Ang Walang-Hanggang Kahalagahan ng mga Matwid na Pagpili
Mula sa mga mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University–Hawaii noong Nobyembre 20, 2018, at sa Utah Valley University noong Pebrero 1, 2019.
Ang mga pagpiling ginagawa natin ay napakahalaga—ang mga ito ang susi sa ating hinaharap at kaligayahan.
Naninirahan tayo sa isang mundo na mas nagbibigay-diin sa pagkakaiba kaysa sa pagkakaisa. Marami ang nag-aakalang halos imposible para sa mga taong mula sa magkakaibang kultura at iba’t ibang karanasan na magkaisa sa mga pangkalahatang layunin. Giit ng ilan, “Wala tayong nakapagbibigkis na pag-unawa para maipaliwanag kung paano namumuhay [nang sama-sama] ang iba’t ibang taong may iba’t ibang kultura at paniniwala.”1 Ang ilan ay naniniwala na “ang mundo ay pinagpapasyahan ng nag-iisang pagkakakilanlan ng inyong lipi. Inilalarawan nila ang lipunan bilang isang lugar ng labanan” na “naglilinang ng kawalang-tiwala, pagkakawatak-watak at pagkamanhid ng damdamin.”2
Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay isang nakapagbibigkis na tugon sa mga pahayag na ito. Ang pagiging matwid ang batayang alituntuning naghahatid ng pagkakaisa at kaligayahan. Gustung-gusto ko ang 2 Nephi kabanata 9, na naglalaman ng pambihirang turo tungkol sa pagkatuto, karunungan, kayamanan, paggawa, at pagtanggi na makita o marinig ang mga resulta ng kasalanan. Naglalaman ito ng malalim na doktrina na nagpapahintulot sa atin na sundan ang mga landas ng pagkamatwid na patungo sa Tagapagligtas.
Magbabahagi ako ng limang alituntunin na naniniwala akong tutulong sa inyong matagumpay na paghahanap ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, kabutihan, at kaalaman. Ang mga layuning ito ay maaaring maging magkatugma at magkaugnay. Sa praktikal na antas, marami sa inyo ang naghahanda para sa pagpapamilya at sa pagtustos sa mga pangangailangan ng inyong pamilya. Malaki ang maitutulong sa inyo ng pananampalataya, kabutihan, at kaalaman sa dalawang aspetong ito. Ang anumang matapat na pagtatrabaho ay kapaki-pakinabang at kahanga-hanga. Ang trabahong mayroong pagpapahalaga, layunin, at mga bagong ideya at nagpapala sa sangkatauhan ay talagang makabuluhan.
1. Patuloy na Matuto
Ang unang alituntunin na ibabahagi ko ay ang ipagpatuloy ang inyong paghahanap ng kaalaman nang may sigasig at kabutihan. Ang isa sa aking mga bayani dahil namuhay siya ayon sa alituntuning ito ay si Paul Cox, isang aktibong miyembro ng Simbahan. Nakatanggap siya ng digri na batsilyer ng agham sa botanika mula sa Brigham Young University at nagkaroon ng iba pang mga post-graduate na digri. Naglingkod siya ng kanyang misyon sa Samoa at kalaunan ay nanirahan kasama ng kanyang pamilya sa Savai‘i, Samoa, sa loob ng maraming taon. Ang isa sa kanyang mga pinagtuunan ay ang ethnomedicine, kung saan ay pinag-aralan niya ang ilan sa mga halaman na ginamit ng mga henerasyon ng mga Samoan na nanay para gamutin ang mga isyung pangkalusugan. Kasama ang isa pang may-akda, isinulat niya ang Plants, People, and Culture: The Science of Ethnobotany [Mga Halaman, Tao, at Kultura: Ang Agham ng Ethnobotany].3
Gumawa siya ng ilang mga bagong pagtuklas sa paggamot ng mga sakit. Marami man siyang nagawa sa kanyang pambihirang propesyon, ang bagay na gusto kong banggitin ay nangyari maraming taon na ang nakalilipas. Si Paul at ang isang pinunong Samoan na si Fuiono Senio ay gumawa ng isang ethnobotanical na pagsasaliksik sa isang pamayanan sa Falealupo, Western Samoa.
