“Hayaang Gabayan ng Panginoon ang Iyong Buhay,” Liahona, Set. 2022.
Mga Young Adult
Hayaang Gabayan ng Panginoon ang Iyong Buhay
Hindi ko palaging nakikita kung paano magiging maayos ang mga bagay-bagay, ngunit nang kumilos ako nang may pananampalataya, pinagpala ako ng Panginoon.
Ang relihiyon ay hindi pinag-uusapan sa aming pamilya habang lumalaki ako—bagama’t halos buong buhay nila ay napakarelihiyoso ng mga magulang ko, ang malalang sakit ng aking ama at iba pang mga pagsubok ang naging dahilan ng pag-alis nila sa nakagisnang relihiyon. Nang mamatay si itay ay apat na taong gulang ako at bunso rin sa 13 anak. Hindi makapaniwala ang balo kong ina na pahihintulutan ng Diyos na mangyari ang ganitong bagay sa aming pamilya.
Ngunit noong 14-anyos ako, nadama ko na may kulang sa buhay ko. Inisip ko kung may mas dakilang layunin ako na hindi ko alam. Para akong si Joseph Smith, dahil “ang aking pag-iisip ay natawag sa matamang pagmumuni-muni at malaking pagkabahala” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:8). Bagama’t hindi ko pa narinig ang tungkol kay Joseph Smith noong panahong iyon, nagsimula rin akong magsaliksik nang tulad ng pananaliksik niya. Dumalo ako sa maraming simbahan sa pag-asang matatagpuan ko ang katotohanan.
At natagpuan ko iyon, isang araw, nang makita ko ang dalawang binata na nakasuot ng amerikana papunta sa bahay ng aking kapitbahay. Gusto kong malaman ang itinuturo nila kaya itinanong ko kung puwede ba akong sumama sa kanilang appointment. Matapos payagan ng aking ina, sinimulan kong pakinggan ang mga itinuturo ng mga missionary at kalaunan ay sumapi ako sa Simbahan.
Ang pagsapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nakatulong sa akin na mahanap ang aking layunin, lalo na nang magbinata ako kung kailan kailangan kong gumawa ng maraming desisyon na hindi sinasang-ayunan ng mga tao sa paligid ko. Ngunit kahit may layunin at direksyon ako, hindi ko palaging natitiyak kung paano magiging maayos ang lahat.
Gayunman, nang maranasan ko ang mga bagay na hindi ako pamilyar at sigurado kasabay ng napakaraming pagbabago, ang patnubay ng Ama sa Langit ay laging nariyan tuwing bumabaling ako sa Kanya. Natutuhan ko ang ilang paraan kung paano umasa sa Kanya at sa aking pananampalataya na nakatulong sa akin na sumulong at patuloy na mahanap ang aking layunin.
Pagsulong Nang May Misyon
Sa edad kung kailan karamihan sa mga kaibigan ko ay naghahanda nang mag-aral sa kolehiyo, ang nasa isip ko ay kung paano ako makakapagmisyon. Sa Chile, kailangang kumuha ng test ang lahat bago makapagkolehiyo. Minsan lang ito iniaalok sa isang taon, kaya kung magmimisyon ako, hindi lang dalawang taon kong ipagpapaliban ang pag-aaral ko kundi kailangan ko pang maghintay ng isa pang taon pagkatapos niyon para makapag-aral.
Ang pamilya ko, lalo na ang aking ina, ay tutol na magmisyon ako. Napakahalaga sa kanya na makatapos ako ng kolehiyo. Pero naniwala ako na tutulungan ako ng Panginoon na gawin ang kailangan, kaya mapanalangin pa rin akong nagsimulang maghanda.
Nang pumunta ang bishop ko sa bahay namin, na dala-dala ang mga nakumpleto nang papeles sa misyon para papirmahan ito sa aking ina, nagulat ang aking ina; hindi ko sinabi sa kanya na itinuloy ko ang paghahanda sa misyon. Matagal bago siya nakumbinsi, ngunit pinalambot ng Panginoon ang kanyang puso at tinulungan siyang maunawaan ang kagustuhan kong maglingkod.
Tiniyak sa akin ng ebanghelyo na tama ang ginagawa ko, ngunit nagkaroon lang ako ng progreso nang sumulong ako nang paunti-unti, nang may pananampalataya—kahit may mga tanong at pag-aalinlangan ako.
Pagsunod sa Bawat Paghahayag
Ang pag-uwi ko mula sa misyon ay nangangahulugan din ng pagbalik sa kawalang-katiyakan. Nang humingi ako ng patnubay mula sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno, nakatanggap ako ng paghahayag na kailangan kong lumipat sa Estados Unidos at mag-aral sa Brigham Young University, na tila halos imposibleng mangyari.
Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko at ginawa ang mga sumunod na pinakamagandang hakbang. Kung minsan pakiramdam ko ay wala akong pinatutunguhan—nagtatrabaho ako nang husto hangga’t kaya ko, ngunit hindi talaga ako sigurado kung makakatulong ang mga ginagawa ko para maabot ang aking mga mithiin. Gayunman, ang pangunahing mithiin ko ay sundin ang nais ipagawa sa akin ng Panginoon, at mahalaga sa akin ang mithiing iyon.
