“Pag-asa at Kapanatagan kay Cristo,” Liahona, Set. 2022.
Pag-asa at Kapanatagan kay Cristo
Manangan tayo sa pangako na inaalala at ginagantimpalaan ng Panginoon ang Kanyang matatapat na Banal.
Sina Jens at Ane Cathrine Andersen ay nagkaroon ng malalim at matibay na patotoo sa katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sa kabila ng galit na mga mandurumog at pag-uusig ng parokya, sumapi sila sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong 1861.
Noong tagsibol ng sumunod na taon, tumalima sila sa panawagan ng Sion, na 5,000 milya (8,000 km) ang layo sa Salt Lake Valley. Ang pagtitipon sa Sion ay nangangahulugang iiwan nila ang kanilang magandang buhay sa Denmark—kabilang na ang mga kaibigan, kamag-anak, at magandang sakahan na sa loob ng maraming henerasyon ay ipinasa-pasa ng ama sa panganay na anak na lalaki. Matatagpuan sa nayon ng Veddum, malapit sa Aalborg, sa matabang lupain ng Jutland Peninsula sa hilagang Denmark, ang sakahan ay malaki at produktibo. Nagbigay ito ng trabaho sa dose-dosenang tao at umani ng respeto at nagbigay ng kabuhayan sa pamilya Andersen.
Sa pagbabahagi ng kabuhayang ito sa kanilang mga kapwa miyembro, binayaran nina Jens at Ane Cathrine ang halaga ng pandarayuhan ng humigit-kumulang 60 iba pang mga Banal na maglalakbay papunta sa Sion. Noong Abril 6, 1862, ang mga Andersen, kasama ang kanilang 18-taong-gulang na anak na si Andrew, ay sumama sa 400 iba pang mga Banal na Danish sa maliit na bapor na Albion at naglayag papuntang Hamburg, Germany. Pagdating sa Hamburg makalipas ang dalawang araw, sumama sila sa mas maraming nagtitipon na mga Banal sa isang mas malaking barko upang simulan ang kanilang paglalakbay patawid ng dagat Atlantiko.
Gayunman, ang kagalakan ng pagtitipon sa Sion ay kaagad napalitan ng kalungkutan. Ilan sa mga batang nagsimulang lumulan sa Albion ay may sakit na tigdas. Nang magsimulang mahawa ng sakit na ito ang mga nandarayuhan, 40 bata at ilang matatanda ang namatay at inilibing sa dagat. Kabilang sa kanila ang 49-anyos na si Jens Andersen, ang aking lolo-sa-talampakan.
Ang pangarap ni Jens na makarating at magtayo ng Sion kasama ang kanyang pamilya at kapwa mga Banal na Danish ay *natapos nang 10 araw lamang mula sa Hamburg. Isinulat ng isang mananalaysay, “Ang isang tagapagligtas na katulad ni Moises na hindi kailanman nakatuntong sa lupang pangako ay si Jens Andersen ng [Veddum], Aalborg, na tumulong sa hindi kukulangin sa animnapu sa kanyang mga kasamahan na mandarayuhan; namatay siya sa Hilagang Dagat noong 1862 pagkatapos lisanin ang [Germany].”1
Ang Layunin ng Mortalidad
Sulit ba ang sakripisyo ng pamilya Andersen—na iniwan ang kanilang komportableng sakahan at nawalan ng mapagmahal na asawa at ama? Sigurado ako na ang isasagot ng mundo ay hindi. Ngunit ang mundo ay kulang sa pananampalataya, pag-unawa sa hinaharap, at “walang-hanggang pananaw”2 na iniaalok ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang pananaw na iyan ay tumutulong sa atin na maunawaan ang ating mortal na buhay at ang maraming pagsubok nito. Nahaharap tayo sa takot, pagtataksil, tukso, kasalanan, kawalan, at kalungkutan. Ang sakit, kalamidad, depresyon, at kamatayan ay sumisira sa ating mga pangarap. Kung minsan, ang ating mga pasanin ay tila mas matindi kaysa makakaya nating tiisin.
