Mga Banal na Kasulatan
Paksimile 2


Isang Paksimile mula sa Aklat ni Abraham

Bilang 2

Paksimile 2

Paliwanag

Larawan 1. Kolob, nangangahulugang ang unang paglikha, pinakamalapit sa selestiyal, o sa tirahan ng Diyos. Una sa pamamahala, ang huli ukol sa pagsukat ng oras. Ang pagsukat ay alinsunod sa oras na selestiyal, kung aling oras na selestiyal ay nangangahulugan ng isang araw sa isang siko. Ang isang araw sa Kolob ay katumbas ng isanlibong taon alinsunod sa pagsukat ng mundong ito, na tinatawag ng mga taga-Egipto na Jah-oh-eh.

Larawan 2. Ang katabi ng Kolob, na tinatawag ng mga taga-Egipto na Oliblish, na siyang susunod na dakilang namamahala sa paglikha na malapit sa selestiyal o ang lugar kung saan ang Diyos ay nananahanan; nagtataglay rin ng susi ng kapangyarihan, tumutukoy sa iba pang mga planeta; gaya ng pagkahayag ng Diyos kay Abraham, habang siya ay nag-aalay ng hain sa ibabaw ng isang dambana, na kanyang itinayo para sa Panginoon.

Larawan 3. Ginawa upang ilarawan ang Diyos, na nakaupo sa kanyang trono, nadaramitan ng kapangyarihan at karapatan; na may putong na walang hanggang liwanag sa kanyang ulo; inilalarawan din ang mga dakilang Punong-salita ng Banal na Pagkasaserdote, gaya ng pagkahayag kay Adan sa Halamanan ng Eden, at gayon din kina Set, Noe, Melquisedec, Abraham, at sa lahat ng yaong pinaghayagan ng Pagkasaserdote.

Larawan 4. Mga kasagutan sa Hebreong salita na Raukeeyang, na nangangahulugang kalawakan, o ang kalawakan ng kalangitan; isa ring larawang pambilang, sa mga taga-Egipto ay nangangahulugang isanlibo; tumutugon sa sukat ng panahon ng Oliblish, na katumbas ng Kolob sa kanyang pag-inog at sa kanyang pagsukat ng oras.

Larawan 5. Tinatawag ng mga taga-Egipto na Enish-go-on-dosh; ito ay isa rin sa mga namamahalang planeta, at sinasabi ng mga taga-Egipto na Araw, at nanghiram ng liwanag nito sa Kolob sa pamamagitan ng paraan ng Kae-e-vanrash, na siyang dakilang Susi, o, sa ibang mga salita, ang namamahalang kapangyarihan, na namamahala sa labinlimang iba pang nakapirming mga planeta o bituin, gaya rin ng Floeese o ng Buwan, ang Mundo at ang Araw sa kanilang taunang pag-inog. Ang planetang ito ay tumatanggap ng kanyang lakas sa pamamagitan ng Kli-flos-is-es, o Hah-ko-kau-beam, ang mga bituing kinakatawan ng mga bilang 22 at 23, tumatanggap ng liwanag mula sa pag-inog ng Kolob.

Larawan 6. Inilalarawan ang mundong ito sa kanyang apat na sulok.

Larawan 7. Inilalarawan ang Diyos na nakaupo sa kanyang trono, inihahayag sa buong kalangitan ang mga dakilang Punong-salita ng Pagkasaserdote; gaya, rin, ng tanda ng Espiritu Santo kay Abraham, tulad sa isang kalapati.

Larawan 8. Naglalaman ng mga isinulat na hindi maaaring ihayag sa sanlibutan; subalit ito ay nasa Banal na Templo ng Diyos.

Larawan 9. Hindi nararapat ipahayag sa kasalukuyang panahon.

Larawan 10. Gayon din.

Larawan 11. Gayon din. Kung matutuklasan ng sanlibutan ang mga bilang na ito, samakatwid hayaang mangyari ito. Amen.

Larawan 12, 13, 14, 15, 16, 17, 18, 19, 20, at 21 ay ibibigay sa sariling takdang panahon ng Panginoon.

Ang pagsasalin sa itaas ay ibinigay sa abot ng karapatang aming taglay na ibigay sa kasalukuyang panahon.