2020
Apat na Aral ng Liwanag sa Panahon ng Kadiliman
Mayo 2020


Digital Lamang: Mga Young Adult

Apat na Aral ng Liwanag sa Panahon ng Kadiliman

Bagama’t tila isang madilim na ulap na bumabalot sa buong mundo ang pandemya, may mga paraan pa rin para papasukin ang liwanag.

Babaeng nakatingin sa liwanag

Ang awtor ay naninirahan sa Voronezh Oblast, Russia.

Habang inilalakad ko ang aking aso kamakailan, nakapansin ako ng isang kulay abong ulap na tinatagusan ng mga sinag ng araw. Ipinaalala nito sa akin ang kasalukuyang pandemya. Kahit na ang situwasyon ay madilim at nakapanlulumo tulad ng ulap, ang pagmamahal ng Panginoon para sa atin ay mas malakas, tulad ng araw.

Ang isang karaniwang kasabihan sa Ingles ay nagsasaad na “Ang bawat ulap ay may liwanag sa gilid nito,” na ang ibig sabihin ay lahat ng paghihirap ay makapagtuturo sa atin ng isang bagay na may magandang maidudulot. Habang iniisip ko kung ano ang mga nakatulong sa akin na manatiling panatag sa nakaraang mga buwan at mga bagay na di-masyadong nakatulong, natanto ko na may apat na katotohanan na sa tingin ko ay patuloy na pagpapalain ang buhay ko kahit matapos na ang krisis na ito.

1. May Kaligtasan sa Pagsunod sa Propeta

Ang mga post sa social media tungkol sa katapusan ng mundo at mga fake news tungkol sa malikhaing mga paraan upang puksain ang virus ay hindi nakatulong sa akin na magkaroon ng magandang pakiramdam tungkol sa buhay. Kahit na ang mga mensaheng ito ay naglalayong tulungan ang mga taong manatiling ligtas at malusog, mas tinakot lamang ako ng mga ito. Halimbawa, matapos makita ang pang-anim na kuwento tungkol sa kung paanong ang ilang pampalasa ay makatutulong na patayin ang coronavirus, naaalala kong na-stress ako kung may sapat kaming suplay ng mga pampalasa sa aming kusina, na dagdag pa sa pag-iisip kung mamamatay na ba ako.

Sa pangkalahatang kumperensya ilang taon na ang nakararaan, inanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na makilahok sa 10-araw na pag-aayuno mula sa anumang media na nagdudulot ng negatibo at masasamang kaisipan.1 Para sa akin, tila isang babala ang kanyang payo, kaya tinigilan ko ang paggamit ng ilang social media apps na umuubos sa karamihan ng oras ko. Naging mas masaya ako at hindi na masyadong balisa.

Natanto ko ngayon na kailangan kong muling ayusin ang mga gawi ko sa paggamit ng digital na kagamitan. Nagbalik-tanaw ako na namamangha at napaisip: Alam na ba ni Pangulong Nelson noong panahon na iyon na ang social media ay maaaring pagmulan ng kalungkutan at pagiging negatibo ngayon, sa panahong ito ng krisis? Tunay na may kaligtasan sa pagsunod sa propeta. Ang mga salita ng mga lider ng Simbahan ay tila isang sinag ng araw, na tumatagos sa kaguluhan at tinatanglawan ang landas tungo sa kapayapaan.

2. Nilalabanan ng Paghahanda ang Takot

Ang isa pang nagdulot sa akin ng pagkabalisa ay ang pagkarinig sa mga tao na kinukutya ang iba sa kanilang paghahanda at kahinahunan na tulad ng panahon ni Noe. Sa tingin ko ang ilang mga tao ay nawalan na ng pakialam sa hinaharap. Ang tunay na matatalino ay sumusunod sa payo ng mga propeta at maingat na nagsisikap na umasa sa sariling kakayahan.