“Bagama’t [magkakaiba] ang mga detalye, dumarating sa ating lahat ang mga trahedya, di-inaasahang mga hamon at pagsubok, kapwa sa pisikal at sa espirituwal dahil ito ang mortalidad,” sabi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol. Dagdag pa niya: “Naghahanap tayo ng kaligayahan. Nangangarap tayo ng kapayapaan. Umaasam tayo ng pagmamahal. At binubuhusan tayo ng Panginoon ng kamangha-mangha at saganang mga pagpapala. Ngunit kasabay ng kagalakan at kaligayahan, isang bagay ang tiyak: magkakaroon ng mga sandali, oras, araw, kung minsa’y maraming taon na masusugatan ang inyong kaluluwa.”3
Tinitikman natin ang pait upang manamnam ang tamis (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:39). Sa mga salita ng propetang si Isaias, tayong lahat ay pinadalisay—at pinili—“sa hurno ng kapighatian” (Isaias 48:10).
Ang Pangako ng Pagbabayad-sala
Ang pagdurusa ay bahagi ng “dakilang plano ng kaligayahan” ng Ama (Alma 42:8; tingnan din sa 2 Nephi 2:11). Ngunit ang sentro sa planong iyan ay ang kapanatagan at pag-asa na nagmumula sa “dakila at maluwalhating Pagbabayad-sala.”4 Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, dumating si Jesucristo upang sagipin tayo. (Tingnan sa Alma 36:3.)
Ang Tagapagligtas ay “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay” (Doktrina at mga Tipan 88:6) upang madala Niya sa Kanyang sarili ang ating mga paghihirap at pagkakamali. Alam Niya kung paano maglingkod sa atin nang may lubos na pang-unawa kung saan tayo nasasaktan at bakit ito masakit.
“Dahil dinanas na ng Tagapagligtas ang lahat ng bagay na maaari nating madama o maranasan, matutulungan Niyang gawing mas malakas ang mahina,” sabi ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan. “Personal Niyang dinanas ang lahat ng ito. Nauunawaan Niya ang ating [pasakit] at tutulungan tayo maging sa pinakamahihirap nating sandali.”5
Kaya nga maiaangkla natin ang ating lubos na pag-asa sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
“Ang ating mundo ay mapaghanap ng mali at mapangutya—isang mundo na lubos na walang pag-asa kay Jesucristo [at maging] sa plano ng Diyos para sa kaligayahan ng tao,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson. “Bakit may gayong pagtatalo at kalungkutan sa daigdig? Simple lang ang dahilan. Kung walang pag-asa kay Cristo, walang pagkilala sa banal na plano para sa pagtubos ng sangkatauhan. Kung wala ang kaalamang iyan, nagkakamali ang mga tao sa paniniwala na ang buhay ngayon ay susundan ng paglaho kinabukasan—na ang kaligayahan at pagsasama ng pamilya ay panandalian lamang.”6
Nakasusumpong ako ng pag-asa at paggaling kay Jesucristo kapag dumadalo ako sa templo at nakikinig sa mga salita ng mga buhay na propeta. Napapanatag ako kapag pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan na nagpapatotoo sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Kapag “sadyang kaygulo ng lahat” sa buhay na ito,7 bumaling sa tinatawag kong “proteksyong mga banal na kasulatan.” Narito ang ilan sa aking mga paborito:
Lumang Tipan
-
“Lulunukin niya ang kamatayan magpakailanman at papahirin ng Panginoong Diyos ang mga luha sa lahat ng mga mukha” (Isaias 25:8).
-
“Tunay na kanyang pinasan ang ating mga karamdaman. … Siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsuway, siya’y binugbog dahil sa ating mga kasamaan; ipinataw sa kanya ang parusa para sa ating kapayapaan, at sa pamamagitan ng kanyang mga latay ay gumaling tayo” (Isaias 53:4–5).
Bagong Tipan
-
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan” (Mateo 11:28).
-
“Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa pag[-]uusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan.” (Juan 16:33).
Aklat ni Mormon
-
“At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:12).
-
“At ano ito na inyong aasahan? Masdan, sinasabi ko sa inyo na kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, na ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan, at ito ay dahil sa inyong pananampalataya sa kanya alinsunod sa pangako” (Moroni 7:41).
