Digital Lamang
Kasalanan Ko Ba na Single Ako, o Ito ang Layon ng Diyos para sa Akin?
Apat na alituntunin ang nakatulong sa akin na magkaroon ng pag-asa sa alinmang sagot. At natanto ko na dalawang magkaibang tanong ang mas mahalaga sa buhay ko.
Kapag mas matagal na tayong single kaysa inasahan natin, natural lang na itanong sa ating sarili, “Single ba ako dahil sa isang bagay na ginawa ko (o hindi ginawa), o ito ang layon ng Diyos para sa akin?” Ang nakakatuwa, ang sagot na “oo” sa alinman sa tanong na ito ay maaaring maghatid sa simula kapwa ng pag-asa at kalungkutan. Pero habang pinagninilayan ko ang pagiging single ko sa paglipas ng mga taon, apat na alituntunin—bukod sa marami pang iba—ang nagbigay sa akin ng pag-asa sa alinman sa mga sagot sa tanong na ito. At natuklasan ko na may dalawang mas magagandang tanong na maaari kong itanong—mga tanong na magpapahintulot na palitan ang pag-aalala ko ng kagalakan, layunin, at pag-unlad (tingnan sa mga alituntunin 3 at 4 sa ibaba).
Alituntunin 1: Magagawa ng Diyos na ang “lahat ng bagay ay magkakalakip na [gumawa] para sa [ating] ikabubuti.”
Kapag pinag-iisipan natin kung bakit tayo single o walang asawa, maraming ideya ang maaaring pumasok sa isipan natin, tulad ng “Dapat ba’y dumalo ako sa mas maraming social outing?” o “Paano kaya kung niyaya ko ang taong iyon na makipagdeyt?” Anuman ang mga posibleng dahilan, kapag iniisip natin na tayo ay walang asawa dahil sa isang bagay na ginawa o hindi natin ginawa, magkakaroon tayo ng lakas sa katotohanang ito mula sa Doktrina at mga Tipan 90:24: “Masigasig na maghanap, manalangin tuwina, at maging mapanampalataya, at lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti, kung kayo ay lalakad nang matwid at tandaan ang tipan na inyong pinakipagtipan sa isa’t isa.”
Kung sakaling may-asawa man tayo ngayon kung may iba tayong ginawa noon, magkakaroon tayo ng lakas sa kaalaman na kung tutuparin natin ang ating mga tipan at mas lalapit kay Cristo nang may pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, panalangin, at pagkadisipulo, kung gayon ay maaari tayong magtiwala na lahat ng bagay ay “magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti.” Kapag hinahangad nating sundin si Cristo, tutulungan tayo ng Ama sa Langit na matuto mula sa mga naranasan natin noon at gamitin ang mga ito para pagpalain tayo sa hinaharap. Ang pangako na walang hanggang kasal ay hindi mawawala sa mga taong namumuhay nang matwid.
Alituntunin 2: Alam ng Diyos ang mga detalye ng ating buhay.
Nang ibigay ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya na “O Tandaan, Tandaan” noong Oktubre 2007, hindi ko naunawaan ang magiging napakalaking epekto nito sa buhay ko. Subalit kumilos ako ayon sa paanyayang kilalanin at itala ang tulong o kamay ng Panginoon sa buhay ng aking pamilya araw-araw.1 Bagama’t hindi ko 100 porsiyentong ginagawa ito sa paglipas ng mga taon, naisulat ko na ang libu-libong paraan na ginabayan ng Panginoon ang aking buhay, karaniwan ay sa tila maliliit na paraan. Ang simpleng gawaing ito araw-araw (at tulad ng lahat ng pagsisikap, talagang kailangan ng praktis para mas mapagbuti ko ito) ay nagdulot sa akin ng malaking kagalakan kapag nadarama ko ang pagmamahal at patnubay ng Ama sa Langit para sa akin nang madalas sa bawat araw.
