Paano Palalakasin ang Kumpiyansa at Pagpapahalaga sa Sarili
Bilang karagdagan sa pagpapalakas ng ating pananampalataya, kailangan nating matuto ng mga kasanayang tutulong sa atin na madaig ang kawalan ng kumpiyansa sa ating sarili at sa ating mga kakayahan.
Ang pag-unawa sa ating sarili ay mahalaga sa pagpapabuti ng ating sitwasyon at pananaw sa buhay—madalas na tinutukoy bilang sukatan ng ating kaligayahan. Kaya katulad ng pagkatuto natin ng mga bagong kasanayan sa pagnenegosyo at pagkuha natin ng edukasyon, kailangan din nating pag-aralan ang ating sarili. Ang unang bagay na kailangan nating malaman ay nandito tayo sa mundo para matuto at umunlad. Hindi totoo ang paniniwalang hanggang dito na lang tayo. Maaari tayong magbago. Hindi tayo nilikha para manatili sa ating kasalukuyang kalagayan.
Paano Natin Madadaig ang Kawalan ng Kumpiyansa sa Ating Sarili?
Kailangan muna nating maunawaan kung bakit tayo nakakaranas ng kawalan ng kumpiyansa sa ating sarili. Maaaring bunga ito ng mga karanasan noong kabataan na nagdulot ng trauma, napakahirap, o nakakagambala. Ang paghihiwalay ng mga magulang, diskriminasyon, at seksuwal o pisikal na pang-aabuso ay nag-iiwan ng pangmatagalang epekto sa atin sa ating pagtanda kung hindi natin makukuha ang tulong na kinakailangan natin. Marami sa atin ang hindi nagkaroon ng pagkakataon na magpalakas ng kumpiyansa sa pamamagitan ng mga mabisang karanasan ng pagkatuto. Maliban sa propesyonal na tulong, mayroong mga paraan kung paano natin palalakasin ang ating pagpapahalaga sa sarili at kumpiyansa para maging mas handa tayong harapin nang matagumpay ang mga bagong hamon, pag-aalinlangan, o alalahanin.
10 Paraan Kung Paano Palalakasin ang Iyong Kumpiyansa
-
Ipagdasal na matutuhan kung paano haharapin nang matagumpay ang iyong kalagayan. Sa halip na ipagdasal na maayos ang mga problema o mawala ang mga hamon, ipagdasal na maunawaan ang iyong sarili at kung ano ang dapat mong matutuhang daigin. Ipagdasal na maalala kung ano ang mga natutuhan mo at isulat ang iyong mga saloobin. Basahin ang mga ito nang madalas.
-
Mag-isip ng positibo. Tandaan na ikaw ay anak ng Diyos. Hindi ka Niya ipinadala sa mundo para mabigo. Hindi ka perpekto, ngunit gumagawa ka ng mga pagpiling nagpapabuti sa iyo. Maniwala sa iyong sarili. Alamin na anuman ang mangyari, kakayanin mo ito sa tulong ng Panginoon.
-
Pangalagaan ang iyong katawan. Maging maayos at malinis. Ugaliing hugasan ang iyong buhok, plantsahin ang iyong mga damit, magsipilyo, at siguraduhing ngumiti. Ang personal na kalinisan ay magpapabuti sa iyong pakiramdam tungkol sa iyong sarili.
-
Kumain ng masusustansyang pagkain at mag-ehersisyo. Ang kaalamang inaalagaan mo ang iyong kalusugan ay nakakatulong sa iyo na maramdamang naaasikaso mo ang iyong sarili nang maayos. At ang pag-eehersisyo ay nagpaparami ng mga endorphin sa iyong katawan na nagpapabuti sa iyong pakiramdam.
-
Matulog nang sapat. Maghanda sa pagtulog sa pamamagitan ng paggawa ng isang bagay na nakakapagpakalma sa iyo—magbasa ng isang aklat, basahin ang iyong mga banal na kasulatan, o magsulat sa iyong journal. Matulog nang may magagandang iniisip, dahil alam mong bukas ay isang bagong umaga, isang bagong simula.
-
Maging mabait. Tingnan ang iba sa mata at ngumiti, magsabi ng mabubuting bagay, o gumawa ng mabubuting gawa. “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:39).
-
Magpasalamat. Huminto sa gitna ng mahirap na bahagi ng araw at magmuni-muni tungkol sa mga pagpapalang natatanggap mo. Ang pagpapasalamat ay mayroong malakas na impluwensya sa kaligayahang nararamdaman natin.
-
Purihin ang iyong sarili kapag may nagagawa kang mabuti at nagsisikap kang gawin ang isang bagay. Gawin ang isang bagay na ipinagpapaliban mo, at kapag natapos mo na ito, purihin ang iyong sarili para sa nagawa mo. Maaari kang gumawa ng isang simpleng bagay katulad ng pagbabasa ng isang aklat na matagal mo nang nais basahin o pag-aayos ng tumatagas na gripo sa lababo.
-
Mag-ayos ng gamit. Sa bahay man o sa opisina, ayusin ang mga gamit. Magugulat ka kung gaano kaganda sa pakiramdam kapag nakaayos ang lahat ng gamit.
-
Gumawa ng isang listahan ng iyong mga kalakasan at talento. Marahil ay maaari kang humingi ng tulong sa malalapit na kaibigan at kapamilya. Isama hindi lamang ang magagandang katangian—isama ang mga tagumpay at mga bagay kung saan ka magaling. Ngayon, ilagay ang listahan sa isang lugar kung saan makikita mo ito araw-araw. At bago mo simulan ang araw na iyon, lumuhod at magpasalamat para sa lahat ng bagay na nasa listahang iyon.