Digital Lamang
Ang Pangako na Maging Kabilang
Mula sa isang mensahe sa Brigham Young University Women’s Conference noong Abril 29, 2021.
Ang pangako ng Relief Society ay maaari tayong maging lipunan ng Sion. Ang ating trabaho bilang kababaihan ng Relief Society ay hikayatin ang isa’t isa.
Lahat tayo ay pumarito sa lupa na may hangaring mapabilang. Kung minsan nagiging malapit tayo sa iba, at kung minsan ay mahirap ito. Paano natin matutulungan ang isa’t isa na madama ang katulad na pagtanggap at pagmamahal na naranasan natin sa ating tahanan sa langit?
Sa Simbahan, bawat babaeng edad 18 pataas ay miyembro ng Relief Society. Ngayon ay may mahigit 7.5 milyong miyembro ang natatanging organisasyong ito. Kayo man ay kasalukuyang naglilingkod sa Primary, Young Women, Relief Society, o Sunday School, kayo ay bahagi pa rin ng Relief Society. Ikaw man ay katatapos lang ng hayskul, nagtatrabaho, ina ng maliliit na bata, isang babaeng nakaranas ng diborsyo, o balo—o anumang kumbinasyon ng mga sitwasyong ito—talagang kabilang ka sa Relief Society.
Ang Pangako ng Isang Lipunan ng Sion
Ang pangako ng Relief Society ay maaari tayong maging lipunan ng Sion. Kapag inaalala natin kung sino tayo at ang mga tipang ginawa natin, makikita natin ang isa’t isa bilang magkakapatid sa walang-hanggan. Makikilala natin ang isa’t isa mula noong panahong iyon nang magkakasama tayong nakipaglaban sa dragon at sa kanyang mga anghel (tingnan sa Apocalipsis 12:7) para sa karapatang piliin ang tama at nagtiwala tayong lahat na tutuparin ni Jesus ang Kanyang pangako na maging Tagapagligtas natin. Habang naghahanda tayo para sa ating panahon sa lupa, taimtim nating inasahan na lahat ng nakasama natin sa matagumpay na pagsisikap na madaig si Satanas ay babalik sa ating tahanan sa langit matapos ang panahon ng pagsubok sa kanila bilang mga mortal.
Kapag tinitingnan natin ang isa’t isa mula sa walang-hanggang pananaw, makikita natin ang bawat isa bilang kapatid na babae sa walang-hanggan. Masaya tayo sa tagumpay ng isa’t isa, nagtutulungan tayo sa ating kalungkutan, pinatatawad natin ang pagkakamali ng isa’t isa, at pinalalakas natin ang isa’t isa sa ating kahinaan. Maaaring hindi tayo perpekto rito, pero ang hinihingi lang ng Panginoon ay magsimula tayo sa pagkakaroon ng pusong may pagkukusa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 64:34). Kapag tayo ay “handang magpasan ng pasanin ng isa’t isa,” habang handa tayong “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati” at “aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw,” habang handa tayong “tumayo bilang mga saksi ng Diyos” (Mosias 18:8–9), tinutupad natin ang ating mga tipan sa Kanya.
Aminin natin na kailangang pagbutihin pa natin ang mga ito. Nakita sa mga pag-aaral na ang unang dahilan kung bakit iniiwan ng mga tao ang relihiyon ay dahil pakiramdam nila ay hinahatulan sila o hindi sila tanggap. Iyan ang mas madalas banggitin kaysa sa hindi pagkakasundo sa doktrina o kawalan ng paniniwala. Ang magandang balita ay maaaring maalis ang gayong sitwasyon kung talagang bubuksan natin ang ating mga bisig at puso sa lahat. Maaari nating hangaring “maging ilaw, hindi isang hukom.”1 Iyan ay isang bagay na ipinauubaya lamang sa Panginoon. Responsibilidad nating iunat ang ating kamay at buksan ang ating puso. Kapag ginawa natin iyan, makikita natin na nakalikha tayo ng ligtas na lugar para sa pagbabahagi, isang ligtas na lugar para lumago, isang ligtas na lugar para maging pinakamabubuting bersyon ng ating sarili.
Tumingin, Makinig, at Tumugon nang May Pagmamahal
Para makapagpraktis ng pagtugon nang may pagmamahal para ang Relief Society ay maging isang lugar na nadarama ng bawat babae na kabilang siya, naisip namin na maaaring masayang magbahagi ng isang sitwasyon at magmungkahi ng ilang sagot. Ano sa palagay ninyo ang pinakamainam na sagot?
Sitwasyon #1: Sa sacrament meeting, nakikita ninyo ang isang missionary na umuwi nang maaga mula sa kanyang misyon.
-
A: “Ano ang ginagawa mo rito? Kaaalis mo lang. Kinailangan mo bang umuwi?”
-
B: “Natutuwa akong makita ka. Ikuwento mo naman sa akin ang tungkol sa [lugar na pinaglingkuran mo].”
Ang pinakamagandang sagot ay “B.”
