2018
Huwag Talikuran ang Tagapagligtas
Setyembre 2018


Huwag Talikuran ang Tagapagligtas

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “The Lens of Truth,” na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho, noong Marso 7, 2017. .

Nabubuhay tayo sa magulong panahon. Ngunit ang tanong ay hindi kung ano ang kahihinatnan ng Simbahan, kundi, ano ang kahihinatnan natin?

illustration of Savior holding a staff

Mga paglalarawan ni J. Beth Jepson

Ilang taon na ang nakararaan, nakipagkita ako sa isang kaibigan para mananghalian. Matagal na kaming hindi nagkita. Noong hayskul ako at sa mga unang taon ko sa kolehiyo, isa siya sa pinakamatatalik kong kaibigan. Isa siya sa mga pinakamatatag at pinakatapat na kabataang lalaki kilala ko.

Magkasama kaming dumalo sa seminary, naglaro ng sports, nag-aral sa unibersidad, naghanda para sa misyon, at nagpunta sa misyon na ilang buwan lang ang pagitan. Pagkatapos ng aming misyon, pinakasalan niya ang isang talentado at kahanga-hangang babae mula sa aming stake.

Sa paglipas ng mga taon, nagkaiba ang takbo ng aming buhay. Lumipat kami sa iba’t ibang lungsod at kalaunan ay nawalan kami ng komunikasyon. Naaalala ko pa kung gaano ako nabiglang mabalitaan na tumalikod na silang mag-asawa sa Simbahan. Sa lahat ng kilala ko noong kabataan ko, siya ang huling maiisip ko na tatalikod sa Simbahan.

Sa tanghalian ginunita namin ang aming pagkakaibigan na napakahalaga sa aming dalawa. Nagtawanan kaming muli sa ilan sa nakakatuwang karanasan noong binatilyo pa kami. Pinag-usapan namin ang aming pamilya at sinubukang ikuwento ang buhay-buhay naming dalawa.

Sa huli, itinanong ko ang malinaw na tanong: “Tim, ano’ng nangyari? Lubos ang pagbabalik-loob at katapatan mo! Bakit mo tinalikuran ang Simbahan? Bakit ka lumayo sa mga tipan mo sa templo? Tinalikuran mo rin ba ang Tagapagligtas? Nangako tayo sa isa’t isa na magiging tunay at tapat tayo hanggang kamatayan!”

“Kevin,” sagot niya, “Nag-iba lang talaga ang pananaw ko ngayon. Nagbago ang tingin ko sa Simbahan at sa mga turo nito. Hindi ko kinamumuhian ang Simbahan—hindi ko na lang ito kailangan ngayon.”

Pagkatapos ng pag-uusap namin, ipinahayag ko ang aking pagmamahal at pasasalamat sa isang pagkakaibigang pinahahalagahan ko pa rin. Pagkatapos, marubdob kong ipinahayag ang aking patotoo: “Tim, alam ko na ang mga bagay na ito ay totoo. At alam mo rin na ang mga ito ay totoo. Noon pa man ay alam mo na iyan. Nawala lang sa iyo ang kalinawang dati mong taglay. Pero maibabalik mo ang liwanag at pag-unawa tungkol sa Espiritu Santo na taglay mo noon. Pakiusap, magbalik ka na.”

Nagyakap kami at nagpaalam sa isa’t isa, at bumulong siya, “Hanga ako sa pananalig at simbuyo ng damdamin mo. Pero paano ka nakasisiguro?”

Nang maghiwalay kami, pinagnilayan kong mabuti ang mga desisyong ginawa namin at ang epekto nito sa aming buhay at sa buhay ng aming mga anak at apo.

Mga kaibigan kong kabataan, huwag sana ninyong hayaang mangyari sa inyo ang nangyari sa kaibigan kong si Tim. Kayo ba ay matatag, hindi matitinag, at nagbalik-loob na tulad ng inaakala ninyo? Kapag naharap kayo sa di-maiiwasan at mahalagang mga hamon sa buhay, saan kayo babaling para sa kapayapaan at pag-unawa? Kung ang buhay ninyo ay may ligalig, kusa at patuloy pa rin ba kayong magdarasal?1

Sa pagdami ng pumupuna sa Simbahan, sa kasaysayan nito, sa mga pinuno, at sa mga turo nito, saan kayo papanig? Sa paglaban ng mga paniniwala at gawi ng patuloy na nagdidilim na mundo sa mga alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo, ano ang gagawin ninyo?

