May mga Tanong ang Kaibigan Ko tungkol sa Ebanghelyo: Paano Kung Hindi Ko Alam ang mga Sagot?
Hindi ko alam kung may mga sagot ako na makakatulong sa roommate ko, pero tinulungan ako ng Espiritu na mahanap ang mga sagot na kailangan ko.
“Palagay ko’y hindi ko pa nadama ang Espiritu o ang pagmamahal ng Diyos sa akin.”
Lungkot na lungkot ako sa mga salitang ito na nagmula sa roommate ko sa kolehiyo. Nasa gitna kami ng talakayan tungkol sa ebanghelyo kung saan parang mas marami siyang tanong kaysa kaya kong sagutin.
Paano ko maipaliliwanag kung paano ko nadama ang pagmamahal ng Diyos sa isang taong nag-iisip na hindi niya kailanman nadama iyon? Paano ko siya matutulungang mahanap ang mga sagot sa mga tanong tungkol sa ebanghelyo samantalang hindi ko rin alam ang lahat ng sagot? Paano kung magbahagi ako ng isang bagay na maaaring hindi niya maunawaan?
Desperadong matulungan siya, tahimik akong humingi ng tulong sa panalangin. Habang patuloy ang pag-uusap namin, maraming talata sa banal na kasulatan tungkol sa isang paksa ang biglang pumasok sa isipan ko (napakalaki ng pasasalamat ko sa pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan at sa institute class sa sandaling iyon). Napuspos ng napakaraming katotohanan ang aking puso’t isipan kaya naisip kong ibahaging lahat iyon sa kanya dahil gustung-gusto ko siyang bigyan ng katibayan at kumbinsihin sa katotohanan ng ebanghelyo. Pero nadama ko na hinihikayat ako ng Espiritu na pumili lamang ng ilang bagay na ibabahagi na angkop sa kanyang mga tanong.
Ibinahagi ko sa kanya ang ilan sa sarili kong mga karanasan para magbigay ng konteksto sa mga sagot ko, at sa paraang ito, nagawa ko ring magpatotoo. May ilang tanong na hindi ko nadama na dapat kong sagutin, at inamin ko sa kanya na hindi ko alam ang lahat, pero sumasampalataya ako.
Nakadarama ng Kakulangan
Parang naging matagumpay ang pag-uusap namin, pero buong magdamag kong pinagdudahan ang mga pagsisikap ko. Nakadama ako ng kakulangan; hindi ko talaga alam ang lahat ng sagot at pakiramdam ko’y hindi sapat ang nagawa ko para matulungan siya.
Pero bago ako natulog, binasa ko ang Doktrina at mga Tipan 100. Napansin ko ang mga talata 6 at 7. Sabi roon:
“Sapagkat ibibigay sa inyo sa mga oras na yaon, oo, sa sandali, kung ano ang inyong sasabihin.
“… Kayo ay magpahayag ng anumang bagay na inyong ipahahayag sa pangalan ko, sa kataimtiman ng puso, sa diwa ng kaamuan, sa lahat ng bagay.”
Pinagnilayan ko ang pag-uusap namin at talagang namangha ako sa bilis ng pagdating sa akin ng mga talata sa banal na kasulatan at ng mga sipi. Nangusap ang Espiritu sa puso ko, at alam kong inakay Niya akong malaman kung ano ang sasabihin ko. Nakadama ako ng tiwala na nakasagot ako “sa kataimtiman ng puso, sa diwa ng kaamuan.” Alam ko na tama na pinigilan ko ang sarili ko sa pagtatangkang gumamit ng mga katotohanan at katibayan para kumbinsihin siya at ibahagi lamang ang mga katotohanang inakala kong dapat niyang marinig sa oras na iyon.
Natulungan ako ng karanasang ito na matanto kung gaano kalaki ang malasakit ng Diyos sa roommate ko at sa ating lahat.
Makakaasa Tayo sa Espiritu sa Pagbabahagi ng Katotohanan
Ang pag-uusap na ito ay maaaring walang anumang nabago sa kanyang buhay, pero nakagawa ito ng kaibhan sa akin. Hindi ko inasahan na aakayin ng aking mga salita ang roommate ko sa isang agaran at matibay na patotoo. At hindi nga nangyari iyon. Pero alam ko na mas nauunawaan na niya ngayon ang ilang aspeto ng ebanghelyo at mas payapa ang pakiramdam niya.
Alam ko na hindi perpekto ang mga sagot ko. Pero alam ko rin na kilala at mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa Kanyang mga anak, at inakay Niya akong sabihin kung ano ang lubos na makakatulong sa kanya. Sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang pakikinig lamang sa mga salita ng doktrina ay maaaring magpunla ng binhi ng pananampalataya sa puso.”1
Kaya kahit may mga tanong pa rin ang roommate ko, maaaring mapalago at mapatatag ng mga katotohanang ibinahagi ko sa kanya ang kanyang patotoo nang higit pa sa malalaman ko. At para sa akin, ang pagbabahagi ng mga katotohanang iyon ay nagpatibay sa aking patotoo kung gaano kamahal ng Diyos ang Kanyang mga anak. Alam ko na kapag naglakas-loob tayong ibahagi ang nilalaman ng ating puso at umasa tayo sa Espiritu, gagabayan Niya tayong malaman kung ano ang sasabihin para maibahagi ang pagmamahal at liwanag ni Jesucristo sa kahit kanino, lalo na sa mga naghahanap ng katotohanan.