Iniulat sa isang artikulo sa BYU Magazine: “Atubiling ipinagbili ng isang pamayanan ang karapatan sa paggamit ng kanilang kagubatan sa isang kumpanyang nagtotroso para makakuha ng pondo para sa pagtatayo ng isang paaralan, dahil, ayon kay Cox, ‘Nadama nila na kailangan nilang mamili sa pagitan ng kanilang mga anak at ng kanilang kagubatan, na isang napakahirap na desisyon para sa kanila.’ Nang malaman niya ang tungkol sa transaksyon kasama ng kumpanyang nagtotroso, sinabi ni Cox sa mga pinuno na personal niyang babayaran ang pagtatayo ng paaralan kung ipahihinto nila ang pagtotroso” sa kagubatan.4
Nagtayo nga siya ng paaralan sa tulong ng mga negosyante na mayroong mga kaugnayan sa Samoa.5 Nakatanggap si Brother Cox ng maraming parangal at pagkilala, kabilang na ang Goldman Environmental Prize para sa mga makamasang bayani ng kalikasan. Kinakatawan niya ang patuloy na paghahanap ng kaalaman para pagpalain ang sangkatauhan. Ipinapakita ng kuwentong ito ang pagmamahal sa pag-aaral at ang lakas ng pinagsama-samang kaalaman.
Si Pangulong Russell M. Nelson, isa pa sa aking mga bayani, ay isang tagabunsod sa pagsulong ng open-heart surgery, na lubos na nagpala sa mga nabubuhay sa ating panahon. Ilang taon na ang nakalilipas, tinanong ko siya tungkol sa nakamamanghang kasaysayan ng open-heart surgery at sa kanyang mahalagang papel dito. Tinalakay namin ito nang ilang sandali, at pagkatapos ay mapagpakumbaba niyang sinabi, “Napakaganda na ang Panginoon, na nakakaalam sa lahat ng bagay, ay nagpapahintulot sa atin na magtamo ng malaking kagalakan sa pagtuklas ng ilang piraso ng kaalaman.”
Nababasa sa 2 Nephi 9:29, “Subalit ang maging marunong ay mabuti kung sila ay makikinig sa mga payo ng Diyos.” Noon pa man ay mahalaga na ang kaalaman, at tayo ngayon ay nasa pagsisimula ng maraming bago at kasiya-siyang pagsulong sa siyensiya at teknolohiya. Tiyak na ang karamihan sa mga ito ay magkakaroon ng napakalaking pakinabang sa Simbahan at sa buong sangkatauhan. Mahalaga ang kaalaman, bago man ito o luma, kapag ginamit nang tama.
2. Mahalaga ang mga Tamang Pagpili
Maraming taon na ang nakalilipas, nagbahagi si Elder Bruce C. Hafen, na ngayon ay isang emeritus na miyembro ng Pitumpu, ng isang nakakatawang halimbawa ng mga maling pagpili sa isang mensahe na ibinigay sa New Zealand. Sa pagkakatanda ko, si Cookie Monster (isang kilalang tauhan sa Sesame Street) ay nanalo sa isang quiz show, at mayroon siyang tatlong pagpipiliian bilang kanyang gantimpala. Una, maaari siyang magkaroon ng isang bagong bahay pagkatapos ng isang buwan. Pangalawa, maaari siyang magkaroon ng isang bagong kotse pagkatapos ng isang linggo. O pangatlo, maaari siyang magkaroon ng isang katangi-tanging cookie—ngayon mismo! Ano sa palagay ninyo ang pinili niya? Tama kayo—pinili niya ang cookie!6
Natatawa tayo rito, pero ang mga pagpiling ginagawa natin ay napakahalaga—ang mga ito ang susi sa ating hinaharap at kaligayahan. Tandaan, tayo ang resulta ng bawat desisyon na ginagawa natin. Nabubuhay tayo sa panahon kung kailan halos bawat pagpili ay pinagtatalunan at inuusisa. Maraming tao ang halos agarang sumasalungat sa anumang matwid na mungkahi o alituntunin (tingnan sa II Kay Timoteo 4:3). Noong malapit na siyang mamatay, itinuro ni propetang Lehi:
“Sapagkat talagang kinakailangan, na may pagsalungat sa lahat ng bagay. …
“Anupa’t ang tao ay malaya ayon sa laman; at lahat ng bagay ay ipinagkaloob sa kanila na kapaki-pakinabang sa tao. At sila ay malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan, alinsunod sa pagkabihag at kapangyarihan ng diyablo; sapagkat hinahangad niya na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili” (2 Nephi 2:11, 27).