“Ibig Baga Ninyong Magsialis Din Naman?”

Ang ilan sa pinakaepektibong mga sandata ni Satanas ay paggambala, panlilinlang, at espirituwal na pagkamanhid. Bawat isa sa mga nito ay nagpapababaw sa pananampalataya, nagpapalabo ng tingin, at nakakasira ng pananaw. Kung pagsasamahin ay makakabuo ang mga ito ng malaking hamon sa ating panahon. Ginagamit ni Satanas ang mga ito hindi lang para pahinain ang pananampalataya kay Joseph Smith, sa Aklat ni Mormon, sa doktrina ng Simbahan, at sa mga pinuno ng Simbahan kundi para tuligsain din ang Tagapagligtas at ang plano ng Ama. Gayon na ito noon pa man.

Kapag napalapit ang di-maiiwasang bangis ng mga tukso at paghihirap sa Category 5 na espirituwal na kalagayan ng unos, magtitiwala pa rin ba kayo sa Diyos at hahawak nang mahigpit sa katotohanan? Ang matalim na tanong ng Tagapagligtas sa Labindalawa ay may bisa pa rin ngayon:

“Ibig baga ninyong magsialis din naman?

“Sinagot siya ni Simon Pedro, Panginoon, kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.

At kami’y nagsisisampalataya at nakikilala namin na ikaw [ang Cristo,] ang [Anak] ng Dios” (Juan 6:67–69).

Naaalala ko ang isang makapangyarihang pahayag ni Pangulong Heber C. Kimball (1801–68), Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan. Ligtas na nakarating ang mga Banal sa Salt Lake Valley at nalugod sa kanilang sarili. Dahil marami silang kinaya at tiniis, medyo mayabang at sobra ang tiwala nila sa sarili. Sabi ni Pangulong Kimball:

“Gusto kong sabihin sa inyo, na makikita ng marami sa inyo ang panahon na magkakaroon kayo ng lahat ng problema, pagsubok at pag-uusig na makakayanan ninyo, at ng maraming pagkakataon para ipakita na kayo ay tapat sa Diyos at sa kanyang gawain. … Para madaig ang paparating na mga problema, kailangang magkaroon kayo mismo ng kaalaman tungkol sa katotohanan ng gawaing ito. … Kung wala pa kayong patotoo, mamuhay nang matuwid at manawagan sa Panginoon at huwag tumigil hangga’t hindi ninyo nakakamit ito. Kung hindi ninyo ito gagawin, hindi kayo tatagal.

“… Darating ang panahon na walang sinumang lalaki o babae na makakatagal sa hiram na liwanag. Bawat isa ay kakailanganing gabayan ng liwanag na taglay niya sa kanyang sarili. Kung wala kayo nito, paano kayo makakatagal?”2

Nabubuhay tayo sa magulong panahon. Ngunit ang tanong ay hindi kung ano ang kahihinatnan ng Simbahan, kundi, ano ang kahihinatnan natin? “Ang Pamantayan ng Katotohanan ay naitayo na; walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong sa gawain.”3 Ang tanging bagay lang na walang nakakaalam ay kung ako at ikaw ay susulong kasama ng gawaing ito.

Paano Espirituwal na Makaligtas

May mungkahi akong anim na mahahalagang bagay na kailangang gawin ng bawat isa sa atin para espirituwal na makaligtas.

Savior next to a tree

1. Mahalin at sundin muna ang Diyos. Kailangan munang mahalin at sundin ang Diyos bago mahalin at paglingkuran ang iba. Mahalagang pagsunurin ito. Itinuro ni Nephi, “Sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagbibigay-liwanag sa pang-unawa; sapagkat siya ay nagsasalita sa mga tao alinsunod sa kanilang wika, sa kanilang ikauunawa” (2 Nephi 31:3). Mahal tayo ng Ama sa Langit at palagi Siyang handang bigyan tayo ng pang-unawa. Gayunman, kailangan natin Siyang unahin sa ating buhay.

young man praying

2. Magdaos ng personal na panalangin. Mahalaga ang panalangin. Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Ang pinakamabisang paraan para makamtan ang katotohanan at karunungan ay hindi sa paghanap dito sa mga aklat [maaari pa niyang idagdag ang “mga blog”], kundi sa pagdarasal sa Diyos, at pagtatamo ng banal na turo.”4 Hindi kayo magiging hindi-karapat-dapat na manalangin kailanman! Kung nais ninyo ng iba pang mga sagot, magtanong pa. Patuloy na hangarin at ipagdasal na impluwensyahan kayo ng Espiritu Santo (tingnan sa Moroni 10:5). Ito ang liwanag na ipinapadala ng Ama na naghahatid ng pang-unawa.

