridad ng Banal na Priesthood. Kaya nga umaasa tayo sa mga turo ng mga buhay na propeta ng Diyos gaya ng nasusulat na mga doktrina” (Articles of Faith [1968], 7; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Nagturo si Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) ng tungkol sa mga banal na kasulatan sa mga huling araw:

“Kapag tumayo ang isa sa mga kapatid sa harapan ng kongregasyon ng mga tao sa panahong ito, at ang inspirasyon ng Panginoon ay nasa kanya, sinasabi niya ang nais ng Panginoon na sabihin niya. Tulad rin ito ng mga banal na kasulatan na matatagpuan ninyo na nakasulat sa alinman sa mga talaang ito, at tinatawag natin itong standard works ng Simbahan. Umaasa tayo, mangyari pa, sa patnubay ng mga kapatid na tumatanggap ng inspirasyon.

“Sa bawat panahon, isang lalaki lamang sa Simbahan ang may karapatang magpahayag para sa Simbahan, at siya ang Pangulo ng Simbahan. Ngunit walang nagbabawal sa iba pang miyembro ng Simbahang ito na mangusap ng mga salita ng Panginoon, tulad ng nakasaad sa paghahayag na ito, sa bahagi 68 [tingnan sa D at T 68:2–6], ngunit ang paghahayag na ibibigay gaya ng mga paghahayag na ito na ibinigay sa aklat na ito, ay magmumula sa namumunong opisyal ng Simbahan; gayunman, ang salita ng Panginoon, na inihayag ng iba pang mga tagapaglingkod sa pangkalahatang kumperensya at stake conference, o saanman sila naroon at kapag ipinahayag nila ang nais ng Panginoon na sabihin nila, tulad din ito ng mga salita ng Panginoon na nasusulat at nasabi ng iba pang mga propeta sa iba pang dispensasyon” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie [1954], 1:186).

Ipinaliwanag ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. (1871–1961) na dapat tayong maging karapat-dapat at tumanggap ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo para malaman kung kailan nagsasalita ang mga Kapatid sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo:

“Ang tanong ay, paano natin malalaman kung kailan nila nasabi ang mga bagay na sinabi nila habang sila ay ‘pinakikilos ng Espiritu Santo’? [D at T 68:3].

“Pinag-isipan ko ang tanong na ito, at sa palagay ko ang sagot dito ay: Matutukoy natin kapag ang mga nagsasalita ay ‘pinakikilos ng Espiritu Santo’ kung tayo rin mismo, ay ‘pinakikilos ng Espiritu Santo.’

“Sa isang banda, responsibilidad rin natin na malaman kung kailan nangyayari ito” (“When Are Church Leaders’ Words Entitled to Claim of Scripture?” Church News, Hulyo 31, 1954, 9; idinagdag ang pagbibigay-diin; tingnan din sa II Ni Pedro 1:20–21).

Nagsalita si Pangulong Howard W. Hunter (1907–95) tungkol sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya kaugnay ng mga banal na kasulatan sa mga huling araw:

“Ang mga lubhang inspiradong payo ng mga propeta, tagakita, tagapaghayag, at iba pang mga General Authority ng Simbahan ay ibinibigay sa pangkalahatang kumperensya. Hinikayat tayo ng ating mga makabagong propeta na gawing mahalaga at regular na bahagi ng ating personal na pag-aaral ang pagbabasa ng mga edisyon ng kumperensya sa mga magasin ng ating Simbahan. Sa gayon, ang pangkalahatang kumperensya ay nagiging pandagdag o karugtong ng Doktrina at mga Tipan. Bukod pa sa mga isyu ng kumperensya sa magasin ng Simbahan, sumusulat ang Unang Panguluhan ng buwanang artikulo na naglalaman ng inspiradong payo para sa ating kapakanan” (The Teachings of Howard W. Hunter, ed. Clyde J. Williams [1997], 212; idinagdag ang pagbibigay-diin; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Howard W. Hunter [2015], 130–31).

6.4

Ang mga Pakinabang at Kahalagahan ng Paghahayag sa mga Huling Araw

Nakita ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) ang kahalagahan ng pagtanggap at pagsunod sa paghahayag:

“Alam ng ilan sa matatalinong tao ng ating henerasyon, bukod sa mga miyembro ng Simbahan, na kailangan ang mga paghahayag mula sa Panginoon upang magbigay-linaw sa mga turo ng simbahan. Sinabi ni Ralph Waldo Emerson:

“‘Ang mga banal na kasulatan ng mga Hebreo at Griyego ay naglalaman ng mga imortal na pangungusap na pinagkukunan ng tinapay ng buhay ng milyun-milyon tao, ngunit wala itong integridad, pira-piraso at hindi malinaw. … Ganito halos ang Biblia hanggang sa isilang ang huling dakilang tao. … Pinag-uusapan ng tao ang paghahayag na para bang luma na ito at tapos na, sa wari’y patay na ang Diyos. Ang pinsalang iyan sa pananampalataya ang pumipigil sa mga mangangaral at ang pinakamahuhusay na institusyon ay nag-aalinlangan at hindi makapagsalita. Higit nating kailangan ngayon ang paghahayag.’ [Ito ay naglalaman ng mga pahayag mula sa isang mensahe sa Harvard Divinity School, Hulyo 15, 1838, at Representative Men, “Uses of Great Men.”]

