Paglipat sa Relief Society
Noong nakaraang taon nag-post sina Sister Bonnie L. Oscarson, Young Women general president, at Sister Linda K. Burton, Relief Society general president, ng mga kahilingan sa kanilang Facebook pages ng Simbahan. Hiniling nila sa mga kabataang babae at kababaihan ng Relief Society, gayundin sa mga magulang, lider, at gurong tumutulong sa mga kabataang babae, na magbahagi ng kanilang mga karanasan tungkol sa paglipat nila sa Relief Society mula sa Young Women. Tumanggap ng mga puna ang dalawang pangulo mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nagpahayag ng kasabikan ang maraming kabataang babae dahil napapaligiran sila ng matatatag na kababaihan, samantalang ang iba ay nag-alinlangan.
Narito ang ilang puna tungkol sa pagpapadali ng paglipat sa Relief Society mula sa Young Women. Nakaayos ang mga ito sa dalawang grupo: (1) Ano ang magagawa natin sa Young Women? at (2) ano ang magagawa natin sa Relief Society?
Sa Young Women
1. Dumalo sa opening exercises ng Relief Society.
Inanyayahan ng maraming lider ng Relief Society ang mga kabataang babae na dumalo sa opening exercises minsan sa isang buwan at ang mga Laurel sa isang lesson paminsan-minsan.
Ibinahagi ni Jill, isang lider ng Relief Society, ang ginagawa ng kanyang ward. Isinulat niya: “Hinahamon namin ang mga kabataang babae na tabihan sa upuan ang isang Relief society sister bago ang miting at tanungin ito tungkol sa buhay niya. Tinutulungan nito ang mga kabataang babae na maunawaan na ang kababaihan sa Relief Society ay hindi naiiba sa kanila.”
2. Kilalanin ang isa’t isa sa mga pagtitipon.
“Tandang-tanda ko noong tumulong akong maghugas ng pinggan sa isang tanghalian sa burol,” pagsulat ni Rachel, na isang kabataang babae. “Nakipag-usap at nakipagtawanan ako sa kababaihang nasa kusina, at naramdaman ko na bahagi ako ng grupo. Nagpahayag sila ng kanilang tiwala sa akin. Mahalagang karanasan ito para sa akin.”
Si Bekah, isang Relief society sister, ay gumawa ng hakbang upang makilala ang mga kabataang babae. Isinulat niya: “Ginamit ko ang social media para kaibiganin ang mga kabataan at alamin ang mga bagay na gusto nila. Dahil dito, naging magkakaibigan kami.”
3. Matuto mula sa kababaihan na mahal ang Relief Society.
“Lumaki ako sa isang bayan sa labas ng Stockholm, Sweden. Ang nanay ko ay walang asawa,” pagsulat ni Britt-Marie. “Halos 13 taong gulang ako nang mabinyagan ako at ang nanay ko. Kapag dumadalo si Inay sa mga miting ng Relief Society sa gabi, isinasama niya ako para hindi ako maiwanang mag-isa sa bahay. Noong mag-18 taon na ako, nakilala at minahal ko na ang bawat miyembrong babae.”
Isinulat ni Paula, “Bilang bagong kasapi sa edad na 14, sinikap kong paglingkuran ang mga balo, mga inang walang asawa, at mga di-gaanong aktibong kababaihan. Hindi nagtagal inaanyayahan na nila ako sa bahay nila para sa mga aktibidad ng pamilya. Dahil dito, sa unang Linggo ko sa Relief Society, pakiramdam ko ay puno ng maituturing kong mga ina ang silid.”
“Nagbahagi ng patotoo ang aking ina, lola, at tiya sa pamamagitan ng kanilang mga halimbawa,” pagsulat ni Lindsey. “Isinama nila ako sa mga proyektong paglilingkod. Hindi ako makapaghintay na maging opisyal na kasapi ng Relief Society. Hindi biglaan ang pagbabago. Ang Relief Society ang sa pakiramdam ko ay lagi kong pinupuntahan.”