Ang karanasan at kaalamang iyon ay nakatulong din sa akin na magkaroon ng lakas at pag-asa kapag iniisip ko na kaya ako single o walang asawa ay dahil ito ang nais ng Ama sa Langit na gawin ko ngayon. Sa madalas na pagsusulat kung paanong alam Niya ang maliliit na detalye ng aking maghapon, nakadarama ako ng lubos na kapayapaan na gagabayan Niya ako sa isa sa mga pinakamahalaga kong desisyon para sa kawalang-hanggan. Ang pagtulong sa akin na makahanap ng kabiyak na matwid at tumutupad sa tipan ay isang bagay na hindi Niya kalilimutan. Maaari akong magtiwala na gagabayan Niya ako kapag ginagawa ko ang aking bahagi upang mamuhay nang karapat-dapat, maghangad, at kumilos ayon sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Nakadarama ako ng kapayapaan at kagalakan dahil nagtitiwala ako na gagabayan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang aking buhay.
Bagama’t gustung-gusto kong mag-asawa, mas nais kong sundin pa ang plano ng Ama sa Langit para sa akin. Nagtitiwala ako sa Kanya dahil alam ko na alam Niya ang mga detalye ng buhay ko. Kaya sa halip na masyadong magtuon sa kasal, humingi ako ng paghahayag tungkol sa kung anong landas sa buhay ang nais Niyang ipagawa sa akin ngayon at paano ko mapaglilingkuran ang aking pamilya at komunidad sa iba pang mga paraan.
Alituntunin 3: May ipinagagawa sa akin ang Diyos.
Kay Moises, sinabi ng Diyos, “Ako ay may gawain para sa iyo, Moises, aking anak” (Moises 1:6). Nalaman ni Joseph Smith mula kay Moroni na “ang Diyos ay may gawaing ipagagawa sa akin” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:33). Bawat isa rin sa atin ay may mahalagang gagawin. At ah, makapangyarihan ang ating pananaw sa pagiging single kapag tinitingnan natin ito ayon sa gawaing kailangang ipagawa ng Diyos sa bawat isa sa atin. Sa halip na ituring ang pagiging single na isang bagay na “kulang” sa akin sa pagsasakatuparan ng gawain ng Diyos para sa akin, natuklasan ko ang isang mahalagang layunin nang ituring ko ito bilang pagkakataon na makatulong sa iba’t ibang paraan sa gawain ng Panginoon sa mga huling araw.
Itinuro ni Pangulong Nelson: “Kayo ang mga anak na pinili ng Diyos na maging bahagi ng Kanyang batalyon sa pinakahihintay na sandaling ito sa mahabang digmaan sa pagitan ng mabuti at masama—sa pagitan ng totoo at mali. Hindi ako magugulat kung, kapag inalis na ang tabing sa kabilang-buhay, malalaman natin na talagang nagsumamo kayo sa ating Ama sa Langit na ireserba para ngayon. Hindi ako magugulat na malaman na mahal na mahal ninyo ang Panginoon bago kayo isinilang kaya nangako kayong ipagtatanggol ang Kanyang pangalan at ebanghelyo sa napakahirap na mga huling pangyayaring ito sa mundo. Isang bagay ang tiyak: Kayo ay sa sambahayan ni Israel at kayo ay isinugo upang tumulong sa pagtitipon ng mga hinirang ng Diyos.”2
Ang pananaw na ito ay nag-aanyaya sa akin na baguhin ang tanong na “Balak ba ng Ama sa Langit na maging single adult ako ngayon?” at gawin itong “Ano ang nais ng Ama sa Langit na gawin ko bilang isang single ngayon?” Ang ilang karagdagang salita ay gumagawa ng malaking kaibhan. Dahil sa pananaw na iyon, dalangin ko bawat araw na tulungan ako ng Ama sa Langit na maging karapat-dapat at handang gawin ang Kanyang gawain saanman Niya ako kailangan—single man o hindi. Paano ko malalaman kung ano ang misyon na iyon para sa akin?
Si Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nagturo:
“Inaanyayahan kayo ng Tagapagligtas, bilang mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos, na espirituwal na maghanda sa pagpasok sa Kanyang gawain. Kakailanganin nito ang inyong buong lakas, malinaw na pag-iisip, pinakamatinding pagsisikap, at lubos na pananampalataya.
“Ang inyong misyon mula sa Panginoon ay ilalahad sa inyo sa araw-araw habang kayo ay nananalangin, nagsasaliksik ng mga banal na kasulatan, at masigasig na ibinibigay ang inyong sarili sa gawain ng Panginoon. Mas makikilala ninyo ang inyong gawain mula sa Panginoon kapag mas masaya ninyong sinusunod ang Kanyang kalooban. Tandaan na maliliit na paglilingkod at katapatan ang nagsasakatuparan ng malalaking bagay. Sabi ng Panginoon: ‘Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila’ (Doktrina at mga Tipan 64:33).