“… Sa panahon natin ngayon, may mga taong pinagkalooban ng Panginoon ng kapangyarihan at awtoridad, at binigyan sila ng inspirasyong magturo at ipangaral ang mga bagay na ito sa sanlibutan sa layuning itinakda ng Panginoon … nang sa gayon maipayo ng mga elder ng Simbahan ang mahahalagang bagay sa mga taong ito ayon sa mga inspirasyon at paghahayag na natatanggap nila sa pana-panahon. Sa pag-uwi ng mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang tahanan mula sa kumperensyang ito, makabubuti sa kanila na pag-isipang mabuti ang kahalagahan … ng kumperensyang ito at gawin itong gabay sa kanilang kilos at pananalita sa susunod na anim na buwan. Ito ang mahahalagang bagay na minarapat ng Panginoon na ihayag sa mga taong ito sa panahong ito” (sa Conference Report, Abr. 1946, 67–68).

Hinikayat tayo ni Pangulong Thomas S. Monson na pag-aralan ang mga mensahe sa kumperensya na matatagpuan sa mga magasin ng Simbahan:

“Ipinaaalala namin sa inyo na ang mga mensaheng narinig natin sa kumperensyang ito ay ilalathala sa … mga magasing Ensign at Liahona. Kapag binasa at pinag-aralan natin ang mga ito, madaragdagan ang ating nalalaman at mabibigyan tayo ng inspirasyon. Nawa’y isama natin sa ating pang-araw-araw na buhay ang mga katotohanang naroon” (“Pangwakas na Pananalita,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 109; idinagdag ang pagbibigay-diin).

the Liahona

Ang pangkalahatang kumperensya ay katulad ng isang makabagong Liahona at nararapat pagtuunan nang may pananampalataya, pagsunod, at pagsisikap (tingnan sa 1 Nephi 16:28).

Inihalintulad ni Elder Lowell M. Snow ng Pitumpu ang pangkalahatang kumperensya sa Liahona, na inilaan ng Panginoon upang gabayan si Lehi at ang kanyang pamilya (tingnan sa 1 Nephi 16:10, 16, 29):

“Ang Panginoon ay nagbibigay ng patnubay at direksyon sa mga tao at pamilya ngayon, tulad ng ginawa Niya kay Lehi. Ang pangkalahatang kumperensyang ito mismo ay isang makabagong Liahona, isang panahon at lugar upang tumanggap ng inspiradong patnubay at direksyon na nagpapaunlad at tumutulong sa atin na tahakin ang landas ng Diyos sa mas kapaki-pakinabang na bahagi ng mortalidad. Isipin na tayo’y nagtitipon para makinig sa payo ng mga propeta at apostol na nanalangin at naghandang mabuti para malaman ang nais ipasabi ng Panginoon sa kanila. Ipinagdasal natin sila at ang ating sarili na ituro sa atin ng Mang-aaliw ang isipan at kalooban ng Diyos. Siguradong wala nang mas mabuting panahon o lugar para maturuan ng Panginoon ang Kanyang mga tao kundi sa kumperensyang ito.

Ang mga itinuro sa kumperensyang ito ang siyang kompas ng Panginoon. Sa darating na mga araw, tulad ni Lehi, lalabas kayo ng inyong pintuan at may nakikitang Liahona, Ensign, o iba pang lathalain ng Simbahan sa inyong [mailbox], at naglalaman ito ng kaganapan ng kumperensyang ito. Tulad ng Liahona noon, ang bagong isyung ito ay simple at madaling basahin at bibigyan kayo nito at ang inyong pamilya ng kaalaman at ipauunawa nito sa inyo ang mga paraan at landasin ng Panginoon” (“Kompas ng Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 97; idinagdag ang pagbibigay-diin).

6.5

Nangangako Tayo na Pakikinggan at Susuportahan ang Mga Sinang-ayunan Natin sa Pangkalahatang Kumperensya

Ang pagsang-ayon sa mga lider ng Simbahan noon pa man ay bahagi na ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Itinuturo ng mga banal na kasulatan na “walang taong oordenan sa anumang katungkulan sa simbahang ito, na kung saan may isang wastong itinatag na sangay, nang walang boto ng simbahang ito” (D at T 20:65). Sa kauna-unahang pagpupulong ng Simbahan, noong Abril 6, 1830, “Tinanong ni Joseph [Smith] ang mga naroon kung handa silang tanggapin siya at si Oliver [Cowdery] bilang kanilang guro at espirituwal na mga tagapayo. Lahat ay nagtaas ng kanilang mga kamay sa pagsang-ayon” (Church History in the Fullness of Times, 2nd ed. [Church Educational System manual, 2003], 67–68; tingnan din sa History of the Church, 1:77). Kalaunan pinagtibay ng Panginoon na “lahat ng bagay ay nararapat na gawin sa pamamagitan ng pangkalahatang pagsang-ayon sa simbahan, sa pamamagitan ng labis na panalangin at pananampalataya” (D at T 26:2; idinagdag ang pagbibigay-diin). May pagkakataon tayo sa pangkalahatang kumperensya na sang-ayunan ang Unang Panguluhan, ang Korum ng Labindalawang Apostol, ang mga miyembro ng Korum ng Pitumpu, at iba pang mga Pangkalahatang Pinuno ng Simbahan sa pamamagitan ng pangkalahatang pagsang-ayon.