Sitwasyon #2: May nakita kang magkasintahang young adult na nagdedeyt.
-
S: “Narito rin pala kayong dalawa. Kumusta ang pag-aaral at trabaho?”
-
B: Kindatan at sikuhin ang binata at sa malakas na bulong ay itanong, “Naririnig ko na yata ang tunog ng mga kampana?”
Ang pinakamagandang opsiyon ay “A.”
Sitwasyon #3: Sa simbahan, nakita mo ang isang mag-asawa na medyo matagal nang ikinasal at wala pa silang mga anak.
-
S: “Bakit wala pa kayong mga anak? Kailan kayo magkakaanak? Hindi na kayo bumabata!”
-
B: “Enjoy niyo lang ang panahong ito na wala pa kayong mga anak. Kung gusto niyo ibigay ko sa inyo ang isang anak ko.”
Ito ay isang trick question. Ang dalawang sagot ay parehong nakakaasiwa at walang pakialam sa damdamin ng iba!
Sitwasyon #4: Sa isang ward service project, ikaw ay inatasang makipagtulungan sa isang miyembrong walang asawa.
-
S: “Maganda na makakatulong ka. Sa tingin ko’y magaling ka. Bakit wala ka pang asawa?”
-
B: “Gusto kong malaman pa ang tungkol sa iyo. Sabihin mo sa akin ang tungkol sa iyong trabaho [o pamilya o mga interes].”
Ang pinakamagandang sagot ay “B.”
Sitwasyon #5: Sinabi sa iyo ng kaibigan mo na makikipagdiborsyo siya sa kanyang asawa.
-
A: “Nakakalungkot naman. Narito lang ako, handang makinig kung makakatulong ito.”
-
B: “Talaga bang sinikap ninyong ayusin ito? Nag-aalala ako sa mga bata. Ipinag-ayuno at ipinagdasal mo na ba ang desisyon mo?”
Ang pinakamagandang sagot ay “A.”
Sa pagsasanay na ito, natukoy mo ba ang mga paraan na maaari pa nating pagbutihin na mas tumingin, makinig, at tumugon nang may pagmamahal? Ang sumusunod na tatlong ideya ay makatutulong din sa atin na lumikha ng ligtas na lugar para sa ating mga kapatid na babae.
1. Maghanap ng Lugar para Makapag-ambag ang Lahat
Isipin ang kababaihan sa inyong Relief Society. Sino ang nag-aatubiling sumali, atubiling magsalita, o tumatangging makisali? Tiyak na nais natin na ang bawat sister ay maging bahagi ng ating Sion na lipunan. Paano tayo magiging “may isang puso at isang isipan”? (Moises 7:18). Paano natin maisasali ang bawat sister?
Ang isang susi ay tingnan ang mga nasa tabi-tabi. Nakaugalian na ng isang ward Relief Society president na si Chris na hanapin ang mga taong maaaring hindi nakikisali. Kapag nakikita niya ang mga ito, binabati niya sila nang nakangiti at tinitingnan sila sa mata, na nakikinig nang mabuti sa sinasabi nila. Dahil sa kanyang tunay na pagtutuon ng pansin, dama nilang nakikita at nauunawaan sila. Habang nakikinig siya, madalas niyang matuklasan ang kanilang mga kalakasan at paraan na makapag-aambag sila. Kinikilala niya na may mga potensyal o nakatagong mga talento na naghihintay na mapaunlad sa bawat isa. Sa inspiradong prosesong iyan, ang mga indibiduwal ay dinadala sa kapatiran sa ebanghelyo ni Jesucristo, at lahat ng pamilya ay pinagpapala.
Maaari nating lawakan ang ating samahan hanggang sa magkakakapit-bisig na ang bawat sister. Maaari tayong maging isa, handa para sa lipunan ng Sion na magiging bunga ng ating nagkakaisang Relief Society ngayon.
Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Kahit … ang mga pagkakaiba ay maaaring maituring na oportunidad. Tutulungan tayo ng Diyos na huwag ituring na nakakainis ang kaibhan ng ibang tao kundi isang kontribusyon.”2 Ang mga pagkakaiba ay maaaring magpayaman sa ating mundo. Kapag kinikilala at ipinagdiriwang natin ang mga kalakasan ng iba, mas maisasakatuparan natin ang gawain ng Panginoon sa Kanyang paraan.
2. Huwag Pansinin ang Malinaw na mga Pagkakaiba
Karamihan sa atin ay nais na magbigay ng malugod na pagtanggap, pero kung minsan hirap tayong magsalita o takot tayong magkamali. Hindi natin alam kung ano ang sasabihin o paano babaguhin ang paraan ng pagtugon natin sa mga tao. Sa Mateo 8:1–34, nakikita natin kung gaanong kakaiba ang paraan ni Jesus sa pagtulong sa iba na mapabilang nang Kanyang
-
nilinis ang isang ketongin;
-
tinulungan ang alipin ng isang Romanong senturion;
-
pinagaling ang biyenan ni Pedro;
-
itinaboy ang mga demonyo mula sa maraming mga tao;
-
hinikayat ang isang eskribang Judio;
-
tinawag ang isang lalaking nagdadalamhati sa pagkamatay ng kanyang ama na sumunod sa Kanya;
-
sinaway ang bagyo at pinayapa ang natatarantang puso ng Kanyang mga disipulo;
-
pinagaling ang dalawang lalaking nakatira sa gitna ng mga libingan na sinaniban ng mga espiritu at sumisigaw sa Kanya; at
-
sumang-ayon na umalis sa baybayin nang nakiusap ang mapamahiing mga taga-nayon na umalis Siya.