Nang pagsikapan kong gawin ang mga iyon, nabigyan ako ng inspirasyon na kausapin ang aking mabait na kaibigan na mula sa Estados Unidos at nakatira sa lugar namin. Hindi ko alam kung ano ang magiging resulta noon ng mga bagay-bagay—kinausap ko lang siya dahil sa gabay ng Espiritu—ngunit ang kaibigan ko at kanyang ama pala ang magiging daan para matulungan ako na malaman kung ano ang gagawin para makapag-apply at makakuha ng visa na kailangan ko para makapag-aral sa BYU. Sa tulong nila at sa matitinding sakripisyo ng aking ina para mabayaran ang pagbiyahe ko, nakarating ako roon. Isa itong himala.
Patuloy ding umunlad ang buhay ko sa gayong paraan. Ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko at pagkatapos ay makatatanggap ako ng inspirasyon, nang paisa-isa, tungkol sa kung ano ang susunod kong gagawin. Sa gayong paraan, nakakuha ako ng trabaho sa missionary training center, nakahanap ng mga paraan para mabayaran ang matrikula ko, nakapili ng kurso, kalaunan ay nakapagtapos ng pag-aaral, at nakapag-asawa.
Ang mga sagot na natanggap ko ay hindi laging dumarating agad-agad at hindi ako nakatanggap kahit kailan ng detalyadong plano, ngunit naipadama sa akin na nalugod ang Panginoon sa direksyong pinatutunguhan ko.
Kapag ang Paghahayag ay Walang Kabuluhan
Makalipas ang ilang taon, nalaman ko kung gaano kahalaga na magsakripisyo para maipamuhay ang ebanghelyo. Kung nais nating mabigyan tayo ng Panginoon ng layunin at patnubay, dapat handa tayong tahakin ang direksyong iyan.
Nang makatapos ako ng pag-aaral, hindi nangyari ang plano ko sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ko, dahil dito, may dalawang opsiyon kami ng aking asawa: manatili sa Estados Unidos o magbalik sa Chile. Pareho naming nadama na kailangan naming bumalik sa Chile. Parang normal lang naman kung gusto naming umuwi, ngunit nangyari iyon sa isang napakahirap na panahon. Kaunti lang ang trabaho sa Chile. Nahihirapan akong ibenta ang bahay namin. Kung pinansyal at pagiging lohikal ang pagbabatayan, hindi iyon ang maiisip na pinakapraktikal na gawin; mismong mga pamilya namin ay nagpalagay na hindi tama ang aming desisyon.
Ano ang gagawin mo kapag ang paghahayag ay salungat sa karaniwang opinyon? Bagama’t mahirap, alam naming mag-asawa kung ano ang gagawin. Ipinaalala namin sa aming sarili na napakarami nang nagawa sa amin ng ebanghelyo. Kung wala ang Panginoon, hindi ko mararamdaman ang inspirasyon na nakatulong sa akin na magmisyon, makapag-aral, at makilala ang asawa ko. Kailangan lang naming magtiwala na anuman ang mga dahilan, kailangan kami sa Chile.
Ibinilin namin ang aming bahay sa aming bishop para mapaupahan ito hanggang sa maibenta niya ito, at lumipat na kami. Mahirap iyon, ngunit nagkaroon kami ng napakaraming pagpapala at himala nang sundin namin ang tawag ng Panginoon. Alam ng Panginoon kung saan tayo kailangan at kung saan tayo pinakamainam na makapaglilingkod sa Kanyang mga layunin, at pinagpapala Niya tayo sa ating pagsunod.
Paghahanap ng mga Solusyon Kasama ang Panginoon
Umaasa ako na tutularan ng mga young adult ngayon ang halimbawa ng kapatid ni Jared. Bagama’t alam ng mga Jaredita na kailangan nilang maglakbay papunta sa lupang pangako, hindi sila sigurado kung paano sila makakarating doon. Nang ang kapatid ni Jared ay “nanawagan sa pangalan ng Panginoon” (Eter 2:15), binigyan Niya siya ng ilang solusyon. Sinabi sa kanya ng Panginoon na gumawa ng mga gabara at ginabayan siya kung paano mabibigyan ng hangin ang mga nasa loob ng mga gabara.
Gayunman, itinanong ito ng Panginoon sa kapatid ni Jared: “Ano ang nais mong gawin ko upang magkaroon ng liwanag sa inyong mga sasakyang-dagat?” (Eter 2:23). Sa halip na sabihin sa kapatid ni Jared kung ano ang eksaktong gagawin, iniutos sa kanya ng Panginoon na humayo at maghanap ng solusyon.
Ganyan ang nangyari sa buhay ko. Kung minsan binibigyan ako ng Panginoon ng malinaw na mga tagubilin. Sa ibang mga pagkakataon naghihintay Siya na lumapit ako sa Kanya gamit ang sarili kong mga ideya. Gayunman, alinman dito, mahalagang kasama ko Siya sa proseso. Ang pag-aayuno, pagdarasal, at pagsangguni sa Panginoon ay mahahalagang hakbang para sa sinumang magsisikap na gumawa ng mga desisyon tungkol sa kanilang buhay.
Para sa sinumang young adult na naghahanap ng dagdag na layunin, heto ang maipapayo ko: Bumaling sa Panginoon para sa personal na paghahayag. Madalas na basahin ang iyong patriarchal blessing. At maging handang isakripisyo ang di-gaanong mahahalagang bagay sa iyong buhay kung sasabihin sa iyo ng Panginoon na may mas dakilang layunin Siya para sa iyo.
Mahal ko ang Panginoon. Ang ebanghelyo ang lahat-lahat sa akin. Alam kong nakikita ng Panginoon ang iyong potensyal at nais Niyang tulungan kang makamit ang iyong banal na layunin.