2020
Pagkakaroon ng Pag-asa sa Sentro ng Pandemya
Mayo 2020


Digital Lamang: Mga Young Adult

Pagkakaroon ng Pag-asa sa Sentro ng Pandemya

Nang tinamaan nang matindi ang Italy ng COVID-19, nakahanap ako ng dahilan para mapanghawakan ang pag-asa.

Babae na nakatingin sa labas ng bintana

Ang awtor ay naninirahan sa Catanzaro, Italy.

Gustung-gusto ko ang nagbibigay-kapanatagang mga salita na ibinahagi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli: “Ang kapayapaan ay sumainyo” (Juan 20:19). Hindi ba’t kagila-gilalas na laging ipinapangako ng ating Tagapagligtas ang kapayapaan sa Kanyang mga tagasunod? Ipinaalala sa akin ng isang espesyal na karanasan ang katotohanang ito.

Balisa at Naka-Quarantine

Isang gabi habang nanonood ng balita, nagsasalita ang mga nag-uulat tungkol sa COVID-19 at ang epekto nito sa Italy, kung saan ako nakatira. Binanggit nila ang bilang ng mga taong namatay dahil sa virus at ang tumataas na bilang ng mga kumpirmadong kaso. Bagama’t nakakapangamba, hindi ako masyadong nag-alala tungkol dito noon. Ngunit makalipas ang mga dalawang linggo, naging masyadong malubha ang situwasyon, at gayundin ang pagkabalisa ko.

Nakaramdam ako ng kalungkutan at pagkataranta sa gitna ng mga pangyayari. Nag-alala ako nang husto na baka magkasakit ako. At sa unang pagkakaton sa buhay ko, natakot akong pumasok sa trabaho. Kinailangan kong magsuot ng guwantes at mask sa tuwing lalabas ako. Makalipas ang isang linggo, nag-lock down ang buong bansa namin at lahat ay isinailalim sa istriktong quarantine.

Sa panahong ito hindi kami maaaring lumabas ng aming tahanan maliban sa pagbili ng grocery isang beses sa isang linggo. Mahirap ang manatili lamang sa loob ng bahay. Lahat ng mga miting sa Simbahan ay pansamantalang itinigil, at bagama’t nalungkot ako dahil dito, labis akong nakaramdam ng pighati sa pagsasara ng mga templo dahil pinlano kong dumalo sa pagbubuklod ng isang pamilyang tinuruan ko sa aking mission. Nalungkot ako nang labis at nakadama ng kawalan ng pag-asa dahil sa mga pangyayari sa mundo.

Naantig ng Musika

Isang umaga habang nagbabasa ako ng mga banal na kasulatan at nakikinig sa isang kantang pinamagatang “Kapayapaan Kay Cristo,” nagdasal ako at itinanong sa Ama sa Langit, “Paano ko po mapanghahawakan ang pag-asa sa mahirap na panahong ito?”

At noon ko nasimulang mapansin ang mga titik ng awit:

Si Cristo ay

Nagbibigay

Ng pag-asa

at katatagan,

Masisilungan

Mula sa unos.

May kapayapaan

Tayo kay Cristo.1

Nadama kong pinatotohanan sa akin ng Espiritu ang mga salitang ito. Tiningnan ko ang aking lumang missionary name tag at narinig ang mga salitang ito sa aking isip: “Romina, gusto kong magkaroon ka ng kaparehong kapayapaan na ibinigay mo sa iba sa iyong mission sa pagbabahagi ng aking mensahe ng pag-asa. Magiging maayos ang lahat. Hindi kita iiwang mag-isa.”

Kaya ngayon, gusto kong ibahagi ang mensahe na iyon ng pag-asa! Kahit na nakadama ako ng labis na takot at pagkabalisa sa panahong ito ng paghihirap sa mundo, tunay na alam kong may pag-asa kay Cristo! Bumaling sa Kanya. Pakinggan Siya. Sumunod sa Kanya. Makahahanap tayo ng kapayapaan sa Kanya. May kapangyarihan sa paniniwala sa Kanya, at kapag ginawa mo ito, bibigyan ka Niya ng lakas na panghawakan ang pag-asa (tingnan sa Eter 12:4).

Mahigpit na Nakakapit sa Pag-asa

Nagsasalita tungkol sa pag-asa, itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang “pag-asa sa Diyos, sa Kanyang kabutihan, at Kanyang kapangyarihan ang muling nagbibigay sa atin ng lakas ng loob sa mahihirap na hamon.”2 Nakakatakot man ang panahong ito, mapipili nating maging matapang at magtiwala sa mga pangako ng Panginoon. Kapag mahirap ang buhay, hindi natin kailangang hilingin sa Ama sa Langit na baguhin ang ating kalagayan, sa halip, makahihiling tayo sa Kanya na baguhin ang ating saloobin. Matututo at lalago tayo sa anumang sitwasyon.

Alam ko na ang Diyos ay kasama natin at na mahal Niya ang Kanyang mga anak—maging ang mga taong nasa sentro ng pandemya. Alam ko na sa pamamagitan Niya, magiging maayos ang lahat. At alam ko na makaaasa ako lagi sa kapayapaan na dulot ng paniniwala kay Jesucristo. Dahil sa Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, hindi ko kailangang harapin ang mga problema nang mag-isa.

Mga Tala

  1. Nik Day, “Kapayapaan kay Cristo: 2018 Mutual Theme Song,” Liahona, Ene. 2018, 54–55; New Era, Ene. 2018, 24–25.

  2. Dieter F. Uchtdorf, “Ang Walang-Hanggang Bisa ng Pag-asa,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 23.