Nang sang-ayunan si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) bilang Pangulo ng Simbahan, ipinaliwanag niya ang pangakong ginagawa natin kapag sinasang-ayunan natin ang mga lider natin sa Simbahan:

“Ngayong umaga ito nakibahagi tayong lahat sa isang kapita-pitagang kapulungan. Iyan mismo ang ibig sabihin ng katagang iyan. Isang itong pagtitipon ng mga miyembro kung saan ang bawat tao ay pantay-pantay sa kanilang karapatang sang-ayunan o hindi sang-ayunan nang may kahinahunan at kataimtiman ang mga tao, sa ilalim ng patakarang itinakda ng mga paghahayag, na mga piniling mamuno.

“Ang paraan ng pagsang-ayon ay higit pa sa pagtataas ng kamay. Ito ay isang pangako na itataguyod, susuportahan, tutulungan ang mga taong napili. …

“Ang inyong pagtataas ng kamay sa kapita-pitagang kapulungan ngayong umaga ay nagpapakita ng inyong kahandaan at pagnanais na itaguyod kami, na inyong mga kapatid at inyong lingkod, sa pagbibigay ng inyong tiwala, pananampalataya at panalangin” (“This Work Is Concerned with People,” Ensign, Mayo 1995, 51; idinagdag ang pagbibigay-diin).

sustaining at general conference

Ang pagkakataong sang-ayunan ang mga lider natin sa Simbahan ay may kalakip na sagradong obligasyon.

Nagsalita si Elder David B. Haight (1906–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mga tipang ginagawa natin sa Diyos kapag sinasang-ayunan natin ang mga lider natin sa Simbahan:

“Kapag sinasang-ayunan natin ang Pangulo ng Simbahan sa pagtataas natin ng kamay, hindi lamang ipinahihiwatig nito na kinikilala natin siya sa harapan ng Diyos bilang karapat-dapat na may hawak ng lahat ng susi ng priesthood; nangangahulugan din ito na nakikipagtipan tayo sa Diyos na susundin natin ang mga tagubilin at payo na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Ito ay isang sagradong tipan” (“Solemn Assemblies,” Ensign, Nob. 1994, 14–15).

Nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 107:22 na ang mga miyembro ng Unang Panguluhan ay “pinagtibay ng pagtitiwala, pananampalataya, at panalangin ng simbahan.” Sa araw na sina Thomas S. Monson, Henry B. Eyring at Dieter F. Uchtdorf ay sinang-ayunan sa isang kapita-pitagang kapulungan bilang Unang Panguluhan, itinuro ni Pangulong Eyring ang mga sumusunod tungkol sa ibig sabihin ng sang-ayunan ang ating mga lider:

“Upang masang-ayunan natin ang mga natawag ngayon, suriin natin ang ating buhay, magsisi kung kailangan, mangakong sundin ang mga utos ng Panginoon, at sundin ang Kanyang mga tagapaglingkod. Binabalaan tayo ng Panginoon na kung hindi natin gagawin ang mga bagay na iyon, lalayo ang Espiritu Santo, mawawala sa atin ang liwanag na natanggap natin, at hindi natin matutupad ang ipinangako natin ngayon na sang-ayunan ang lingkod ng Panginoon sa Kanyang tunay na Simbahan. …

“Lalo na sa espesyal na araw na ito, mainam magpasiyang sang-ayunan natin nang may pananampalataya at panalangin ang lahat ng naglilingkod sa atin sa kaharian. Alam ko mismo ang kapangyarihan ng pananampalataya ng mga miyembro ng Simbahan na sang-ayunan ang mga natawag. Nitong huling ilang linggo nadama ko sa nakaaantig na mga paraan ang mga panalangin at pananampalataya ng mga taong hindi ko kilala at kilala lamang ako bilang isang taong natawag na maglingkod sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood. Si Pangulong Thomas S. Monson ay pagpapalain ng inyong pananampalataya. Bubuhos din ang mga pagpapala sa kanyang pamilya dahil sa inyong pananampalataya at mga panalangin. Lahat ng sinang-ayunan ninyo ngayon ay susuportahan ng Diyos dahil sa pananampalataya nila at ninyo” (“Ang Totoo at Buhay na Simbahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 21; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang sumusunod na pahayag ay naglalarawan sa katapatan ng pangako ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918) na sang-ayunan ang mga kinikilala niyang mga tagapaglingkod ng Panginoon:

“Natawag akong maglingkod ng misyon makaraan akong magsaka nang apat na taon sa isang homestead at kinakailangan ko na manatili pa ng isang taon upang mabuo ang aking karapatan at matamo ang titulo sa lupa; ngunit sinabi ni Pangulong Young na [nais] niyang pumunta ako sa Europa sa isang misyon, upang pangasiwaan ang mission doon. Hindi ko sinabi sa kanya, ‘Kapatid na Brigham, hindi ako maaaring umalis; may hinahawakan akong homestead, at kung ako ay aalis ay mawawala ang aking karapatan dito.’ Sinabi ko kay Kapatid na Brigham, ‘Opo, Pangulong Young; kung saan ninyo nais na pumunta ako, pupunta ako; nakahanda akong sumunod sa atas ng aking pinuno.’ At ako ay umalis. Nawala sa akin ang homestead, at hindi ako kailanman dumaing tungkol dito; hindi ko inakusahan si Kapatid na Brigham na nawalan ako dahil dito. Nadama ko na humarap ako sa isang higit na malaking gawain kaysa pagtatamo ng 65 ektarya ng lupa. Ipinadala ako upang ipahayag ang mensahe ng kaligtasan sa mga bansa sa daigdig. Tinawag ako sa pamamagitan ng [awtoridad] ng Diyos sa daigdig, at hindi ako huminto upang isaalang-alang ang sarili at ang maliit kong pansariling mga karapatan at pribilehiyo; umalis ako ayon sa pagkakatawag sa akin, at sinang-ayunan at biniyayaan ako ng Diyos dahil dito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998], 255–56; idinagdag ang pagbibigay-diin).