Sa loob ng maraming taon, tinuruan tayo ng mga lider ng Simbahan na umiwas sa utang, mag-aral upang mas mahusay na maitaguyod ang ating sarili at ang iba, mag-imbak ng pagkain at tubig, at magtabi ng pera kung posible. Alam ko na ang bawat situwasyon ay naiiba, at ang ilang mga bansa ay hindi pinapayagan ang kanilang mga mamamayan na mag-imbak ng pagkain o iba pang kagamitan. Ngunit kahit sa ganoong uri ng mga restriksyon, ang bawat isa sa atin ay maaaring tumukoy ng isang bagay na magagawa natin upang maging mas handa para sa hinaharap.

Ramdam kong mas ligtas ako kapag nagsisikap akong maging masunurin at kapag kaya kong lumapit sa Panginoon nang may kumpiyansa tuwing humihingi ako ng tulong. Ang paghahandang ito ay tulad ng isa pang sinag ng araw, na dumadaig sa takot at nagbibigay-liwanag sa pag-asa.

3. Gumagawa ng Kaibhan ang Pananaw sa Buhay

Dahil sa pandemyang ito, mas nagpapasalamat ako sa mga taong pinalalakas ang loob ko sa pamamagitan ng nagpapasiglang mga mensahe, espirituwal na kaalaman, at malinis na pagpapatawa. Ang minamahal na mga kaibigang ito ay palaging nagbibigay-liwanag sa araw ko. Ipinaaalala nila sa akin na mapipili natin kung ano ang magiging reaksiyon natin sa mga nangyayari sa ating paligid.

Sinikap kong sundin ang halimbawang ito nang pansamantalang itinigil ang mga miting sa Simbahan. Sa halip na bumigay sa mga madalas na tanong na “bakit” at “paano,” pinili kong magtuon sa mga positibong aspeto ng pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan. Nakikita ko ngayon na ang pagsisikap na magkaroon ng positibong pag-uugali, bagama’t mahirap kung minsan, ay nakatulong sa akin na manatiling mas malakas sa espirituwal kaysa kung hinayaan kong mapuno ako ng pagkapoot. Gaya ng pangatlong sinag ng araw, maaaring maalis ng magandang pananaw ang pagdududa at pasiglahin ang ating mga kaluluwa.

4. Ang Espiritu Santo ay Isang Makapangyarihang Kakampi

Isang araw na nalulungkot at ramdam na nag-iisa ako, nagpasiya akong makinig sa Tabernacle Choir channel online. Musika ang laging tumutulong sa akin na maramdaman ang impluwensiya ng Espiritu Santo. Mayroong live chat sa channel, at nakatutuwang makita ang mga taong nagpapahayag ng kanilang pagmamahal at pasasalamat mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Nadama ko na kabilang ako sa kanila. Habang binibigyang ginhawa ng impluwensya ng Espiritu Santo ang aking pusong nasasaktan, naging mas masaya at maluwag ang pakiramdam ko.

Nakita ko na nang maraming beses na kung magsisikap akong anyayahan ang Espiritu Santo sa aking buhay, tutulungan Niya ako sa mga pangangailangan ko. Siya ay isang makapangyarihang katuwang na sabik na magdala sa atin ng mga kaloob ng kapayapaan, kapanatagan, at pang-unawa. Tulad ng sinag ng araw, mapapawi Niya ang kalungkutan at ihahayag ang totoo.

Hanapin ang Liwanag

Ang Panginoon ay mas malakas kaysa sa anumang paghihirap. Tulad ng sinabi sa pangalawang talata ng himno 49:

Tanglaw ko ang Diyos; ulap ma’y dumating

Ang pananalig ko’y sa langit ang tingin

Kung sa’n habangbuhay, si Cristo ang Hari

Kaya’t ako’y ba’t sa karimlan mananatili?2

Sana magkasama tayong makapaglalakad ngayon. Titingnan natin ang kalangitan, magbababad sa sikat ng araw, at pag-uusapan ang mga katotohanan na nagbibigay liwanag sa ating buhay. Sigurado akong may magagandang ideya ka sa pagbabahagi ng liwanag na iyon sa iba. Marahil ay maiisip mo ang maglakad nang ganito sa susunod na may emosyonal na unos na darating sa iyo. Kasama natin ang Panginoon, at hindi natin kailangang matakot.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Pakikibahagi ng Kababaihan sa Pagtitipon ng Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 69.

  2. “Tanglaw Ko ang Diyos,” Mga Himno, blg. 49.