young woman in graduation cap and gown

3. “Maghanap ng kaalaman maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 109:7). Ang pagkatuto ay isang banal na tungkulin. Ang mga kinatawan ay naghahangad na matuto; ang mga bagay ay naghihintay na pakilusin sila. Ang mahuhusay na lider ay mahuhusay na mag-aaral. Kailangan ng Simbahan ng magagaling na mga lider—mga babae at lalaking naghahangad ng higit na liwanag at kaalaman, mas malalim na pang-unawa at pagbabalik-loob (tingnan sa D at T 93:36). Kailangan dito ang katapatan at dedikasyon. Wala kayong makikitang malalalim na katotohanan sa pag-scroll sa wiki o paghahanap sa blogosphere. Tandaan, ang pananampalataya ay nag-aalab sa pakikinig sa patotoo ng mga taong may pananampalataya, hindi sa pakikinig sa mga pagdududa ng mga nawalan nito.

person holding an open book of scriptures

4. Saliksikin ang mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon—araw-araw! Ang Aklat ni Mormon ay partikular na isinulat para protektahan at pangalagaan tayo sa pagharap sa mga kundisyon ng ating panahon. Tungkol sa kapangyarihan nito, pinatotohanan ni Nephi ang gabay na bakal, “At sinabi ko sa kanila na ito ang salita ng Diyos; at sinuman ang makikinig sa salita ng Diyos, at mahigpit na kakapit dito, kailanman sila ay hindi masasawi; ni ang mga tukso o nag-aapoy na sibat ng kaaway ay makapananaig sa kanila tungo sa pagkabulag, upang akayin sila sa pagkalipol” (1 Nephi 15:24). Kung naguguluhan at nawawala na kayo, magsimula ulit sa unang pahina, at magbabad sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon.

temple

5. Magtuon sa buong plano. Kayo ay bahagi ng pinakamalaking kilusan sa mundo: ang pagtitipon ng Israel at paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. May mahalagang papel kayong gagampanan! Pumarito kayo sa lupa na may pangakong maging matapang sa inyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Iyan ang inyong banal na pagkatao. Magtuon sa buong plano: ang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit. Ito ang pananaw ng katotohanan. Ito ang konteksto para sa lahat ng tanong, problema, at alalahanin. “Sapagkat ang Espiritu ay nagsasabi ng katotohanan at hindi nagsisinungaling. Anupa’t nagsasabi ito ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito, at mga bagay kung ano talaga ang magiging ito” (Jacob 4:13).

woman walking on a path

6. Higit sa lahat, magtiwala kay Jesucristo. Siya pa rin “ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan” (3 Nephi 11:11; tingnan din sa Juan 8:12). Kapag napalibutan at nalukuban kayo ng pagdududa, paghihirap, at tukso, magtiwala sa Kanya. Kapag ang buhay ay hindi katulad ng inyong inaasahan at binigo at pinagtaksilan kayo ng mga taong pinagkatiwalaan ninyo, lubos pa rin Siyang pagkatiwalaan. Nawa’y tumugon kayong katulad ni Nephi noong araw sa gayon ding nakakaligalig na mga panahon: “Gayunpaman, alam ko kung kanino ako nagtiwala. … O Panginoon, ako ay nagtiwala sa inyo, at ako ay magtitiwala sa inyo magpakailanman” (2 Nephi 4:19, 34).

Anuman ang gawin ninyo, huwag ninyong talikuran ang Tagapagligtas! Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, tayo ay mga kinatawan, malayang kumilos at hindi pinakikilos. Bawat isa sa atin ay tatayo sa harapan ng Makapangyarihang Diyos at mananagot para sa liwanag at katotohanang pinili natin.

Ipinapangako ko na kung susundin ninyo ang mga alituntuning ito at kakapit kayo nang mahigpit sa katotohanan, hinding-hindi mawawalan ng kabuluhan ang inyong pananampalataya. Nawa’y pagpalain kayo ng Diyos na lagi ninyong piliing tumingin sa pananaw ng katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Naisip Bang Manalangin?” Mga Himno, blg. 82.

  2. Sa Orson F. Whitney, Life of Heber C. Kimball (1945), 449–50.

  3. Joseph Smith, sa History of the Church 4:540.

  4. Joseph Smith, sa History of the Church, 4:425.