6.6

Nakakaapekto ang Ating Paghahanda sa Natatamo Natin Mula sa Pangkalahatang Kumperensya

woman studying

Maglaan ng oras na pag-aralan ang mga mensahe sa kumperensya.

Inilarawan ni Elder Paul V. Johnson ng Pitumpu kung paano niya natutuhang unahin sa kanyang buhay ang pangkalahatang kumperensya:

“Gustung-gusto ng nanay ko ang pangkalahatang kumperensya. Palagi niyang binubuksan ang radyo at TV at nilalakasan ito kaya mahihirapan kang makahanap ng lugar sa bahay na di mo maririnig ang kumperensya. Gusto niyang makinig ang kanyang mga anak sa mga mensahe at nagtatanong paminsan-minsan kung ano ang natatandaan namin. Paminsan-minsan lumalabas kami ng ilan sa mga kapatid kong lalaki para maglaro ng bola sa kasalukuyan ng sesyon ng kumperensya sa araw ng Sabado. Magdadala kami ng radyo dahil alam naming tatanungin kami maya-maya ng aming ina. Maglalaro kami ng bola at paminsan-minsa’y magpapahinga para makinig na mabuti upang may maireport kami kay Inay. Alam ko na hindi namin naloko si Inay nang lahat kami’y pare-pareho ang natandaan mula sa buong sesyon.

Hindi iyon mabuting paraan ng pakikinig sa kumperensya. Nagsisi ako simula noon. Naibigan ko na ang pangkalahatang kumperensya, medyo sigurado na ako dahil sa pagmamahal ng aking ina sa mga salita ng mga buhay na propeta. Naalala kong mag-isa akong nakinig sa mga sesyon ng isang kumperensya sa apartment noong nasa kolehiyo ako. Nagpatotoo ang Espiritu Santo sa aking kaluluwa na si Harold B. Lee, ang Pangulo ng Simbahan nang panahong iyon, ay tunay na propeta ng Diyos. Nangyari ito bago ako nagmisyon, at masaya akong nagpatotoo tungkol sa buhay na propeta dahil nalaman ko ito sa sarili ko mismo. Nagkaroon ako ng ganoong patotoo sa lahat ng propeta mula nang araw na iyon.

“Noong nasa misyon ako, wala pang satellite system ang Simbahan, at ang bansang pinaglingkuran ko’y wala pang broadcast ng pangkalahatang kumperensya. Pinadadalhan ako ni Inay ng audiotape ng mga sesyon, at paulit-ulit kong pinakikinggan ito. Natutuhan kong mahalin ang mga tinig at salita ng mga propeta at apostol. …

“Magpasiya ngayon na ipriyoridad sa inyong buhay ang pangkalahatang kumperensya. Magpasiyang makinig na mabuti at sundin ang mga turong ibinigay. Makinig o basahin ang mga mensahe nang maraming beses para mas maunawaang mabuti at masunod ang ipinayo. Sa paggawa ng mga bagay na ito hindi mananaig laban sa inyo ang mga pintuan ng impiyerno, itataboy ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti” (“Ang mga Pagpapala ng Pangkalahatang Kumperensya,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 51–52; idinagdag ang pagbibigay-diin).

reading Church magazine

Makatatanggap tayo ng personal na paghahayag sa pag-aaral natin ng mga mensahe sa kumperensya. Tutulungan tayo ng Espiritu Santo na personal na isabuhay ang mga mensahe.

Binigyang-diin ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng paghahanda natin para sa pangkalahatang kumperensya:

“Sa loob ng ilang araw ay magsisimula na ang isa pang pangkalahatang kumperensya ng Simbahan. Papayuhan tayo ng mga tagapaglingkod ng Panginoon. Maaaring sabik na makikinig ang inyong mga tainga at puso, o kaya’y isantabi ninyo ang payo. … Ang matatamo ninyong pakinabang ay hindi gaanong nakasalalay sa kanilang paghahanda ng mga mensahe kundi sa inyong paghahanda para sa mga ito” (Follow the Brethren, Brigham Young University Speeches of the Year [Mar. 23, 1965], 10; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Isaalang-alang ang mga sumusunod na ideya sa iyong paghahanda:

  1. Magplano at magtakda ng sariling oras para pakinggan at pag-aralan ang mga mensahe sa kumperensya. Umiwas sa mga bagay na makagugulo o makagagambala. Gawing kalugud-lugod sa Espiritu Santo ang lugar kung saan mo panonoorin, pakikinggan, o pag-aaralan ang mga mensahe sa kumperensya.