Dahil alam natin na ang digmaan sa langit ay tungkol sa plano ng kaligtasan (tingnan sa Abraham 3), hindi nakakagulat na ang mga alituntunin sa relihiyon na itinuturo ngayon, sa huling dispensasyong ito, ay inaatake nang may matinding kalupitan. Ngunit upang hindi tayo panghinaan ng loob, tandaan natin ang kinalabasan ng digmaan sa langit at ang magandang resultang alam natin na darating sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Ang matinding kalaban ng mabubuting pagpili ay ang pangangatwiran. Marami ang nakikipagtalo na hindi tayo mananagot sa ating mga pagpili. Ngunit dahil sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, alam natin na tayo ay may pananagutan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 72:3). Alam din natin kung kanino tayo mananagot. Sa Tagapagligtas! (Tingnan sa 2 Nephi 9:41; tingnan rin sa Mga Gawa 4:12.)
Kung minsan ay napakasimple ng mahahalagang pagpili. Bilang mga batang misyonero na naglilingkod sa Inglatera, kami ng aking kompanyon ay nagkaroon ng pagkakataon na magpunta sa templo. Habang binabagtas namin ang paligid ng templo, naglakad papunta sa amin ang pangulo ng templo na si Selvoy J. Boyer. Nang makita niya ang aming mga missionary badge, itinuro niya kami at nagtanong siya, “Mateo 5:48—alam niyo ba ang banal na kasulatang iyon?” Sinabi ng aking kompanyon, “Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.” Sabi ni Pangulong Boyer, “Tama iyan. Mga Elder, isinasabuhay ba ninyo ang kautusang iyan?”
Nagsimula kaming mautal; alam naming hindi kami perpekto! Tinulungan niya kami. Tinanong niya kami tungkol sa mga ginawa namin sa nagdaang tatlong araw. Tinanong niya kami kung anong oras kami humiga sa kama, kung anong oras kami bumangon, kung nag-aral kami ng banal na kasulatan nang mag-isa at nang magkasama bilang magkompanyon, at kung humayo kami para mangaral sa tamang oras. Pagkatapos ay sinabi niya, “Sigurado akong hindi kayo perpekto, pero gumawa kayo ng mga perpektong pagpili sa nakalipas na tatlong araw, at nangangahulugan iyon na ginagawa ninyo ang mga bagay na nakakatulong sa inyo na maging mas mabuti.” Iniwan niya kami na nag-iisip tungkol sa kahalagahan ng mga itinanong niya.
Si Lehi ay gumawa ng ganitong panawagan tungkol sa pagpili, na inuulit ng bawat matwid na ama at ina sa kanilang mga anak: “Nais ko na kayo ay umasa sa dakilang Tagapamagitan, at makinig sa kanyang mga dakilang kautusan; at maging matapat sa kanyang mga salita, at piliin ang buhay na walang hanggan, alinsunod sa kalooban ng kanyang Banal na Espiritu” (2 Nephi 2:28).
Kailangan nating maunawaan na mayroong oposisyon sa lahat ng bagay at ang mga matwid na pagpiling ginagawa natin ay napakahalaga.