“Gawin ang taon na ito, ang buwang ito, ang araw na ito na isang bagong simula sa iyong buhay.”3
Alituntunin 4: Ang Diyos ay may plano ng kaligayahan para sa lahat ng Kanyang mga anak.
Bukod sa pagtatanong kung ano ang nais ng Diyos na gawin ko ngayon mismo, ilang taon na ang nakararaan natutuhan kong magtanong ng isa pang bagay na parehong makabuluhan at makapangyarihan: “Kumusta na ang pagsunod ko sa plano ng kaligtasan at kaligayahan ng Diyos?”
Bagama’t ang walang-hanggang kasal ay mahalagang bahagi ng plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak, hindi lamang ito ang bahagi nito. Kaya hanggang sa dumating ang oportunidad na iyon (na masigasig ko pa ring pinagsisikapan), maaari akong magtuon sa pamumuhay ng lahat ng iba pang bahagi ng plano ng Diyos para sa akin na kaya kong kontrolin at nagdudulot ng malaking kagalakan. Bukod pa rito, kaya kong
-
gawin at sundin ang mga tipan sa templo;
-
mamuhay nang karapat-dapat at maghanda para sa pagbubuklod sa templo;
-
makibahagi sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan sa pamamagitan ng pagtulong na tipunin ang Israel sa magkabilang panig ng tabing;
-
mag-minister sa aking pamilya at sa ibang tao;
-
maghanap ng mga paraan na maging ina at mangalaga, kahit wala akong sariling mga anak;
-
maglingkod nang tapat sa aking mga tungkulin;
-
lumikha ng mga karanasan araw-araw na tumutulong sa akin na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo;
-
matutong pakinggan Siya; at
-
magpakita ng pagmamahal at pasasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
At mapanalangin kong mapag-iisipan araw-araw ang tanong na “Kumusta na ang pagsunod ko sa plano ng kaligtasan at kaligayahan ng Diyos?” Ang tanong na iyan ay palaging nagbibigay ng pagkakataon na tumanggap ng paghahayag at umunlad.
Pagsulong nang May Pananampalataya
Hindi ko alam kung ano ang inilalaan ng Ama sa Langit para sa aking hinaharap, pero araw-araw kong hinahangad na matuklasan ang susunod na hakbang sa gawaing nais Niyang ipagawa sa akin. At alam ko na ang ngayon at hinaharap ay magiging maganda at masaya dahil alam kong mahal ako ng Ama sa Langit, tulad din ng pagmamahal Niya sa inyo. Nagpapasalamat ako na tinutulutan Niya akong umunlad nang “taludtod sa taludtod” (Doktrina at mga Tipan 98:12) at “nang biyaya sa biyaya” (Doktrina at mga Tipan 93:13), dahil tila mahirap ang hinaharap kung nakita ko ito nang minsanan. Nagkaroon ako ng napakalaking kalakasan mula sa magandang doktrina na “ang aking mga pag-iisip ay hindi ninyo mga pag-iisip, ni ang inyong mga pamamaraan ay aking mga pamamaraan, sabi ng Panginoon. Sapagkat kung paanong ang langit ay higit na mataas kaysa lupa, gayon ang aking mga pamamaraan ay higit na mataas kaysa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip” (Isaias 55:8–9).
Maaaring hindi ko lubos na nalalaman kung bakit wala pa rin akong asawa kahit 40 anyos na ako, pero nakadarama ako ng malaking kapanatagan, pag-asa, at kaligayahan sa kaalaman na alam ng Ama sa Langit ang mga dahilan at gagawin Niya ang “lahat ng bagay na magkakalakip na g[um]awa para sa [aking] ikabubuti.” Nananampalataya pa rin ako na alam Niya ang mga detalye ng buhay ko at tutulungan Niya akong maisakatuparan ang gawaing nais Niyang gawin ko ngayon habang mapagpakumbaba kong hinahangad ang Kanyang patnubay. Nalalaman iyan, nagagalak ako at pribilehiyo kong “gawin ang lahat ng bagay sa abot ng [aking] makakaya; at pagkatapos … ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag” (Doktrina at mga Tipan 123:17).