Ang Tagapagligtas na si Jesucristo ay may mga matang hindi lamang mga pagkakaiba ang nakikita kundi nakikita rin ang ating puso, potensyal, at mga hangarin. Ang ating panguluhan ay nagpaabot ng paanyaya na maging mas mabait, magpakita ng mas tapat na interes, at makipagkaibigan sa iba.
3. Isama ang mga Taong Maaaring Nasa Labas at Nakatingin sa Loob
Nabubuhay tayo sa panahon na ang mga pangako ng Diyos sa Kanyang mga pinagtipanang tao ay nagsimula nang matupad. Bilang mga anak ng Diyos, tayo ay nakalat mula sa Kanyang presensya. Sa mundong ito, napapasailalim tayo sa mga pagsubok at kalungkutan. Gayunman, nangako ang ating Panginoong Jesucristo na titipunin Niya tayo tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak kung tayo ay magsisisi at lalapit sa Kanya nang may buong layunin ng puso (tingnan sa 3 Nephi 10:6). Tinitipon tayo ng Tagapagligtas sa Kanyang pangangalaga at pagmamahal. Tulad ng mga sisiw, tayo ay madaling matukso, at nakaasa tayo sa Kanyang biyaya. Bilang mga disipulo ni Cristo, makatutulong din tayo sa pagtitipon ng Kanyang mga tao. Nagdudulot ito sa atin ng kagalakan.
Lahat tayo ay may iba’t ibang landas, pero maaari nating sama-samang tahakin ang mga ito. Sa 1 Corinto 12:12–27, inihambing ni Pablo ang katawan ng tao sa Simbahan para ipakita na bawat tao ay may mahalagang papel na ginagampanan sa katawan ng Simbahan. Lahat Tayo ay may mga kalakasan at mga kahinaan. Lahat tayo ay may maiaambag sa pagdadala ng iba kay Cristo, at, kasabay nito, kailangan nating lahat na mas mapalapit sa Kanya.
Magagawa nating lahat, pati na ng mga bata at kabataan, na aktibong tipunin ang iba upang madama nila ang pagmamahal ng Diyos at maging mga disipulo ni Cristo. Kung naghahangad tayo ng paghahayag, gagabayan tayo ng Espiritu, at malalaman natin kung ano ang gagawin at sasabihin para matulungan ang iba na madama na kabilang sila.
Isang Paanyaya
Maibibigay ba ng Relief Society ang pangakong mapabilang? Oo! Napakaraming pagkakaiba sa ating mga sitwasyon, gayunpaman tayong kababaihan ay magkakatulad sa mga pangunahing katangian at pag-asa sa kawalang-hanggan. Ang kababaihan ay may malaking pangangailangan—at kasanayan—na makipag-ugnayan sa iba, at kailangan nating lahat na mapabilang.
Ang ating gawain bilang mga disipulo ni Cristo ay gawing mas madali para sa mga tao na lumapit sa Kanya. Lahat tayo ay nagsisikap na sundin ang mga kautusan at tularan ang halimbawa ni Jesucristo, ngunit lahat tayo ay nagkukulang sa iba’t ibang paraan. Pero maaari tayong patuloy na magsikap na maging mas mabuti sa kapangyarihan ng pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang ating trabaho bilang kababaihan ng Relief Society ay hikayatin ang isa’t isa.
Hinihikayat namin kayo na patuloy na palakasin ang bigkis ng kapatiran ng kababaihan sa inyong ward o branch, edad 18 hanggang 108. Bawat tao ay may pambihirang kahalagahan at walang hanggang potensyal, kaya itanong sa iyong sarili: Ano ang magagawa ko para maisakatuparan ang potensyal na iyon at matulungan silang madama na sila ay mahalaga? Kailangang suportahan ng Relief Society ang lahat ng kababaihan, tulungan silang laging madama na bahagi tayo ng ating banal at walang-hanggang kapatiran.
Pinatototohanan namin na ang Panginoon, ang ating Tagapagligtas at Manunubos, ay naghihintay na nakaunat ang mga bisig upang madala ang bawat isa sa Kanyang kawan. Taimtim Siyang umaasa na tutulong tayo sa mahalagang pagsisikap na ito ng pagtitipon upang makapaghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Nawa’y maipaabot natin ang pangako na mapabilang ang bawat babae sa loob ng mga samahan ng ating impluwensya.