Noong bata pa ako, narinig ko ang isang pahayag mula kay Harry Emerson Fosdick, isang kilalang ministrong Protestante. Habang nagsasalita tungkol sa mga pagpili, sinabi niya: “Ang nakapanlulumong kasamaan sa ating buhay ay karaniwang hindi sinasadya. Hindi tayo nagsimula para sa hamak at mababang mithiin na iyon. Ang mithiin na iyon ay wala ni katiting sa ating mga isipan. … Kaya nga ang landas patungong impiyerno ay madalas na yari sa mabubuting intensiyon, at ito ang dahilan kaya hindi ko ipinagdiriwang ang matataas na uliran, matatayog na mithiin, maiinam na layunin, mga kahanga-hangang resolusyon, ngunit sa halip ay sinasabi ko na ang isa sa pinakamapanganib na mga bagay sa mundo ay ang tanggapin ang mga ito at isipin na pinaniniwalaan ninyo ang mga ito at pagkatapos ay balewalain ang pang-araw-araw na mga paraan na hahantong sa mga ito. O, aking kaluluwa, tingnan ang landas na nilalakaran mo! Siya na dumarampot sa isang dulo ng patpat ay dumarampot na rin sa kabilang dulo nito. Siya na pumipili sa simula ng isang landas ay pumipili na rin sa lugar kung saan ito hahantong. Ang mga pamamaraan ang tumutukoy ng kahihinatnan.”7
3. Magbigay ng Inilaang Pagsisikap Araw-araw
Ang araw-araw na matwid na inilaang pagsisikap ay mas mabuti kaysa sa paminsan-minsang kabayanihan. Sinabi ng isa sa aking mga kaibigan na si Jim Jardine sa isang klase sa Brigham Young University na noong estudyante siya, naisip niya na “ilaan ang [kanyang] buhay sa isang dakilang gawain ng kabayanihan” pero napagtanto niya na “ang paglalaan ay hindi isang minsanang pangyayari sa buhay; ito ay isang pang-araw-araw na dedikasyon.”8
Noong bata pa ako, gusto ko ring patunayan ang aking sarili sa pamamagitan ng ilang gawain ng kabayanihan. Ang aking lolo sa tuhod na si David Patten Kimball ay isa sa mga kabataang lalaki na sumagip at nagbuhat sa mga miyembro ng Martin handcart company patawid sa Sweetwater River. Tila iyon ang uri ng paglalaan na hinahanap ko. Kalaunan, noong dumalaw ako sa aking lolo na si Crozier Kimball, ipinaliwanag niya na noong nagpadala si Pangulong Brigham Young (1801–77) ng mga kalalakihan para sa isang misyon ng pagsagip, iniutos niya sa kanila na gawin ang lahat ng makakaya nila para mailigtas ang handcart company. Ang mismong paglalaan nila ay ang “sumunod sa propeta.” Sinabi sa akin ng aking lolo na ang hindi nagbabago, matapat, at matwid na dedikasyon sa isang tungkulin o sa isang alituntunin ay dapat na hangaan nang lubos.
Tulad ng kabayanihan ni David Patten Kimball na tumulong sa pagsagip ng mga pioneer, kapantay ng kabayanihang ito ngayon ang pagsunod sa propeta sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng kanyang mga payo na bawasan ang paggamit ng social media, magbasa ng Aklat ni Mormon, at partikular na tumulong sa pagtitipon ng nakakalat na Israel sa magkabilang panig ng tabing. Kung tutulong tayo sa pagtitipon ng nakakalat na Israel, masasagip natin ang mga kaluluwa ng sangkatauhan—tulad ng pagsagip ng aking lolo sa tuhod sa mga miyembro ng handcart company.
Ilan sa mga miyembro ng Simbahan ang nagsasabi na ilalaan nila ang kanilang mga sarili nang may sigasig kung bibigyan sila ng mataas na tungkulin, pero hindi nila naiisip na ang ministering at ang pagkalap ng family history ay maituturing na kabayanihan para sa kanilang patuloy na pagsisikap.
4. Maging Malakas at Di-Natitinag sa mga Bagay na may Kinalaman sa Kabutihan
Ilang taon na ang nakalilipas, nagsalita si Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa ilan sa kanyang malalapit na kaibigan na hindi masyadong aktibo sa Simbahan. Sinabi niya na naobserbahan niya ang pagtaas at pagbaba ng kanilang pananampalataya at kung ano ang naging dahilan nito. Pagkatapos ay sinabi ni Elder Maxwell:
“Isang talata sa Aklat ni Mormon ang nagbibigay ng pinakamainam na paliwanag. Ito ay isang tanong sa Mosias 5:13: ‘Sapagkat paano makikilala ng isang tao ang Panginoon na hindi niya pinaglingkuran, at kung sino ay dayuhan sa kanya, at malayo sa pag-iisip at mga hangarin ng kanyang puso?’