  2. Manalangin nang may pananampalataya nang matanggap mo ang mga mensaheng mahalaga sa sarili mong buhay. Ipagdasal ang mga lider ng Simbahan sa kanilang paghahanda at pagbibigay ng kanilang mga mensahe.

  3. Bago pakinggan o pag-aaralan ang mga mensahe sa kumperensya, ilista ang mga personal na tanong o problema na hinahanapan mo ng mga kasagutan. Kapag sinuri mo ang iyong espirituwalidad, maaaring may mapansin kang mga aspeto ng iyong buhay na gusto mong mas mapagbuti pa. Sa isang journal o notebook, itala ang mga sagot at impresyong natanggap mo sa kumperensya.

  4. Matapos pakinggan o pag-aaralan ang mga mensahe sa kumperensya, muling mangakong pagbutihin pa ang iyong buhay sa mga aspetong iyon na napansin mo.

Ipinaabot ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang sumusunod na paanyaya sa simula ng isang pangkalahatang kumperensya:

“Nagtipun-tipon kayo para mahikayat, magkaroon ng inspirasyon, mapasigla, at magabayan bilang mga miyembro ng Simbahan. … Nagtipun-tipon kayo para matulungan sa inyong mga temporal na pangangailangan, mga kabiguan, at tagumpay. Nagpunta kayo rito para pakinggan ang salita ng Panginoon na itinuro ng mga taong tinawag, hindi dahil sa ginusto nila, na maging mga guro sa dakilang gawaing ito.

“Nagdasal kayo na nawa’y marinig ninyo ang mga bagay na makatutulong sa inyo sa mga problema ninyo at magpapalakas sa inyong pananampalataya. …

“Inaanyayahan ko kayong makinig, makinig nawa kayo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, sa mga magsasalita sa inyo ngayon at bukas at gayundin sa gabing ito. Kung gagawin ninyo ito, walang pag-aatubiling ipinangangako ko na pasisiglahin kayo, mas tatatag ang inyong pasiya na gawin ang tama, makikita ninyo ang mga solusyon sa inyong mga problema at pangangailangan, at kayo ay magpapasalamat sa Panginoon sa mga bagay na inyong narinig” (“Listen by the Power of the Spirit,” Ensign, Nob. 1996, 4–5).

Hinikayat tayo ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) na isulat, tandaan, at gawin ang mga kaalamang natatanggap natin sa pakikinig sa mga mensaheng ibinibigay sa pangkalahatang kumperensya:

“Umaasa kami na naantig at napalakas ang mga lider at miyembro ng Simbahan na dumalo at nakinig sa kumperensya. Umaasa kami na marami kayong naisulat na ideya na naisip ninyo habang nagsasalita ang mga Kapatid sa inyo. Maraming mungkahi ang ibinigay na tutulong sa inyo bilang mga lider sa paggawa ng inyong gawain. Maraming makatutulong na kaalaman at ideya ang ibinigay para mapagbuti pa ang ating sariling buhay, at, mangyari pa, iyan ang pangunahing dahilan ng ating pagdalo.

“Habang nakaupo rito, napagpasiyahan ko na pag-uwi ko ngayong gabi galing sa kumperensyang ito na napakaraming aspeto sa buhay ko ang pagbubutihin ko pa. Tinandaan ko ang mga bagay na ito, at umaasa akong makapagsisimula agad pagkatapos ng kumperensya” (“Spoken from Their Hearts,” Ensign, Nob. 1975, 111; idinagdag ang pagbibigay-diin).

6.7

Ang Pangkalahatang Kumperensya ay Isang Panawagang Kumilos

Sa isang pangkalahatang kumperensya noong 1856, nanawagan si Pangulong Brigham Young sa mga Banal na puntahan at sagipin ang mga na-stranded na handcart company. Gamit ito bilang analohiya, itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang espirituwal na pagpapanibago na nadarama natin mula sa kumperensya ay dapat maghikayat sa atin na maglingkod sa iba:

Bawat isa sa mga kumperensyang ito ay panawagang kumilos hindi lamang sa sarili nating buhay kundi gayon din sa buhay ng ibang nakapaligid sa atin, sa sarili nating pamilya at miyembro at di miyembro. …

“Katulad ng pagsagip sa mga nangangailangang iyon [ang na-stranded na mga handcart company na pupunta sa kanluran] ang tema ng pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1856, gayon din ang tema ng kumperensyang ito at ng nakaraang kumperensya at ng kumperensya sa susunod na tagsibol. Maaaring hindi mga pagbagyo ng yelo at paglilibing sa nagyeyelong lupa ang kinakaharap natin sa kumperensyang ito, kundi naroroon pa ang mga nangangailangan—ang mahihirap at napapagal, ang nanghihina at nagdaramdam, yaong mga ‘[nahuhulog] patungo sa ipinagbabawal na landas’ [1 Nephi 8:28] na binanggit natin kanina, at ang mga taong ‘napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan’ [D at T 123:12]. Nariyan silang lahat na mahihina ang tuhod, nakababa ang mga kamay [tingnan sa D at T 81:5], at papahirap ang kalagayan. Masasagip lamang sila ng mga taong mas malaki ang kakayahan at mas maraming alam at higit na makakatulong. At huwag kayong mag-alalang magtanong ng, ‘Nasaan sila?’ Nasa paligid sila, sa ating kanang kamay at sa kaliwa, sa ating mga kapitbahay at pinagtratrabahuhan, sa bawat komunidad at bayan at bansa sa mundong ito. Dalhin ang inyong grupo at bagon; punuin ito ng inyong pagmamahal, patotoo, at espirituwal na sako ng arina; pagkatapos ay tumahak sa anumang direksyon. Aakayin kayo ng Panginoon sa mga nangangailangan kung tatanggapin lamang ninyo ang ebanghelyo ni Jesucristo na itinuro sa kumperensyang ito. Buksan ang inyong puso at kamay sa mga nabitag sa katumbas na Martin’s Cove at Devil’s Gate sa ika-21 siglo. Kapag ginawa natin ito masusunod natin ang paulit-ulit na panawagan ng Guro alang-alang sa nawawalang tupa at nawawalang mga barya at naliligaw na mga kaluluwa [tingnan sa Lucas 15]” (“Mga Propetang Naritong Muli sa Lupa,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 106; idinagdag ang pagbibigay-diin).

