2021
Pagdaig sa Takot Ko na Magkaroon ng mga Anak
Pebrero 2021


Digital Lamang: Mga Young Adult

Pagdaig sa Takot Ko na Magkaroon ng mga Anak

Ang awtor ay naninirahan sa Texas, USA.

Ang pagkakaroon ng mga anak ay isang pagbabago sa buhay na hindi ko ikinatuwang gawin noon.

Hindi ako naging komportable sa mga bata kahit kailan. Ako ang bunso sa pamilya ko, walang karanasan sa mga sanggol, at natakot ako nang tingnan ako ng isang sanggol. Kaya siyempre nang una akong mag-asawa, ang pagkakaroon ng mga anak ay isang pagbabago sa buhay na hindi ko gaanong ikinatuwang gawin noon.

Unang araw pa lang pagkakasal namin, gustung-gusto na ng asawa ko na magsimula ng isang pamilya, pero iginiit ko na ipagpaliban namin iyon. Sa unang ilang buwang iyon, “Pag-usapan natin ito sa isang taon” yata ang motto ko sa buhay.

Bagama’t maaaring hindi ito ang dahilan ng lahat ng nahihirapang magdesisyon na magkaroon ng mga anak, alam ko kung ano ang pumipigil sa akin: takot at pagkamakasarili, malinaw at simple. Nang maisip ko ang pagiging ina, hindi napuno ang isipan ko ng cute na mga ngiti at matamis na pagtawa. Sa halip, naisip ko ang mga gabing walang tulog at limitadong libreng oras. Maliban pa sa sakit at pagkabalisa. Naaalala ko pa noong una akong makarinig tungkol sa panganganak. Ipinasiya ko noon din na mag-aampon ako.

Buong buhay ko, hindi ako naging komportable sa paligid ng mga bata, kaya nang maisip ko ang pagkakaroon ng sarili kong anak, hindi ko makita kung paano naging posible iyon. Paano ko magagawang talikuran ang lahat para sa kanila?

Lumipas ang unang walo o siyam na buwan ng aming pagsasama na walang gaanong pagbabago. Palagi akong binibiro ng asawa ko na tuwing sasabihin kong, “Alam mo?” ang sagot niya ay, “Buntis ka!” Iikot ang mga mata ko at magpapatuloy ako, na maraming dahilan kung bakit hindi pa kami maaaring magkaanak.

Intindihin ninyo ako, hindi ako napipilitang magkaanak. Ilang beses na kaming nagkausap na mag-asawa at nagkasundo kami na maghinay-hinay lang. Pero sa isipan ko, matagal pa kaming magkakaanak.

Kahit pa, alam ko na mas alam ng Ama sa Langit kung ano ang mangyayari at dapat mangyari sa buhay ko. Kaya nga, sa kabila ng matibay na paniniwala ko na dapat ipagpaliban ang pagkakaroon ng mga anak, patuloy akong nanalangin tungkol sa desisyon nang mag-isa at kasama ang aking asawa. Sinabi namin sa Ama sa Langit ang plano namin pero inamin namin na tatanggapin namin ang ibang plano kung iyon ang Kanyang kalooban. Mahalagang hakbang iyon sa pagbabago ng puso na unti-unting bumalot sa akin.

Hindi nangyayari ang pagbabagong iyon nang biglaan. Sa katunayan, hindi ko talaga matandaan kung kailan iyon nagsimula. Pero unti-unti, nagsimula nang mabawasan ang pag-aatubili kong magsimula ng isang pamilya. Nagsimula akong pag-isipan iyon talaga, lalo na nang wala na akong maidahilan. Gusto ko sanang maghintay hanggang sa makatapos ako sa pag-aaral—malapit na kasi akong makatapos. Gusto kong malaman namin kung saan kami mapupunta sa susunod na taon—natanggap kasi sa trabaho ang asawa ko. Unti-unti pero tiyak, nagsisimula nang magkaroon ng katuturan ang mga bagay-bagay.

Akala ko nakakatakot, na maubusan ng mga dahilan na napakatagal kong pinanghawakan. Gayunman, iyon na nga. Hindi na ako takot. Ang takot na nadama ko sa nakaraang 10 taon ay nawala na. O kahit paano, sinamahan ito ng kapayapaang sapat para mawala iyon.

Kaya pagsapit ng unang anibersaryo namin, wala na talaga akong dahilan para tumangging magsimula ng isang pamilya. Binago na ng Panginoon ang puso ko at pinaglaho ang takot ko.

Kalaunan, tinanong ako ng isang kaibigan kung paano ko nalaman na iyon na ang tamang panahon. Inamin ko na wala akong nadamang kakaibang lakas ng loob o pagmamahal sa mga bata, walang pag-aalab ng puso. Nawala lang ang takot ko. Tulad iyon noong sabihin ng Diyos sa naunang mga Banal sa mga Huling Araw: “Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot” (Doktrina at mga Tipan 38:30). Para sa akin, ang pagkawala ng takot ko ang sagot mula sa Panginoon na nagsasabing, “Oo, handa ka na.”

Medyo nakakatuwa, noong una akong matawa at makasagot ng oo sa asawa ko nang sabihin niyang, “Buntis ka!”

Ngayo’y narito ako’t karga ang isang sanggol. Pinag-aaralan ko pa rin kung paano maging ina, at hindi ko pa rin alam ang gagawin sa paligid ng mga anak ng iba. Pero alam ko na anuman ang mga pagkukulang ko pagdating sa mga bata, masaya ang Ama sa Langit para sa akin. Inihanda Niya ako para sa panahong ito. Nadama ko na ang Kanyang banal na tulong, kahit naroon pa rin ang pag-aalinlangan at takot. Ang mga gabing walang tulog at kawalan ng libreng oras ay maliliit na sakripisyo para sa galak na dumating sa amin ng pamilya ko. Alam ko na batid ng Ama sa Langit ang ating mga takot at sitwasyon. At kung hihingin natin ang Kanyang tulong, matutulungan Niya tayong daigin ito at sumulong nang may pananampalataya.