“Inilalarawan nito ang karaniwang nangyayari: ang mabubuting tao ay nagiging abala lamang sa mga alalahanin ng mundo. Kung sa halip na mas lumapit sa Panginoon ay naging dayuhan tayo sa Kanya, kung gayon ay naligaw na tayo. Karaniwan, nangyayari ito sa mabubuting tao na hindi gumawa ng malaking kasalanan, ngunit inilayo nila ang kanilang mga sarili sa Tagapagligtas, at Siya ay naging dayuhan sa kanila.”9
Mahalaga na ilagay natin ang ating pananampalataya sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo na sentro ng ating mga buhay. Isang kamangha-manghang mission president ang nagpasaulo sa bawat isa sa amin na mga misyonero ng isang simpleng pahayag tungkol sa pananampalataya at pagkamatwid na tumatak sa akin sa buong buhay ko. Ibinibigay ko ito sa inyo:
Walang pagkakataon, walang tadhana, walang kapalaran
[Na] magpapahina, hahadlang, o pipigil
Sa matibay na paninindigan ng isang determinadong kaluluwa.10
Mga minamahal kong kaibigan, kailangan ninyong maging mga determinadong kaluluwa pagdating sa pamumuhay nang matwid!
5. Tanggapin ang Inyong Pamana sa pamamagitan ng mga Tamang Pagpili
Ang isa sa mga pinakadakilang kuwento sa Aklat ni Mormon ay ang payo ni Alma sa kanyang tatlong anak na sina Helaman, Siblon, at Corianton. Si Alma ang anak ni Alma na propeta. Nakaranas siya ng mahimalang pagbabalik-loob noong kabataan niya. Siya ay naging punong-hukom ng bansa at mataas na saserdote at propeta ng Simbahan. Ang dalawa sa kanyang mga anak ay gumawa ng mabubuting pagpili. Ngunit ang isa sa kanyang mga anak ay gumawa ng ilang masasamang pagpili. Para sa akin, ang pinakadakilang kahalagahan ng payo ni Alma ay ang pagbibigay niya nito bilang ama sa kanyang sariling mga anak. Ang una niyang inaalala ay ang pagkakaroon nila ng patotoo sa Diyos Ama, kay Jesucristo, at sa Espiritu Santo.
Sinimulan ni Alma ang kabanata 36 sa pamamagitan ng pagkukuwento kay Helaman tungkol sa kanyang mahimalang pagbabalik-loob. Sinabi ng isang anghel kay Alma na siya ay wawasakin kung ipagpapatuloy niya ang pagtutol sa Simbahan. Nagpatotoo siya na ang kaalamang ibinabahagi niya ay hindi galing sa kanyang sariling karunungan, kundi inihayag sa kanya ng Diyos. Nais niyang magkaroon ng patotoo si Helaman.
Karamihan sa inyo, kung hindi man halos lahat, ay mayroong patotoo. Kailangan ng bawat isa sa atin ng personal na patotoo. Sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1919), “Ang isang kamaliang dapat iwasan ng mga Banal, bata man o matanda, ay ang inklinasyon na mamuhay sa hiram na liwanag [at] pahintulutan … ang liwanag sa kanilang kalooban na maging hiram lamang, sa halip na orihinal.”11
Sinabi ni Pangulong Heber C. Kimball (1801–68), isang tagapayo ni Pangulong Young:
“Darating ang panahon na walang sinumang lalaki o babae na makakatagal sa hiram na liwanag. Bawat isa ay kakailanganing gabayan ng liwanag na taglay niya sa kanyang sarili. Kung wala kayo nito, paano kayo makakatagal? …
“… Kung wala kayo nito, hindi kayo makatatayo; kaya hangarin ang patotoo kay Jesus at panghawakan ito, upang kapag dumating ang panahon ng pagsubok, kayo ay hindi matitisod at babagsak.”12
Tinutukoy sa bahagi 76 ng Doktrina at mga Tipan ang tatlong antas ng kaluwalhatian at inihahalintulad ang kaluwahatiang selestiyal sa araw. Pagkatapos ay inihalintulad nito ang kahariang terestriyal sa buwan at ang kahariang telestiyal sa mga bituin (tingnan din ang I Mga Taga Corinto 15:41).