4. Magpakita ng halimbawa.
“Sabik na sabik akong magpunta sa Relief Society,” sabi ni Emily. “Sa palagay ko dahil iyon sa pagiging malapit ko sa mga lider ng Young Women. Pinakitunguhan nila ako nang may malaking paggalang. Hindi ako nag-atubiling sumali sa kababaihan ng Relief Society dahil inisip ko na gayon din sila, at totoo nga.”
“Sana mas maraming nasabi sa akin ang mga lider ko sa Young Women tungkol sa Relief Society at sa pagmamahalan at kapatirang matatagpuan doon,” pagsulat ni Marisa.
“Malaki ang impluwensya ng mga lider sa pagtingin ng mga kabataang babae sa Relief Society,” pagsulat ni Tessa. “Sa palagay ko mahalaga para sa mga lider ng Young Women na hikayatin ang mga kabataang babae sa Relief Society at ang kababaihan naman ng Relief Society na maging magiliw.”
“Sana hindi ipinakita ng mga lider ko sa Young Women na parang nakakabagot sa Relief Society,” pagsulat ni Amanda. “Dahil dito, ganoon ang naging pakiramdam ko sa pagpunta roon.”
Sa Relief Society
5. Gawing higit pa sa minsanang pangyayari ang pagbabago.
Bagama’t maraming pangulo ng Relief Society ang gumagawa ng espesyal na bagay para kilalanin ang isang kabataang babae sa unang araw niya sa Relief Society, nakita sa mga puna na natanto rin ng mga lider na ang paglipat sa Relief Society ay isang patuloy na proseso.
Ibinahagi ni Raquel, isang lider ng Relief Society sa Brazil, kung ano ang ginawa ng kanilang panguluhan: “(1) Binigyan namin ang bawat kabataang babae ng welcome kit sa kanyang unang Linggo. Laging masaya ang sandaling ito. (2) Bilang panguluhan nagdaos kami ng kaunting training kasama sila para malaman nila na maaari nila kaming lapitan. (3) Iminungkahi namin na huwag munang palipatin kaagad ang mga dalagita sa Primary o Young Women.”
6. Gawing angkop ang mga lesson sa lahat ng kababaihan.
“Lumaki ako na kinakausap nang seryoso ang aking ina tungkol sa ebanghelyo,” pagsulat ni Christy, “at nalaman ko na ang Relief Society ay kadalasang mas malapit sa gayong uri ng pag-uusap.”
Isinulat ni Jillian: “Inasam kong magkaroon ng espirituwal na pananaw at nagpasalamat ako nang magkaroon ako nito.”
“Nahirapan akong umugnay sa mga aralin at sa kababaihang tila sobra ang tanda sa akin,” pagsulat ni Marisa.
“Natuwa akong marinig ang mga pananaw ng kababaihan na nakapagbabahagi sa akin ng pananaw tungkol sa ating layunin dito sa lupa na hindi ko pa nakikita,” pagsulat ni Emily.
7. Tabihan sa upuan ang isang kaibigan sa araw ng Linggo.
“Wala akong kapamilyang makakatabi,” pagsulat ni Lacey, isang kabataang babae. “Batiin lang ako ng ‘Hi’ o tabihan sa upuan ng kababaihan ay malaking bagay na sa akin.”
Sinabi ito ni Kelly, isang Relief society sister, sa simpleng paraan. Isinulat niya: “Kung hindi nadarama ng isang miyembro na siya ay tanggap, mahirap magpatuloy sa pagdalo.”
Ang nakakalungkot, si Nikki ay isang babaeng nakadama ng pagkaasiwa. Ang isinulat niya ay nagpapaalala sa atin na palaging mas marami pa tayong magagawa. “Sa sitwasyong tulad ng sa akin, ang ilan ay hindi na aktibo. Ang Relief Society ay kailangang maging isang lugar kung saan maaari nating yakapin ang kababaihan anuman ang kanilang edad, sino man sila o ano man ang kanilang nagawa.”