6.8

Ang Pamumuhay sa mga Turo sa Pangkalahatang Kumperensya ay Magpapabuti ng Ating Buhay

Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) ang mga sumusunod tungkol sa kahalagahan ng pamumuhay sa natutuhan natin sa pangkalahatang kumperensya:

“Linggo ng gabi, Abril 7, sarado na ang magandang Tabernakulo, patay ang mga ilaw, tahimik ang mga recording machine, sarado ang mga pintuan, at isa na namang makasaysayang kumperensya ang natapos. Mawawalang saysay ito—pagsasayang ng oras, lakas, at pera—kung hindi susundin ang mga mensahe nito. Sa [ilang] dalawang oras na sesyon … , itinuro ang mga katotohanan, ipinaliwanag ang mga doktrina, nagbigay ng mga payo, na sapat upang iligtas ang buong mundo mula sa lahat ng problema nito—at ibig kong sabihin mula sa LAHAT ng problema nito. Isang kumpletong kaalaman tungkol sa walang-hanggan at tunay na mga alituntunin ang ibinigay sa milyun-milyong tao, na may matinding pag-asam na may ‘mga taingang nakikinig at mga matang nakakakita at mga pusong naaantig,’ na naniwala sa katotohanan. …

“Huwag pairalin ang pagiging arogante ninyo, sobrang tiwala sa sarili at pagkukunwaring matalino na magtutulak sa inyo na balewalain ang mga katotohanang itinuro doon at ang mga patotoong ibinahagi roon, ni tutulan ang mga mensahe at tagubiling ibinigay roon. …

“Sana’y narinig ninyong lahat na mga kabataan ang mahalagang mensahe [sa pangkalahatang kumperensya]. May iba pang kumperensya kada anim na buwan. Umaasa ako na kukuha kayo ng kopya ng [Ensign o Liahona] at sasalungguhitan ang mga kaalaman o ideya na angkop sa inyo at iingatan ito para patuloy ninyong magamit. Walang teksto o aklat maliban sa mga banal na kasulatan ng Simbahan ang dapat magkaroon ng mahalagang lugar sa estante ng inyong mga aklat—hindi dahil sa napakahusay ng istilo o pagkakasulat nito, kundi dahil sa mga konsepto na nagtuturo ng daan tungo sa buhay na walang hanggan” (In The World but Not of It, Brigham Young University Speeches of the Year [Mayo 14, 1968], 2–3).

inside Tabernacle

Ang pangkalahatang kumperensya ay panahon ng espirituwal na pagpapanibago.

Inilarawan ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) kung paano tayo higit na makikinabang mula sa pangkalahatang kumperensya:

“Dalangin ko nang buong pagpapakumbaba na nawa’y sumunod tayong lahat sa payo at tagubilin na natanggap natin.

“Sapagkat nadama natin ang Espiritu at gumawa ng bago at sagradong pasiya, nawa’y magkaroon tayo ng lakas at katatagang isagawa ang mga pasiyang iyon.

“Sa loob ng susunod na anim na buwan, ang inyong edisyon ng Ensign ay dapat ituring na kapareho ng mga aklat ng mga banal na kasulatan at dapat basahin nang madalas. Tulad ng sinabi ng aking kaibigan at kapatid na si [Pangulong] Harold B. Lee, dapat nating gawing ‘gabay sa [ating] kilos at pananalita sa susunod na anim na buwan ang mga mensaheng ito ng kumperensya. Ito ang mahahalagang bagay na minarapat ng Panginoon na ihayag sa mga taong ito sa panahong ito’ (sa Conference Report, Abr. 1946, p. 68).

“Nawa’y magsiuwi tayong lahat sa ating mga tahanan na muling inilalaan ang sarili sa sagradong misyon ng Simbahan na malinaw na inihayag sa mga sesyong ito ng kumperensya— na ‘anyayahan ang lahat na lumapit kay Cristo’ (D at T 20:59), ‘oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya’ (Moroni 10:32)” (“Come unto Christ and Be Perfected in Him,” Ensign, Mayo 1988, 84).