Nakatutuwa na ang liwanag ng araw ay galing sa sarili nito, pero ang liwanag ng buwan ay galing sa iba o “hiram na liwanag” lamang. Tinutukoy ang mga magmamana ng kahariang terestriyal, sinasabi sa talata 70, “Sila ang mga yaong hindi matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus.” Hindi tayo maaaring makarating sa kahariang selestiyal at mamuhay kasama ng Diyos Ama sa pamamagitan ng hiram na liwanag.
Magpasalamat kung mayroon kayong butihing mga magulang na mayroong mga patotoo at nagtuturo sa inyo ng ebanghelyo. Gayunman, kailangan ninyo ng sariling patotoo. Sinabi ng pilosopo na si Goethe, “Anumang pamana mula sa iyong ama ay hiram lamang, sikaping matamo ito muli upang tunay mo itong maangkin!”13
Ang bawat indibiduwal ay may responsibilidad na gumawa ng mga tamang pagpili at pagnilayan nang mabuti ang limang payo na ibinigay ko. Ang inyong pangunahing layunin ay patatagin ang inyong personal na pananampalataya. Ang mga kalagayan ng mundo ay lalong nangangailangan ng mas malalim na pagbabalik-loob at ng pagpapalakas ng pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
Handa para sa mga Panahong Mapanganib
Ang Simbahan ay gumawa ng kamangha-manghang pagsisikap para bigyan kayo ng direksyon na tutulong sa inyo na gumawa ng mga tamang pagpili. Inihanda tayo ng Panginoon, taludtod sa taludtod, para sa “mga panahong mapanganib” (II Kay Timoteo 3:1) na hinaharap natin ngayon. Ang maikling listahan ng mga gawain na ginawa ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol para maibigay ang mga direksyong ito ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
-
Paggalang sa araw ng Sabbath at sa sagradong ordenansa ng sakramento na binigyang-diin sa nakalipas na limang taon.
-
Sa ilalim ng pamumuno ng bishop, ang pinalakas na mga korum ng mga elder at mga Relief Society ay nakatauon sa layunin at mga responsibilidad na ibinigay ng Diyos sa Simbahan, na tumutulong sa mga miyembro na gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan.
-
Ang ministering sa mas dakila at mas banal na paraan ay maligayang ginagawa.
-
Nakatuon sa pangunahing layunin sa simula pa lamang, ang mga tipan sa templo at paggawa ng family history ay nagiging makabuluhang bahagi ng landas ng tipan.
Ang mga karagdagang pag-aangkop para makamit ang bagong balanse sa pagitan ng nagaganap sa simbahan at ng nagaganap sa tahanan ay inilahad noong Oktubre 2018 sa pangkalahatang kumperensiya. Ang mga pag-aangkop ay inilahad para magkaroon ng nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan na pagsisikap. Sa mensaheng ibinigay ko, na sinang-ayunan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol, ipinahayag namin na ang mga layunin at pagpapala na may kaugnayan sa pag-aangkop na ito at sa iba pang mga pagbabago kamakailan ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
-
Lumalalim na pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo at pagpapatatag ng pananampalataya sa Kanila.
-
Pagpapatatag sa mga indibiduwal at pamilya sa pamamagitan ng kurikulum na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan na nag-aambag sa maligayang pamumuhay sa ebanghelyo.
-
Paggalang sa araw ng Sabbath, nang nakatuon sa ordenansa ng sakramento.
-
Pagtulong sa lahat ng anak ng Ama sa Langit sa magkabilang panig ng tabing sa pamamagitan ng gawaing misyonero at pagtanggap ng mga ordenansa at tipan at biyaya ng templo.14
Ang matwid na pagsunod sa ibinigay na payo ay magpapala sa inyo ngayon at sa buong buhay ninyo.