Pagtuklas sa Aking Kabanalan
Ang awtor ay naninirahan sa New York, USA.
Pagkaraan ng mga taon ng paghihirap na tanggapin ang aking sarili, naranasan ko rin sa wakas ang isang himala na nagpaunawa sa akin ng aking walang-hanggang kahalagahan.
Bata pa ako, hirap na ako sa katabaan ko at hindi ko matanggap ang sarili ko. Sa simula, parang walang anuman ang mga bansag sa akin dahil sa katabaan ko, ngunit nang lumaon, nagsimula na akong maniwala na ang mga negatibong bagay na sinasabi patungkol sa hitsura ko ay patungkol din sa personalidad ko.
Bilang isang tinedyer, napagtanto ko na kahit gusto ko ang mga pisikal na katangian ko, hindi akma ang katawan ko sa gusto ng mundo. At gusto ko ang kalmado kong personalidad, ngunit hindi rin iyon ang inaasahan sa akin ng mga tao—gusto ng mga guro na magsalita ako sa klase, gusto ng mga lalaki ang mas madaldal na mga babae at madalas akong sabihan na kailangan kong maging mas magiliw kaysa rati. Unti-unting nabawasan ang pagpapahalaga ko sa aking sarili.
Ang mga taon ng pagiging dalaga ko ay naging malungkot, hindi ako komportable sa katawan ko, at tinanong ko sa Panginoon kung bakit hindi man lang Niya ako ginawang medyo mas maganda o kaakit-akit. Sinubukan kong magdiyeta pa nang higit kaysa nararapat, at ang nakakainis, nang lalo kong pagsikapang magbawas ng timbang, lalo akong bumigat. Mukhang walang gaanong maaasahan sa pagiging isang dalaga na kimi, at mataba.
Pakiramdam ko wala na akong magagawa at tinanggap ko na ganoon na talaga ako, kahit hindi mabawasan ang timbang ko kailanman o hindi ako matutong makisama. Bagama’t tumigil ako na kasuklamang masyado ang sarili ko, hindi ko pa rin makita na maganda at kapaki-pakinabang akong anak ng Diyos. Tumigil na lang ako sa pagpipilit na makita ang kahalagahan ko.
Isang Liwanag na Kailangan Ko
Isang araw isang himala ang nangyari habang binabasa ko ang isang mensahe ni Sister Mary G. Cook, asawa ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol, mula sa pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult noong Setyembre 2016 na pinamagatang “Makasumpong ng Galak sa Pang-araw-araw na Buhay.” Sabi roon: “Nang pumarito tayo sa mundong ito, taglay natin ang ating likas na kabanalan bilang mga anak ng Diyos. Ang kahalagahan ng bawat isa sa atin ay nagmula sa langit.” Pakiramdam ko naliwanagan na rin sa wakas ang aking isipan na lubos kong kailangan ngunit inakala kong hindi mangyayari kailanman. Napagtanto ko na, dati-rati, pakiramdam ko parang maling gustuhin ko ang sarili ko dahil hindi ako nararapat na ituring ng mundo na isang maganda at kapaki-pakinabang na babae. Ngayo’y handa na akong aminin na gustung-gusto ko ang aking pagiging kimi at ang nakakabagot kong personalidad, magulo at kulot na buhok, brown na mata, hugis-patatas na ilong, malaking ngiti, at kahit ang aking matabang katawan na ginagawa pa rin ang kailangan nitong gawin. Natuto akong magpasalamat na maging nilikha ng Diyos. Naunawaan ko rin sa wakas na hindi Siya gumagawa ng mali.
Pagkaraan ng napakaraming taon ng emosyonal at pisikal na hirap at pagdurusa, nalaman ko rin sa wakas ang isang katotohanan na maaaring kitang-kita ng marami: walang kinalaman sa mundong ito ang aking kahalagahan! Nagmula ito sa langit. Noon pa man ay taglay ko na iyon, kahit hindi ko alam. Hindi ito ipinapasiya ng media, o ng mga kabigan ko, o ninuman kundi ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, at nakikita Nila na sapat ang kahalagahan ko kaya namatay ang Tagapagligtas para sa akin.
Isang Pundasyon kay Cristo
Ang matuto mula sa Espiritu tungkol sa kahalagahan ko sa paningin ng Diyos ay nagpabago sa akin sa napakaraming paraan. Muli kong ginustong mabuhay. Mas nagpapasalamat ako para sa di-mabilang na mga pagpapalang nasa akin. Lumaki ang hangarin ko na mas sikaping gawin ang tama at mas maniwala sa aking sarili at sa mga pangarap ko. Dahil dito, ginusto kong maging mas mabait at matiyaga sa mga taong nakapaligid sa akin at mas napalapit ako sa Tagapagligtas.
Patuloy akong binabansagan at hinuhusgahan ng mga tao sa mundo, ngunit ngayo’y matibay na ang kaalaman ko tungkol sa aking kahalagahan na ayaw kong kalimutan kailanman. Ang kaalamang iyon ay naghatid sa akin ng kapayapaan at galak na gusto kong ibahagi sa lahat ng nakikilala ko. Sa mensaheng iyon sa debosyonal, nalaman ko na kahit ang pagpapahalaga at tiwala ko sa sarili ay kailangang magkaroon ng matibay na pundasyon kay Cristo nang “sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa [akin], hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa [akin] na hilahin [ako] pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan [ako] nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak” (Helaman 5:12).
Nagpapasalamat ako sa Panginoon at sa walang-hanggang kahalagahang nakikita Niya sa ating lahat. Nagpapasalamat ako sa inspiradong kababaihan na tulad ni Sister Cook ay nagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo at ibahagi ang karunungan nito. Nagpapasalamat ako sa buhay na ito, sa himala ng ating katawan at isipan, at sa kabanalang nasa bawat isa sa atin.