Doktrina at mga Tipan
-
“Kaya nga, magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo; at magpapatotoo kayo sa akin, maging si Jesucristo, na ako ang Anak ng buhay na Diyos, na ako ang noon, na ako ang ngayon, at na ako ay paparito” (Doktrina at mga Tipan 68:6).
-
“Dahil dito, huwag matakot maging sa kamatayan; sapagkat sa daigdig na ito ang inyong kagalakan ay hindi lubos, subalit sa akin ang inyong kagalakan ay lubos” (Doktrina at mga Tipan 101:36).
Ang mga ito at ang isang tomo ng iba pang mga talata ay nagpapatotoo, sa mga salita ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, sa “pangako ng pagbabayad-sala ni Cristo.”8
Ang mga Pakiusap ng Isang Propeta
Kapag nauunawaan natin ang mahalagang papel na ginagampanan ng Tagapagligtas sa ating kaligayahan ngayon at sa daigdig na darating, nauunawaan natin kung bakit nagsusumamo sa atin si Pangulong Nelson na gawin Siyang espirituwal na pundasyon ng ating buhay:
“Sumasamo ako sa inyo na maglaan ng panahon para sa Panginoon! Patibayin at gawing hindi matitinag sa pagdaan ng mga panahon ang inyong pundasyon sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na magtutulot na tuwina ninyong makasama ang Espiritu Santo.” Ang paglalaan ng oras para sa Panginoon, dagdag pa ni Pangulong Nelson, ay kinapapalooban ng paglalaan ng “panahon para sa Panginoon sa Kanyang banal na bahay” sa pamamagitan ng paglilingkod at pagsamba sa templo.9
“Sa bawat isa sa inyo na gumawa na ng mga tipan sa templo, nakikiusap ako sa inyo na hangarin—nang may panalangin at palagian—na maunawaan ang mga tipan at ordenansa sa templo. …
“… Anumang uri ng problema ang dumating sa inyong buhay, ang pinakaligtas na lugar para sa espirituwal ay pamumuhay ayon sa inyong mga tipan sa templo!
“Mangyaring paniwalaan ako na kapag matibay na nakatayo ang inyong espirituwal na pundasyon kay Jesucristo, hindi kayo kailangang matakot.”10
Inanyuan sa Kanyang mga Palad
Ano ang nangyari kina Ane Catherine at sa kanyang anak na si Andrew? Nawalan ba sila ng pag-asa at bumalik sa Denmark matapos ang kanilang malungkot na anim na linggong paglalakbay papunta sa New York City? Hindi. Umaasa sa kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa plano ng kaligtasan, at nagtitiwala sa Diyos, buong tapang silang nagpatuloy sa paglalakbay sakay ng tren, bapor, at mga bagon. Nakarating sila sa Salt Lake Valley noong Setyembre 3, 1862, at sumama sa pagtatayo ng Sion.
Nanirahan sila sa Ephraim, Utah, kung saan nag-asawa si Andrew at nagsimulang magpamilya. Kalaunan, inilipat ni Andrew ang kanyang pamilya, pati na ang kanyang ina, sa Lehi, Utah, kung saan siya naging matagumpay na magsasaka, empleyado sa bangko, at alkalde. Naglingkod siya sa misyon nang tatlong taon sa kanyang bansang sinilangan, mahigit dalawang dekada sa bishopric, at mahigit tatlong dekada sa high council o sa high priests quorum. Tatlo sa kanyang mga anak na lalaki ang nagmisyon sa Denmark at Norway.
Sa pananaw ng mundo, hindi natin nakikita ang maluwalhating wakas mula sa malungkot na simula. Ngunit taglay ang pananampalataya kay Cristo, makakaasa tayo sa hinaharap nang may pag-asa. At maaari nating panghawakan ang pangako na inaalala at ginagantimpalaan ng Panginoon ang Kanyang matatapat na Banal, kabilang na sina Jens, Ane Catherine, at Andrew. Naalala sila ng Panginoon, at naaalala Niya tayo. Ipinangako Niya:
“Ngunit hindi kita kalilimutan.
“Narito, aking inanyuan ka sa mga palad ng mga kamay ko” (Isaias 49:15–16).