Nagpahayag si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na hangad niyang maging mas mabubuting tao ang bawat miyembro ng Simbahan sa pamamagitan ng pamumuhay sa mga turong ibinigay sa pangkalahatang kumperensya:

“Umaasa ako na buong puso nating pag-iisipan nang may pagpapakumbaba ang mga mensaheng napakinggan natin. Umaasa ako na tahimik nating iisipin ang magagandang bagay na narinig natin. Umaasa ako na makadarama tayo ng kaunti pang pagsisisi at pagpapakumbaba.

“Lahat tayo ay napalakas. Ang pagsubok ay sa pagpapamuhay ng mga turong ibinigay. Kung, pagkaraan nito, tayo ay mas mabait, kung tayo ay mas magiliw sa kapwa, kung tayo ay mas lumapit sa Tagapagligtas, na may mas matatag na pagpapasiya na sundin ang Kanyang mga turo at ang Kanyang halimbawa, kung magkagayon kahanga-hanga ang naging tagumpay ng kumperensyang ito. Ngunit, kung walang naging pagbabago sa ating buhay, malaking kabiguan ito para sa mga taong nagsipagsalita.

“Ang mga pagbabagong iyon ay hindi masusukat sa loob ng isang araw o isang linggo o isang buwan lamang. Madaling gumawa ng mga pagpapasiya at madaling makalimot. Subalit, isang taon mula ngayon, kung mas mahusay tayo ngayon kaysa noon, ang mga pagsisikap ng mga araw na ito ay hindi nasayang.

“Hindi natin matatandaan ang lahat ng sinabi, ngunit sa lahat ng ito uusbong ang espirituwal na lakas. Maaaring hindi maipaliliwanag, ngunit ito ay totoo. Tulad ng sinabi ng Panginoon kay Nicodemo, ‘[Umiihip] ang hangin kung saan niya ibig, at naririnig mo ang kaniyang ugong, nguni’t hindi mo nalalaman kung saan nanggagaling, at kung saan naparoroon: gayon ang bawa’t ipinanganak ng Espiritu’ (Juan 3:8).

family studying general conference message

Hinihikayat tayo na pag-usapan ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya sa mga lesson sa family home evening.

“Gayon din ang mga nadama at naranasan natin. At marahil mula sa lahat ng narinig natin, may isang parirala o talata na mangingibabaw at mapapansin natin. Kapag nangyari ito, sana isulat natin at pag-isipan ito hanggang sa matanto natin ang malalim na kahulugan nito at gawin itong bahagi ng ating sariling buhay.

“Umaasa ako na pag-uusapan natin ito sa ating family home evening kasama ang ating mga anak at ipatikim sa kanila ang tamis ng mga katotohanang tinatamasa natin. At sa paglabas ng magasing Liahona … na kinapapalooban ng lahat ng mensahe sa kumperensya, huwag namang isantabi ito at sabihing narinig na ninyong lahat ito, sa halip ay basahin at pag-isipang mabuti ang iba-bang mensahe. Makikita ninyo na maraming bagay kayong hindi napansin habang nakikinig kayo sa mga nagsasalita. …

“Bukas ng umaga magsisibalik tayo sa ating mga trabaho, sa ating pag-aaral, sa anumang pinagkakaabalahan natin sa buhay. Ngunit may maaalaala tayo sa nakapagandang okasyong ito na magpapalakas sa atin” (“An Humble and a Contrite Heart,” Ensign, Nob. 2000, 88–89; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ipinaliwanag ni Elder Paul V. Johnson ng Pitumpu na kailangan nating ipamuhay ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya:

“Para mabago ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya ang ating buhay, kailangang handa nating sundin ang payong naririnig natin. Ipinaliwanag ng Panginoon sa isang paghahayag kay Propetang Joseph Smith ‘na kung kayo ay magkakasamang nagtitipun-tipon kayo ay magturuan at patibayin ang bawat isa, upang malaman ninyo … kung paano kumilos sa mga bahagi ng aking batas at mga kautusan’ [D at T 43:8]. Subalit ang malaman ‘kung paano kumilos’ ay hindi sapat. Sinabi ng Panginoon sa kasunod na talata, ‘Inyong ipangangako ang inyong sarili na kumilos nang buong kabanalan sa harapan ko’ [D at T 43:9]. Ang kahandaang ito na kumilos [at isagawa ang] natutuhan natin ay nagbibigay-daan sa mga kahanga-hangang pagpapala. …

Sa tuwing susundin natin ang mga salita ng mga propeta at apostol tumatanggap tayo ng malalaking pagpapala. Tumatanggap tayo ng maraming pagpapala nang higit sa nauunawaan natin sa panahong iyon, at patuloy tayong tumatanggap ng mga pagpapala kahit matagal nang nangyari ang una nating pagpapasiya na maging masunurin” (“Ang mga Pagpapala ng Pangkalahatang Kumperensya,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 52; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Sa pagtatapos ng pangkalahatang kumperensya noong Abril 1978, sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985):

“Ngayon sa pagtatapos ng pangkalahatang kumperensyang ito, sumunod tayong lahat sa mga sinabi sa atin. Isipin natin na angkop ang payong ibinigay sa atin, sa ating sarili. Pakinggan natin ang mga sinang-ayunan natin bilang mga propeta at tagakita, gayon din ang iba pang mga kapatid, na para bang ang ating buhay na walang hanggan ay nakasalalay rito, dahil iyan ang totoo!” (“Listen to the Prophets,” Ensign, Mayo 1978, 77; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Binigyang-diin ni Pangulong Marion G. Romney (1897–1988) ng Unang Panguluhan kung gaano karami ang katotohanang itinuturo sa mga pangkalahatang kumperensya:

“Sapat na ang narinig nating katotohanan at tagubilin sa kumperensyang ito para madala tayo sa harapan ng Diyos kung susundin natin ito. Tayo ay dinala sa espirituwal na bundok at pinakitaan ng mga pangitain tungkol sa dakilang kaluwalhatian” (sa Conference Report, Abr. 1954, 132–33).

studying scriptures

Pag-isipang mabuti kung paano naaangkop sa iyong sarili ang mga payo.