Napaiyak si Crystal sa kanyang unang araw. Isinulat niya: “Niyakap ako ng dati kong lider sa Young Women at pinatabi ako sa kanya. Kasama ko ang mga may-asawa, mga ina, at mga lola. Ibinahagi ko ang aking damdamin, at nakinig sila. Sa unang pagkakataon nadama ko ang lakas na maging kabahagi ng isang grupo ng kababaihan na nagsisikap na maging higit na katulad ni Cristo. Nadama ko na labis akong pinagpalang maging kabahagi ng pandaigdigang organisasyong ito.”
8. Bigyan ang mga dalagita ng mga pagkakataong maglingkod.
“Hinilingan akong tumugtog ng piyano sa aming mga miting tuwing Linggo,” pagsulat ni Amy. “Ang mabatid na kailangan ako ay nakatulong sa akin na mabigkis sa kababaihan. Katulad iyon ng sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) tungkol sa pangangailangan ng mga bagong miyembro ng Simbahan ng isang kaibigan, isang tungkulin, at pangangalaga ng mabuting salita ng Diyos [tingnan sa ‘Find the Lambs, Feed the Sheep,’ Ensign, Mayo 1999, 108]. Kailangan ko rin ang mga iyon.”
Isinulat ng isang bagong miyembro ng Relief society na si Cate: “Nalaman ko na mayroon akong mahalagang tungkulin sa Relief Society matapos akong tawagin bilang guro. Napakarami kong natutunan. Wala pa akong asawa, pero dama ko na handa na akong mag-asawa at maging ina, dahil sa Relief Society.”
Si Charlotte, isang dalaga, ay gumawa ng hakbang. Isinulat niya: “Naghanap ako ng mga pagkakataong maglingkod dahil bihira lang akong magkaroon ng pagkakataong dumalo sa mga miting ng Relief Society tuwing Linggo. Gayunman, ang mga pagkakataong maglingkod ay naging mabunga at itinuro nito sa akin ang kahulugan ng Relief Society.”
9. Dapat ninyong malaman na kayo ay tanggap at kailangan.
Isinulat ni Brooke, “Ang simpleng hangarin ng mga babae sa aking ward na tanungin kami kung ano ang mahalaga sa amin ay malaking bagay. Natanto ko na bagama’t ang kababaihang ito ay may mga karanasan sa buhay na iba kaysa sa akin, magkatulad pa rin kami sa aming mga inaasam, pangarap, at pangamba.”
Magkagayunman, si Robyn ay nahirapan. “Bago ako at wala akong kaedad sa Relief Society,” pagsulat niya. “Noong una pakiramdam ko hindi ako kabilang.” Ngunit patuloy na sumama si Robyn sa kanyang ina. “Unti-unti nakilala ko ang kababaihan at napamahal sa akin ang Relief Society at visiting teaching.”
Isinulat ni Deborah: “Alam ko na isa akong Relief society sister nang hilingan ako ni Bonnie, ang aming Relief Society president, na tulungan ko siyang linisin ang apartment ng isang sister. Mahirap ang buhay ng sister at namatay nang biglaan pagkatapos. Habang magiliw naming sinusuri ang mahirap na pagtatapos ng kanyang buhay, nakita namin ang larawan niya noong ikinasal siya. Doon, nakangiti sa amin ang isang napakagandang babae na kulay-kape ang buhok sa kanyang puting satin na trahe-de-boda. Mahinang sinabi ni Bonnie, ‘Ganito namin siya aalalahanin.’ Nakadama ako ng pagmamahal sa isang sister na hindi ko nakilala sa buhay na ito. Kami ay magkapatid sa Relief Society. Luhaan naming tinapos ni Bonnie ang araw sa isang yakap.”
Maging tunay na “magkakapatid” nga tayo, tulad ng magiliw na pagtukoy sa atin ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, bilang magkakapatid sa Relief Society. Magsimula tayo sa kung ano ang magkakatulad sa atin. Ang ating paglipat sa Relief Society mula sa Young Women ang landas na laan ng Diyos para sa atin bilang Kanyang mga anak na babae upang lumago at umunlad. Tunay nga, gaya ng sabi sa sawikain ng Relief Society: “Ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang” (tingnan sa I Mga Taga Corinto 13:8).