Sa pangakong ipamumuhay ang mga itinuro sa pangkalahatang kumperensya, isiping mabuti ang mga sumusunod na mungkahi:

  1. Talakayin ang pangkalahatang kumperensya kasama ang pamilya at mga kaibigan. Ibahagi ang natutuhan mo, at matuto rin sa mga sinasabi nila sa iyo.

  2. Habang nakikinig ka sa pangkalahatang kumperensya, at nadama mo ang mga pahiwatig ng Espiritu na gawin ang isang bagay, isulat ito, at pagkatapos ay gawin ito.

  3. Magtakda ng mithiin na tumutukoy kung paano at kailan mo ipamumuhay ang payong natanggap mo sa pangkalahatang kumperensya. Isulat ang iyong mga mithiin at basahin ito nang madalas.

  4. Pag-aralan ang mga mensahe kapag nailathala na ito sa mga magasin ng Simbahan o sa internet upang magkaroon ka ng bagong ideya o kaalaman at mapanibago ang iyong espirituwal na nadarama. (Ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya ay mababasa o mapapakinggan sa LDS.org; ang paghahanap sa salita at paksa ay maaari ding gawin sa loob ng Ensign magazines online.)

  5. Maghanda ng mga family home evening lesson gamit ang mga mensahe sa kumperensya.

  6. Bumili ng mga DVD o CD ng pangkalahatang kumperensya, at manood o makinig sa mga ito nang madalas, maaaring habang nasa biyahe ka o naglalakbay na makatutulong sa iyo na magamit nang mas matalino ang iyong oras.

  7. Kumopya ng maiikling pahayag o quotation mula sa mga mensahe sa kumperensya at ilagay ang mga ito sa isang lugar sa loob ng inyong tahanan o apartment kung saan makikita ninyo ito palagi. Sikaping isaulo ang mga ito.

Mahahalagang Bagay na Pag-iisipan

  • Nagtatala ka ba habang nakikinig ka sa pangkalahatang kumperensya? Buod ba ito ng mga sinabi ng mga nagsalita, o itinatala mo lamang ang mga bagay na umantig sa iyo? Kasama ba sa iyong mga tala ang mga impresyon mula sa Espiritu na sumaiyo habang nakikinig sa nagsasalita? Kasama ba dito ang mga plano at mithiing gusto mong gawin na tutulong sa iyo na baguhin ang iyong buhay? Ano ang mga tagubiling ibinigay sa Doktrina at mga Tipan 43:8–10 na makatutulong sa iyo na mapahusay pa ang iyong pagtatala habang nasa pangkalahatang kumperensya?

  • Isiping mabuti kung paano mo pinahahalagahan ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya at ang iba pang mga mensahe at isinulat ng mga General Authority. Paano mo ipamumuhay ang mga payo at tagubilin ng mga nagsalita sa nakaraang kumperensya? Paano mo ipamumuhay ang mga ito sa hinaharap?

  • Anong mga pagpapala ang ipinangako sa mga taong sumusunod sa mga propeta ng Diyos?

  • Paano mo mas mapagbubuti ang iyong paghahanda para sa susunod na pangkalahatang kumperensya?

  • Paano maiimpluwensyahan ng pag-aaral mo ng mga mensahe sa kumperensya ang pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan?

Mga Iminungkahing Assignment

  • Gamit ang natutuhan mo sa kabanatang ito, ilista ang mga partikular na magagawa mo para maghandang tanggapin at ipamuhay ang mga salita ng Panginoon sa pangkalahatang kumperensya. Gumawa ng pangalawang listahan ng mga pagpapala na inaasahan mong matatanggap kapag ginawa mo ang iyong mga isinulat.

  • Basahin ang Mosias 5:1–7, at ilista ang mga naging epekto ng mensahe ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao. Ano ang maaari mong gawin para maranasan ang gayon ding epekto mula sa pangkalahatang kumperensya?

  • Basahin ang Mga Taga Efeso 4:11–14, at ilista ang mga dahilang ibinigay ni Apostol Pablo kung bakit itinatag ng Panginoon ang Kanyang Simbahan na mayroong mga propeta at apostol. Paano nauugnay ang pagtuturo ni Pablo sa pangkalahatang kumperensya?

  • Sa pag-aaral mo ng mga isyu ng kumperensya ng Ensign o Liahona at iba pang mga mensahe ng mga Kapatid, markahan ang mga partikular na ipinangako ng mga nagsalita. Bigyan din ng pansin ang sinabi ng mga nagsalita na dapat nating gawin upang matanggap ang ipinangakong pagpapala. Itala kung ano ngayon ang gagawin mo para matamo ang mga pagpapalang ito.